Pangangalaga ng Quran (bahagi 1 ng 2): Pagsasaulo
Paglalarawanˇ: Ang pagsasaulo ng Quran sa panahon ni Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala, at ang pagsasaulo nito ngayon ng milyun-milyong mga Muslim.
- Ni iiie.net (edited by IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 31 Aug 2024
- Nag-print: 4
- Tumingin: 8,177 (araw-araw na pamantayan: 5)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Maluwalhating Quran, ang banal na kasulatan ng mga Muslim, ay inihayag sa wikang Arabe kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) sa pamamagitan ng anghel na si Gabriel. Ang rebelasyon ay naganap ng unti-unti, sa loob ng dalawampu't tatlong taon, kung minsan sa maiikling talata at minsan sa mas mahahabang kabanata.[1]
Ang Quran (lit. isang "pagbabasa" o "pagbibigkas") ay iba mula sa nakatalang mga kasabihan at gawa (Sunnah) ng propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), na kung saan ay pinangangalagaan sa isang hiwalay na grupo ng panitikan na tinatawag na "Ahadeeth" (Lit. "balita"; "report"; o "pagsasalaysay").
Nang matanggap ang kapayahayagan, ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay ginugol ang kanyang sarili sa tungkuling iparating ang mensahe sa kanyang mga kasamahan sa pagbigkas ng eksaktong mga salitang narinig niya sa mismong pagkakasunud-sunod nito. Kitang-kita ito sa pagsasama niya ng lahat kahit ang mga salita ng Diyos na iniutos sa kanya, halimbawa tulad ng: “Qul” (“Sabihin mo [sa mga tao, O Muhammad]”) (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Ang Quran ay madaling maisaulo dahil sa maindayog na estilo at mahusay na pagpapahayag nito. Sa katunayan, inilarawan ito ng Diyos bilang isa sa mahahalagang katangian nito para sa pangangalaga at pag-alaala (Q. 44:58; 54:17, 22, 32, 40), lalo na sa isang lipunang Arabya na ipinagmamalaki ang kanilang mga sarili sa mga pagtatalumpati ng mahahabang piraso ng tula. Isinulat ni Michael Zwettler na:
“Noong sinaunang panahon, kung saan ang pagsusulat ay di masyadong ginagamit, at ang pagkakabisado at pagsasalin ng mga salita ang siyang ginagamit at pinagtitibay, na sa kasalakuyang panahon ay halos hindi na kilala o ginagawa.”[2]
Dahil doon, madaling naisaulo ng maraming tao sa komunidad ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ang mga malalaking bahagi ng rebelasyon.
Hinikayat ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ang kanyang mga kasamahan na pag-aralan ang bawat talata na inihayag at iparating ito sa iba.[3] Kinakailangan din na bigkasin ng regular ang Quran bilang isang pagsamba, lalo na sa pang-araw-araw na pagdarasal ng pagninilay-nilay (salah). Sa pamamaraang ganito, na paulit-ulit nilang naririnig ang mga sipi mula sa kapahayagan na binabasa sa kanila, naisaulo ang mga ito at ginamit sa panalangin. Ang buong Quran ay isinaulo ng verbatim (bawat salita ng buong Quran) ng ilan sa mga Kasamahan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Kabilang sa mga ito ay sina Zaid ibn Thabit, Ubayy ibn Ka'b, Muadh ibn Jabal, at Abu Zaid.[4]
Hindi lamang ang mga salita ng Quran ang naisaulo, kundi pati na rin ang kanilang pagbigkas, na sa kalaunan ay nabuo at nagkaroon ng sariling siyensiya na tinawag na Tajweed ("upang mapabuti" sa wikang pilipino). Ang agham na ito ay maingat na nagpapaliwanag kung paano ibinibigkas ang bawat titik, pati na rin ang buong salita, kapwa sa konteksto ng iba pang mga titik at salita. Ngayon, makakahanap tayo ng mga tao ng iba't ibang mga wika na nakakapagbasa ng Quran na para bang sila ay mga Arabo na nabubuhay sa panahon ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).
Bukod dito, ang pagkakasunud-sunod ng Quran ay inayos ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) mismo at ito ay alam rin ng kanyang mga kasamahan.[5] Tuwing buwan ng Ramadan, Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay inuulit ang buong Quran sa kanyang eksaktong pagkakasunod-sunod pagkatapos bigkasin ng anghel na si Gabriel hanngang sa kung saan ito ay ipinahayag, sa harapan ng ilan sa kanyang mga kasamahan.[6] Sa taon ng kanyang pagkamatay, dalawang beses niya itong binigkas.[7] Sa gayon, ang pagkakasunud-sunod ng mga taludtod sa bawat kabanata at pagkakasunud-sunod ng mga kabanata ay napalakas sa mga alaala ng bawat isa sa mga kasamahan nya.
