Paglalarawan ng Impiyerno (bahagi 5 ng 5): Ang mga Kakila-kilabot ng Impiyerno II
Paglalarawanˇ: Ang pangalawang bahagi ng detalyadong pagdurusa, kakila-kilabot, at mga kaparusahan sa Impiyerno na kasing detalyado sa mga mapagkukunan ng relihiyong Islam.
- Ni Imam Mufti
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 28
- Tumingin: 10,397 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Paiitimin ng Diyos ang mga mukha ng mga tao sa Impiyerno:
"Sa Araw na yaon (may ibang mga) mukha na magiging mapuputi at (may ibang mga) mukha na magiging maiitim. At yaong magiging maiitim ang kanilang mga mukha. (ito ang sasabihin sa kanila), ‘Kayo ba ay nagtakwil pagkaraan ng inyong paniniwala? Kung magkagayon inyong lasapin ang parusa nang dahil sa anumang inyong itinakwil.’" (Quran 3:106)
Ang kanilang mga mukha ay magiging katulad na para bang tinakpan sila ng gabi o kadiliman:
"At yaong nagsusumikap para sa masasamang gawain – ang kabayaran ng isang kasamaan ay nakatutulad nito, at ang kahihiyan ay tatakip sa kanila. Sila ay hindi magkakaroon ng tagapagtanggol mula sa Diyos. Ang kanilang mga mukha ay wari bang tinakpan ng mga piraso ng gabi – sadyang madilim. Sila yaong mga maninirahan sa Apoy; sila ay mamamalagi roon ng walang hanggan." (Quran 10:27)
Papalibutan ng Apoy ang di-naniwala sa lahat ng sulok katulad ng mga kasalanan na pumalibot sa kanya na parang isang kumot na ipinulupot sa kanyang katawan:
"Sa kanila ay higaan mula sa Apoy at sa ibabaw nila ay mga takip (na Apoy)…" (Quran 7:41)
"Sa Araw na ang parusa (ng Impiyerno) ay babalot sa kanila mula sa kanilang itaas at mula sa ibaba ng kanilang mga paa." (Quran 29:55)
"…at katotohanan palilibutan ng Impiyerno ang mga di-naniniwala…" (Quran 9:49)
Ang Apoy ng Impiyerno ay lulundag hanggang sa mga puso. Tatagos ang Apoy sa kanilang sobrang laking katawan at aabot hanggang sa pinakailalim:
"Hindi! Siya ay tiyak na itatapon sa Pandurog. At ano ang makakapagpabatid sa iyo kung ano ang Pandurog? Ito ay ang Apoy ng Diyos, (walang hanggan) na ginagatungan, na ang init nito ay aakyat sa mga puso." (Quran 104:4-7)
Hahatiin ng Apoy ang mga lamang-loob tulad ng nabanggit ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan):
"Isang lalaki ang dadalhin sa Araw ng Muling Pagkabuhay at itatapon sa Apoy. At ang kanyang lamang-loob ay magsisikalat sa Apoy at siya ay mapipilitang maglakad ng maglakad na parang isang asno sa isang gilingang pinepedalan. Ang mga tao sa Impiyerno ay magtitipon sa paligid niya at sasabihin, ‘O kuwan, ano ang problema sa iyo? Hindi ba't ipinag-utos mo sa amin na gumawa ng mabuti at ipinagbawal sa amin ang mga kasamaan?’ Kanyang sasabihin, ‘Dati kong ipinag-uutos sa inyo ang kabutihan, ngunit hindi ko ito ginawa at dati kong ipinagbawal sa inyo ang kasamaan, ngunit dati ko itong ginagawa.’ At pagkatapos siya ay maglalakad ng maglalakad na parang isang asno sa isang gilingang pinepedalan."[1]
Inilarawan ng Diyos ang mga kadena, na mga pamatok, at mga tanikala sa Impiyerno. Sila ay itatali ng kadena at kakaladkarin na may pamatok sa kanilang mga leeg:
"Aming inihanda para sa mga di-naniniwala ang mga tanikala, mga pamatok, at ang naglalagablab na Apoy." (Quran 76:4)
