Paano Makitungo ang Islam sa Kalungkutan at Pag-aalala (bahagi 1 ng 4): Ang Kondisyon ng Tao
Paglalarawanˇ: Katotohanan, sa pagalaala sa Diyos masusumpungan ang kapanatagan ng puso. (Quran 13:28)
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 07 Apr 2013
- Nag-print: 7
- Tumingin: 7,211
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang pangkaraniwan na tao sa kasalukuyang mundo ay nakikipaglaban sa kalungkutan at pagkabalisa sa araw-araw. Habang ang karamihan sa populasyon ng mundo ay nahaharap sa labis na kahirapan, taggutom, kaguluhan at kawalan ng pag-asa, tayo na siyang may pribilehiyo na mamuhay ng magaan na buhay ay dapat harapin ang takot, hirap, at pagkabalisa. Bakit ang ilan sa atin na pinagpala ng mga higit na kayamanan ay lubog sa kalungkutan at kawalan ng pag-asa? Nabubuhay tayo sa panahon ng pagkalito, sinusubukan natin hangga't maaari, subalit ang pagtitipon ng mga materyal na pag-aari ay walang magagawa upang ma-hilom ang mga nabiyak na puso, at nadurog na mga kaluluwa.
Ngayon, higit sa anumang panahon sa kasaysayan ng tao, ang hirap, pagkabalisa, at sikolohikal na mga problema ay malubhang nakakaapekto sa kalagayan ng tao. Ang mga paniniwala sa relihiyon ay nararapat na magdulot ng isang pakiramdam ng kaginhawaan subalit; tila ang ika-21 siglong tao ay nawalan na ng kakayahang kumonekta sa Diyos. Ang pag-ninilay ng kahulugan ng buhay ay hindi nagpapawi ng pakiramdam ng pagka-abandona o pag-iisa. Ang pagnanais na makakuha ng mga materyal na pag-aari, na sa ibang paraan ay nagiging patunay sa kadahilanan ng ating pag-iral, ay naging pamahid na lamang na pansamantalang nagpapaginhawa sa ating problemadong mga kaluluwa. Bakit ganito?
Mayroon tayong lahat ng bagay na magagamit, subalit ang katotohanan ay wala ni anuman. Walang bagay na nagbibigay-aliw sa kaluluwa. Ang magagarang kagamitan ay hindi umaakay sa ating mga kamay sa madidilim na gabi. Ang pinakabago sentro ng libangan ay hindi pinupunasan ang ating mga luha o pinapawi ang ating kulubot na kilay. Yaong sa atin na nabubuhay sa sakit at kalungkutan, o dinatnan ng kahirapan ay nakakaramdam ng pagka-abandona. Pakiramdam natin walang katapusan sa isang malawak na karagatan. May mga malalaking alon na nagbabantang lamunin tayo sa anumang sandali. Ang ating mga pagnanasa at utang ay nasa taluktok at bumabagabag sa atin, na parang mga dakilang mapaghiganting mga anghel, at naghahanap tayo ng kaginhawahan sa nakaka-adik at mga kaugaliang nakakasira sa sarili.
Paano tayo makalalayo sa bangin? Sa Islam, ang sagot ay napaka-simple. Bumalik tayo sa ating Maylalang. Alam ng Diyos kung ano ang pinakamainam para sa Kanyang nilikha. Siya ay may kumpletong kaalaman sa pag-iisip ng tao. Alam niya ang sakit, kawalan ng pag-asa, at kalungkutan. Ang Diyos ang ating inaabot sa kadiliman. Kapag ibinabalik natin ang Diyos sa ating mga plano, ang sakit ay huhupa.
“Sila na sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah at sa Islam), at yaong mga puso na nakadarama ng katiwasayan sa pag-aala-ala kay Allah” (Quran 13:28)
Ang Islam ay hindi isang relihiyon na puno ng mga walang kabuluhang mga ritwal at mahigpit na mga patakaran at alituntunin, bagaman maaari itong maging ganyan kung nakakalimutan na natin kung ano ang tunay nating layunin sa buhay. Nilikha tayo upang sambahin ang Diyos, wala nang iba pa. Gayunpaman, ang Diyos, sa Kanyang walang hanggan na awa at karunungan ay hindi tayo pinabayaan sa mundong ito na puno ng mga pagsubok at pagdurusa. Pinag-armas niya tayo ng mga sandata. Ang mga sandatang ito ay mas malakas kaysa sa mga sandatang militar ng dakilang hukbo ng ika-21 siglo. Binigyan tayo ng Diyos ng Quran, at ang mapananaligang tradisyon ng Kanyang Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala).
