Pangangalaga ng Quran (bahagi 1 ng 2): Pagsasaulo
Paglalarawanˇ: Ang pagsasaulo ng Quran sa panahon ni Muhammad, sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala, at ang pagsasaulo nito ngayon ng milyun-milyong mga Muslim.
- Ni iiie.net (edited by IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 31 Aug 2024
- Nag-print: 4
- Tumingin: 8,879
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Maluwalhating Quran, ang banal na kasulatan ng mga Muslim, ay inihayag sa wikang Arabe kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) sa pamamagitan ng anghel na si Gabriel. Ang rebelasyon ay naganap ng unti-unti, sa loob ng dalawampu't tatlong taon, kung minsan sa maiikling talata at minsan sa mas mahahabang kabanata.[1]
Ang Quran (lit. isang "pagbabasa" o "pagbibigkas") ay iba mula sa nakatalang mga kasabihan at gawa (Sunnah) ng propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), na kung saan ay pinangangalagaan sa isang hiwalay na grupo ng panitikan na tinatawag na "Ahadeeth" (Lit. "balita"; "report"; o "pagsasalaysay").
Nang matanggap ang kapayahayagan, ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay ginugol ang kanyang sarili sa tungkuling iparating ang mensahe sa kanyang mga kasamahan sa pagbigkas ng eksaktong mga salitang narinig niya sa mismong pagkakasunud-sunod nito. Kitang-kita ito sa pagsasama niya ng lahat kahit ang mga salita ng Diyos na iniutos sa kanya, halimbawa tulad ng: “Qul” (“Sabihin mo [sa mga tao, O Muhammad]”) (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Ang Quran ay madaling maisaulo dahil sa maindayog na estilo at mahusay na pagpapahayag nito. Sa katunayan, inilarawan ito ng Diyos bilang isa sa mahahalagang katangian nito para sa pangangalaga at pag-alaala (Q. 44:58; 54:17, 22, 32, 40), lalo na sa isang lipunang Arabya na ipinagmamalaki ang kanilang mga sarili sa mga pagtatalumpati ng mahahabang piraso ng tula. Isinulat ni Michael Zwettler na:
“Noong sinaunang panahon, kung saan ang pagsusulat ay di masyadong ginagamit, at ang pagkakabisado at pagsasalin ng mga salita ang siyang ginagamit at pinagtitibay, na sa kasalakuyang panahon ay halos hindi na kilala o ginagawa.”[2]
Dahil doon, madaling naisaulo ng maraming tao sa komunidad ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ang mga malalaking bahagi ng rebelasyon.
Hinikayat ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ang kanyang mga kasamahan na pag-aralan ang bawat talata na inihayag at iparating ito sa iba.[3] Kinakailangan din na bigkasin ng regular ang Quran bilang isang pagsamba, lalo na sa pang-araw-araw na pagdarasal ng pagninilay-nilay (salah). Sa pamamaraang ganito, na paulit-ulit nilang naririnig ang mga sipi mula sa kapahayagan na binabasa sa kanila, naisaulo ang mga ito at ginamit sa panalangin. Ang buong Quran ay isinaulo ng verbatim (bawat salita ng buong Quran) ng ilan sa mga Kasamahan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Kabilang sa mga ito ay sina Zaid ibn Thabit, Ubayy ibn Ka'b, Muadh ibn Jabal, at Abu Zaid.[4]
Hindi lamang ang mga salita ng Quran ang naisaulo, kundi pati na rin ang kanilang pagbigkas, na sa kalaunan ay nabuo at nagkaroon ng sariling siyensiya na tinawag na Tajweed ("upang mapabuti" sa wikang pilipino). Ang agham na ito ay maingat na nagpapaliwanag kung paano ibinibigkas ang bawat titik, pati na rin ang buong salita, kapwa sa konteksto ng iba pang mga titik at salita. Ngayon, makakahanap tayo ng mga tao ng iba't ibang mga wika na nakakapagbasa ng Quran na para bang sila ay mga Arabo na nabubuhay sa panahon ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).
