Mga Misteryo sa Relihiyon 101 – Ang Pagkakapako sa Krus
Paglalarawanˇ: Isang masusing pagsusuri sa batayan at mga patunay sa misteryosong pagkakapako sa krus ni Hesu-kristo.
- Ni Laurence B. Brown, MD
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 26 Jun 2023
- Nag-print: 3
- Tumingin: 4,937 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 131
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa lahat ng mga misteryo sa Kristiyanismo, wala ng hihigit pa sa konsepto ng pagkakapako sa krus at pagbabayad-sala ni Kristo. Sa katunayan, ibinabase ng mga Kristiyano ang kanilang kaligtasan sa doktrinang ito ng paniniwala. At kung nangyari nga talaga ito, hindi ba dapat na ganun din lahat tayo?
Iyan, ay kung ito ay talagang nangyari nga.
Ngayon, hindi ko lang alam ang pananaw mo ukol dito, ngunit ang konsepto na si Hesu-kristo ay nag-tubos na ng mga kasalanan ng sangkatauhan ay tila maganda sa aking pandinig. At hindi ba? Ibig kong sabihin, kung masasaligan natin na may isang tao nga, na nagbayad-sala sa lahat ng ating mga kasalanan, at makakapunta na tayo sa langit dahil lamang sa konseptong yaon, hindi ba dapat na agad tayong sasang-ayon sa kasunduan na ito?
Iyan, ay kung ito ay talagang nangyari nga.
Kaya't ating suriin. Nasabi sa atin, na si Hesu-kristo daw ay ipinako sa krus. Ngunit, nasabi na din sa atin ang maraming mga bagay na kalaunan ay napatunayang walang-kasiguraduhan o walang katotohanan, kung gayon makakapagbigay-tiwala kung tiyakin natin ang katotohanan.
Tanungin natin ang mga saksi. Itanong natin sa mga may-akda ng mga ebanghelyo.
Umm, isang problema. Hindi natin alam kung sino ang mga may-akda. Ito ay isang hindi gaanong tanyag na misteryo ng Kristiyanismo (i.e., malaaayong-malayo sa pagiging sikat) – ang katotohanan na ang lahat na apat na mga ebanghelyo sa Bagong Tipan ay hindi kilala (ang may akda).[1]Walang nakakaalam kung sino talaga ang sumulat sa mga ito. Ayon kay Graham Stanton, "Ang mga ebanghelyo, hindi katulad ng karamihan sa mga naisulat na Graeco-Roman, ang mga ito ay hindi kilala. Ang pamilyar na mga pamagat na nagbibigay ng pangalan ng isang may-akda ('Ang Ebanghelyo ayon kay...') ay hindi bahagi ng orihinal na mga manuskrito, sapagkat idinagdag na lamang ito noong unang bahagi ng ikalawang siglo.”[2]
Idinagdag sa ikalawang siglo? Sino ang nagdagdag? Maniwala ka man o hindi, iyon ay hindi rin kilala.
Ngunit kalimutan na muna natin ang lahat nang iyan. Dahil pagkatapos ng lahat, ang apat na mga ebanghelyo ay bahagi pa rin ng Bibliya, kaya dapat nating respetuhin ang mga ito bilang kasulatan, tama?
Tama?
