Ang mga Pakinabang ng Pagpasok sa Islam (bahagi 2 ng 3)
Paglalarawanˇ: Bakit dapat kang magbalik-loob sa Islam nang walang pag-aantala.
- Ni Aisha Stacey (© 2011 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 10
- Tumingin: 9,641 (araw-araw na pamantayan: 6)
- Nag-marka: 60
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Maraming tao sa buong mundo ang naglalaan ng maraming oras sa pagbabasa at pag-aaral ng mga prinsipyo ng Islam; binabasa nila ang mga salin ng kahulugan ng Quran at mga pangyayari sa buhay at panahon ng Propeta Muhammad (mapasakanya ang kapayapaan at pagpapala ng Tagapaglikha). Marami ang nangangailangan lamang ng isang sulyap sa Islam at nagbabalik-loob agad. Ang iba ay nakilala na ang katotohanan ngunit naghintay, at naghintay at patuloy na naghihintay, minsan hanggang sa punto ng paglalagay ng kanilang kabilang-buhay sa kapahamakan. Kaya ngayon ipagpapatuloy natin ang ating talakayan sa, kung minsa'y hindi masyadong napapansin na pakinabang ng pagpasok sa Islam.
“At sinumang humanap ng ibang relihiyon bukod sa Islam, ito ay hindi tatanggapin mula sa kanya, at sa kabilang buhay siya ay kabilang sa mga talunan.” (salin ng kahulugan ng Quran 3:85)
5. Ang pagpasok sa Islam ay ang unang hakbang sa pagtatatag ng pang habang-buhay na koneksyon sa Tagapaglikha.
Ang bawat miyembro ng lipi ng tao ay isinilang na may likas na pagkilala na ang Diyos ay Nag-iisa. Sinabi ni Propeta Muhammad (mapasakanya ang pagpapala at kapayapaan) na ang bawat bata ay ipinanganak sa isang estado ng fitrah[1], na may tamang pag-unawa sa Diyos.[2]Ayon sa Islam ito ay isang likas na estado ng isang nilikha, likas na nalalaman na may Tagapaglikha at likas na pagnanais na sumamba at gumawa ng kalugod-lugod sa Kanya.Gayunpaman ang mga hindi nakakakilala sa Diyoso di nagtatag ng relasyon sa Kanya ay matatagpuan ang pag-iral na nakalilito at minsa'y nakakapagpabagabag. Para sa marami, ang pagpapapasok nila sa Diyos sa kanilang buhay at pagsamba sa Kanya sa paraan na kalugod-lugod sa Kanya ay nagbibigay ng bagong kahulugan sa buhay.
“Walang alinlangan, matatagpuan sa pag-alaala sa Allah ang kapanatagan ng mga puso.” (salin ng kahulugan ng Quran 13:28)
Sa pamamagitan ng mga gawaing pagsamba tulad ng pagdarasal at panalangin, nagsisimulang maramdaman ng isang tao na malapit ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang kaalaman at karunungan.Ang isang mananampalataya ay ligtas sa kaalaman na ang Diyos,ang Pinaka Kataas-taasan, ay nasa itaas ng mga kalangitan, at napapanatag sa katotohanan na Siya ay kasama nila sa lahat ng kanilang mga gawain.Ang isang Muslim ay hindi kailanman nag-iisa.
“Nababatid Niya ang anumang pumapasok sa kalupaan at ang anumang lumalabas mula rito at ang anumang bumababa mula sa kalangitan at ang anumang umaakyat patungo rito. At Siya ay nasa sa inyo [sa pamamagitan ng Kanyang Karunungan] saan man kayo naroroon. At Siya ay Lubos na Nakakikita sa anumang inyong ginagawa.” (salin ng kahulugan ng Quran 57:4)
6. Ang pagpasok sa Islam ay naghahayag ng habag at kapatawaran ng Diyos sa Kanyang nilikha.
Bilang mahinang mga tao, madalas tayo ay nakakaramdam ng pagkaligaw at pag-iisa. Saka tayo bumabaling sa Diyos at humihingi sa Kanyang na Habag at Kapatawaran. Kapag bumaling tayo sa Kanya nang may tunay na pagsubmita, ang Kanyang kapayapaan ay bumababa sa atin. Pagkatapos ay nararamdaman natin ang kalidad ng Kanyang habag at nakikita natin itong ipinapahayag sa mundong nakapaligid sa atin. Gayunpaman, upang sumamba sa Diyos, kailangan nating makilala Siya. Ang pagpasok sa Islam ay nagbubukas ng daanan sa kaalamang ito, kasama na ang katotohanan na ang kapatawaran ng Diyos ay walang hangganan.
