Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 4 ng 7): Ang Kalubus-lubusang Kautusan sa Bibliya at sa Quran
Paglalarawanˇ: Ano ang una at pinakamalaki sa lahat ng mga kautusan na nakasaad sa Bibliya, na binigyang-diin ni Hesus.
- Ni Shabir Ally
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 23 Dec 2007
- Nag-print: 10
- Tumingin: 11,396 (araw-araw na pamantayan: 7)
- Nag-marka: 130
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang ilan ay magsasabi na ang buong diskusyong ito patungkol sa pagka-diyos ni Hesus ay hindi kinakailangan. Sinasabi nila, na ang mahalaga ay ang tanggapin si Hesus bilang personal mong tagapagligtas. Kabaliktaran nito, ang mga manunulat ng Bibliya ay nagbigay-diin na, para maligtas, kinakailangan ang pag-unawa kung sino talaga ang Diyos. Ang pagkabigo na maunawaan ito ay magiging paglabag sa una at pinakamalaki sa lahat ng kautusan na nasa Bibliya. Ang kautusang ito ay binigyang-diin ni Hesus, mapasakanya ang kapayapaan, nang may isang tagapagturo ng mga Alituntunin ni Moses na nagtanong sa kanya: "‘Sa lahat ng mga kautusan, alin ang pinakamahalaga? ’ "Ang pinakamahalaga," sagot daw ni Hesus, "ay ito: 'Pakinggan, O Israel, ang Diyos na ating Panginoon, ay Nag-iisang Diyos. Mahalin mo ang Diyos na iyong Panginoon ng iyong buong puso at iyong buong kaluluwa at ng iyong buong pag-iisip at ng iyong buong kalakasan.'" (Marcos 12:28-30).
Pansinin na binanggit ni Hesus ang unang kautusan sa aklat ng Deuteronomio 6:4-5. Pinatotohanan ni Hesus na ang kautusang ito ay hindi lamang nagpatuloy na may bisa, kundi ito rin ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan. Kung itinuturing ni Hesus ang kanyang sarili bilang Diyos, bakit hindi niya ito sinabi? Sa halip, kanyang binigyang-diin na ang Diyos ay Nag-iisa. Ito ay naunawaan ng taong nagtanong kay Hesus, at ang kasunod na sinabi ng naturang lalaki ay nagpalinaw lalo na Ang Diyos ay hindi si Hesus, dahil kanyang sinabi kay Hesus: “‘Sa katotohanan, Guro, ito ang katotohanan ang pagkakasabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba liban sa kaniya.’” (Marcos 12:32).
Ngayon, kung si Hesus ay Diyos, sasabihin niya ito sa naturang lalaki. Bagkus, hinayaan niyang tukuyin ng naturang lalaki ang Diyos bilang bukod pa kay Hesus, at nakita niya pa na matatas sa pagsagot ang lalaki: "At nang makita ni Hesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi niya sa kaniya, 'Hindi ka malayo sa kaharian ng Dios." (Marcos 12:34). Kung alam ni Hesus na ang Diyos ay tatlong persona, bakit hindi niya sinabi? Bakit hindi sinabi na ang Diyos ay isa sa tatlo, o tatlo sa isa? Sa halip, ipinahayag niya na ang Diyos ay Nag-iisa. Ang tunay na mga tumutulad kay Hesus ay tutularan rin siya sa kanyang pagpapahayag ng Kaisahan ng Diyos. Hindi sila magdaragdag ng salitang 'tatlo' kung hindi naman ito sinabi ni Hesus.
Ang kaligtasan ba ay nakabase sa kautusan na ito? Oo, sabi sa Bibliya! Ginawa itong malinaw ni Hesus nang mayroong isa pang lalaki na lumapit kay Hesus upang matuto mula sa kanya (tingnan sa Marcos 10:17-19). Lumuhod ang lalaki at nagsabi kay Hesus: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang" (Marcos 10:17-18).
Sa pagsasabi nito, ginawang malinaw ni Hesus ang pagkakaiba sa pagitan niya at ng Diyos. Pagkatapos siya ay nagpatuloy sa pagsagot sa katanungan ng naturang lalaki patungkol sa kung paano makakamit ang kaligtasan. Sinabi ni Hesus sa kanya: “Datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos." (Mateo 19:17 tingnan rin sa Marcos 10:19).
Tandaan na ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan, ay ang kilalanin ang Diyos na tanging Diyos. Higit na binigyang-diin ito ni Hesus base sa Ebanghelyo na ayon kay Juan. Sa Juan 17:1, itinaas ni Hesus ang kanyang paningin sa langit at nanalangin, tumatawag sa Diyos bilang Ama. Pagkatapos ay sa ikatatlong talata, sinabi daw ni Hesus sa Diyos ang mga sumusunod: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo." (Juan 17:3).
Patunay ito na walang pagdududa na kung nagnanais ang mga tao na makamit ang buhay na walang hanggan dapat nilang alamin na Ang Nag-iisa, na Siyang pinag-aalayan ni Hesus ng kanyang panalangin, ay ang Natatanging Tunay na Diyos, at dapat nilang alamin na si Hesus ay isinugo ng Tunay ng Diyos. Ang ilan ay nagsasabing ang ama ay Diyos, ang anak ay Diyos, ang espirito santo ay Diyos. Ngunit sinabi ni Hesus na ang Ama lamang ang Natatanging Tunay na Diyos. Ang mga tunay na tagasunod ni Hesus ay susunod din sa kanya dito. Nasabi ni Hesus na ang mga tunay niyang tagasunod ay yaong mga pinanghahawakan ang kanyang mga katuruan. Sinabi niya: “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko."(Juan 8:31). Ang Kanyang katuruan ay para magpatuloy ang mga tao sa pag-iingat sa mga kautusan, higit lalo sa unang kautusan na nagbibigay-diin na ang Diyos ay Nag-iisa, at marapat na mahalin natin ang Diyos nang buong puso at ating buong kalakasan.
Minamahal natin si Hesus, ngunit hindi natin siya marapat na mahalin nang higit sa pagmamahal natin sa Diyos. Sa kasalukuyan, marami ang nagmamahal kay Hesus nang higit pa sa kanilang pagmamahal sa Tagapaglikha. Ito ay sa kadahilanang ang paningin nila patungkol sa Diyos ay mapaghiganting-persona na nagnanais ng nararapat na kaparusahan sa kanila, at ang pananaw nila kay Hesus ay ang tagapagligtas na nagsagip sa kanila mula sa galit ng Diyos. Ngunit ang Diyos lamang ang Natatanging Tagapagligtas. Ayon sa Isaias 43:11, ang Diyos ay nagsabi: “Ako, ako ang PANGINOON, at liban sa akin ay walang tagapagligtas.” Gayundin na ang Diyos ay nagsabi ayon sa Isaias 45:21-22: “Hindi ba Ako, na Panginoon? At walang Diyos liban sa akin, isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas; walang iba liban sa Akin. Kayo'y bumaling sa Akin, at kayo'y maliligtas, lahat ng dulo ng lupa! Sapagkat Ako'y Diyos, at walang iba liban sa Akin.”
Pinatototohanan ng Quran ang unang kautusan at ipinapahayag ito sa buong sangkatauhan (tingnan sa Quran 2:163). At ipinapahayag ng Diyos na ang mga tunay na mananampalataya ay nagmamahal sa Kanya nang higit pa sa sinuman at anuman (Quran 2:165).
Magdagdag ng komento