"Nasa Amin ang mga tanikalang panggapos (para sa kanila), at ang Apoy (upang sila ay sunugin), at pagkaing nakasasamid, at masidhing kaparusahan." (Quran 73:12-13)
"Aming lalagyan ng pamatok ang mga leeg ng mga yaong di-naniwala. Ito ay kabayaran lamang sa anumang kasamaan na kanilang ginawa." (Quran 34:33)
"Kapag ang mga pamatok ay nakapulupot na sa kanilang mga leeg at ang mga kadena, sila ay kakaladkarin." (Quran 40:71)
"(Ang mahigpit na utos ay sasabihin): siya ay hatakin at gapusin, at siya ay sunugin sa naglalagablab na apoy, pagkaraan, pagmartsahin siya na may kadena, kung saan ang sukat ay pitumpung siko." (Quran 69:30-32)
Ang mga diyos ng mga pagano at lahat ng iba pang diyus-diyosan na sinasamba maliban sa Diyos na akala ng mga tao ay kanilang magiging tagapamagitan sa Diyos at magpapalapit sa kanila sa Kanya ay ihahagis sa Impiyerno kasama nila. Ito ay upang pahiyain at ipakita na ang mga diyus-diyosang ito ay walang kakayanan,
"Katotohanan, kayo (hindi nananampalataya) at kung ano ang inyong sinasamba maliban sa Diyos,[2] ay ang panggatong ng Impiyerno. Kayo ay papasok dito. Kung ang mga (hindi tunay na diyos) ito (tunay na) ay mga diyos, hindi sila makakapsok diyan, ngunit ang lahat ay mananahan ng walang hanggan doon." (Quran 21:98-99)
Kapag nakita ng di-nananampalataya ang Impiyerno, siya ay mapupuno ng pagsisisi, ngunit ito ay wala ng pakinabang:
"At kanilang mararamdaman ang pagsisisi kapag kanilang natunghayan ang parusa; at sila ay hahatulan ng may katarungan, at sila ay hindi gagawan ng kamalian." (Quran 10:54)
Ang mga di-nananampalataya ay hihilingin ang kanyang kamatayan kapag kanilang naramdaman ang init nito,
"At kapag sila ay itinapon sa makitid na pook na iyon na nakagapos, sila ay mananangis o magnanais ng kamatayan o pagkawasak. (Sasabihin sa kanila), ‘Huwag sumigaw sa Araw na ito para sa isang pagkawasak bagkus kayo ay umiyak para sa mas matinding pagkawasak.’" (Quran 25:13-14)
Ang kanilang mga sigaw ay lalong lalakas at sila ay tatawag sa Diyos na umaasang palalabasin Niya sila mula sa Impiyerno:
"At sila ay mananangis doon ng malakas, ‘Aming Panginoon, kami ay iyong ilabas; kami ay magsisigawa ng mga gawaing matuwid – na iba sa aming dating ginagawa!’" (Quran 35:37)
Kanilang mapagtatanto ang kanilang mga kasalanan at ang pagkakamali ng pagtangging maniwala:
"At sila ay magsasabi, ‘Kung kami ay nakinig lamang o nag-isip, marahil kami ay hindi naging kabilang sa mga kasamahan ng naglalagablab na Apoy.’ At kanilang aaminin ang kanilang mga kasalanan, para (sila ay) mapalayo sa mga kasamahan ng naglalagablab na Apoy." (Quran 67:10-11)
Ang kanilang mga hiling ay tatanggihan:
"Sila ay magsasabi, ‘Aming Panginoon, ang aming kasamaan ay nanaig sa amin, at kami ay isang mamamayang nangaligaw. Aming Panginoon, kami ay hanguin mula rito, At kung kami ay magsibalik (sa kasamaan), tunay na kami ay mapaggawa ng kamalian.’ Siya ay magsasabi, ‘Manatili kayong kaaba-aba diyan at huwag kayong makiusap sa Akin.’" (Quran 23:106-108)
Pagkatapos nito, kanilang tatawagin ang mga tagabantay ng Impiyerno at makikiusap na mamagitan sa Diyos para sa kanila upang mabawasan ang pagdurusa:
"At yaong mga nasa Apoy ay magsasabi sa mga tagapagbantay ng Impiyerno, ‘Manalangin kayo sa inyong Panginoon upang pagaanin para sa amin ng isang araw ang parusa.’ Sila ay magsasabi, ‘Hindi ba dumating sa inyo ang mga Sugo na may dalang mga katibayan?’ Kanilang sasabihin, ‘Oo.’ Sila ay sasagot, ‘Kung gayon kayo (sa inyong mga sarili) ang manalangin, ngunit walang patutunguhan ang panalangin ng mga di-nanampalataya maliban sa kawalang-saysay.’" (Quran 40:49-50)
Hihiling pa sila para sa kanilang sariling kamatayan upang maibsan ang kanilang pasakit:
"At sila ay mananawagan, ‘O Malik, hayaan mo ang iyong Panginoon na magbigay-wakas sa amin!’ Kanyang sasabihin, ‘Katotohanan, kayo ay mamamalagi.’" (Quran 43:77)
Sasabihin sa kanila na ang parusa ay hindi mababawasan, ito ay walang-hanggan:
"Kahit na kayo ay matiisin o di matiisin - itong lahat ay magkakatulad para sa inyo. Kayo ay tumanggap lamang ng kabayaran sa inyong mga gawa."' (Quran 52:16)
Sila ay iiyak ng mahabang panahon:
"Kaya hayaan silang bahagyang humalakhak at pagkatapos ay manangis nang labis-labis bilang kabayaran sa anumang lagi nilang pinagsumikapan." (Quran 9:82)
Sila ay iiyak hanggang sa wala nang luhang natitira, at pagkatapos sila ay iiyak ng dugo, kung saan ang mga ito ay mag-iiwan ng mga bakas tulad ng nailarawan ng Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan):
"Ang mga tao sa Impiyerno ay paiiyakin, at sila ay iiyak hanggang sa sila ay wala nang luha. At pagkatapos sila ay iiyak ng dugo hanggang sila ay magkaroon ng parang, lagusan sa kanilang mga mukha, na kapag inilagay ang mga barko dito, sila ay lulutang."[3]
Tulad ng iyong nakita, ang mga paglalarawan ng Impiyerno sa kasulatan ng Islam ay klaro at detalyado, gayundin sa paglalarawan sa mga tao na nararapat mamalagi roon. Ganoon siya kalinaw na ang sinumang naniniwala sa Araw ng Paghuhukom at ang walang-hanggan na kahahantungan sa Kabilang-buhay ay dapat mahikayat na hindi maging kabilang sa mga taong itatapon sa loob nito. Ang pinakamainam, at totoong nag-iisang, paraan para maiwasan ang kapalarang ito ay ang mataimtim na paghahanap sa tunay na relihiyon na ipinag-utos ng Diyos sa sangkatauhan. Ang isang tao ay hinding-hindi dapat sumunod sa isang relihiyon ng basta na lamang dahil dito siya "ipinanganak", o ituring ang relihiyon na isang nauuso sa bagong panahon. Sa halip, dapat nilang saliksikin ang katotohanan sa mundong ito at sa buhay na parating, at tiyakin na sila ay nakapaghanda sa paghuhukom na ito kung saan walang pag-uulit, sa pagsasabuhay ng buhay at sistema ng paniniwala na ipinahayag at hindi nabago mula sa Nag-iisang Pinakamataas.
Mga talababa:
[1] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
[2] Ibn Katheer, sa kanyang tafsir, ay ipinapaliwanag na ang mga relihiyosong mga tao at mga propeta mula sa sinaunang panahon, na itinuring na diyos ng mga sumunod na salinlahi nang walang pahintulot mula sa kanila, ay hindi kabilang sa magiging ‘panggatong sa apoy’. Ang mga tao lamang na ninais na sambahin ng mga sumasamba ang itatapon dito, kasama ng ‘mga yaong sumamba sa kanya’ at iba pang walang-buhay na mga diyus-diyosan. Ang mga tao na tulad ni Hesus, sanasabi sa Quran: "Sa kanila na aming itinakda ang isang mabuting gantimpala sila ay ilalayo rito(Impyerno)…" (Quran 21:101)
[3] Ibn Majah
Magdagdag ng komento