Maaring hindi. Dahil pagkatapos ng lahat, ang The Interpreter's Dictionary of the Bible ay nagsaad, "Ligtas na sabihin na walang ni isang pangungusap sa NT kung saan ang tradisyon ng MS [manuskrito] ay ganap na magkapareha.”[3] Idagdag pa riyan ang sinabi ni Bart D. Ehrman na ngayon ay naging sikat na mga linya, "Maaaring mas madali na ilagay ito sa terminong paghahambing: Higit na mas marami pa ang pagkakaiba sa ating manuskrito kaysa sa mga salita (words) sa Bagong Tipan.”[4]
Teka lang. Mahirap itong isipin. Na sa isang banda, mayroong sinasabi sa atin sina Mateo, Marcos, Lucas at Juan. . . oh, paumanhin. Ibig ko nga palang sabihin, mayroong sinasabi sa atin ang hindi nakikilala na si, at ang hindi nakikilala na si, at ang hindi nakikilala na si, at ang hindi nakikilala na si. . . sige, ano? Ano ang sinasabi nila sa atin? Na hindi sila magkasundo sa kung ano ang isinuot, ininom, ginawa o sinabi ni Hesus? Dahil pagkatapos ng lahat, sinasabi sa atin sa Mateo 27:28 na ang mga sundalong Romano daw ay nagbihis kay Hesus ng pulang balabal. Sinasabi naman sa Juan 19: 2 na ito daw ay kulay-lila. Sinasabi sa Mateo 27:34 na binigyan daw ng mga Romano si Hesus ng maasim na alak na hinaluan ng apdo. Sinasabi naman sa Marcos 15:23 na ito daw ay hinaluan ng pabangong mira. Sinasabi sa atin sa Marcos 15:25 na si Hesus daw ay ipinako sa krus bago ang ikatlong oras, ngunit sinabi naman sa Juan 19: 14-15 na ito daw ay "mag-iikaanim na oras." Sinasabi sa Lucas 23:46 na ang huling mga salita daw ni Hesus ay ”Ama, sa Iyong mga kamay ay ipinagkaloob ko ang aking espiritu,” ngunit sa Juan 19:30: ay nagsasabing ang mga ito daw ay "Tapos na!”
Ngayon, sandali. Siguradong pinanghahawakan ng mga matuwid na tagasunod ni Hesus ang kanyang bawat salita. Ngunit sa kabilang banda, sinasabi sa atin sa Marcos 14:50 na inabandona daw si Hesus ng lahat ng kanyang mga tagasunod sa hardin ng Getsemani. Subalit, sige, ang ilang mga tao – hindi mga disipulo, sa palagay ko, ngunit siguro naman ang ilan (na hindi-kilala, syempre) – ay pinanghawakan nila ang kanyang bawat salita, umaasa sa karunungang magmula sa huling mga salitang iiwanan sa kanila, at ang narinig nila. . . ay iba-ibang mga bagay?
Maniwala ka man o sa hindi, sa puntong ito, ang mga nakatala sa ebanghelyo ay nagiging mas hindi magkatugma.
Kaugnay sa mga pangyayaring kasunod sa sinasabing muling pagkabuhay, ni-hindi tayo makahanap ng isang usapin na kung saan ang mga nakasaad sa apat na mga ebanghelyo (Mateo 28, Marcos 16, Lucas 24, at Juan 20) ay nagkasang-ayon. Halimbawa:
Sino ang nagpunta sa libingan?
Mateo: "Si Maria Magdalena at ang isa pang nagngangalan na Maria”
Marcos: "Si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Jaime, at Salome”
Lucas: "Ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea" at "ibang mga kababaihan”
Juan: "Si Maria Magdalena”
Bakit sila nagpunta sa libingan?
Mateo: "Upang makita ang libingan”
Marcos: Sila ay "nagdala ng mga panimplang pampabango, upang sila ay pumaroon at pahiran siya”
Lucas: Sila ay "nagdala ng mga panimplang pampabango”
Juan: Walang binanggit na rason
Nagkaroon ba ng lindol (isang pangyayari na sinuman na naroon sa lugar na yaon ay hindi mapapalagpas o malilimutan)?
Mateo: Oo
Marcos: Walang binanggit
Lucas: Walang binanggit
Juan: Walang binanggit
Mayroon bang bumabang anghel? (Ang ibig kong ipabatid, mga kaibigan – isang anghel? Maniniwala ba tayo na ang yugtong ito ay nakaligtaan ng tatlo sa may akda ng ebanghelyo?)
Mateo: Oo
Marcos: Walang binanggit
Lucas: Walang binanggit
Juan: Walang binanggit
Sino ang nagpagulong ng pintuang bato?
Mateo: Ang angel (ang isa na ang ibang tatlong hindi kilala o "anonymouses" – ating suriin, ito ba ay “anonymouses” o “anonymice”? – ay hindi nakakita)
Marcos: hindi alam
Lucas: hindi alam
Juan: hindi alam
Sino ang nasa libingan?