Bukod dito, ang pagkakasunud-sunod ng Quran ay inayos ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) mismo at ito ay alam rin ng kanyang mga kasamahan.[5] Tuwing buwan ng Ramadan, Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay inuulit ang buong Quran sa kanyang eksaktong pagkakasunod-sunod pagkatapos bigkasin ng anghel na si Gabriel hanngang sa kung saan ito ay ipinahayag, sa harapan ng ilan sa kanyang mga kasamahan.[6] Sa taon ng kanyang pagkamatay, dalawang beses niya itong binigkas.[7] Sa gayon, ang pagkakasunud-sunod ng mga taludtod sa bawat kabanata at pagkakasunud-sunod ng mga kabanata ay napalakas sa mga alaala ng bawat isa sa mga kasamahan nya.
Nang kumalat ang mga Kasamahan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) sa iba't ibang mga lalawigan na may iba't ibang populasyon, dinala nila ang kanilang mga pagbigkas para maituro sa iba.[8] Sa ganitong paraan, ang parehong Quran ay malawak na napanatili sa mga alaala ng maraming tao sa malawak at magkakaibang mga lugar sa mundo.
Katunayan, ang pagsasaulo ng Quran ay lumitaw at naging isang tuluy-tuloy na tradisyon sa loob ng maraming siglo, sa pamamagitan ng mga sentro/paaralan para sa pagmemorya na itinatag sa buong mundo ng mga Muslim.[9] Sa mga paaralang ito, natututo at naisasaulo ng mga mag-aaral ang Quran kasama ang Tajweed nito, sa paanan o gabay ng isang eksperto na nakakuha ng kaalaman mula sa kanyang guro, isang 'hindi maputol na kadena' na nag-mula pa sa Propeta ng Diyos (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala). Ang proseso ay karaniwang tumatagal ng 3-6 taon. Matapos makamit ang pagiging bihasa at masuri ang pagbigkas na wala ng mga pagkakamali, ang isang tao ay bibigyan ng isang pormal na lisensya (ijaza) na nagpapatunay na siya ay nagpakadalubhasa sa mga alituntunin ng pagbigkas at maaari na ngayong bigkasin ang Quran sa paraan ng pagbigkas ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), ang Propeta ng Diyos.
Si A.T. Welch, isang di-Muslim na orientalist, ay nagsulat:
“Para sa mga Muslim ang Quran ay higit pa sa banal na kasulatan o sagradong literatura na karaniwang paraan ng Kanluran. Ang pangunahing kahalagahan nito para sa karamihan sa loob ng maraming siglo ay nasa oral o pagbigkas na anyo nito, ang pormula o panuntunan kung saan ito unang lumitaw, bilang "pagbigkas" ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) na ipinarating nya sa kanyang mga tagasunod sa loob ng halos dalawampung taon… Ang mga paghahayag ay naisaulo ng ilan sa mga tagasunod ni Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) noong siya na nabubuhay pa, at ang pagbigkas na tradisyon na kung saan ito naitatag ay nagkaroon ng isang patuloy na kasaysayan mula pa noon, sa ilang mga paraan na independiyente sa, at higit pa sa nakasulat na Quran.… Sa pagdaan ng mga siglo, ang pagbigkas na tradisyon ng buong Quran ay napanatili ng mga batikang mga mambibigkas (qurraa). Hanggang sa kamakailan lamang, ang kabuluhan ng binibigkas na Quran ay bihirang ganap na pinahahalagahan sa Kanluran.”[10]
Ang Quran ay marahil ang nag-iisang aklat, relihiyoso man o sekular, na lubusang naisaulo ng milyun-milyong tao.[11] Ang nangungunang orientalist na si Kenneth Cragg ay napa-isip na:
“…ang kababalaghan na ito ng pagbigkas ng Quran ay nangangahulugan na ang teksto ay tumawid sa mga siglo sa isang hindi masirang sunod-sunod na buhay na debusyon. Samakatuwid, hindi ito maaaring ituring bilang isang bagay na sinauna, o bilang isang makasaysayang dokumento mula sa isang malayong nakaraan. Ang katotohanan tungkol sa hifdh (Ang pagmemorya ng Quran) ay nagdulot upang ang Quran ay maging pangkasalukuyang kayamanan sa kabila ng mga pagkakamali ng mga Muslim na sa pagdaan ng panahon ay nagbigay halaga sa tao sa bawat henerasyon, na hindi hinayaang bumaba sa isang awtorisadong mapagkukunan lamang.”[12]
Mga talababa:
[1] Muhammad Hamidullah, Pambungad sa Islam, London: MWH Publishers, 1979, p.17.
