Si Hesus, anak ni Maria (bahagi 3 ng 5): Ang mga Disipulo
Paglalarawanˇ: Ang isa pang himala ni Hesus ay inilarawan. Ang tunay na kabuluhan ng milagro ng lamesa, na puno sa pagkain.
- Ni Aisha Stacey (© 2008 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 05 Oct 2008
- Nag-print: 6
- Tumingin: 8,653 (araw-araw na pamantayan: 6)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang kabanata 5 ng Quran ay pinamagatang Al Maidah (Ang Lamesa Na May Pagkain). Ito ay isa sa tatlong mga kabanata sa Quran na malawak na tinatalakay ang buhay ni Hesus at ng kanyang ina na si Maria. Ang iba pang mga kabanata ay kabanata 3 Al Imran (ang pamilya ni Imran) at kabanata 19, Maryam (Maria). Mahal ng mga Muslim si Hesus, at pinarangalan ang kanyang Ina, ngunit hindi nila sila sinasamba. Ang Quran, na pinaniniwalaan ng mga Muslim na direktang mga salita ng Diyos, ay tinitingala si Hesus at kanyang Ina na si Maria, at sa katunayan ang kanilang buong pamilya - ang pamilya ni Imran.
Alam natin na si Hesus ay nanirahan sa gitna ng kanyang mga tao na mga Israelita sa loob ng maraming taon, tinatawag sila pabalik sa pagsamba sa Isang Tunay na Diyos at gumawa ng mga himala sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos. Karamihan sa mga nakapaligid sa kanya ay tumanggi sa kanyang panawagan at nabigong makinig sa kanyang mensahe. Gayunpaman, natipon ni Hesus sa paligid niya ang isang pangkat ng mga kasamahan na tinawag bilang Al Hawariyeen (mga disipulo ni Hesus ) sa Arabe.
Sinabi ng Diyos sa Quran:
“Inilagay ko (Diyos) sa mga puso ng Al-Hawariyeen na maniwala sa Akin at sa Aking Sugo, sinabi nila: 'Naniniwala kami. At kami ay sumasaksi na kami ay mga Muslim.’” (Quran 5:111)
Tinukoy ng mga disipulo ang kanilang sarili bilang mga Muslim; paano ito mangyayari samantalang ang relihiyon ng Islam ay hindi pa ipinahahayag maliban pagkatapos ng 600 taon? Maaring tinutukoy ng Diyos ang pangkalahatang kahulugan ng "Muslim". Ang isang Muslim ay ang sinumang sumusuko sa Isang Diyos at sumusunod sa Kanya, at kahit sino na ang katapatan at debosyon ay sa Diyos at mga mananampalataya higit sa lahat. Ang salitang Muslim at Islam ay nagmula sa parehong salitang-ugat ng Arabe na - sa la ma - at iyon ay dahil ang kapayapaan at katiwasayan (Salam) ay likas sa pagsunod ng isang tao sa Diyos. Sa gayon ay mauunawaan na ang lahat ng mga Propeta ng Diyos at ang kanilang mga tagasunod ay mga Muslim.
Ang Lamesa Na May Pagkain
Sinabi ng mga disipulo ni Hesus sa kanya:
“Hesus, anak ni Maria! Maaari bang magpadala ang iyong Panginoon sa amin ng isang lamesa na puno (ng pagkain) mula sa kalangitan?” (Quran 5:112)
Hinihiling ba nila kay Hesus na gumawa ng isang himala? Ang mga disipulo ba ni Hesus na tinawag ang kanilang mga sarili na mga Muslim ay hindi sigurado sa kakayahan ng Diyos na magbigay ng mga himala kapag niloob Niya? Malamang hindi ganon, dahil ito ay isang gawain ng kawalan ng paniniwala. Ang mga disipulo ni Hesus ay hindi humihiling kung maari, ngunit sa halip kung maari bang tawagin ni Hesus ang Diyos sa mga oras na iyon upang bigyan sila ng pagkain. Gayunpaman, salungat ang inisip ni Hesus, sapagkat sumagot siya:
“Matakot kayo sa Diyos, kung kayo ay tunay na mananampalataya (Muslim).” (Quran 5:112)
Nang makita nila ang reaksyon ni Hesus, sinubukan ng kanyang mga disipulo na ipaliwanag ang kanilang mga salita. Sa una sinabi nila na "Nais naming kumain mula rito."
Marahil ay labis silang nagugutom at nais na punan ng Diyos ang kanilang pangangailangan. Ang paghiling sa Diyos na bigyan tayo ng kabuhayan o pagkain ay katanggap-tanggap, sapagkat ang Diyos ang Tagapagkaloob, ang Nag-iisa na kung saan pinagmumulan ng pangangailangan ng lahat. Pagkatapos sinabi ng mga disipulo, "at upang makuntento ang aming mga puso."
Ibig nilang sabihin na ang kanilang pananampalataya ay magiging mas malakas kung nakakita sila ng isang himala gamit ang kanilang sariling mga mata, at ito ay napatunayan sa pamamagitan ng kanilang huling pahayag. "At upang malaman na sinabi mo sa amin ang katotohanan at kami mismo ay ang mga saksi nito."
Bagama't nabanggit nang huli, ang pagiging saksi sa katotohanan at ang makakita ng mga himala na sumusuporta sa ebidensya ang pinakamahalagang katwiran para sa kanilang kahilingan. Hiniling ng mga disipulo kay Propeta Hesus na gawin ang himalang ito sa pamamagitan ng kapahintulutan ng Diyos upang sila ay maging mga saksi sa buong sangkatauhan. Nais ng mga disipulo na maikalat ang mensahe ni Hesus sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga himalang kanilang nasaksihan gamit ang kanilang sariling mga mata.