Mateo: ”isang anghel”
Marcos: ”isang binatilyo”
Lucas: ”dalawang lalaki”
Juan: ”dalawang anghel”
Nasaan sila?
Mateo: Ang anghel ay nakaupo sa isang bato, sa labas ng libingan.
Marcos: Ang binatilyo ay nasa libingan, ”nakaupo sa kanang bahagi.”
Lucas: Ang dalawang kalalakihan ay nasa loob ng libingan, nakatayo sa kanilang tabi.
Juan: Ang dalawang anghel ay “nakaupo, ang isa ay nasa ulohan habang ang isa ay nasa may paanan, kung saan nakahimlay ang katawan ni Hesus.”
Sino at saan unang nagpakita si Hesus?
Mateo: Kay Maria Magdalena at sa ”isa pang nagngangalan na Maria”, sa daan upang ipaalam sa mga disipulo.
Marcos: Kay Maria Magdalena lamang, walang binanggit kung saan.
Lucas: Dalawa sa mga disipulo, sa daan patungo sa ”isang maliit na bayan na kilala sa tawag na Emmaus, na may pitong milya na layo mula sa Jerusalem.”
Juan: Kay Maria Magdalena, sa labas ng libingan.
Kaya saan tayo dinadala nito, kundi sa pagtataka kung kaninong ideya ang mga kasulatan na ito?
Ngunit, teka, sinasabi sa atin ng mga Kristiyano na si Hesus ay kailangang mamatay para sa ating mga kasalanan. Ang isang karaniwang pag-uusap ay maaaring mapunta sa tulad nito:
Monotheist (Naniniwala sa iisang Diyos na Tagapaglikha): Oh. Kung gayun, naniniwala ka na ang Diyos ay namatay?
Trinitarian (Naniniwala sa tatlong persona): Hindi, hindi ganoon, alisin ang ganyang pag-unawa. Ang pagiging tao lamang ang namatay.
Monotheist: Kung gayun, ang pagsasakripisyo ay hindi kinakailangan na maging banal, kung ang bahagi ng pagiging tao lamang ang namatay.
Trinitarian: Hindi, hindi, hindi ganoon. Ang bahagi ng pagiging tao ang namatay, ngunit si Hesus/diyos ay kinailangan na magdusa sa krus bilang kabayaran sa ating mga kasalanan.
Monotheist: Anong ibig mong sabihing "kinailangan”? Ang Diyos na Tagapaglikha ay hindi ”nangangailangan" ng kahit ano.
Trinitarian: Kinailangan ng diyos ng isang magsasakripisyo at hindi angkop dito ang tao. Kinailangan ng diyos ang malaking sakripisyo bilang kabayaran sa mga kasalanan ng sangkatauhan, kaya Kanyang ipinadala ang Kanyang bugtong na anak.
Monotheist: Kung gayun, magkaiba ang ating konsepto patungkol sa Diyos na Tagapaglikha. Ang Diyos na Tagapaglikha na aking kinikilala ay walang pangangailangan. Ang aking kinikilalang Diyos na Tagapaglikha ay hindi kailanman naghangad ng isang bagay ngunit hindi Niya magawa dahil kung gayun mayroon Siyang kinakailangan para mapangyari ito. Ang aking kinikilalang Diyos na Tagapaglikha ay hindi kailanman nagsabi na ”Nais ko itong mangyari, ngunit hindi ko magawa. Kailangan ko muna ng bagay na ito. Ating tignan, saan ko ito matatagpuan?”. Sa ganyang uri ng senaryo ang Diyos ay nakabatay sa anumang nilalang na tutugon sa Kanyang mga pangangailangan. Sa madaling salita, ang Diyos ay meron pang mas nakakataas na diyos. Ito ay hindi posible para sa isang tao na matatag ang paniniwala na iisa lamang ang Diyos, dahil ang Diyos na Tagapaglikha ay Nag-iisa, Pinaka-Nakakataas, walang pangangailangan, ang Pinagmulan ng lahat ng mga nilikha. Ang mga tao ay may mga pangangailangan, ang Diyos ay wala. Kailangan natin ang Kanyang patnubay, habag at kapatawaran, nguinit hindi Siya nangangailangan ng anumang kapalit. Marahil Siya ay nagnanais ng paglilingkod at pagsamba mula sa atin, ngunit hindi Niya ito kinakailangan.