Nang kumalat ang mga Kasamahan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) sa iba't ibang mga lalawigan na may iba't ibang populasyon, dinala nila ang kanilang mga pagbigkas para maituro sa iba.[8] Sa ganitong paraan, ang parehong Quran ay malawak na napanatili sa mga alaala ng maraming tao sa malawak at magkakaibang mga lugar sa mundo.
Katunayan, ang pagsasaulo ng Quran ay lumitaw at naging isang tuluy-tuloy na tradisyon sa loob ng maraming siglo, sa pamamagitan ng mga sentro/paaralan para sa pagmemorya na itinatag sa buong mundo ng mga Muslim.[9] Sa mga paaralang ito, natututo at naisasaulo ng mga mag-aaral ang Quran kasama ang Tajweed nito, sa paanan o gabay ng isang eksperto na nakakuha ng kaalaman mula sa kanyang guro, isang 'hindi maputol na kadena' na nag-mula pa sa Propeta ng Diyos (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Ang proseso ay karaniwang tumatagal ng 3-6 taon. Matapos makamit ang pagiging bihasa at masuri ang pagbigkas na wala ng mga pagkakamali, ang isang tao ay bibigyan ng isang pormal na lisensya (ijaza) na nagpapatunay na siya ay nagpakadalubhasa sa mga alituntunin ng pagbigkas at maaari na ngayong bigkasin ang Quran sa paraan ng pagbigkas ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ang Propeta ng Diyos.
Si A.T. Welch, isang di-Muslim na orientalist, ay nagsulat:
“Para sa mga Muslim ang Quran ay higit pa sa banal na kasulatan o sagradong literatura na karaniwang paraan ng Kanluran. Ang pangunahing kahalagahan nito para sa karamihan sa loob ng maraming siglo ay nasa oral o pagbigkas na anyo nito, ang pormula o panuntunan kung saan ito unang lumitaw, bilang "pagbigkas" ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) na ipinarating nya sa kanyang mga tagasunod sa loob ng halos dalawampung taon… Ang mga paghahayag ay naisaulo ng ilan sa mga tagasunod ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) noong siya na nabubuhay pa, at ang pagbigkas na tradisyon na kung saan ito naitatag ay nagkaroon ng isang patuloy na kasaysayan mula pa noon, sa ilang mga paraan na independiyente sa, at higit pa sa nakasulat na Quran.… Sa pagdaan ng mga siglo, ang pagbigkas na tradisyon ng buong Quran ay napanatili ng mga batikang mga mambibigkas (qurraa). Hanggang sa kamakailan lamang, ang kabuluhan ng binibigkas na Quran ay bihirang ganap na pinahahalagahan sa Kanluran.”[10]
Ang Quran ay marahil ang nag-iisang aklat, relihiyoso man o sekular, na lubusang naisaulo ng milyun-milyong tao.[11] Ang nangungunang orientalist na si Kenneth Cragg ay napa-isip na:
“…ang kababalaghan na ito ng pagbigkas ng Quran ay nangangahulugan na ang teksto ay tumawid sa mga siglo sa isang hindi masirang sunod-sunod na buhay na debusyon. Samakatuwid, hindi ito maaaring ituring bilang isang bagay na sinauna, o bilang isang makasaysayang dokumento mula sa isang malayong nakaraan. Ang katotohanan tungkol sa hifdh (Ang pagmemorya ng Quran) ay nagdulot upang ang Quran ay maging pangkasalukuyang kayamanan sa kabila ng mga pagkakamali ng mga Muslim na sa pagdaan ng panahon ay nagbigay halaga sa tao sa bawat henerasyon, na hindi hinayaang bumaba sa isang awtorisadong mapagkukunan lamang.”[12]
Mga talababa:
[1] Muhammad Hamidullah, Pambungad sa Islam, London: MWH Publishers, 1979, p.17.
[2] Michael Zwettler, Ang Oral Tradisyon ng Classical Arabic Poetry, Ohio State Press, 1978, p.14.
[3] Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith No.546.
[4]Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith No.525.
[5] Ahmad von Denffer, Ulum al-Quran, Ang pundasyon ng Islam, UK, 1983, p.41-42; Arthur Jeffery, Mga materyales para sa kasaysayan ng teksto ng Quran, Leiden: Brill, 1937, p.31.
[6] Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith No.519.
[7]Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith Nos.518 & 520.
[8] Ibn Hisham, Istorya ng Propeta, Cairo, n.d., Vol.1, p.199.
[9] Labib as-Said, Ang binigkas na Koran, isinalin ni Morroe Berger, A. Rauf, and Bernard Weiss, Princeton: The Darwin Press, 1975, p.59.
[10]Ang Encyclopedia ng Islam
, ‘Ang Quran sa Buhay at Pag-iisip ng Muslim.’
[11]William Graham, Higit pa sa Nakasulat na Salita, UK: Cambridge University Press, 1993, p.80.
[12]Kenneth Cragg, Ang Pag-iisip ng Quran, London: George Allen & Unwin, 1973, p.26.
Magdagdag ng komento