“Sila ay nagsabi: 'Kami ay nagnanais na kumain dito (sa Lamesa na may pagkain) upang maging matatag ang aming Pananalig, at upang aming maalaman na katiyakang ikaw ay nagsabi sa amin ng katotohanan at kami sa aming mga sarili ay maging mga saksi.' Si Hesus, ang anak ni Maria ay nagsabi: 'O Allah, aming Panginoon! Ipadala Ninyo sa amin mula sa langit ang isang Lamesa (na may pagkain) upang sa amin ay magkaroon, – para sa una at huli sa amin, – ng isang pagdiriwang at isang Tanda mula sa Inyo; at Inyong pagkalooban kami ng ikabubuhay, sapagkat Kayo ang Pinakamainam sa mga Tagapagtustos.’” (Quran 5:113-114)
Humiling si Hesus ng himala. Nanalangin siya sa Diyos, hiniling na ang isang lamesa na may pagkain ay ibaba. Hiniling din ni Hesus na ito ay para sa kanilang lahat at ito ay maging kapistahan. Ang salitang Arabe na ginamit ng Quran ay Eid, nangangahulugang isang pagdiriwang o pagdiriwang na nauulit. Nais ni Hesus na ang kanyang mga disipulo at ang mga sumunod sa kanila ay alalahanin ang mga pagpapala ng Diyos at maging mapagpasalamat.
Marami tayong matututunan mula sa mga panalangin na ginawa ng mga Propeta at iba pang matutuwid na mananampalataya. Ang panalangin ni Hesus ay hindi lamang para sa lamesa na may pagkain, kundi para sa Diyos na magbigay sa kanila ng panustos. Ginawa niya itong detalyado dahil ang pagkain ay isang maliit na bahagi lamang ng panustos na ibinibigay ng Pinakamainam sa mga Tagapag-bigay ng biyaya. Saklaw ng biyaya ng Diyos ang lahat ng kinakailangang para sa buhay kabilang, ngunit hindi limitado sa, pagkain, kanlungan, at kaalaman. Sumagot ang Diyos:
“Si Allah ay nagwika: “Ako ay magpapanaog nito sa inyo, datapuwa’t kung sinuman sa inyo makaraan ito, ang bumalik sa kawalan ng pananalig, kung gayon, siya ay Aking parurusahan ng isang kaparusahan na hindi Ko pa nagawa sa sinuman sa lahat ng mga nilalang.” (Quran 5:115)
Ang Kaalaman ay may Katumbas na Pananagutan
Ang dahilan kung bakit tiyak ang tugon ng Diyos ay dahil kung ang isang tao ay hindi maniniwala pagkatapos na mabigyan ng isang palatandaan o himala mula sa Diyos, ay mas masahol pa ito sa hindi naniniwala na hindi nakita ang himala. Maaari kang magtanong kung bakit. Ito ay dahil kapag nakita ng isang tao ang himala, ang isang tao ay may direktang kaalaman at pag-unawa sa kapangyarihan ng Diyos. Habang dumarami ang kaalaman ng isang tao, nagkakaroon siya ng mas maraming responsibilidad sa harap ng Diyos. Kapag nakita mo ang mga palatandaan, ang obligasyong maniwala at maipalaganap ang mensahe ng Diyos ay nagiging mas malaki. Inutusan ng Diyos ang mga disipulo ni Hesus na tanggapin ang lamesa na may pagkain upang malaman ang malaking responsibilidad na kanilang dinala sa kanilang mga sarili.
Ang araw ng lamesa ay naging isang araw ng kapistahan at pagdiriwang para sa mga disipulo at tagasunod ni Hesus, ngunit, habang lumilipas ang panahon, nawala ang totoong kahulugan at diwa ng himala. Sa kalaunan si Hesus ay sinamba bilang isang diyos. Sa Araw ng Pagkabuhay, nang ang lahat ng sangkatauhan ay tatayo sa harap ng Diyos, ang mga disipulo ay magtataglay ng malaking responsibilidad na ipaalam ang totoong mensahe ni Hesus. Makikipag-usap ang Diyos kay Hesus nang direkta at sasabihin:
“O Hesus na anak ni Maria! Iyo bang ipinahayag sa mga tao: 'Inyong sambahin ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod pa kay Allah?' Siya (Hesus) ay magsasabi: 'Luwalhatiin Kayo! Hindi isang katangian sa akin ang magsabi ng isang bagay na wala akong karapatan (na magsabi). Kung aking binigkas ang gayong bagay, katotohanang ito ay Inyong mababatid. Talos Ninyo kung ano ang nasa aking kalooban datapuwa’t hindi ko nalalaman ang nasa Inyong (Kalooban), katotohanang Kayo at Kayo lamang ang Ganap na Nakakaalam ng lahat ng nakatago at nakalingid.” Kailanman ay hindi ako nangusap sa kanila, maliban lamang kung ano ang Inyong ipinag-utos sa akin na sabihin: 'Sambahin ninyo si Allah, ang aking Panginoon at inyong Panginoon.’” (Quran 5:116-117)
Yaong sa atin na pinagpala ng totoong mensahe ni Hesus, ang parehong mensahe na ipinalaganap ng lahat ng mga Propeta kasama ang huling propeta na si Muhammad, ay magkakaroon din ng malaking responsibilidad sa Araw ng Pagkabuhay.
Magdagdag ng komento