[2] Michael Zwettler, Ang Oral Tradisyon ng Classical Arabic Poetry, Ohio State Press, 1978, p.14.
[3] Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith No.546.
[4]Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith No.525.
[5] Ahmad von Denffer, Ulum al-Quran, Ang pundasyon ng Islam, UK, 1983, p.41-42; Arthur Jeffery, Mga materyales para sa kasaysayan ng teksto ng Quran, Leiden: Brill, 1937, p.31.
[6] Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith No.519.
[7]Saheeh Al-Bukhari Vol.6, Hadith Nos.518 & 520.
[8] Ibn Hisham, Istorya ng Propeta, Cairo, n.d., Vol.1, p.199.
[9] Labib as-Said, Ang binigkas na Koran, isinalin ni Morroe Berger, A. Rauf, and Bernard Weiss, Princeton: The Darwin Press, 1975, p.59.
[10]Ang Encyclopedia ng Islam
, ‘Ang Quran sa Buhay at Pag-iisip ng Muslim.’
[11]William Graham, Higit pa sa Nakasulat na Salita, UK: Cambridge University Press, 1993, p.80.
[12]Kenneth Cragg, Ang Pag-iisip ng Quran, London: George Allen & Unwin, 1973, p.26.
Preserbasyon o Pagpapanatili ng Quran (bahagi 2 ng 2): Ang Nasusulat na Quran
Paglalarawanˇ: Ang pagsulat ng Quran sa panahon ni Muhammad (pbuh) at pag-iingat o pagpapanatili nito hanggang sa mga araw na ito.
- Ni iiie.net (edited by IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 04 Dec 2014
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,337
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang buong Quran gayunpaman ay naitala din na nasusulat sa panahon ng kapahayagan mula sa pagdedekta ng Propeta, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, sa pamamagitan ng ilan sa kanyang mga edukadong mga kasamahan, na ang pinakatanyag sa kanila ay si Zaid ibn Thabit.[1] Ang iba pa sa kanyang mararangal na mga eskriba ay sina Ubayy ibn Ka’b, Ibn Mas’ud, Mu’awiyah ibn Abi-Sufyan, Khalid ibn Al-Waleed at Az-Zubayr ibn Al-Awwam.[2] Ang mga talata ay naitala sa balat, katad, paypay (mga butong balikat ng mga hayop) at sa mga tangkay ng mga palmerang datiles.[3]
Ang kodipikasyon ng Quran (ibig sabihin sa isang 'anyong aklat') ay nagawa kaagad pagkatapos ng Labanan ng Yamamah (11AH / 633CE), matapos ang pagkamatay ng Propeta, sa panahon ng pagiging-kalipa ni Abu Bakr. Maraming mga kasamahan ang naging mga martir sa labanang yaon, at ikinabahala na maliban kung may isang nakasulat na kopya ng buong kapahayagan na nagawa, ang malaking bahagi ng Quran ay maaaring mawala sa pagkamatay ng mga nakakasaulo nito. Samakatuwid, sa mungkahi ni Omar na tipunin ang Quran sa anyong nasusulat, hiniling kay Zaid ibn Thabit ni Abu Bakr na pamunuan ang isang kapulungan na mangangalap para tipunin ang mga nakakalat na mga talaan ng Quran at maghanda ng isang mushaf - kalas na mga pahina na naglalaman ng buong kapahayagan sa mga ito.[4] Upang maingatan ang kabuuan mula sa mga kamalian, ang kapulungan ay tinanggap lamang ang materyal na naisulat lamang sa harapan ng Propeta mismo, at maaaring patunayan ng hindi bababa sa dalawang maaasahang mga saksi na tiyakang narinig ang Propeta na binigkas ang talatang natuturan.[5] Sa sandaling nabuo at napagkaisahang pahintulutan ng mga Kasamahan ng Propeta, ang mga pahinang ito ay iningatan at pinanatili ng Kalipang si Abu Bakr (d. 13AH / 634CE), pagkatapos ay ipinasa sa Kalipang si Omar (13-23AH / 634-644CE), at pagkatapos ay sa anak na babae ni Omar at ang Balo ng Propeta na si Hafsah.[6]
Ang pangatlong Kalipang si Othman (23AH-35AH / 644-656CE) ay hiniling kay Hafsah na ipadala sa kanya ang manuskrito ng Quran na nasa kanyang pag-iingat, at iniutos ang paggawa ng maraming mga nakabigkis na mga kopya nito (masahif, isahan ng Mushaf). Ang gawaing ito ay ipinagkatiwala sa mga Kasamahang sina Zaid ibn Thabit, Abdullah ibn Az-Zubair, Sa'eed ibn Al-'As, at Abdur-Rahman ibn Al-Harith ibn Hisham.[7] Nang matapos (noong 25AH/646CE), ay ibinalik ni Othman ang orihinal na manuskrito kay Hafsah at ipinadala ang mga kopya sa malalaking Islamikong mga lalawigan.
