Propeta Jonas
Paglalarawanˇ: Ang Diyos ang nag-iisang mapagkukunan ng kaginhawaan para sa mga nagdurusa
- Ni Aisha Stacey (© 2009 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 15 Jun 2009
- Nag-print: 2
- Tumingin: 4,987 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Si Propeta Jonas[1] ay ipinadala sa isang komunidad sa Iraq. Ang kilalang iskolar ng Islam, na si ibn Kathir ay tinawag ito na Nineveh. Tulad ng nangyayari sa lahat ng mga Propeta ng Diyos si Jonas ay dumating sa Nineveh upang anyayahan ang mga tao na sumamba sa nag-iisang Diyos. Nagpahayag siya ng tungkol sa isang Diyos na malaya sa anumang mga katambal, anak, o kapantay sa mga tao at naki-usap sa mga tao na ihinto ang pagsamba sa mga idolo at paggawa ng masasamang pag-uugali. Gayunpaman, ang mga tao ay tumangging makinig, at sinubukan na huwag pansinin si Jonas at ang kanyang mga salita ng pagpapayo. Nasumpungan nila si Propeta Jonas na nakakainis.
Ang pag-uugali ng kanyang mga tao ay nagpayamut kay Jonas at nagpasya siyang umalis. Nagbigay siya ng isang pangwakas na babala na parurusahan ng Diyos ang kanilang pagmamataas na pag-uugali ngunit ang mga tao ay nangungutya at sinasabing hindi sila natatakot. Napuno ng galit ang puso ni Jonas sa kanyang mga kasamahang hangal na mga tao. Nagpasya siyang iwanan sila sa hindi nila maiiwasang paghihirap. Si Jonas ay tinipon ang kanyang kakaunting ari-arian at nagpasya na maglagay ng malaking distansya hangga't maaari sa pagitan ng kanyang sarili at ng mga taong kinamumuhian niya.
“At alalahanin noong siya (Jonas) ay umalis sa galit.” (Quran 21:87)
Inilarawan ni Ibn Kathir ang eksena sa Nineveh pagkatapos umalis ni Jonas. Ang langit ay nagsimulang magbago ng kulay, ito ay naging kulay pula na gaya ng apoy. Ang mga tao ay napuno ng takot at naunawaan na sila ay di nalalayo sa pagkawasak. Ang buong populasyon ng Nineveh ay nagtipon sa isang taluktok ng bundok at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Tinanggap ng Diyos ang kanilang pagsisisi at tinanggal ang poot na naka amba sa ibabaw ng kanilang mga ulo. Ang langit ay bumalik sa normal, at ang mga tao ay bumalik sa kanilang mga tahanan. Pinagdasal nila na si Jonas ay bumalik sa kanila at gabayan sila sa tuwid na landas.
Samantala, sumakay si Jonas ng isang barko sa pag-asang dadalhin siya nito ng malayo mula sa kanyang walang pakialam na mga tao hangga't maaari. Ang barko at ang iba pang mga pasahero ay naglayag sa kalmadong dagat. Habang ang kadiliman ay unti-unting bumabalot sa kanilang paligid, biglang nagbago ang dagat. Ang hangin ay nagsimulang umihip nang marahas at naging isang matinding bagyo. Ang barko ay nayanig at naramdaman na parang maghihiwa-hiwalay ito. Ang mga tao ay namalagi sa dilim at nagpasya na itapon ang kanilang mga bagahe ngunit wala itong pinagbago. Umihip ang hangin at nayanig ang bangka. Nagpasya ang mga pasahero na ang bigat ay nag-aambag sa kanilang problema kaya't napagpasyahan na magpalabunutan upang itapon ang isa sa mga pasahero.
Ang mga alon ay kasing taas ng mga bundok at ang matinding bagyo ay nagpapabulusok sa barko pataas at pababa na para bagang kasing gaan lang ito ng palito ng isang posporo. Isang tradisyon sa paglalayag ang palabunutan sa pamamagitan ng paglilista ng lahat ng mga pangalan at pagbunot ng isang tao upang ihagis sa dagat. Ang pangalan ay binunot at ito ay si Jonas, ngunit ang mga tao ay nasindak. Kilala si Jonas na isang taong banal at matuwid at ayaw nilang ihulog siya sa nagngangalit na dagat. Inulit-ulit nila ito, ngunit sa magkakaparehong pagkakataon ang pangalan ni Jonas ang laging nabubunot.
Si Jonas, na Propeta ng Diyos ay alam na hindi ito nagkakataon lamang. Naunawaan niya na ito ay kapalaran na itinalaga ng Diyos kaya tumingin siya sa kanyang mga kapwa pasahero at tumalon sa gilid ng barko. Ang mga pasahero ay napasigaw sa pagkasindak habang si Jonas ay nahuhulog sa tubig upang sakmalin ng napakalaking panga ng isang higanteng isda.
