Balita Mula sa Nakaraan
Paglalarawanˇ: Ang mga kasaysayang ipinahayag ng Propeta Muhammad (pbuh) ukol sa mga tao ng nakaraan ay isang katibayan ng kanyang pagkapropeta.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 31 Aug 2024
- Nag-print: 1
- Tumingin: 4,833 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang isa sa mga pinakamalakas na katibayan ng pagiging totoo ni Propeta Muhammad (pbuh) ay ang kanyang kaalaman sa Lingid na daigdig: ang kanyang tumpak na kaalaman sa mga naunang mga nasyon at mga propesiya sa hinaharap. Gaano man katalino, ang isang tao ay walang kapangyarihan o awtoridad na magsabi ukol sa nakaraan batay sa katalinuhan lamang. Ang impormasyon ay dapat matutunan. Si Muhammad (pbuh) ay isang tao, na hindi nabuhay sa kalagitnaan ng mga nasyon na kanyang binanggit, hindi nagmana ng anumang kaalaman sa kanilang sibilisasyon, o natutunan ito mula sa isang guro. Ang Diyos ay nagsabi:
"Iyan ay nagmula sa mga balita ng mga nakalingid na Aming ipinahayag sa iyo, [O Muhammad]. At ikaw ay wala sa kanila nang sila ay magsipaghagis ng kanilang mga palaso (bala at pana) at magpalabunutan kung sino sa kanila ang mangangalaga kay Maria. At ikaw ay wala rin noon, nang sila ay magtalu-talo." (Quran 3:44)
"Iyan ay nagmula sa balita ng mga nakalingid na Aming ipinahayag sa iyo [O muhammad]. At ikaw ay wala sa kanila nang kanilang isagawang magkakasama ang kanilang balakin at sila ay nagsabwatan." (Quran 12:102)
Isaalang-alang ang mga talatang ito:
"At Aming ipinagkaloob kay Moises ang Kasulatan, pagkaraang wasakin Namin ang naunang mga henerasyon, bilang liwanag para sa tao, patnubay at habag upang sakali sila ay mapaalalahanan. At ikaw [O Muhammad] ay wala roon sa kanlurang bahagi [ng bundok], nang itinakda Namin kay Moises ang Kautusan, at ikaw ay hindi kabilang sa mga saksi [niyon] ngunit, Kami ay nagpalitaw ng [maraming] mga henerasyon [pagkaraan ni Moises], at pinahaba ang kanilang panahong itinagal. At ikaw ay hindi isang naninirahang kabilang ng mga mamamayan ng Madyan, na bumibigkas ng Aming mga talata sa kanila, ngunit Kami ang tagapagpadala [ng mensaheng ito]. At ikaw ay wala sa paanan ng bundok nang Kami ay manawagan [kay Moises] ngunit [ipinadala] bilang isang habag mula sa iyong Panginoon upang magbigay-babala sa mamamayan na wala pang tagapagbabalang dumating na nauna sa iyo upang sakali sila ay mapaalalahanan. At kung hindi lamang na ang isang pinsala ay dumapo sa kanila sanhi ng anumang ginawang [mga kasalanan] ng kanilang mga kamay at marahil sila ay magsasabi, “O Aming Panginoon, Bakit hindi Ka nagpadala sa amin ng isang sugo upang kami ay nakasunod sa Iyong mga talata at naging kabilang sa mga naniniwala?’" (Quran 28:43-47)
Ang mga kaganapang ito sa kasaysayan ni Moises ay isinalaysay ni Muhammad (pbuh). Alinman sa dalawa na nasaksihan niya ang mga ito at naroroon siya, o natutunan ito mula sa mga nakakaalam. Sa alinmang kaso, hindi siya magiging propeta ng Diyos. Sa halip ang tanging iba pang posibilidad, na hindi matatakasang konklusyon, ay si Muhammad (pbuh) ay tinuruan ng Diyos mismo.
Ang ilang mga katotohanan ay dapat isaalang-alang upang makilala ang buong lakas ng argumento. Si Muhammad (pbuh) ay hindi natuto mula sa sinumang relihiyosong pantas, walang mga pantas na Hudyo o Kristiyano sa Makkah sa mga panahong iyon, at wala siyang ibang nalalamang wika maliban sa Arabe. Bilang karagdagan sa nakaraan, hindi siya nakababasa o nakasusulat. Walang taga-Makkah, Hudyo, o Kristiyano na kailanmang nag-angkin na guro ni Muhammad (pbuh). Kung si Muhammad (pbuh) ay natuto mula sa anumang mapagkukunan, ang kanyang sariling mga kasamahan na naniwala sa kanya ang maaaring maglantad sa kanya.
"Ipagbadya, 'Kung ninais lamang ng Diyos, hindi ko sana ito ipinahayag sa inyo, gayundin naman ay hindi Niya ipababatid sa inyo, katotohanang ako ay pumisan sa inyo sa buong buhay ko bago pa (dumatal) ito. Kaya, wala bago kayong pang-unawa?”' (Quran 10:16)
Sa kabila ng kanilang malakas na pagsalungat, ang mga di-mananampalataya ay hindi magawang maiugnay ang kanyang kaalaman tungkol sa nakaraan at kasalukuyan sa anumang mapagkukunan. Ang kabiguan ng kanyang mga kapanahunan o kaalinsabay ay sapat nang katibayan laban sa lahat ng mga nag-aalinlangan kinalaunan.