Ang Quran ay isang aklat ng gabay at ang mga tradisyon ni Propeta Muhammad ay nagpapaliwanag sa patnubay na iyon. Ang relihiyon ng Islam ay tungkol sa paggawa at pananatili sa isang pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ganito ang pakikitungo sa Islam sa kalungkutan at pagkabalisa. Kapag ang alon ay malapit nang lumagpak o ang mundo ay nagsisimulang umikot ng wala sa kontrol ang Diyos lamang ang nag-iisang matibay na kadahilanan. Ang pinakamalaking pagkakamali na maaaring magawa ng isang mananampalataya ay ang paghiwalayin ang mga relihiyoso at materyal na aspeto ng kanyang buhay.
“ Si Allah ay nangako sa mga sumasampalataya (sa Kaisahan ni Allah, pagiging Tanging Isa ng Diyos sa Islam), at gumagawa ng kabutihan, na para sa kanila ay mayroong pagpapatawad at isang malaking gantimpala (alalaong baga, ang Paraiso).” (Quran 5:9)
Kapag tinatanggap natin nang buong pagtalima, na tayo ay hindi hihigit sa mga alipin ng Diyos, na inilagay sa mundong ito, upang subukan, suriin at tuksuhin, ang buhay ay biglang mababago ang kahulugan. Kinikilala natin na ang Diyos ang tanging laging nandiyan sa ating buhay at kinikilala nating totoo ang Kanyang pangako. Kapag napuspos tayo ng pagkabalisa at kalungkutan, ang kaginhawaan ay nagmumula sa pagbaling sa Diyos. Kung mamumuhay tayo alinsunod sa Kanyang patnubay, makukuha natin ang mga paraan at kakayahang malampasan ang anumang kawalan ng pag-asa. Ipinahayag ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) na ang lahat ng mga gawain ng isang mananampalataya ay mabuti.
Tunay na kamangha-mangha ang mga bagay ng isang mananampalataya! Lahat ito ay para sa kanyang pakinabang. Kung bibigyan siya ng kadalian, nagpapasalamat siya, at magiging mabuti ito para sa kanya. At kung siya ay nagdurusa sa isang paghihirap, nagtitiyaga siya, at ito ay magiging mabuti para sa kanya.[1]
Ang Islam ay may sagot sa lahat ng mga problema na nagpapahirap sa sangkatauhan. Hinihiling nito sa atin na tumingin lagpas sa pansariling-kaluguran, at higit pa, sa kabila ng pangangailangan na magkaroon ng mga pag-aari. Ipinapaalala sa atin ng Islam na ang buhay na ito ay isang pansamantalang pahingahan lamang sa daan patungo sa buhay na walang hanggan. Ang buhay ng mundong ito ay isang sandali lamang, kung minsan ay nag-uumapaw sa mga sandali ng sobrang kagalakan at kaligayahan ngunit sa ibang mga pagkakataon ay puno ng kalungkutan, pagkabalisa, at kawalan ng pag-asa. Ito ang likas na katangian ng buhay, at ito ang kondisyon ng tao.
Sa mga sumusunod na tatlong artikulo, susuriin natin ang patnubay mula sa Quran at ang mapananaligang tradisyon ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) sa pagsisikap na matuklasan lamang kung paano iminumungkahi ng Islam na harapin natin ang kalungkutan at pagkabalisa. Mayroong tatlong pangunahing mga punto na magpapahintulot sa mananampalataya na palayain ang kanyang sarili mula sa mga kadena ng buhay ng ika-21 siglo. Ang mga ito ay pasensya, pasasalamat, at pagtitiwala sa Diyos. Sa wikang Arabik, sabr, shukr at tawwakul.