Trinitarian: Ngunit iyan ang punto; Sinasabi sa atin ng Diyos na sambahin Siya, at ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng panalangin. Ngunit ang Diyos ay dalisay at banal, at ang mga tao ay makasalanan. Hindi tayo direktang makakalapit sa Diyos dahil sa karumihan ng ating mga kasalanan. Kaya, kailangan natin ng isang tagapamagitan upang manalangin.
Monotheist: Tanong—nagkasala ba si Hesus?
Trinitarian: Hindi. Siya ay hindi nagkakasala.
Monotheist: Gaano siya kadalisay?
Trinitarian: Si Hesus? 100% siya'y dalisay. Siya ay Diyos / Anak ng Diyos, kaya siya ay 100% na banal.
Monotheist: Kung gayon, hindi tayo makadudulog kay Hesus ng higit pa sa maari nating magawa na pagdulog sa Diyos, base sa iyong pamantayan. Sinasabi mo na ang tao ay hindi maaaring direktang manalangin sa Diyos dahil sa hindi pagkakatugma ng makasalanang tao at ang kadalisayan ng anuman na 100% na banal. Kung si Hesus ay 100% na banal, kung gayon, siya ay hindi rin natin basta malalapitan. Sa kabilang banda, kung si Hesus ay hindi 100% na banal, kung gayon siya rin mismo ay may dungis at hindi rin direktang makakalapit sa Diyos, mas mababa lalo sa pagiging Diyos, Anak ng Diyos, o katuwang sa Diyos.
Siguro isang simpleng paghahambing ay ang pakikipagtagpo sa isang sobrang matuwid na tao—ang pinakabanal na taong nabubuhay, na ang kabanalan ay nagliliwanag sa kanyang pagkatao, nag-uumapaw sa mga kaliit-liitang butas ng kanyang balat. At tayo ay pumunta upang makipagkita sa kanya, ngunit tayo ay sinabihan na ang "santo" ay hindi pumapayag na makipagtagpo. Sa katunayan, ayaw niyang makasama sa isang silid ang isang taong may bahid ng kasalanan. Maaari daw tayong makipag-usap nalang sa kanyang resepsyonista, ngunit ang santo mismo? Imposible! Masyado siyang banal para maupo kasama tayong mas nakakababang nilalang. Kaya't ano na sa ating palagay? Mukha ba siyang banal, o baliw?
Ang ating sentido kumon ay nagsasabi sa atin na ang mga banal na tao ay madaling lapitan—ang mas banal, mas lalong madaling lapitan. Kaya bakit kailangan ng sangkatauhan ang isang tagapamagitan sa pagitan natin at sa Diyos? At bakit hihilingin ng Diyos ang haing sakripisyo na sinasabi ng mga Kristiyano na "Kanyang bugtong na anak" kung, ayon sa Hoseas 6: 6, "Sapagka't ako'y nagnanais ng kaawaan, at hindi hain." Ang araling ito ay katumbas sa dalawang bahaging nabanggit sa Bagong Tipan, ang una sa Mateo 9:13, ang pangalawa sa Mateo 12: 7. Kung gayon, bakit nagtuturo ang mga klero na kailangang ihain si Hesus? At kung siya ay ipinadala para sa hangaring ito, bakit siya nagdasal upang mailigtas?
