Ang Paglalakbay Patungo sa Kabilang Buhay (bahagi 6 ng 8): Ang Di-mananampalataya sa Araw ng Paghuhukom
Paglalarawanˇ: Ang ilan sa mga pagsubok na haharapin ng di-mananampalataya sa Araw ng Paghuhukom.
- Ni Imam Mufti (co-author Abdurrahman Mahdi)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 Jun 2019
- Nag-print: 21
- Tumingin: 11,188 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Isang kahindik-hindik na takot ang sasapit sa binuhay na muli sa dakilang Araw ng Pagkabuhay:
"…Kanyang binibigyan sila ng palugit hanggang sa Araw na ang mga mata ay tititig (sa pagkagimbal)." (Quran 14:42)
Ang di-mananampalataya ay bubuhaying muli mula sa kanyang 'libingan' tulad ng inilarawan ng Diyos:
"Sa Araw na sila ay magsisilabas sa kanilang libingan na nagmamadali, na katulad ng pag-uunahan na marating ang punong pananda. Na ang kanilang mga mata ay nakatungo sa lupa sa pangamba at pagka-aba, ang kahihiyan ang lulukob sa kanila. Ito ang Araw na sa kanila ay ipinangako." (Quran 70:43)
Ang puso ay manginginig, nalilito tungkol sa kung anong masamang kaparusahan ang nakahanda para dito:
"At ang (ibang) mga mukha, sa Araw na iyon, ay may bahid ng alikabok. Kadiliman ang lalambong sa kanila. Sila ay ang mga di-mananampalataya, ang mga mapag-gawa ng katampalasan." (Quran 80:40-42)
"At huwag ninyong akalain na ang Diyos ay hindi nakababatid ng mga ginagawa ng mga mapag-gawa ng kamalian. Datapuwa't Kanyang binibigyan sila ng palugit (sa kanilang kabayaran) hanggang sa Araw na ang mga mata ay tititig (sa pagkagimbal). Sila ay humahangos sa unahan, na ang kanilang mga ulo ay nakatuon sa itaas, ang kanilang tingin ay hindi bumabalik tungo sa kanila, at ang kanilang mga puso ay walang laman." (Quran 14:42-43)
Ang mga di-mananampalataya ay titipunin na tulad nang sila'y isinilang - mga hubad at hindi tuli – sa isang malawak na kapatagan, isinusubasob ang mga mukha, mga bulag, bingi, at pipi:
"Aming titipunin sila sa Araw ng Muling Pagkabuhay (na nakasubasob) sa kanilang mukha – bulag, pipi, at bingi. Ang kanilang pananahanan ay Impiyerno; sa tuwing ito ay humuhupa, Aming daragdagan para sa kanila ang paglalagablab ng apoy." (Quran 17:97)
"At sinumang sumuway sa Aking paala-ala – katotohanan, sasakanya ang buhay ng kahirapan, at siya ay bubuhayin Naming muli na bulag sa Araw ng Muling Pagkabuhay." (Quran 20:124)
Sila ay tatlong ulit na "haharap" sa Diyos. Sa unang pagkakataon ay susubukan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sa walang saysay na pagtatalo laban sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nagsasabi ng mga bagay na tulad ng: "Ang mga propeta ay hindi nakarating sa amin!" Bagaman ay ipinahayag ni Allah sa Kanyang Aklat:
"…At kailanman ay hindi Kami magpaparusa malibang Kami ay magpadala muna ng sugo ." (Quran 17:15)
"…kaya huwag ninyong sabihing: ‘Walang dumating sa amin na nagdala ng mabuting balita at tagapababala….’" (Quran 5:19)
Sa ikalawang pagkakataon, ilalahad nila ang kanilang mga dahilan habang inaamin ang kanilang pagkakasala. Maging ang mga demonyo ay susubukang mangatwiran sa kanilang mga ginawang kasamaan na humantong sa pagkaligaw ng mga tao:
"Ang kanyang (tao) personal na demonyo ay magsasalita: ‘Aming Panginoon! Hindi ko siya itinulak na sumuway. Sa halip, siya mismo ay nasa kamalian, na malayong pagkaligaw.’" (Quran 50:27)
Ngunit ang Diyos, na Kataas-taasan at Makatarungan, ay hindi malilinlang. Kanyang sasabihin:
"Huwag kayong magtalo sa Aking harapan. Ako ay nagparating na sa inyo ng babala noon pa mang una. Ang salita na nanggaling sa Akin ay hindi magbabago. At Ako ay hindi nag-gagawad ng di-makatarungan (ni katiting man) sa mga alipin." (Quran 50:28-29)
Sa ikatlong pagkakataon, haharap ang masamang kaluluwa sa kanyang Lumikha upang tanggapin ang kanyang Aklat ng mga Gawa[1], isang talaan na walang nabawas.
