Si Brandon Toropov, Dating Kristiyano, USA (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang personal na pakikipagsapalaran ng isang tao upang pag-aralan ang pinaka-tunay na mga talata sa Bibliya, ang mga talatang Q, na umakay sa kanya patungo sa Islam. Pangalawang bahagi: Isang paghahambing sa Quran.
- Ni Brandon Toropov
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 25 May 2007
- Nag-print: 3
- Tumingin: 4,925 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Nakatuon sa Mga Kasabihan ng Ebanghelyo
Sa partikular, ako ay naging interesado sa ginawang pagsasaliksik na nagpapahiwatig na ang pinakalumang sapin ng mga Ebanghelyo ay nagpakita ng isang napakalumang pinagmumulan na oral na kilala bilang Q, na ang bawat isa sa mga indibidwal na kasabihan ni Hesus, sumakanya nawa ang habag at pagpapala ng Diyos, ay kinakailangang suriin sa sarili nitong mga katangian, at hindi bilang bahagi ng pasalaysay na materyal na nakapalibut dito.
Ito ay dahil ang pasalaysay na materyal na ito ay idinagdag makalipas ang maraming taon.
Isang Nasaksihang Kuwento?
Sa katunayan, kapag mas sinasaliksik ko ang paksang ito, mas nakikita ko ang aking sarili na naiisip ang pag-uusap na namin tungkol sa Ebanghelyo ni Juan kasama ang aking pari. Napagtanto ko na ang hindi niya gusto o hindi niya maaaring sabihin sa akin ay ang tungkol sa ang (mga) may-akda ng Ebanghelyo ni Juan na matagal ng nagsisinungaling. Ito ay malinaw na hindi isang nasaksihang kuwento, kahit na sinasabi na ganoon nga.
Ako ay nasa isang kakaibang sitwasyon. Ako ay tunay na nasisiyahan sa pagsasama-sama ng mga Kristiyano sa aking simbahan, na lahat ay dedikado at madasaling mga tao. Ang pagiging bahagi ng isang relihiyosong pamayanan ay mahalaga para sa akin. Gayunpaman, mayroon akong malalim na intelektuwal na pagdududa tungkol sa nararapat na pagiging tunay ng mga salaysay ng Ebanghelyo. At bukod pa dito, Ako ay, mas lalong nakakakita ng iba't ibang mga mensahe mula sa mga kasabihan ng Ebanghelyo tungkol kay Hesus kaysa sa kung ano ang nakikita ng mga kapwa ko Kristiyano.
Ang Pakikipagbuno sa Doktrina ng Trinidad
Kapag mas tinitingnan ko ang mga kasabihan na ito, mas imposible para sa akin na pagtugmain ang pagkaunawa sa Trinidad na tila noo'y pinakatunay para sa akin sa mga Ebanghelyo. Nakikita ko ang aking sarili na nakaharap sa ilang mahihirap na mga katanungan.
Saan sa Ebanghelyo na ginamit ni Hesus ang salitang “Trinidad”?
Kung si Hesus ay Diyos, tulad ng sinasabi ng doktrinang Trinidad, bakit niya sinasamba ang Diyos?
AT -- kung si Hesus ay Diyos, bakit niya sasabihin ang tulad ng mga sumusunod?
“Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, iyan ay ang Diyos.” (Mark 10:18)
Nakalimutan ba niya na siya mismo ang Diyos noong sinabi niya ito?
(Isang dako ng pansin -- Nagkaroon ako ng isang talakayan kasama ang isang babae na tiniyak sa akin na ang mga siping ito ay talagang wala sa mga Ebanghelyo, at tumangging maniwala na ito ay nailathala doon hanggang sa ibinigay ko sa kanya ang numero ng kabanata at bersikulo at sarili niya itong hinanap.
Ang Banal na Quran
Noong Nobyembre ng 2002, nagsimula akong magbasa ng isang salin ng Quran.
Hindi pa ako kailanman nakabasa ng isang Ingles na salin ng buong teksto ng Quran noon. Ang nabasa ko lamang ay mga buod ng Quran na isinulat ng mga hindi Muslim. (At may sobrang nakakaliligaw na mga buod dito.)
Ang mga salita ay hindi sapat upang ilarawan ang pambihirang epekto ng librong ito sa akin. Sapat ng sabihin na ang parehong magnetismo na umakay sa akin sa mga Ebanghelyo sa edad na labing isang taon ay naroroon sa isang makabago at makapangyarihang anyo. Ang aklat na ito ay nagsasabi sa akin, tulad ng masasabi kong sinasabi ni Hesus sa akin, tungkol sa mga bagay ng tunay na pagmamalasakit.