Marahil ang panalangin ni Hesus ay ipinaliwanag sa Hebreo 5: 7, na nagsasaad na dahil si Hesus ay isang taong matuwid, sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin na mailigtas mula sa kamatayan: “Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba” (Hebreo 5: 7). Ngayon, ano ang ibig ipakahulugan ng "dininig siya ng Diyos" ibig sabihin—narinig ito ng Diyos nang malakas at malinaw at di-binigyang pansin? Syempre Hindi, dahil ito'y nangangahulugang dininig ng Diyos ang kanyang panalangin. Tiyak na hindi ito nangangahulugang narinig at tinanggihan ng Diyos ang panalangin, sapagkat ang mga pariralang ''dahil lubusan siyang nagpakumbaba" ay mawawalang katuturan, kasabay ng mga linya na, "Dininig ng Diyos ang kanyang panalangin at tinanggihan ito dahil siya ay isang taong matuwid.”
Hmm. Kaya't hindi ba ito nagpapahiwatig na marahil si Hesus ay hindi naipako sa simula pa lamang?
Umatras tayo sandali at tanungin ang ating mga sarili, bakit kailangan nating paniwalaan ang sinasabi nilang kaligtasan? Na sa isang banda, ang orihinal na kasalanan ay pinanghahawakang umiiral, sumang-ayon man tayo dito o hindi. Sa kabilang banda, ang kaligtasan ay pinaghahawakang nasa ilalim ng kondisyon na pagtanggap (i.e., pagsang-ayon) ng pagkakapako sa krus at pagbabayad-sala ni Hesus. Sa una, ang pagsang-ayon ay hindi mahalaga; ngunit sa pangalawa, ito ay kinakailangan. Ang tanong ngayon dito, "Napagbayaran ba ni Hesus ang kapalit o hindi? "Kung kanya nang napagbayaran, samakatuwid, pinatawad na ang ating mga kasalanan, sumang-ayon man tayo o hindi. Kung hindi niya napagbayaran ang kapalit, ay hindi na rin mahalaga. Panghuli, ang kapatawaran ay walang bayad na kapalit. Ang isang tao ay hindi maaring nagpatawad na sa utang ng nagkautang at manatiling manghingi ng bayad. Ang pangangatuwiran na ang Diyos ay nagpapatawad, ngunit tanging kung mayroong haing sakripisyo na hindi Niya naman talaga ginusto sa umpisa pa lamang (tingnan ang Oseas 6: 6, Mateo 9:13 at 12: 7) ay kumakaladkad ng iisang pakpak pababa at bumabalikwas sa larangan ng makatwirang pag-aanalisa. Mula saan, kung gayon, nagmula ang pormula? Ayon sa kasulatan (ang nabanggit na kasulatang hindi kilala ang mga may-akda at hindi nagkakapareho ang mga manuskrito), hindi ito mula kay Hesus. Bukod dito, ang pormula ng Kristiyano para sa kaligtasan ay nakasalalay sa konsepto ng orihinal na kasalanan, at dapat nating tanungin ang ating mga sarili, bakit pa natin paniniwalaan ang konsepto na iyon kung ito ngang iba pa sa pormula ng Kristiyano ay hindi natin maipapaliwanag.
Ngunit iyon ay iba nang talakayan.
Nilagdaan,
Hindi-Kilala (Biro lang)
Copyright © 2008 Laurence B. Brown — ginamit ng may pahintulot.
Ang website ng may-akda ay www.leveltruth.com. Siya ang may-akda ng dalawang libro hingil sa pagkukumpara sa relihiyon na pinamagatang MisGod'ed at God'ed, pati na rin ang hingil sa panimula sa Islam, Bearing True Witness. Ang lahat ng kanyang mga libro ay maaaring makuha sa Amazon.com.
Mga talaba:
[1]Ehrman, Bart D. Lost Christianities. p. 3, 235. Gayundin, tingnan ang Ehrman, Bart D. The New Testament: A Historical Introduction to the Early Christian Writings. p. 49.
[2]Stanton, Graham N. p. 19.
[3]Buttrick, George Arthur (Ed.). 1962 (1996 Nailimbag). The Interpreter’s Dictionary of the Bible. Volume 4. Nashville: Abingdon Press. pp. 594–595 (Sa ilalim ng Teksto, NT).
[4]Ibid., The New Testament: A Historical Introduction to the Early Christian Writings. p. 12.
Magdagdag ng komento