Si Hesus, anak ni Maria (bahagi 4 ng 5): Tunay ba na Namatay si Hesus?
Paglalarawanˇ: Ang artikulong ito ay naglalarawan ng paniniwala ng Muslim tungkol kay Hesus at sa pagpapako sa krus. Tinatanggihan din nito ang paniniwala ng isang pangangailangan ng 'isang alay' upang mabayaran ang orihinal na kasalanan para sa sangkatauhan.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Aug 2011
- Nag-print: 6
- Tumingin: 8,000 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang ideya na si Hesus ay namatay sa krus ay sentro ng paniniwala ng mga Kristiyano. Kinakatawan nito ang pananalig na namatay si Hesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Ang pagpapako sa krus kay Hesus ay isang mahalagang doktrina sa Kristiyanismo; gayunpaman, tinatanggi ng mga Muslim ito nang lubusan. Bago ilarawan kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Muslim tungkol sa pagpapako kay Hesus, maaaring maging kapaki-pakinabang na maunawaan ang pananaw ng Islam sa paniniwala sa orihinal na kasalanan.
Nang kumain sina Adan at Eba mula sa ipinagbabawal na puno sa paraiso, hindi sila tinukso ng isang ahas. Ito ay si Satanas na niloko at hinikayat sila, kung saan ginawa nila ang kanilang sariling kagustuhan at gumawa ng maling paghatol. Si Eba ay hindi nagdadala ng pasanin sa pagkakamaling ito. Pareho, natanto nina Adan at Eba ang kanilang pagsuway, nakaramdam ng pagsisisi at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Ang Diyos, sa walang hanggan niyang awa at karunungan, ay pinatawad sila. Ang Islam ay walang konsepto ng orihinal na kasalanan; bawat tao ay may pananagutan sa kanyang sariling mga gawa.
“At walang nagdadala ng mga pasanin na magdadala sa mga pasanin ng iba”. (Quran 35:18)
Hindi na kinakailangan ng Diyos, o anak ng Diyos, o kahit isang Propeta ng Diyos na isakripisyo ang kanyang sarili para sa mga kasalanan ng sangkatauhan upang makamit ang kapatawaran. Tinatanggihan ng Islam ang pananaw na ito sa kabuuan. Ang pundasyon ng Islam ay nakasalalay sa pag-alam nang may katiyakan na wala dapat tayong sambahin kundi ang Diyos lamang. Ang kapatawaran ay nagmumula sa Isang Tunay na Diyos; kaya, kapag ang isang tao ay naghahanap ng kapatawaran, dapat siyang lumapit sa Diyos nang may pagtalima at tunay na pagsisisi at humingi ng kapatawaran, at mangako na huwag ulitin ang kasalanan. At saka pa lamang mapapatawad ang mga kasalanan.
Sa pananaw ng Islam tungkol sa orihinal na kasalanan at kapatawaran, makikita natin na itinuturo ng Islam na si Hesus ay hindi dumating upang magbayad para sa mga kasalanan ng sangkatauhan; sa halip, ang layunin niya ay muling pagtibayin ang mensahe ng mga Propeta na nauna sa kanya.
“.. Wala ng karapat dapat sambahin maliban sa Diyos, ang Isa at ang Tanging Tunay na Diyos…” (Quran 3:62)
Ang mga Muslim ay hindi naniniwala sa pagpapapako sa krus ni Hesus, at hindi rin sila naniniwala na siya ay namatay.
Ang Pagpapako sa Krus
Ang mensahe ni Hesus ay tinanggihan ng karamihan sa mga Israelita pati na rin ng mga awtoridad ng Roma. Ang mga mananampalataya ay binubuo ng isang maliit na grupo ng mga tagasunod sa paligid niya, na kilala bilang mga disipulo. Ang mga Israelita ay nagplano at nagsabwatan laban kay Hesus at gumawa ng isang plano upang siya ay patayin. Siya ay papatayin sa publiko, sa isang partikular na kaakit-akit na paraan, na kilala sa Imperyong Romano: crucifixion (pagpako sa krus).
Ang pagpapako sa krus ay itinuturing na isang nakakahiyang paraan upang mamatay, at ang mga "mamamayan" ng emperyong Romano ay malaya mula sa parusang ito. Ito ay dinisenyo upang hindi lamang pahabain ang paghihirap ng kamatayan, ngunit upang hiwa-hiwain ang katawan. Plinano ng mga Israelita ang nakakahiyang kamatayan na ito para sa kanilang Mesiyas - si Hesus, ang sugo ng Diyos. Ang Diyos sa kanyang walang hanggang awa ay humadlang sa kasuklam-suklam na pangyayaring ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mukha ni Hesus sa ibang tao at pag-angat kay Hesus nang buhay, katawan at kaluluwa, sa langit. Ang Quran ay tahimik tungkol sa eksaktong mga detalye ng kung sino ang taong ito, ngunit nalalaman at naniniwala tayo nang may katiyakan na hindi ito si Propeta Hesus.