Makapangyarihang Patnubay
Ang Quran ay naghahandog ng Makapangyarihang Patnubay at makabagbag-damdaming mga tugon sa mga katanungang maraming taon ko ng tinatanong tungkol sa mga Ebanghelyo.
“Hindi marapat para sa sinumang tao na nabigyan ng Diyos ng kasulatan at ng karunungan at ng pagka-propeta, pagkaraan siya ay magsasabi sa tao na: "Kayo ay magpaalipin sa akin bukod sa Diyos." Ngunit (sa halip siya ay nararapat na magsabing): "Kayo ay maging matwid na mananampalataya ng Panginoon, dahil kayo ay nagtuturo sa Kasulatan at inyong pinag-aralan ito." At kayo ay hindi rin niya dapat pag-utusang magturing sa mga anghel at sa mga propeta bilang inyong mga Panginoon. Dapat ba niyang ipag-utos sa inyo ang kawalan ng paniniwala pagkaraang kayo ay maging mga Muslim (na tumalima sa Diyos)?” (Quran 3:79-80)
Inakay ako ng Quran patungo sa mensahe nito sapagkat malakas na kinumpirma nito ang mga kasabihan ni Hesus na naramdaman ko sa aking puso na ito ay kapani-paniwala. May mga bagay na nabago sa Ebanghelyo, at ang mga bagay na iyon, alam ko sa aking puso, ay nanatiling buo sa teksto ng Quran.
Nakagugulat na mga Pagkakahalintulad
Sa ibaba, makikita mo ang ilang mga halimbawa ng mga pagkakahalintulad na naging dahilan ng pagluluksa ng aking puso sa pagsamba sa Diyos. Ang bawat bersikulo ng Ebanghelyo ay nagmula sa muling nabuong teksto na kilala bilang Q -- isang teksto na pinaniniwalaan ng mga kasalukuyang iskolar na kumakatawan sa pinakalumang nananatiling mga sapin ng mga turo ng Mesiyas. Tandaan kung gaano kalapit ang materyal na ito sa mensahe ng Quran.
Sinasang-ayunan ng Q ang Quran patungkol sa Tawheed (Monoteismo)
Sa Q, itinataguyod ni Hesus, nang walang pagdududa, ang isang mahigpit na monoteismo.
“Umalis ka sa likuran ko, Satanas: dahil ito ay nakasulat na, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” (Luke 4:8)
paghambingin:
“Hindi Ko ba iniutos sa inyo, O mga anak ni Adan, na huwag kayong sumamba sa satanas? Katotohanan, siya ay inyong hayag na kaaway. At kayo ay (nararapat) sumamba sa Akin dahil Ito ang matuwid na Landas?” (Quran 36:60-61)
Sinasang-ayunan ng Q ang Quran patungkol sa Aqaba (Ang Matarik na Landas)
Kinikilala ng Q ang Tamang Landas na madalas na mahirap, ang landas na pipiliin ng mga hindi naniniwala na huwag sundin.
“Pumasok kayo sa makipot na tarangkahan sapagkat ang maluwang na tarangkahan at malapad na daan ay patungo sa kapahamakan. At marami ang patungo roon. Subalit ang makipot na tarangkahan at makitid na daan ay patungo sa buhay. At kakaunti ang mga nakakasumpong nito.” (Matthew 7:13-14)
Paghambingin:
“Ginawang kaakit-akit ang buhay sa mundong ito para sa mga di-naniniwala at kanilang kinukutya yaong mga naniniwala. Subali't yaong mga natatakot sa Diyos ay nakapaibabaw sa kanila (sa mga di-naniniwala) sa Araw ng Muling Pagkabuhay…” (Quran 2:212)
“At ano ang makapagpapaliwanag sa iyo kung ano ang matarik na landas? Ito ay ang pagpapalaya ng isang alipin, o ang pagpapakain sa araw ng matinding paghihikahos, sa isang ulilang malapit na kamag-anak, o sa isang inaaping dukha. Pagkaraan, siya ay naging kabilang niyaong mga naniwala at nagpayuhan sa isa't isa sa pagtitiis at nagpayuhan sa isa't isa sa pagiging maawain.” (Quran 90:12-17)
Sinasang-ayunan ng Q ang Quran Patungkol sa Taqwa (Takot sa Diyos)
Binabalaan tayo ng Q na matakot lamang sa paghuhukom ng Diyos.