“At katiyakang kayo ay Aming susubukan sa mga bagay na tulad ng pangamba at pagkagutom, ang ilan ay pagkalugi sa hanapbuhay, pagkawala ng buhay at bunga (ng inyong pinaghirapan), datapuwa’t magbigay ng magandang balita sa mga mapagpasensya.” (Quran 2:155)
“Samakatuwid, inyong alalahanin Ako (sa pagdarasal at pagluwalhati). Aalalahanin Ko (rin) kayo. Magkaroon kayo ng damdamin ng pasasalamat sa Akin (sa hindi mabilang na biyaya na ipinagkaloob Ko sa inyo), at huwag magtakwil sa pananampalataya.” (Quran 2:152)
“At kung si Allah ay tumulong sa inyo, walang sinuman ang makakapanaig sa inyo; at kung kayo ay Kanyang talikdan, sino pa ba kaya maliban sa Kanya ang makakatulong sa inyo? At kay Allah (lamang), hayaan ang mga sumasampalataya ay magtiwala.” (Quran 3:160)
Paano Makitungo ang Islam sa Kalungkutan at Pag-aalala (bahagi 2 ng 4): Pagtitiis
Paglalarawanˇ: Ang kaligayahan sa buhay na ito at ang ating kaligtasan sa kabilang buhay ay nakasalalay sa pagtitiis o pagpapasensya.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 7
- Tumingin: 6,382
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang kalungkutan at pag-aalala ay bahagi ng kaugalian ng tao. Ang buhay ay isang serye ng mga sandali. At sa dalawang labis ay ang labis na mga masasayang sandali na nagpapasaya sa ating mga puso nang may kagalakan at madidilim na mga sandali na nagdudulot sa atin ng kalungkutan at pagkabalisa. At sa pagitan ay ang tunay na buhay; sa kasaganaan, sa paghihirap, walang kabuluhan at pagkabagot, ang tamis, at pag-asa. Ito ang oras na ang mananampalataya ay dapat sikaping magtatag ng koneksyon sa Diyos.
Ang mananampalataya ay dapat na lumikha ng isang bigkis na hindi masisira. Kapag ang kagalakan ng buhay ay pumupuno sa ating mga puso at isipan hindi natin dapat kalimutan na ito ay isang pagpapala mula sa Diyos at gaya din kapag nahaharap tayo sa kalungkutan at pag-aalala dapat nating maunawaan na ito rin ay mula sa Diyos, kahit na sa una ay hindi natin napapagtanto ang biyaya dito.
Ang Diyos ang Pinaka-Marunong at ang Pinaka-Makatarungan. Sa anumang kalagayan matagpuan natin ang ating mga sarili, kahit na ano pang sitwasyon na napilitan tayong harapin, kinakailangan na buksan natin ang ating mga mata sa katotohanan na alam ng Diyos kung ano ang mabuti para sa atin. Bagamat iniiwasan nating harapin ang ating mga takot at alalahanin, at marahil ay kinamumuhian natin ang isang bagay na mabuti para sa atin at hinahangad ang isang bagay na maaari lamang humantong sa pagkawasak at sumpa.
“... maaari na hindi ninyo naiibigan ang isang bagay na mainam sa inyo at naiibigan naman ninyo ang isang bagay na masama sa inyo. Datapuwa’t si Allah ang nakakaalam at ito ay hindi ninyo nalalaman.” (Quran 2:216)
Ang buhay ng mundong ito ay dinisenyo ng ating Maylalang upang mapakinabangan natin ang mga pagkakataong mabuhay ng maligaya sa Kabilang Buhay. Kapag nahaharap tayo sa mga pagsubok, tinutulungan tayo nito na lumago at maging responsableng mga tao na may kakayahang kumilos nang walang patid sa panandaliang buhay sa mundo.
Hindi tayo pinabayaan ng Diyos sa harap ng mga tukso at pagsubok na kinakaharap natin sa mundong ito, pinabaunan Niya tayo ng maraming mabibisang mga sandata o mga panangga. Tatlo sa mga ito at pinakamahalaga ay ang pagtitiis, pasasalamat, at tiwala. Ang dakilang iskolar ng Islam noong ika-14 na siglo CE, na si Ibnul Qayyim ay sinabi na ang ating kaligayahan sa buhay na ito at ang ating kaligtasan sa Kabilang Buhay ay nakasalalay sa Pasensya o Pagtitiis.
