Ang Paglalakbay Patungo sa Kabilang Buhay (bahagi 3 ng 8): Ang Mananampalataya sa Araw ng Paghuhukom
Paglalarawanˇ: Ano ang mararanasan ng mga mananampalataya sa Araw ng Pag-susulit, at ilan sa mga katangian ng matatapat na magpapadali o gaan ng kanilang pagtawid papunta sa mga pintuan ng Paraiso.
- Ni Imam Mufti (co-author Abdurrahman Mahdi)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 21
- Tumingin: 10,558 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Araw ng Paghuhukom
“Sa Araw na iyon, ang tao ay tatakas mula sa kanyang sariling kapatid; sa kanyang ina at sa kanyang ama; sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Sapagkat sa Araw na iyon, ang bawat tao ay mababahala lamang sa kanyang sarili at hindi makakapagbigay ng pansin sa iba.” (Quran 80:34-7)
Ang Oras ng Pagkabuhay na Mag-uli ay isang kakila-kilabot, at kagila-gilalas na kaganapan. Gayunpaman, sa kabila ng kagimbalan nito, ang mananampalataya ay malulubos ang kasiyahan, tulad ng pagkakahayag ni Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala, mula sa kanyang Panginoon:
Sinabi ng Diyos, “Sa pamamagitan ng Aking Kaluwalhatian at Kamahalan, hindi Ko bibigyan ang Aking alipin ng dalawang mga kapanatagan at dalawang mga pagkatakot. Kung sa pakiramdam niya sa mundo ay ligtas mula sa Akin[1], ilalagay Ko sa kanya ang takot sa Araw na titipunin Ko ng sama-sama ang Aking mga alipin; at kung kinatakutan niya Ako sa mundo, ay ipararamdam Ko sa kanya na ligtas siya sa Araw na titipunin Ko ng sama-sama ang Aking mga alipin.”[2]
"Walang alinlangan, sa mga kapanalig ng Diyos ay walang pangamba na sasapit sa kanila, gayundin sila ay hindi malulumbay: sila na sumasampalataya at may pagkatakot sa Diyos (sa buhay na ito); sasakanila ang Mabuting Balita dito sa mundo at sa Kabilang Buhay. Walang mababago sa mga salita ng Diyos. Ito ang tunay na dakilang tagumpay." (Quran 10:62-64)
Kapag ang lahat ng tao na nilikha ay tinipon na nakatayong hubad at hindi tuli sa isang napakalawak na kapatagan sa ilalim ng matinding nakakapasong init ng Araw, isang piling pangkat ng mga relihiyosong kalalakihan at kababaihan ay lililiman sa ilalim ng Trono ng Diyos. Hinulaan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) kung sino ang mga magiging mapapalad na mga kaluluwang ito, sa Araw na iyon na walang ibang lilim na makukuha:[3]
·isang makatarungang pinuno na hindi inabuso ang kanyang kapangyarihan, ngunit itinatag ang hustisya na may banal na pahayag sa mga tao
·isang binata na lumaking sumasamba sa kanyang Panginoon at nagtimpi sa kanyang mga pagnanasa upang manatiling malinis
·sila na ang mga puso ay nakakapit sa mga Moske, na nagnanais na bumalik sa tuwing sila ay aalis
·sila na may pagmamahalan sa isa't-isa alang-alang sa Diyos
·silang mga tinukso ng mga mapang-akit na magagandang babae, ngunit ang kanilang takot sa Diyos ay pumigil sa kanila na magkasala
·ang taong gumugol sa kawanggawa nang taimtim para sa kapakanan ng Diyos, na pinapanatiling lihim ang kanilang kawanggawa
·ang taong umiyak sa takot sa Diyos sa kanyang pag-iisa
Ang mga natatanging gawaing pagsamba ay magpapanatili ring ligtas sa mga tao sa araw na iyon, ang mga iyon ay:
·mga pagsisikap sa mundong ito upang maibsan ang mga problema ng nabalisa, tumulong sa mga nangangailangan, at patawarin ang mga pagkakamali ng iba ay makapapawi sa sariling pagkabagabag ng mga tao sa Araw ng Paghuhukom[4]
·pagbibigay-luwag sa mga nagkakautang[5]
·ang makatarungan na patas sa kanilang mga pamilya at mga bagay na ipinagkatiwala sa kanila[6]
·pagtitimpi sa galit[7]
·sinumang nananawagan sa panalangin[8]
·tumatanda habang nasa kalagayan ng Islam[9]
·pagsasagawa ng ritwal na paghuhugas (wudu’) nang palagian at nasa tama[10]
·silang mga nakipaglaban na kaagapay ni Hesus na anak ni Maria laban sa Anti-Kristo at ng kanyang hukbo[11]
·pagkamartir
Dadalhin ng Diyos ang mananampalataya sa malapit sa Kanya, pasisilungin siya, tatakpan, at tatanungin siya tungkol sa kanyang mga kasalanan. Matapos aminin ang kanyang mga kasalanan ay aakalain niyang siya'y mapapahamak, subalit sasabihin ng Diyos:
"Itinago ko ito sa mundo para sa iyo, at pinatawad ko ito para sa iyo sa Araw na ito."