Naniniwala ang mga Muslim na ang Quran at ang tunay na pagsasalaysay ni Propeta Muhammad ay naglalaman ng lahat ng kaalaman na kailangan ng sangkatauhan upang sumamba at mamuhay alinsunod sa mga utos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga maliliit na detalye ay hindi ipinaliwanag, ito ay dahil ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay hinatulan ang mga detalyeng ito na walang pakinabang sa atin. Ipinapaliwanag ng Quran, sa sariling mga salita ng Diyos, ang pagsasabwatan laban kay Hesus at sa Kanyang plano na higitan ang mga Israelita at iangat si Hesus sa langit.
“At nagplano silang patayin si Hesus at plinano din ng Diyos. At ang Diyos ang Pinakamahusay sa mga nagpaplano.” (Quran 3:54)
“At sa kanilang pagsasabi (na nagpaparangalan), “Aming pinatay ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ang Tagapagbalita ni Allah, datapuwa’t siya ay hindi nila napatay, gayundin naman, siya ay hindi nila naibayubay sa krus, datapuwa’t ang nailagay na lalaki ay kawangis ni Hesus (at kanilang napatay ang lalaking ito), at ang may pagkakahidwa (o ibang paniniwala) rito ay puspos ng alinlangan, na ang kaalaman ay walang (katiyakan); wala silang sinusunod maliban sa haka-haka, sapagkat katotohanang siya (alalaong baga, si Hesus na anak ni Maria), ay hindi nila napatay; Datapuwa’t itinaas siya (Hesus) sa (kanyang katawan at kaluluwa) ni Allah sa Kanyang piling (at si Hesus ay nasa kalangitan [ngayon]). At si Allah ay Lalagi nang Tigib ng Kapangyarihan, ang Puspos ng Kaalaman.” (Quran 4:157-158)
Hindi Namatay si Hesus
Ang mga Israelita at ang mga awtoridad ng Roma ay hindi nasaktan si Hesus. Malinaw na sinabi ng Diyos na iniakyat niya si Hesus sa Kanya at dinalisay sa kanya ang mga maling pahayag na ginawa sa pangalan ni Hesus.
“O Hesus! Ikaw ay Aking kukunin at Aking itataas sa Aking Sarili (sa Kanyang piling), at ikaw ay Aking dadalisayin (sa maling paratang at kasinungalingan, na siya ay nagsasabi na siya ay anak ni Allah) sa mga nagpaparatang...” (Quran 3:55)
Sa naunang taludtod, nang sinabi ng Diyos na "dadalhin" niya si Hesus, ginamit niya ang salitang mutawaffeeka. Kung walang malinaw na pag-unawa sa lawak ng wikang Arabe, at kaalaman sa mga antas ng kahulugan sa maraming salita, maaaring hindi maunawaan ang ipinakahulugan ng Diyos. Sa wikang Arabe ngayon ang salitang mutawaffeeka ay minsan ginagamit upang magpahiwatig ng kamatayan, o pagtulog. Sa talatang ito ng Quran, gayunpaman, ang orihinal na kahulugan ay ginagamit at ang pagiging malawak ng salita ay nagpapahiwatig na inangat ng Diyos si Hesus sa Kanyang sarili, ng ganap. Sa gayon, siya ay buhay sa kanyang pag-angat, katawan at kaluluwa, nang walang pinsala o depekto.
Naniniwala ang mga Muslim na si Hesus ay hindi patay, at siya ay babalik sa mundong ito sa mga huling araw bago ang Araw ng Paghuhukom. Sinabi ni Propeta Mohammad sa kanyang mga kasamahan:
“Ano ang mangyayari sayo kapag ang anak ni Maria, si Hesus ay bumaba sa inyo at hahatol sa mga tao sa pamamagitan ng Batas ng Quran at hindi sa batas ng Ebanghelyo.” (Saheeh Al-Bukhari)
Ipinapaalala sa atin ng Diyos sa Quran na ang Araw ng Paghuhukom ay isang Araw na hindi natin maiiwasan at binabalaan tayo na ang pag-baba ni Hesus ay isang tanda ng pagiging malapit nito.
“At siya, si Hesus , anak ni Maria ay magiging kilalang tanda para sa Oras. Samakatuwid walang pagdududa tungkol dito. At sumunod sa Akin! Ito ang Tuwid na Landas.” (Quran 43:61)
Samakatuwid, ang paniniwala ng Islam tungkol sa pagpapako sa krus at kamatayan ni Hesus ay malinaw. May balak na ipako sa krus si Hesus ngunit hindi ito nagtagumpay; Hindi namatay si Hesus, ngunit inangat sa langit. Sa mga huling araw hanggang sa Araw ng Paghuhukom, si Hesus ay babalik sa mundong ito at ipagpapatuloy ang kanyang mensahe.
Magdagdag ng komento