"At ang talaan [ng mga gawa] ay ilalagay [na bukas], at inyong mamamasdan ang mga masasama na natatakot sa anumang nakapaloob dito, at kanilang sasabihin: ‘O, kasawian sa amin! Anong uri na aklat ito na hindi nakaligta ng anuman maging maliit man o malaking bagay, datapuwa't nagtala ito sa maraming bilang?’ At kanilang matatagpuan ang lahat ng kanilang ginawa na inilantad [sa kanilang harapan]. At ang inyong Panginoon ay hindi nakikitungo sa sinuman ng walang katarungan." (Quran 18:49)
Sa oras na matanggap nila ang kanilang mga talaan, ang mga masasama ay pagagalitan sa harap ng buong sangkatauhan.
"At sila ay itatambad sa harapan ng inyong Panginoon sa mga hanay, (at Siya ay magpapahayag), ‘Katotohanang kayo ay dumating sa Amin, na katulad ng paglikha Namin sa inyo noong una.’ Datapuwa't inyong inangkin na Kami ay hindi nagtakda ng pakikipagharap sa inyo!" (Quran 18:48)
Ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi: "Ito ang mga taong hindi nanampalataya sa Diyos!"[2] At sa mga ito itatanong ng Diyos ang patungkol sa mga biyayang kanilang ipinag-walang bahala. Bawat isa ay tatanungin: ‘Inisip ba ninyo na Tayo ay maghaharap?’ At habang ang bawat isa ay sumasagot: ‘Hindi!’ Sasabihin sa kanya ng Diyos: ‘Kalilimutan kita tulad ng paglimot mo sa Akin!’[3] At habang ang hindi mananampalataya ay tatangkaing magsinungaling sa kanyang pangangatwiran upang makalusot, ay tatakpan ng Diyos ang kanyang bibig, at sa halip ay ang mga bahagi ng kanyang katawan ang sasaksi laban sa kanya.
"Sa Araw na ito, Aming tatakpan ang kanilang mga bibig, at ang kanilang mga kamay ay mangungusap sa Amin, at ang kanilang mga paa ay magbibigay-saksi patungkol sa kanilang ginawa." (Quran 36:65)
Maliban sa sarili niyang mga kasalanan, ang di-mananampalataya ay magpapasan din ng mga kasalanan ng kanyang mga nailigaw.
"At noong ito ay sinabi sa kanila: ‘Ano baga ang ipinarating ng inyong Panginoon?’ Sila ay nagsasabi: ‘Mga kathang kuwento lamang ng mga tao ng sinaunang panahon,’ nang sa gayon ay kanilang dalhin nang lubos ang kanilang mga pasanin (kasalanan) sa Araw ng Muling Pagkabuhay at gayundin ang mga pasanin ng iba na kanilang iniligaw na walang kaalaman. Katiyakan, kasamaan ang kanilang tatamasahin." (Quran 16:24-25)
Ang sikolohikal na sakit ng pangungulila, kalungkutan at pag-abandona ay nasa pisikal na pagpapahirap lahat.