Maraming tao ang nalilito o nahihiya sa maraming kasalanan na nagawa nila sa kanilang buhay.Ang pagpasok sa Islam ay ganap na nililinis ang mga kasalanan na iyon; na parang hindi iyon nangyari. Ang isang bagong Muslim ay kasing puro ng isang bagong silang na sanggol.
“Sabihin mo sa mga di-naniwala, [na] kung sila ay magsisitigil, ang anumang naunang nangyari noon ay patatawarin para sa kanila. Nguni't kung sila ay nagsibalik [sa kapalaluan], samakatuwid, ang sumunod sa nauna [mga mapaghimagsik na] tao ay naganap na.” (salin ng kahulugan ng Quran 8:38)
Kung sakali pagkatapos ng pagpasok sa Islam, ang isang tao ay gumawa ng mas maraming mga kasalanan; ang pintuan tungo sa kapatawaran ay nananatiling malawak na bukas.
“O kayong mga naniwala, magbalik-loob kayo sa Allah nang may tapat na pagsisisi. Maaaring pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papasukin sa mga hardin na sa ilalim nito ay may mga ilog na umaagos (Paraiso)…” (salin ng kahulugan ng Quran 66:8)
7. Ang pagpasok sa Islam ay nagtuturo sa atin na ang mga pagsubok at pagsusulit ay bahagi ng kalagayan ng tao.
Kapag ang isang tao ay pumasok sa Islam, nagsisimula niyang maunawaan na ang mga pagsubok, mga paghihirap, at mga tagumpay sa buhay na ito ay hindi basta basta na mga gawa ng isang malupit at hindi organisadong sansinukob. Naiintindihan ng isang tunay na mananampalataya na ang pag-iral natin ay bahagi ng isang nasa mahusay na pagkakasaayos na mundo, at ang buhay ay naisisiwalat sa eksaktong paraan ng Diyos, sa Kanyang walang hanggan na karunungan, Kanyang itinalaga.
Sinasabi sa atin ng Diyos na tayo ay susubukin at pinapayuhan Niya tayong dalhin ang ating mga pagsubok at paghihirap nang may pagpapasensya. Ito ay mahirap unawain maliban kung ang isa ay tinanggap ang Kaisahan ng Diyos, ang relihiyon ng Islam, kung saan binigyan tayo ng Diyos ng malinaw na mga patnubay kung paano kikilos kapag nahaharap sa mga pagsubok at pagdurusa.Kung sinusunod natin ang mga patnubay na ito, na matatagpuan sa Quran at ang tunay na mga sinabi ni Propeta Muhammad (mapasakanya ang pagpapala at kapayapaan ), may posibilidad na makakayanan natin ang mga pagsubok nang may kadalian at maging mapagpasalamat pa.
“At katiyakan, kayo ay Aming susubukan sa mga bagay na nakakapangamba, gutom, kawalan ng yaman, buhay at mga pananim, subalit magbigay ng magandang balita para sa mga matiisin.” (salin ng kahulugan ng Quran 2:155)
Sinabi ni Propeta Muhammad (mapasakanya ang pagpapala at kapayapaan), “Ang isang tao ay susuriin ayon sa antas ng kanyang katapatan sa relihiyon, at ang mga pagsubok ay patuloy na makakaapekto sa isang mananampalataya hanggang sa siya ay maiwan na lumalakad sa ibabaw ng lupa na walang pasanin ng kasalanan o anuman”.[3]Alam ng isang Muslim na may katiyakan na ang mundong ito, ang buhay na ito, ay hindi hihigit sa isang lumilipas na lugar, isang hintuan sa paglalakbay patungo sa ating buhay na walang hanggan sa apoy ng impyerno o sa Paraiso. Ang harapin ang Tagapaglikha nang walang pasanin na kasalanan ay isang kamangha-manghang bagay, tiyak na sulit ang mga pagsubok na darating sa atin.
Sa susunod na artikulo ay tatapusin natin ang pagtatakakay na ito sa pamamagitan ng pagbanggit na ang Islam ay pamamaraan ng pamamahala ng buhay. Malinaw na tinukoy nito ang mga karapatan, obligasyon at responsibilidad na mayroon tayo sa ibang mga tao, at ang ating pangangalaga sa mga hayop at kalikasan.Ang Islam ay naglalaman ng mga sagot sa lahat ng mga katanungan sa buhay, malaki man o maliit.
Magdagdag ng komento