Si Angel, Dating Kristiyano, Estados Unidos
Paglalarawanˇ: Mula sa isang watak na pamilya at lipunan, isang babae ang nakahanap ng suporta mula sa ilang kaibigang Muslim.
- Ni Angel (Edited by IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 07 May 2014
- Nag-print: 1
- Tumingin: 2,481 (araw-araw na pamantayan: 2)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Bawat Muslim ay mayroong istorya patungkol sa pagtahak nila ng landas patungo sa Islam. Bawat isa ay interesante at kakatwa sa akin. Tunay na pinapatnubayan ng Dakilang Tagapaglikha sinuman ang Kanyang naisin at tanging kung sino lamang ang Kanyang naisin. Pakiramdam ko'y pinagpala ako na maging isa sa mga napiling mapatnubayan. Ito ang aking kwento.
Palagi akong naniniwala sa Nag-iisang Diyos na Tagapaglikha. Buong buhay ko sa mga panahon ng paghihirap, humihingi ako sa Diyos ng tulong kahit noong ako ay nasa murang edad pa lamang. Natatandaan ko ang aking sariling umiiyak sa pagmamakaawa sa loob ng kusina, may mga sigawan at iyakan sa buong paligid ko. Nagdarasal ako sa Diyos na patigilin ang mga 'yon. Ang relihiyon naman sa kabilang banda, ay hindi kailanman nagkaroon ng saysay. Habang ako'y tumatanda, mas lalong naging walang saysay ito para sa akin. Mga taong nag-iisip na sila ang tulay sa pagitan mo at sa Diyos
Ganun din ang pakiramdam ko patungkol kay Hesus, [mapasakanya ang habag at pagpapala ng Dakilang Tagapaglikha]. Paano magagawa na ang taong ito ay maililigtas tayong lahat mula sa ating mga kasalanan? Bakit tayo mayroong karapatan na magkasala dahil lamang sa kanya? Inayawan ko ang bibliya sa lahat ng mga bersyon nito, sa paniniwala na ang isang bagay na isinalin at muling isinulat ng napakaraming beses ay hindi maaring maging tunay na mga salita ng Diyos. Sa edad na kinse, sumuko na ako sa ideya ng paghahanap sa Diyos.
Sa aking paglaki, ang aking pamilya ay pangkaraniwan na pamilyang Amerikano. Lahat ng kilala ko ay nakaranas ng parehong mga problema habang lumalaki. Ang aking ama ay isang masipag na manggagawang pisikal na lulong sa alak. Sa pagdaan ng panahon mas lumala ang kanyang kondisyon, at gayundin ang kanyang kabuktutan. Ang sekswal na pang-aabuso, pang-aabusong pisikal, at ang takot ay gumawa ng marka sa aking kabataan na sumasalamin ng aking buong buhay. Siya ay namatay noong ako ay nasa ika-anim na baitang. Hiwalay na ang mga magulang ko noon. Ako ang pinakabata sa walong magkakapatid. Umaalis ang aking ina patungong trabaho upang kami'y masuportahan, at madalas akong mag-isa sa aming tahanan.
Naroon ako, isa sa mga bata na lumayo mula sa lipunan, tinatakot ang mga tao kapag pumapasok sila sa kwarto. Nagsimula akong magsuot ng itim na mga kasuotan at madidilim na kolorete sa mukha. Nakikinig ako ng gothic na tunog ng musika at nangarap patungkol sa kamatayan. Tila ang kamatayan ay hindi gaanong nakakatakot at mas nagiging isang solusyon sa lumalalang problema. Pakiramdam ko ay mag-isa ako sa lahat ng oras, kahit kasama ang mga kaibigan. Sinubukan kong punan ang kulang sa pamamagitan ng mga sigarilyo, alak, gawaing sekswal, paggamit ng ipinagbabawal na mga gamot at anumang bagay na mag-aalis sa akin mula sa aking mga naiisip. Sinubukan kong kitilin ang sarili kong buhay nang hindi bababa sa labin-limang beses. Kahit anong sinubukan kong gawin, ang sakit na isinasaloob ko ay tila hindi kailanman nabawasan.