Ang ilang mga di-Muslim na pantas na nag-aral sa usapin ng pagbubuo at pag-iingat ng Quran ay nagpahayag din sa awtentisidad nito. Si John Burton, sa pagtatapos ng kanyang malaking gawain sa pagbubuo ng Quran, ay nagpahayag na ang Quran na mayroon tayo sa kasalukuyan ay:
“…ang teksto na kung saan ay nakarating sa atin sa anyo nito kung saan ito ay inayos at pinahintulutan ng Propeta…. Ang anumang mayroon tayo sa kasalukuyan sa ating mga kamay ay ang mushaf ni Muhammad (pbuh).[8]
Si Kenneth Cragg ay inilarawan ang pagpapahatid ng Quran mula sa panahon ng kapahayagan hanggang sa kasalukuyan na nagaganap sa “an unbroken living sequence of devotion.”[9] Si Schwally ay sumang-ayon na:
“Kung tungkol sa iba't ibang mga piraso ng kapahayagan ang pag-uusapan, maaari tayong magtiwala na ang teksto nito ay pangkalahatang naipasa nang ganap tulad ng natagpuan sa pamana ng Propeta.”[10]
Ang makasaysayang kredibilidad ng Quran ay karagdagang itinatag sa pamamagitan ng katotohanang ang isa sa mga kopya na ipinadala ng Kalipang si Othman ay umiiral pa rin hanggang sa kasalukuyan. Ito ay nakalagak sa Museo ng Lungsod ng Tashkent sa Uzbekistan, sa Gitnang Asya.[11] Ayon sa Memory of the World Program, ng UNESCO, isang sangay ng United Nations, 'ito ang tiyak na salin, na kilala bilang Mushaf ni Othman.’[12]
Ang kawangis ng mushaf sa Tashkent ay makukuha sa Aklatan ng Pamantasan ng Columbia sa Estados Unidos.[13] Ang kopya na ito ay patunay na ang teksto ng Quran na mayroon tayo sa sirkulasyon sa kasalukuyan ay magkawangis ng yaong sa panahon ng Propeta at kanyang mga kasamahan. Ang isang kopya ng mushaf na ipinadala sa Syria (naduplikado bago ang isang sunog noong 1310AH/1892CE na tumupok sa Moske ng Jaami kung saan ito nakalagak) ay umiiral din sa Museo ng Topkapi sa Istanbul[14], at isang sinaunang manuskrito sa katad ng gasel ay umiiral sa Dar al-Kutub as-Sultaniyyah sa Ehipto. Marami pang sinaunang mga manuskrito mula sa lahat ng mga panahon ng Islamikong kasaysayan ang natagpuan sa Aklatan ng Kongreso sa Washington, ang Museo ng Chester Beatty sa Dublin (sa Irlanda) at ang nasa Museo ng London ay inihambing ang yaong nasa Tashkent, Turkey at Ehipto, na ang resulta ay nagpapatunay na walang anumang naging pagbabago sa teksto mula sa orihinal na panahon ng pagkasulat nito. [15]
Ang Instituto para sa Koranforschung, halimbawa, sa Pamantasan ng Munich (sa Alemanya), ay nakapagtipon ng mahigit sa 42,000 buo at hindi buo na sinaunang mga kopya ng Quran. Matapos ang halos limampung taon ng pananaliksik, iniulat nila na walang pagkakaiba-iba sa pagitan ng iba't ibang mga kopya, maliban sa mga maminsang pagkakamali sa pagkopya na naging madaling matukoy. Ang Institutong ito sa kasamaang palad ay nawasak ng mga bomba sa panahon ng WWII.[16]
Kung kaya, dahil sa mga pagsisikap ng mga sinaunang kasamahan, sa tulong ng Diyos, ang Quran na mayroon tayo sa kasalukuyan ay binabasa sa parehong paraan tulad ng pagkakapahayag nito. Dahilan upang ito ang naging tanging relihiyosong kasulatan na buo pa ring napapanatili at naiintindihan sa orihinal nitong wika. Sa katunayan, tulad ng ipinahayag ni Sir William Muir, “Marahil ay wala nang ibang aklat sa mundo na nanatili nang labindalawang siglo (ngayon ay labing-apat) na may labis na dalisay na teksto.”[17]
Ang katibayan sa itaas ay nagpapatunay sa pangako ng Diyos sa Quran:
“Katotohanan, Aming ipinahayag ang Babala, at katotohanan Aming iingatan ito.” (Quran 15:9)
Ang Quran ay napanatili sa parehong pagkabigkas at pagkasulat na anyo sa paraang wala sa ibang aklat, at sa bawat anyo na nagdudulot ng pagsusuri para sa awtentisidad ng bawat isa.