“ Katotohanan! Ako ay nagkaloob sa kanila ng gantimpala sa Araw na ito dahil sa kanilang pagpapasensya, katotohanang sila ang matatagumpay.” (Quran 23:111)
“... at maging matatag at matiyaga sa matinding kahirapan at karamdaman, at sa lahat ng panahon ng kagipitan. Sila ang mga tao ng katotohanan, at sila ang may takot sa Diyos.” (Quran 2:177)
Ang salitang Arabe para sa pagtitiis ay sabr at nagmula ito sa salitang-ugat na nangangahulugang tumigil, huminto, o pigilan. Ipinaliwanag ni Ibnul Qayyim[1] na ang pagkakaroon ng pasensya ay nangangahulugang pagkakaroon ng kakayahang pigilan ang ating sarili mula sa kawalang pag-asa, pigilan ang pagreklamo, at kontrolin ang ating sarili sa mga oras ng kalungkutan at pagkabalisa. Ang manugang ni Propeta Muhammad na si Ali ibn Abu Talib ay tinukoy ang pagtitiis bilang "paghingi ng tulong sa Diyos”.[2]
Sa tuwing tayo ay napapaligiran ng kalungkutan at pag-aalala ang ating unang dapat na reaksyon ay bumaling sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanyang Kadakilaan at Pag-iral, unti-unti nating nauunawaan na ang Diyos lamang ang makapagpapaginhawa sa ating mga balisang kaluluwa. Pinayuhan tayo mismo ng Diyos na tumawag sa Kanya.
“At (ang lahat) ng Pinakamagagandang Pangalan ay angkin ni Allah, kaya’t Siya ay tawagin ninyo sa mga Pangalang yaon at iwan ninyo ang mga pangkat ng nagpapabulaan o nagkakaila sa Kanyang Pangalan.” (Quran 7:180)
Hinikayat tayo ni Propeta Muhammad na tumawag sa Diyos sa pamamagitan ng lahat ng Kanyang pinakamagagandang mga pangalan. Sa kanyang sariling mga panalangin, kilala siyang nagsabi, "Oh Panginoon, hinihiling ko sa Iyo sa bawat pangalan na itinawag Mo sa Iyong sarili, o na ipinahayag Mo sa Iyong libro, o na itinuro Mo sa alinman sa Iyong nilikha, o sa pinananatiling nakatago sa hindi nakikitang kaalaman sa Iyong Sarili.”[3]
Sa mga oras ng kalungkutan at kapaguran, ang pagninilay-nilay sa mga pangalan ng Diyos ay maaaring magdala ng malaking ginhawa. Maaari rin itong makatulong sa atin na magtuon sa pagiging mahinahon at mapagpasensya. Mahalagang maunawaan na kahit na ang mananampalataya ay hinikayat na huwag magwala sa kalungkutan at paghihirap o magreklamo tungkol sa mga pagkapagod at mga problema, tinagubilin sa kanyang manumbalik sa Diyos, manalangin sa Kanya at humingi sa Kanya ng kaginhawaan.
Ang mga tao ay mahihina. Bumabagsak ang ating mga luha, nabibiyak ang ating mga puso at ang sakit ay minsan hindi mapigilan. Maging ang mga propeta, na ang koneksyon sa Diyos ay napakatibay, ay nakakadama na ang kanilang mga puso ay sumisikip sa takot o sakit. Ibinabaling din nila sa Diyos ang kanilang mga sarili at nag,mamakaawa para maginhawaan. Gayunpaman, ang kanilang mga reklamo ay napapalibutan ng dalisay na pagtitiis at dalisay na pagtanggap sa kung ano man ang kapalaran na itinakda ng Diyos.
Nang mawalan ng pag-asa si Propeta Jacob na makita ang kanyang mga anak na sina Joseph at Benjamin ay bumaling siya sa Diyos, at sinabi sa atin ng Quran na humingi siya ng tulong sa Diyos. Alam ni Propeta Jacob na walang mapupuntahan ang galit laban sa mundo, alam niya na ang Diyos ay minamahal at ini-ingatan ang mga mapagpasensya.