Siya ay pagagalitan dahil sa kanyang mga pagkukulang,[12] ngunit pagkatapos ay ibibigay ang kanyang talaan ng mabubuting gawa sa kanyang kanang kamay.[13]
"At sinuman ang bibigyan ng kanyang talaan sa kanyang kanang kamay, katiyakan na tatanggap siya ng magaan na pagsusulit at siya ay magbabalik sa kanyang pamayanan na lubhang nagagalak." (Quran 84:7-8)
Masaya niyang titingnan ang kanyang talaan, na ipapahayag ang kanyang kagalakan:
"Kaya't sa kanya na ibinigay ang kanyang talaan sa kanyang kanang kamay, siya ay magsasabi, ‘Tingnan ninyo, basahin ang aking talaan! Tunay ngang natitiyak ko na aking kakaharapin ang aking pagsususulit.’ Sa gayon siya ay mapupunta sa magandang buhay–sa mataas na Halamanan, na [ang mga bunga] ay abot-kamay sa pagpitas. [Siya ay sasabihan], ‘Kumain at uminom nang ganap na nasisiyahan bilang gantimpala sa iyong ginawa sa mga panahong nagdaan.’" (Quran 69:19-24)
Ang talaan ng mabubuting gawa ay literal na titimbangin, upang matukoy kung hihigit ba ito sa talaan ng masasamang nagawa ng isang tao, at ng sa gayon ang gantimpala o parusa ay maigawad nang naaayon.
"At itatatag Namin ang timbangan ng katarungan sa Araw ng Pagkabuha, kaya't walang sinuman ang tuturingan ng walang katarungan sa lahat ng bagay. At kung mayroon [mang gawa] na katulad ng bigat ng isang buto ng mustasa, ito ay Aming itatambad. At Kami ay sapat na bilang Tagapagsulit." (Quran 21:47)
"Kaya't sinumang gumawa ng mabuting gawa na katumbas ng bigat ng isang atomo ay makakamalas nito (ang mga mabuting bunga ng kanyang ginawa)." (Quran 99:7)
"Ang pinakamabigat na bagay na ilalagay sa Timbangan ng isang tao sa Araw ng Pagkabuhay [pagkatapos ng patotoo ng Pananampalataya] ay mga mabubuting asal, at kinamumuhian ng Diyos ang malaswang imoral na tao." (Al-Tirmidhi)
Ang mga mananampalataya ay papawiin ang kanilang uhaw mula sa isang espesyal na imbakan ng tubig na nakalaankay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Sinumang uminom mula dito ay hindi na muling makakaranas ng pagkauhaw. Ang kagandahan nito, lawak nito, tamis, at masarap na lasa ay inilarawan nang detalyado ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).
Ang mga mananampalataya sa Islam – kapwa ang makasalanan sa kanila at ang matuwid – pati na rin ang mga mapagkunwari ay maiiwan sa napakalawak na kapatagan pagkatapos na dalhin ang mga hindi mananampalataya sa Impiyerno. Isang mahabang tulay na bumabagtas sa Impiyernong apoy at nababalot ng kadiliman ay naghihiwalay sa kanila mula sa Paraiso.[14]Ang matatapat ay kukuha ng lakas at aliw sa kanilang mabilis na pagtawid sa mga nag-aalab na apoy ng Impiyerno at sa 'ilaw' na ilalagay ng Diyos sa kanilang harapan, na pinapatnubayan sila sa kanilang walang hanggang tahanan:
"Sa Araw na iyong mapagmamasdan ang mga nananampalatayang lalaki at mga nananampalatayang babae, kung paano ang kanilang liwanag ay gumagalaw sa kanilang harapan at sa kanilang kanang kamay, [ito ay sasabihin], ‘Magandang balita sa inyo sa araw na ito! Mga halaman na sa ibaba nito ay may mga ilog na nagsisidaloy, upang kayo ay manirahan dito magpakailanman.’ Katotohanang ito ang pinakadakilang tagumpay." (Quran 57:12)
Panghuli, pagkatapos tumawid sa tulay, ang mga matatapat ay lilinisin bago sila ipasok sa Paraiso. Ang lahat ng mga marka sa pagitan ng mga mananampalataya ay aayusin upang walang sinuman ang magtatanim ng sama ng loob laban sa isa't-isa.[15]
Mga talababa:
[1] Sa kahulugan na hindi siya natatakot sa parusa ng Diyos at sa gayon ay nakagawa ng mga kasalanan.
[2]Silsila Al-Saheehah.
[3]Saheeh Al-Bukhari.
[4]Saheeh Al-Bukhari.
[5]Mishkat.
[6]Saheeh Muslim.
[7]Musnad.
[8]Saheeh Muslim.
[9]Jami al-Sagheer.
[10]Saheeh Al-Bukhari.
[11]Ibn Majah.
[12]Mishkat.
[13]Saheeh Al-Bukhari. Isang palatandaan na sila ay mula sa mga naninirahan sa Paraiso, na taliwas sa mga bibigyan ng kanilang talaan ng mga gawa sa kanilang kaliwang kamay o sa likuran.
[14] Saheeh Muslim.
[15]Saheeh Al-Bukhari
Magdagdag ng komento