Mga talababa:
[1]Jalal al-Din Suyuti, Al-Itqan fee ‘Uloom al-Quran, Beirut: Maktab al-Thiqaafiyya, 1973, Bol.1, p.41 & 99.
[2]Ibn Hajar al-’Asqalani, Al-Isabah fee Taymeez as-Sahabah, Beirut: Dar al-Fikr, 1978; Bayard Dodge, The Fihrist of al-Nadeem: A Tenth Century Survey of Muslim Culture, NY: Columbia University Press, 1970, p.53-63. Muhammad M. Azami, sa Kuttab al-Nabi, Beirut: Al-Maktab al-Islami, 1974, sa katunayan ay nagbanggit ng 48 na mga taong dating nagsusulat para sa Propeta (p).
[3]Al-Harith al-Muhasabi, Kitab Fahm al-Sunan, binanggit sa Suyuti, Al-Itqan fi ‘Uloom al-Quran, Bol.1, p.58.
[4]Saheeh Al-Bukhari Bol.6, Hadith Blng.201 & 509; Bol.9, Hadith Blng.301.
[5]Ibn Hajar al-’Asqalani, Fath al-Bari, Bol.9, p.10-11.
[6]Saheeh Al-Bukhari, Bol.6, Hadith Blng.201.
[7] Saheeh Al-Bukhari Bol.4, Hadith Blng.709; Bol.6, Hadith Blng.507
[8] John Burton, The Collection of the Quran, Cambridge: Cambridge University Press, 1977, p.239-40.
[9]Kenneth Cragg, The Mind of the Quran, London: George Allen & Unwin, 1973, p.26.
[10] Schwally, Geschichte des Qorans, Leipzig: Dieterich’sche Verlagsbuchhandlung,1909-38, Bol.2, p.120.
[11] Yusuf Ibrahim al-Nur, Ma’ al-Masaahif, Dubai: Dar al-Manar, unang ed., 1993, p.117; Isma’il Makhdum, Tarikh al-Mushaf al-Uthmani fi Tashqand, Tashkent: Al-Idara al-Diniya, 1971, p.22ff.
[12] (http://www.unesco.org.)
I. Mendelsohn, “The Columbia University Copy Of The Samarqand Kufic Quran”, The Moslem World, 1940, p. 357-358.
A. Jeffery & I. Mendelsohn, “The Orthography Of The Samarqand Quran Codex”, Journal Of The American Oriental Society, 1942, Bolyum 62, pp. 175-195.
[13]The Muslim World, 1940, Vol.30, p.357-358
[14] Yusuf Ibrahim al-Nur, Ma’ al-Masaahif, Dubai: Dar al-Manar, unang ed., 1993, p.113
[15] Bilal Philips, Usool at-Tafseer, Sharjah: Dar al-Fatah, 1997, p.157
[16] Mohammed Hamidullah, Muhammad Rasullullah, Lahore: Idara-e-Islamiat, n.d., p.179.
[17] Sir William Muir, Life of Mohamet, London, 1894, Bol.1, Pambungad.
Magdagdag ng komento