“Siya ay nagsabi: “Ako ay dumaraing lamang kay Allah sa aking pamimighati at pagkalumbay, at nababatid ko mula kay Allah ang hindi ninyo nalalaman.’” (Quran 12:86)
Sinasabi rin sa atin ng Quran na si Propeta Job ay bumaling sa Diyos na humihingi ng Kanyang awa. Nahirapan siya, naratay sa sakit, at nawala ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at kabuhayan ngunit kinaya o pinasan niya ang lahat ng ito nang may pagtitiyaga at pagtitiis at lumingon siya sa Diyos.
“At (alalahanin) si Job, nang siya ay manawagan sa kanyang Panginoon: “Katotohanan, ang hapis ay sumakmal sa akin, at Kayo ang Pinakamaawain sa lahat ng mga nagpapamalas ng Habag.” Kaya’t Aming tinugon ang kanyang panambitan, at Aming pinalis ang hapis na nasa kanya, at Aming ibinalik ang kanyang pamilya sa kanya (na nawala sa kanya), at pinag-ibayo ang kanilang bilang (tinipon ang mga katulad niya), bilang isang Habag mula sa Amin at bilang isang Pagpapaala-ala sa mga sumasamba sa Amin (Diyos).” (Quran 21: 83-84)
Ang pagtitiis ay nangangahulugang pagtanggap ng kung ano ang di natin makontrol. Sa mga oras ng pagkapagod at pagkabalisa, ang kakayahang sumuko sa kalooban ng Diyos ay isang kaluwagan na hindi masusukat. Hindi ito nangangahulugang umupo na lamang tayo at hayaan ang buhay na dumaan. Hindi! Nangangahulugan ito na magsumikap tayong malugod ang Diyos sa lahat ng aspeto ng ating buhay, sa ating gawain at paglalaro, sa ating pamilya at sa ating personal na mga pagsusumikap.
Gayunpaman, kapag ang mga bagay ay hindi umayon sa plano natin o sa paraang nais natin, kahit na tila ang takot at pag-aalala ay lumolukob sa atin, tinatanggap natin kung ano ang ipinasiya ng Diyos at patuloy na nagsusumikap upang kalugdan Niya. Ang pagiging matiisin o mapagpasensya ay mahirap gawin; hindi ito laging natural o madali. Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi, "Sinumang magsisikap na maging mapagpasensya tutulungan siya ng Diyos na maging mapagpasensya".[4]
Nagiging madali para sa atin na magtiis kapag napapagtanto natin na imposibleng mabibilang ang lahat ng mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Ang hangin na ating hinihinga, ang sikat ng araw sa ating mga mukha, ang hangin sa pagitan ng ating mga buhok, ang ulan sa tigang na lupa at ang maluwalhating Quran, ang mga salita ng Diyos ay kabilang sa mga hindi mabilang na mga pagpapala ng Diyos para sa atin. Ang pag-alaala sa Diyos at pagmumuni-muni ng Kanyang kadakilaan ay ang susi sa pagtitiis, at ang pagtitiis ay susi sa Paraiso na walang hanggan, ang pinakadakilang pagpapala ng Diyos para sa mga marurupok na nilalang na tinatawag na sangkatauhan.
Mga talababa:
[1] Ibn Qayyim al jawziyyah, 1997, Patience and gratitude, English translation, United Kingdom, Ta Ha Publishers.
[2] Ibid. P12
[3] Ahmad, nai-uri bilang Saheeh by Al Baniv.
[4] Ibn Qayyim al jawziyyah, 1997, Patience and gratitude, English translation, United Kingdom, Ta Ha Publishers. P15
Paano Makitungo ang Islam sa Kalungkutan at Pag-aalala (bahagi 3 ng 4): Pasasalamat
Paglalarawanˇ: Magpasalamat bawat araw para sa Kanyang mga pagpapala sa iyo.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 7
- Tumingin: 6,886
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Bilang marupok na mga tao, madalas tayong dinaratnan ng takot at pagkabalisa. Minsan ang kalungkutan at pagkabahala ay nagbabantang mangibabaw sa ating buhay. Ang mga emosyong ito ay maaaring nakakaubos ng lakas na nakakalimutan na natin ang ating pangunahing layunin sa buhay, ang pagsamba sa Diyos. Kung ang pagkalugod ng Diyos ang nasa gitna ng lahat ng ating mga iniisip, mga kilos at mga gawa, ang kalungkutan at pag-aalala ay walang lugar sa ating buhay.