Ang Pagtatama ng mga Di-pagkakaunawaan ng Hudyo at Kristiyano
Nasa ibaba ang dalawang halimbawa ng Quran na nagtatama kung ano ang sumailalim na pagbabago sa mga paniniwala ng Hudyo at Kristiyano:
(1) Inaangkin ng mga Hudyo na si Abraham ay isang Hudyo, ang ama ng nasyong Hudyo, samantalang itinuturing ng mga Kristiyano na siya rin ang kanilang ama, tulad ng itinatawag ng Simbahang Romano Katoliko kay Abraham na "ama namin sa Pananampalataya" sa Eukaristikanong dasal na tinawag na Kanoniko Romano na binibigkas tuwing Misa. Tumugon ang Diyos sa kanila sa Quran:
"O Angkan ng Kasulatan, bakit kayo nagtatalu-talo tungkol kay Abraham, samantalang ang Torah at ang Ebanghelyo ay hindi ipinahayag malibang pagkaraan niya. Hindi ba kayo, kung gayon, nakauunawa?" (Quran 3:65)
(2) Ang Quran ay mariing itinatakwil ang pagkapako sa krus ni Hesus, isang kaganapan na malaki ang bahagi sa parehong mga relihiyon:
"Subali’t [sila ay Aming isinumpa] nang dahil sa kanilang paglabag sa kasunduan at sa kanilang kawalan ng paniniwala sa mga palatandaan ng Diyos at sa kanilang walang katarungang pagpatay sa mga propeta, at sa kanilang pagsasabing, “Ang aming mga puso ay nabalutan na [silyado laban sa pagtanggap].” Bagkus, sinarhan ng Diyos ang mga ito sanhi ng kanilang kawalang paniniwala, kaya sila ay di-naniniwala maliban sa mangilan-ngilan. At [sila ay Aming isinumpa] nang dahil sa kanilang kawalang paniniwala at sa kanilang pagsasabi ng isang malubhang paninirang-puri laban kay Maria. At [para] sa kanilang pagsasabing, 'Tunay na aming pinatay ang Mesiyas na, si Hesus, ang anak ni Maria, ang Sugo ng Diyos.' Datapwa’t siya ay hindi nila nagawang patayin at siya ay hindi nila nagawang ipako sa krus; bagkus [may iba] na ginawa upang kanyang makawangis sa kanilang paningin. At katotohanan, yaong mga nagkaiba-iba rito ay may agam-agam tungkol dito. Sila ay walang kaalaman dito maliban sa pagsunod sa mga pag-aakala lamang. At katiyakang siya ay hindi nila nagawang patayin." (Quran 4:155-157)
Ang pagtangging ito sa Quran ay nagdulot ng ilang mga pangunahing katanungan.
Una, kung ang Islamikong doktrina ay hiniram mula sa Hudaismo at Kristiyanismo, bakit itinanggi nito ang pagkapako sa krus ni Hesus? Sa kabila ng lahat, ang parehong relihiyon ay sumasang-ayon na ito ay nangyari! Para sa mga Hudyo, si Hesus na huwad ang siyang ipinako sa krus, ngunit para sa mga Kristiyano, siya ay Anak ng Diyos. Si Propeta Muhammad (pbuh) ay madali sanang napasang-ayon sa pagkapako sa krus ni Hesus, at ito ay magbibigay pa ng higit na kredito sa kanyang mensahe. Kung ang Islam ay isang huwad na relihiyon, isang panggagaya sa Hudaismo o Kristiyanismo, o kung si Muhammad (pbuh) ay hindi totoo sa kanyang pag-angkin, ang Islam ay hindi magkakaroon ng isang matatag na paninindigan sa usaping ito at ipahayag ang kapwa relihiyon na maling-mali sa bagay na ito, dahil walang anumang mahihita sa pamamagitan ng pagtanggi dito.
Pangalawa, kung ang Islam ay hiniram ang gawa-gawang pagkapako sa krus mula sa dalawang relihiyong ito, maaaring maalis nito ang isang punto ng pangunahing pinagtatalunan nila, ngunit ang Islam ay nagdala ng katotohanan at hindi maaaring mapatunayan ang isang gawa-gawa para lamang pahupain ang mga ito. Maaaring posible na ang mga Hudyo ay may kinalaman sa pagpapapako kay Hesus, dahil ang kanilang makasaysayang mga paglabag laban sa mga propeta ng Diyos ay naitala sa Bibliya at gayundin sa Quran. Ngunit tungkol kay Hesus, ang Quran ay mariing nagsasabing:
"At hindi nila siya napatay, o nagawang maipako.
Papaano naging posible, kung gayon, na sasabihing si Muhammad (pbuh) ang gumawa ng Quran sa pamamagitan ng impormasyon na natutunan mula sa mga Hudyo o Kristiyanong mga pantas kung dinala niya ang mga ideolohiya na pumuksa o sumalungat sa kanilang mga doktrina?
Pangatlo, ang pagtanggi sa pagkapako sa krus ni Hesus ay nagtatakwil mismo sa iba pang mga paniniwalang Kristiyano:
(i) Na si Hesus ang kabayaran para sa mga kasalanan ng tao.
(ii) Pagpasan ng manang kasalanang dala ng lahat ng tao.
(iii) Pagtanggi sa kathang isip ukol sa krus at ang pagsamba dito.
(iv) Ang huling hapunan at ang Eukaristiya.
Kaya makikita natin na ang mga isinalaysay ng Propeta, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, na sinabi tungkol sa mga nasyon ng nakaraan ay hindi lamang alamat, o hindi rin ito natutunan mula sa mga aral ng taong Hudyo o Kristiyano. Sa halip, ipinahayag ang mga ito sa kanya mula sa itaas ng pitong kalangitan sa pamamagitan ng Diyos na Tagapaglikha.
Magdagdag ng komento