“Mga kaibigan ko, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan. Pagkatapos nilang pumatay wala na silang magagawang anumang bagay. Ipakikita ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo Siya na pagkatapos pumatay ay may kapamahalaang magtapon sa Impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan ninyo Siya!” (Luke 12:4-5)
Paghambingin:
“Sa Kanya ang anumang nasa mga kalangitan at ng anumang nasa kalupaan at sa Kanya nararapat ang palagiang pagsamba. Kaya, mayroon ba kayong ibang kinatatakutan bukod sa Diyos?” (Quran 16:52)
Sinasang-ayunan ng Q ang Quran Patungkol sa mga Patibong ng Dunya (Makamundong Buhay)
Sa Q, malinaw na binabalaan ni Hesus ang sangkatauhan na ang mga makamundong kapakinabangan at kasiyahan ay hindi dapat maging layunin ng ating buhay:
“Kapighatian para sa inyo kayong mga mayayaman ngayon, sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan. Kapighatian para sa inyo kayong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom! Kapighatian para sa inyo kayong mga tumatawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis.” (Luke 6:24)
Paghambingin:
“Ang paligsahan sa pagpaparami (ng mga makamundong yaman) ay labis na nakagambala sa inyo. Hanggang kayo ay humantong sa mga libingan. Gayunpaman, ito ay inyong mapag-aalaman. Pagkaraan, gayunpaman ito ay inyong mapag-aalaman! Gayunpaman, kung inyong nalalaman lamang nang may tiyak na kaalaman. Sapagka't, (sanhi ng pagkahumaling sa makamundong yaman) inyong makikita ang Apoy ng Impiyerno. Pagkaraan, ito ay makikita ng inyong mga mata nang may katiyakan. Pagkaraan, katiyakan na kayo ay tatanungin sa Araw na iyon, tungkol sa (inyong mga tinamasang) kaligayahan.” (Quran 102:1-8)
Binabalaan ng Q ang Sangkatauhan na Huwag Ipagpalagay na ang pagpasok sa Langit ay Sigurado!
Isaalang-alang din ang sumusunod na mga nakapanginginig na salita mula sa Mesiyas, na dapat (!) makapagpakumbaba sa bawat puso, puksain ang lahat ng anyo ng pagmamataas sa mga espiritwal na bagay, at patahimikin ang lahat ng pag-atake sa kapwa naniniwala sa nag-iisang Diyos:
“Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” (Matthew 8:11-12)
Malinaw, na ito ay isang mahalagang katuruan upang alalahanin ng lahat ng mabubuting kaisipan na tao... at isa-isip.
Walang Sinasabi ang Q Patungkol sa Pagkakapako sa Krus o Pagsasakripisiyo!
Nakita mo kung paano ang mga makasaysayang pinakalumang mga bersikulo -- Ang mga bersikulong Q -- magkapareho sa mga pangunahing turo ng Quran. Nararapat din na banggitin ang katotohanan na ang Q ay hindi nagtuturo ng anuman patungkol sa Pagkakapako sa Krus, patungkol sa pagsasakripisyong likas na tungkulin ni Hesus ... talaga ngang isang nakakaintrigang paglaktaw!
Kung gayon tayo ay napag-iwanan kasama ng isang kataka-takang lumang Ebanghelyo -- isang Ebanghelyo na pinaniniwalaan ng mga (hindi Muslim) na mga iskolar na ayon sa kasaysayan ay pinakamalapit kay Hesus -- isang Ebanghelyo na may mga sumusunod na katangian:
Pagkakasundo sa matatag na mensahe ng Quran patungkol sa Kaisahan ng Diyos.
Pagkakasundo sa mensahe ng Quran patungkol sa kabilang buhay na kaligtasan o Impiyerno ... batay sa ating mga makamundong gawain.
Pagkakasundo sa babala ng Quran na huwag malinlang ng dunya -- sa mga pang-akit at kasiyahan ng makamundong buhay.
At...
Isang ganap na PAGLIBAN o pag-iwan sa anumang may kaugnayan sa pagkamatay ni Kristo sa krus, muling pagkabuhay, o pagsasakripisiyo para sa sangkatauhan!
Ito ang Ebanghelyong kinilala para sa atin ng mga kasalukuyang pinakabagong mga hindi Muslim na iskolar ... at ang Ebanghelyong ito ay nagtuturo sa atin, kung makikinig lamang tayo dito, nang tiyak na parehong direksyon tulad ng Quran!
Mga minamahal kong kapatid na kalalakihan at kababaihang Kristiyano -- Hinihiling ko sa inyo na isipin ang tamang sagot na may kasamang pagdarasal, upang matamo ang patnubay ng makapangyarihang Diyos sa tanong na ito: maaari ba itong maging isang pagkakataon lamang?
Ibahagi Ang Salita!
Ako ay naging isang Muslim noong March 20, 2003. Ito ay naging malinaw para sa akin na kailangan kong ibahagi ang mensaheng ito sa mas marami pang maalalahaning mga Kristiyano.
Magdagdag ng komento