Ang Paglalakbay Patungo sa Kabilang Buhay (bahagi 2 ng 8): Ang Mananampalataya sa Loob ng Libingan
Paglalarawanˇ: Isang paglalarawan ng buhay sa libingan sa pagitan ng kamatayan at ng Araw ng Paghuhukom para sa mga tapat na mananampalataya.
- Ni Imam Mufti (co-author Abdurrahman Mahdi)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 22
- Tumingin: 10,417 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Mundo ng Libingan
Ngayon ay atin namang tutunghayan sandali ang paglalakbay ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan. Ito ay tunay na kamangha-manghang kwento, higit sa lahat dahil ito ay totoo at isang bagay na lahat tayo ay dapat pag-ukulan. Ang napakalalim na kaalaman natin patungkol sa paglalakbay na ito, ang katumpakan at detalye nito, ay isang palatandaan na si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay tunay na Huling Sugo ng Diyos sa sangkatauhan. Ang kapahayagan na natanggap niya at pagkatapos ay ipinabatid sa atin mula sa Kanyang Panginoon ay malinaw sa paglalarawan nito ng kabilang buhay sa kumpleto at malawak nitong saklaw. Ang ating sulyap sa kaalamang ito ay magsisimula sa isang maikling pagsusuri sa paglalakbay ng kaluluwa ng mananampalataya mula sa sandali ng kamatayan hanggang sa huling kapahingahan nito sa Paraiso.
Kapag ang isang mananampalataya ay malapit nang umalis sa mundong ito, ang mga anghel na may mapuputing mukha ay bumababa mula sa langit at nagsasabi:
"O payapang kaluluwa, ika'y lumabas sa kapatawaran mula sa Diyos at sa Kanyang pagkalugod." (Hakim at iba pa)
Ang mananampalataya ay mag-aasam na makatagpo ang kanyang Tagapaglikha, tulad ng ipinaliwanag ng Propeta, ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya nawa:
"…kapag ang oras ng kamatayan ng isang mananampalataya ay papalapit na, kanyang natatanggap ang mabuting balita ng pagkalugod sa kanya ng Diyos at ang Kanyang pagpapala sa kanya, at sa oras na iyon ay wala nang mas mahalaga sa kanya kaysa sa kung ano ang nakalaan para sa kanya. Kaya nga ibig niyang makatagpo ang Diyos, at ang Diyos ay ibig na makatagpo siya." (Saheeh Al-Bukhari)
Ang kaluluwa ay mapayapang lumalabas mula sa kanyang katawan tulad ng patak ng tubig na lumalabas mula sa lalagyan ng tubig na gawa sa balat ng hayop, at ang mga anghel ay hawak ito:
Malumanay na kinukuha ito ng mga anghel, na nagsasabi:
"…Huwag kayong mangamba at huwag malumbay, datapuwa't iyong tanggapin ang magandang balita ng Paraiso na sa iyo ay ipinangako. Kami ang iyong naging mga kapanalig sa buhay sa mundong ito at [gayundin] sa Kabilang Buhay, at dito ay mapapasaiyo ang lahat ng inyong maibigan, at dito ay mapapasaiyo ang lahat ng iyong hihilingin [o minimithi], na isang mabiyayang gantimpala mula sa ang Lagi nang Nagpapatawad at ang Pinakamaawain." (Quran 41:30-32)
Kapag nakuha na mula sa katawan, binabalot ng mga anghel ang kaluluwa sa isang tela na amoy musk at inaakyat sa langit. At pagkabukas ng mga Tarangkahan ng Kalangitan, ang mga anghel ay bumabati rito:
"Isang mabuting kaluluwa ang dumating mula sa lupa, nawa'y pagpalain ka ng Diyos at ang katawan na dati mong tinatahanan."
…ipinakikilala siya sa mga pinakamainam na pangalan na itinawag sa kanya sa buhay na ito. Ipinag-uutos ng Diyos ang kanyang "aklat" na maitala, at ang kaluluwa ay ibabalik sa mundo.
Pagkatapos ay mananatili ang kaluluwa pansamantala sa isang lugar ng limbo sa libingan nito, na tinatawag na Barzak, na naghihintay sa Araw ng Paghuhukom. Dalawang nakakatakot, mababagsik na mga anghel na tinawag na Munkar at Nakeer ang bibisita sa kaluluwa upang tanungin siya tungkol sa kanyang relihiyon, sa Diyos, at sa propeta. Ang kaluluwang mananampalataya ay matuwid na uupo sa libingan nito habang binibigyan ito ng Diyos ng lakas upang sagutin ang mga anghel ng buong pananampalataya at katiyakan.[1]
Munkar at Nakeer: "Ano ang iyong relihiyon?"
Kaluluwang Mananampalataya: "Islam."
Munkar at Nakeer: "Sino ang iyong Panginoon?"
Kaluluwang Mananampalataya: "Allah."
Munkar at Nakeer: "Sino ang iyong Propeta?" (o "Ano ang iyong masasabi sa taong ito?")
Kaluluwang Mananampalataya: "Muhammad."
Munkar at Nakeer: "Paano mo nalaman ang mga bagay na ito?"
Kaluluwang Mananampalataya: "Binasa ko ang Aklat ni Allah (ang Quran) at ako ay nanampalataya."
Pagkatapos, kapag ang kaluluwa ay pumasa sa pagsubok, isang tinig mula sa kalangitan ang tatawag:
"Ang Aking alipin ay nagsabi ng katotohanan, bigyan siya ng mga kasangkapang mula sa Paraiso, bihisan siya ng mula sa Paraiso, at magbukas ng isang tarangkahan para sa kanya sa Paraiso."
Ang libingan ng mananampalataya ay gagawing malawak at maluwang at puno ng ilaw. Ipapakita sa kanya kung ano sana ang magiging tahanan niya sa Impiyerno - kung namuhay siya na isang suwail na makasalanan - bago buksan ang lagusan para sa kanya tuwing umaga at gabi na ipinapakita sa kanya ang kanyang tunay na tahanan sa Paraiso. Tuwang-tuwa at puno ng masayang pag-asam, ang mananampalataya ay patuloy na magtatanong: ‘Kailan darating ang Oras (ng Pagkabuhay)?! Kailan darating ang Oras?!’ hanggang sa siya ay sabihang huminahon.[2]
Magdagdag ng komento