"…at ang Diyos ay hindi mangungusap sa kanila o titingin sa kanila sa Araw ng Muling Pagkabuhay, gayundin ay hindi Niya dadalisayin sila; at sila ay tatanggap ng kasakit-sakit na kaparusahan." (Quran 3:77)
Habang ang Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay mamamagitan para sa lahat ng mananampalataya, walang tagapamagitan na mahahanap ang hindi mananampalataya; siya na sumamba sa mga maling diyos maliban sa Nag-iisa, na Tunay na Diyos.[4]
"…At ang mga mapag-gawa ng katampalasan ay walang magiging tagapangalaga o katulong." (Quran 42:8)
Ang kanilang mga santo at espiritwal na tagapayo ay maglalayuan sa kanila, at ang hindi mananampalataya ay nanaising makabalik sa buhay na ito at gawin din ang ginawa sa mga taong kinakaila siya ngayon:
"(At dapat nilang isaalang-alang na) kung sila na kanilang sinunod ay ilalayo ang kanilang sarili sa mga sumunod (sa kanila), at kanilang mamasdan [lahat] ang kaparusahan, ang lahat ng kanilang pinagsamahan ay mapuputol. At ang mga sumunod ay magsasabi, ‘Kung mayroon man lamang kami kahit na isang pagkakataon na makabalik [sa makamundong buhay] ay aming itatatwa sila kung paano kami ay kanilang itinatwa.’ Sa ganyang paraan ay ipakikita ng Diyos ang bunga ng kanilang mga gawa na sila ay nagdadalamhati. At sila ay hindi makakaalis mula sa Apoy." (Quran 2:166-167)
Ang kalungkutan ng kaluluwang kinubabawan ng kasalanan ay napakatindi na talagang mananalangin siya: ‘O Diyos, maawa ka sa akin at huwag mo akong ilagay sa Apoy.’[5] Siya ay tatanungin: ‘Ninanais mo bang magkaroon ng isang buong mundo na puno ng ginto upang ipambayad mo, nang sa gayon ay mapalaya ang iyong sarili?’ Sa gayon, siya ay sasagot: ‘Oo.’ Kung saan siya ay sasabihan: ‘Ikaw ay hiningan para sa isang bagay na mas madali pa kaysa doon - ang sambahin ang Diyos lamang.’[6]
"At sila ay hindi pinag-utusan maliban lamang na kanilang sambahin si Allah (na nag-iisa), na may katapatan sa matuwid na relihiyon (na Islam)…." (Quran 98:5)
"At sa mga hindi mananampalataya – ang kanilang mga gawa ay tulad ng mirahe (huwad na tubigan) sa disyerto na ang isang nauuhaw ay nag-aakala na ito ay tubig, hanggang ito ay kanyang narating, at dito ay wala siyang natagpuang tubig, datapuwa't nasumpungan niya ang Diyos sa kanyang harapan, na Siyang magbabayad nang ganap ng sa kanya ay nakalaan; at ang Diyos ay maagap sa pagsusulit." (Quran 24:39)
"At itatambad Namin sa kanila ang anumang kanilang ginawa, at gagawin Namin ang mga gawaing iyon na tulad ng alikabok na kumalat." (Quran 25:23)
Ang kaluluwang hindi nanampalataya ay ibibigay sa kanyang kaliwang kamay at mula sa kanyang likuran, ang kanyang nakasulat na talaan na pinangalagaan ng mga anghel na nagtala sa bawat gawa ng kanyang buhay sa lupa.
"At siya na pagkakalooban ng kanyang talaan sa kanyang kaliwang kamay, siya ay magsasabi: ‘O, sana'y hindi na ako pinagkalooban ng aking talaan, at hindi ko na sana nalaman kung ano ang nasa aking pagsusulit.’" (Quran 69:25-26)
"Datapuwa't siya na bibigyan ng kanyang talaan sa kanyang likuran, siya ay tatangis ng malakas sa kanyang pagkawasak." (Quran 84:10-11)
At sa huli, siya ay ipapasok na sa Impiyerno:
"At ang mga hindi nanampalataya ay itataboy sa Impiyerno sa mga pangkat, hanggang sa kanilang marating ito, ang mga tarangkahan nito ay biglang bubukas at ang mga tagapagbantay nito ay magsasabi: ‘Hindi ba dumating sa inyo ang mga sugo mula sa lipon ninyo, na dumadalit sa inyo ng mga talata ng inyong Panginoon at nagbabala sa inyo ng inyong pakikipag-harap sa Araw na ito?’ Sila ay magsasabi ‘Oo, datapuwa't ang salita ng kaparusahan ay ginawang makatarungan laban sa mga hindi nanampalataya.’" (Quran 39:71)
Ang unang papasok sa Impiyerno ay ang mga pagano, kasunod ay ang mga Hudyo at Kristiyano na sumira sa totoong relihiyon ng kanilang mga propeta.[7] Ang ilan ay kakaladkarin sa Impiyerno, ang iba ay mahuhulog dito, na hinablot ng mga kawit.[8] Sa pagkakataong iyon, ang hindi nanampalataya ay nanaisin na kung maari ay maging isa na lamang siyang alikabok, sa halip na umani ng mga mapait na bunga ng kanyang masasamang gawa.
"Katotohanan, Kami ay nagbabala sa inyo ng nalalapit na kaparusahan sa Araw na ang tao ay makapagmamalas (sa gawa) ng kanyang mga kamay kung saan siya inihantong at ang hindi nananampalataya ay magsasabi: ‘O, sana ay naging alikabok na lamang ako!’" (Quran 78:40)
Magdagdag ng komento