Sa nakaraang artikulo, napag-usapan natin ang tungkol sa pagharap sa kalungkutan at pag-aalala sa pamamagitan ng pagsusumikap na maging mapagpasensya. Napag-usapan din natin ang tungkol sa pagbilang ng mga pagpapala na ibinigay ng Diyos sa atin bilang isang paraan ng paghikayat na maging mapagpasensya. Ang isa pang paraan para mapagtagumpayan ang kalungkutan at pagkabalisa ay sa pamamagitan ng pagiging mapagpasalamat sa Diyos sa Kanyang hindi mabilang na mga pagpapala. Ipinaliwanag ng Diyos sa Quran, na ang tunay na mananampalataya ay ang mga may utang na loob at nagpapasalamat.
“Samakatuwid, inyong alalahanin Ako (sa pagdarasal at pagluwalhati, at iba pa). Aalalahanin Ko (rin) kayo. Magkaroon kayo ng damdamin ng pasasalamat sa Akin (sa hindi mabilang na biyaya na ipinagkaloob Ko sa inyo), at huwag maging hindi mapagpasamalat.” (Quran 2:152)
Maraming mga paraan upang maipahayag ang pasasalamat. Ang una at pinakamahalagang paraan ay ang pagsamba sa Diyos sa paraang itinalaga Niya. Ang Limang Mga Haligi ng Islam[1] ay itinalaga sa atin ng Diyos at pinapatnubayan tayo nito upang mapadali sa ating sumamba sa Kanya. Kapag natutupad natin ang ating mga tungkulin sa Diyos, nagiging malinaw kung gaano tayo tunay na pinagpala.
Kapag sumasaksi tayo na, walang ibang Diyos na karapat-dapat sambahin maliban kay Allah at si Muhammad ang Kanyang panghuling sugo tayo ay nagiging mapagpasalamat na biniyayaan tayo ng Islam. Kapag ang isang mananampalataya ay nagpatirapa sa harap ng Diyos nang tahimik, masiglang nanalangin, nagpapahayag tayo ng pasasalamat. Sa panahon ng pag-aayuno ng Ramadan, nagpapasalamat tayo sa pagkain at tubig sa pamamagitan ng pagtatanto na ang Diyos ay ang nagbibigay ng ating pagkain. Kung ang isang mananampalataya ay nagawang makapaglakbay sa Bahay ng Diyos sa Mecca, ito ay isang dahilan para sa magpasalamat. Ang paglalakbay sa Hajj ay maaaring maging matagal, mahirap, at mahal.
Ang mananampalataya ay nagpapahayag din ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbibigay ng kawanggawa. Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay pinayuhan ang kanyang mga tagasunod na magbigay ng kawanggawa araw-araw upang magpahayag ng pasasalamat sa Diyos para sa bawat kasukasuan sa kanyang katawan.[2] Si Imam Ibn Rajab, na isang kilalang iskolar ng Islam noong ika-7 siglo ay nagsabi, "Ang mga tao ay obligadong magpasalamat sa Diyos sa bawat araw para sa Kanyang mga pagpapala sa kanila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga mabubuting gawa at kawanggawa araw-araw."
Kung naaalala natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbabasa ng Quran at pagninilay-nilay ng mga kahulugan nito, nakakakuha tayo ng mas malaking pag-unawa sa buhay sa mundong ito at sa kabilang buhay. Dahil dito, nasisimulan nating maunawaan ang pansamantalang katangian ng buhay na ito at ang katotohanan na kahit ang mga pagsubok at pagdurusa ay mga pagpapala mula sa Diyos. Ang karunungan at katarungan ng Diyos ay kaakibat kahit na sa pinaka malalang sitwasyon.
Gaano kadalas na marinig natin na ang mga taong may mga sakit na malubha o kakila-kilabot na kapansanan ay nagpapasalamat sa Diyos sa kanilang mga kalagayan, o nagsasalita tungkol sa sakit at pagdurusa na nagdadala ng mga pagpapala at kabutihan sa kanilang buhay? Gaano kadalas tayong nakakarinig sa iba na nagkukwento tungkol sa mga kakila-kilabot na karanasan at pagsubok, ngunit patuloy na nagpapasalamat sa Diyos?