Ako ay nasa kolehiyo nang ako'y nagdalang-tao sa aking anak na lalaki, natakot ako para sa kalusugan ng aking anak at hindi ko maisip na siya'y ipamigay. Nagtrabaho ako ng walang humpay para matustusan ang aking anak. Pinipiga ang lahat ng sakit at galit sa aking puso, binago ko ang aking sarili kahit paano. Sa mga panahong 'yon, wala akong pinagkatiwalaan. Makalipas ang tatlong taon, nagsimula akong lumabas at makipagtagpong muli. Pumayag akong makipagtipan. Nais ko talagang magkaroon ng higit pa roon. Gaya sa lahat ng naging karanasan ko, gumuho ang mundo ko. Ako ay nasa edad dalawaput-lima at nagdadalang-tao sa aking anak na babae at pinutol ang relasyon sa aking kasintahan matapos niya akong paulit-ulit na lokohin at saktan sa paraang pisikal. Wala akong ideya kung ano ang kasunod.
Sa panahon na 'yon ako ay nagtatrabaho sa isang lalaking Pakistani na isang Muslim. Hindi ako nanonood ng mga balita o nagbigay pansin sa kung ano ang tunay na nangyayari sa paligid . Para sa akin, ang pagiging Muslim ay walang pinagkaiba sa ibang relihiyon. Sa paglipas ng panahon naging kaibigan ko ang ilan sa mga lalaking Muslim. Nagsimula ang pagpansin ko sa malaking kaibahan. Mayroon sila nitong mga hindi mapagdududahang mabuting kaugalian. Isang dedikasyon sa Diyos sa paraan na kailangan nilang magdasal ng limang beses sa isang araw. Bukod pa dito ang katotohanan na hindi sila umiinom ng alak o gumagamit ng pinagbabawal na gamot. Para sa aking henerasyon, ito ay kaugaliang pang-sinauna, marahil tulad doon sa mga sinunod ng iyong mga lolo at lola.
Nang isilang ko ang anak kong babae, hindi mo mailalarawan ang aking pagkagulat nang ang isa sa mga lalaking ito ay dumating at nagdala ng regalo. Ako ay natulala sa pagkagulat. Kinarga niya ang aking anak at kinausap ito. Wala pa akong nakitang lalaki na ganoon ang asal sa isang sanggol. Ang kabutihan ay nadagdagan lamang sa sumunod na apat na buwan. Hindi ko maipaliwanag ang pagmamahal na ipinapakita sa amin. Dahan-dahan, ang interes ko sa kanilang relihiyon ay nadaragdagan. Interesado ako sa kung anong uri ng relihiyon ang nakapagtatanim ng ganitong uri ng pag-uugali sa mga tao.
Nakikipaghati ako ng bahay sa pitong tao, nang isang gabi, napagpasyahan kong hiramin ang computer ng kasamahan ko sa bahay. Masyado akong takot na masaktan ang damdamin ng mga kaibigan ko sa pagtatanong sa kanila, kaya dumulog ako sa internet. Ang unang site na aking nabuksan ay http://www.islam-brief-guide.org. Lubos akong namangha. Para bagang may maitim na bagay na inalis mula sa aking katawan, at sinusumpa ko sa inyo na hindi ko pa naramdamang napakalapit ko sa Diyos katulad sa oras na 'yon. Sa loob ng dalawampu’t apat na oras, ginawa ko ang Shahadah.
Hanggang sa araw na ito, karamihan sa aking oras ay ginugugol ko sa pagsasaliksik. Sa unang pagkakataon sa aking buhay may isang bagay na nagpahinto sa galit, at sa sakit. Tunay kong naramdaman ang pagmamahal at pagkatakot sa Diyos. Ang sakit na nasa aking kalooban ay pinalitan ng Diyos ng Kanyang liwanag at ng paniniwala sa Kanya. Simula ng aking pagyakap sa Islam, pinagpala ako ng Diyos. Binigyan ako ng Diyos ng lakas para itigil ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, at hindi na ako gumamit ng pinagbabawal na gamot sa halos dalawang taon na. Ikinasal ako sa isang kahanga-hangang lalaking Muslim. Tinanggap niya ang aking mga anak at itinuring na aming dalawa. Nagkaroon ako ng palagi'y hinihiling ko - isang pamilya, [ang Papuri ay mapasa-Dakilang Tagapaglikha].
Magdagdag ng komento