Nang magising si Jonas mula sa pagkawala ng malay, naisip niyang patay na siya at nakahiga sa kadiliman ng kanyang libingan. Pinakiramdaman niya ang kanyang paligid at napagtanto na hindi ito libingan ngunit tiyan ng higanteng isda. Natakot siya. Naramdaman niya ang tibok ng kanyang puso sa loob ng kanyang dibdib at patungo sa kanyang lalamunan sa bawat mabilis niyang paghinga. Si Jonas ay nakaupo sa isang tapat ng nilalabasan ng malakas na asido, at nakakalusaw na katas na kumakain sa kanyang balat at dumaing siya sa Diyos. Sa kadiliman sa loob ng isda, sa kadiliman ng dagat at sa kadiliman ng gabi ay itinaas ni Jonas ang kanyang boses at ipinarating ang kanyang pagkabalisa sa Diyos.
“Walang sinumang may karapatang sambahin maliban sa Iyo Oh Diyos, luwalhatian Ka at tunay na ako ay naging isa sa mga nagkasala!” (Quran 21:87)
Ipinagpatuloy ni Jonas ang pagdarasal at pag-uulit ng kanyang panalangin sa Diyos. Napagtanto niya ang kanyang mali at humingi ng tawad sa Diyos. Sinasabi sa atin ni Propeta Muhammad na ang mga anghel ay napapalapit sa mga tao na inaalala ang Diyos. Ito ang nangyari kay Propeta Jonas; narinig ng mga anghel ang kanyang sigaw sa kadiliman at nakilala ang kanyang tinig. Kilala nila si Propeta Jonas at ang kanyang kagalang-galang na pag-uugali sa harap ng kahirapan. Ang mga anghel ay lumapit sa Diyos na nagsasabi, "hindi baga yaon ang tunog ng Iyong matuwid na lingkod?
Sumagot ang Diyos ng oo. Narinig ng Diyos ang tawag ni Jonas at iniligtas siya mula sa kanyang kahirapan. Naalala ni Jonas ang Diyos sa mga oras ng kasaganaan, kaya't naalala ng Diyos si Jonas sa oras ng kahirapan. Ang panalangin na ginamit ni Jonas ay maaaring ulitin ng sinuman sa mga oras ng pagkabalisa. Sinabi ng Diyos sa Quran na iniligtas Niya si Jonas, at sa gayon ay ililigtas Niya ang mga sumasampalataya. (Quran 21:88)
Sa utos ng Diyos ang higanteng isda ay pumaibabaw at inilabas o ibinuga si Jonas sa baybayin. Ang katawan ni Jonas ay nasunog ng mga pantunaw na katas; hindi siya maprotektahan ng kanyang balat mula sa araw at hangin. Si Jonas ay nagdurusa sa sakit at patuloy na nagsumamo para maproteksyunan. Inulit-ulit niya ang kanyang panalangin at pinatubo ng Diyos ang isang baging/puno na nagbigay ng proteksyon mula sa mga elemento at nagbigay kay Jonas ng pagkain. Habang unti-unting gumagaling muli si Jonas ay napagtanto niya na kailangan niyang bumalik sa kanyang mga tao at ipagpatuloy ang gawain na itinalaga sa kanya ng Diyos.
"At katotohanang, si Jonas ay isa sa Aming mga Sugo. Nang siya ay tumakbo sa barko na puno ng karga. Siya ay pumayag na magpalabunutan, at siya ay isa sa mga talunan (nawalan). Kaya’t isang (malaking) isda ang lumulon sa kanya, at siya ang dapat sisihin sa kanyang ginawa. Kung hindi lamang kabilang siya sa mga lumuwalhati kay Allah, Katotohanan na walang pagsala na mananatili siya sa tiyan (ng isda) hanggang sa Araw ng Muling Pagkabuhay. Subalit siya ay iniluwa Namin sa lantad na dalampasigan habang siya ay may sakit at Aming pinangyaring tumubo sa ibabaw (o tabi) niya ang isang malabay na puno ng upo. At Aming isinugo siya (sa isang misyon) sa isang daang libong tao o higit pa. At sila ay nagsisampalataya, kaya’t Aming hinayaan na sila ay magsaya sa kaunting sandali.” (Quran 37:139-148).
Nang gumaling si Jonas bumalik siya sa Nineveh at namangha sa pagbabago ng kanyang mga tao. Ipinaalam nila kay Jonas ang kanilang takot nang ang langit ay naging pula na kakulay ng dugo at kung paano sila nagtipon sa bundok upang humingi ng kapatawaran sa Diyos. Si Jonas ay nanirahan na kabilang ng kanyang mga tao at tinuruan silang sumamba sa Isang Diyos at mabuhay ng may kabanalan at kabutihan at higit sa 100,000 mga tao na naninirahan sa Nineveh ay namuhay nang mapayapa ... pansamantala.
Ang kwento ni Propeta Jonas ay nagtuturo sa atin na magkaroon ng pasensya, lalo na sa harap ng kahirapan. Itinuturo sa atin na alalahanin ang Diyos sa mga magaganda at masasamang panahon. Itinuturo sa atin na alalahanin ang Diyos sa buhay na ito upang maalala Niya tayo kapag namatay tayo. Kung naaalala natin ang Diyos noong bata pa tayo ay maaalala Niya tayo kapag tayo ay matanda na at kung naaalala natin ang Diyos kapag tayo ay malusog ay maaalala Niya tayo kapag tayo ay may sakit, malungkot, o pagod. Ang paghihirap ay maiibsan lamang, sa pamamagitan ng panunumbalik sa Diyos nang may katapatan.
Magdagdag ng komento