Sa mga oras ng kalungkutan at pag-aalala, kapag nadarama natin ang pag-iisa at pagkabalisa, ang Diyos ang tanging kanlungan natin. Kapag ang kalungkutan at pag-aalala ay naging napakahirap dalhin, kapag walang naiwan kundi, pagod, takot, pagkabalisa, at pagdurusa, likas tayong bumabaling sa Diyos. Alam nating totoo ang Kanyang mga salita, alam nating totoo ang Kanyang pangako!
“...kung kayo ay may utang na loob ng pasasalamat, kayo ay higit Kung pagkakalooban.” (Quran 14:7)
Alam ng Diyos ang karunungan sa likod kung bakit nangyayari ang mga magagandang bagay sa masasamang tao, o kung bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao. Sa pangkalahatan, ang anumang dahilan na nagpapanumbalik sa atin sa Diyos ay mabuti at dapat nating ipagpasalamat ito. Sa mga oras ng krisis, ang mga tao ay mas malapit sa Diyos, samantalang sa mga oras ng kaginhawaan ay madalas nating nakakalimutan kung saan nagmula ang kaginhawaan. Ang Diyos ang Tagapagbigay at Siya ang Pinaka-Mapagbigay. Nais ng Diyos na gantimpalaan tayo ng buhay na walang hanggan at kung ang sakit at pagdurusa ay magsisiguro sa atin sa Paraiso, kung gayon ang mga pagsubok at pagdurusa ay isang pagpapala. Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi, "Kung nais ng Diyos na gumawa ng mabuti sa isang tao, siya ay binibigyan Niya ng mga pagsubok.”[3]
Sinabi rin ni Propeta Muhammad na, "Walang kasawian o sakit na dumarating sa isang Muslim, walang pagkabalisa o pagdadalamhati o pasakit - kahit na isang tinik na tumusok sa kanya - maliban na ang Diyos ay magtatanggal ng ilan sa kanyang mga kasalanan dahil doon.”[4] Hindi tayo perpekto na tao. Mababasa natin ang mga salitang ito, maiintindihan din natin ang damdamin sa likod nila, ngunit ang pagkilala sa karunungan sa likod ng bawat sitwasyon at pagpapasalamat para sa ating mga pagsubok ay napakahirap. Mas madaling mahulog sa kalungkutan at pag-aalala. Gayunpaman, ang Diyos, ang Pinakamahabagin, ay nagbibigay sa atin ng malinaw na mga patnubay at nangangako ng dalawang bagay, kung sasamba tayo sa Kanya at susundin ang Kanyang patnubay ay gagantimpalaan tayo ng Paraiso at ang kasunod ng paghihirap ay kasaganaan.
“ Katotohanan! Sa bawat kahirapan ay may kaginhawan.” (Quran 94:5)
Ang talatang ito ay bahagi ng isang kabanata ng Quran na ipinahayag noong ang mga problema sa misyon ni Propeta Muhammad ay nagpapahirap sa kanya at nagdudulot sa kanya ng pagkabalisa. Ang mga salita ng Diyos ay umaliw at nagtiyak sa kanya tulad ng pag-aliw at pagtiyak nito sa atin ngayon. Pinaalalahanan tayo ng Diyos na sa kahirapan ay may dumadating na kasaganaaan. Ang kahirapan ay hindi kailanman ganap; ito ay palaging sinasamahan ng kasaganaan. Dahil dito, dapat tayong magpasalamat. Dahil dito, kailangan nating ipahayag ang ating pasasalamat.
Dapat nating tanggapin ang mga pagsubok, tagumpay, at mga pagdurusa na bahagi ng buhay. Ang bawat isa sa kanila, mula sa pinakamataas na nakamit hanggang sa pinakamababang mga biyaya ay isang pagpapala mula sa Diyos. Isang pagpapala na idinisenyong natatangi para sa bawat tao. Kapag napagtagumpayan natin ang kalungkutan o pag-aalala dapat tayong manumbalik sa Diyos, magsikap na maging mapagpasensya at mapagpasalamat at ilagay ang ating tiwala sa Diyos. Dahil ang Diyos ang pinaka mapagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanya, malalampasan natin ang anumang sandali ng pagkabalisa at mapagtatagumpayan ang anumang kalungkutan o pag-aalala na dumarating sa ating buhay.
Paano Makitungo ang Islam sa Kalungkutan at Pag-aalala (bahagi 4 ng 4): Tiwala
Paglalarawanˇ: At sa Diyos lamang dapat ilagay ng mga mananampalataya ang kanilang tiwala
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 7
- Tumingin: 6,258
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Habang lumilipat tayo sa bagong siglo, tayo ay may kalayaan na mamuhay sa ibabaw ng linya ng kahirapan kung saan ito ay nahaharap sa isang natatanging hanay ng mga hamon. Tayo ay may sapat na pagkain, kanlungan mula sa mga elemento at karamihan sa atin ay may kakayahan ng kunting karangyaan sa buhay. Sa pisikal na bagay, lahat ng kailangan natin ay mayroon tayo, ngunit sa espirituwal at emosyonal, tayo ay kulang. Ang ating isipan ay napuno ng kalungkutan at pag-aalala. Gabundok na tensyon at pagkabalisa. Habang nag-iipon tayo ng mga ari-arian, nagtataka tayo kung bakit hindi tayo masaya. Habang magsisimula tayo sa isa pang bakasyon naramdaman nating tayo ay nag-iisa at desperado.
Ang buhay na malayo sa Diyos ay isang malungkot na buhay. Hindi mahalaga kung gaano karaming pera ang ating natipon, o kung gaano kalaki ang ating bahay, kung ang Diyos ay hindi ang sentro ng ating buhay, ang kaligayahan ay lilipas satin magpakailanman. Ang tunay na kaligayahan ay matatagpuan lamang kapag nagtangka man lang tayo na matupad ang ating layunin sa buhay. Ang mga tao ay nabubuhay upang sambahin ang Diyos. Nais ng Diyos na maging maligaya tayo, sa buhay sa mundo at sa Kabilang-buhay at binigyan Niya tayo ng susi sa totoong kaligayahan. Hindi ito lihim o isang misteryo. Hindi ito isang talinghaga o isang palaisipan, ito ay Islam.
“At hindi Ko nilikha ang mga Jinn at mga Tao maliban na tanging sambahin lamang Ako.” (Quran 51:56)
Malinaw na ipinaliwanag ng relihiyon ng Islam ang ating layunin sa buhay at binibigyan tayo ng mga alituntunin na sundin ito upang maging mas madali ang paghahanap sa kaligayahan. Ang Quran at ang tunay na tradisyon ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay ang ating mga gabay na libro para sa isang buhay na ganap na walang kalungkutan at pag-aalala. Gayunman, hindi ito nangangahulugang hindi tayo susubukan at bibigyan ng pagsusulit sapagkat malinaw na sinabi ng Diyos sa Quran na susubukan Niya tayo. Ang ating buhay ay mapupuno ng mga sitwasyon na nangangailangan sa atin na abutin ang Diyos at umasa sa Kanya. Ipinangako sa atin ng Diyos na gagantimpalaan Niya ang mga matiisin, hinihiling Niya sa atin na magpasalamat sa Kanya, at sinabi Niya sa atin na mahal niya ang mga taong nagtitiwala sa Kanya.
“...ibigay ninyo ang inyong pagtitiwala kay Allah, katiyakang si Allah ay nagmamahal sa mga nagtitiwala (sa Kanya).” (Quran 3:159)
“Ang mga sumasampalataya ay sila, na kung ang Pangalan ni Allah ay nababanggit, ay nagkakaroon ng pangamba sa kanilang puso at kung ang Kanyang mga Talata (Qu’ran) ay dinadalit sa kanila, (na katulad ng ganitong mga talata) ay nagpapaalab sa kanilang Pananalig; at sila ay naglalagay ng kanilang pagtitiwala sa kanilang Panginoon (lamang).” (Quran 8:2)
Ang buhay ay puno ng mga tagumpay at pagsubok. Minsan ito ay isang roller coaster. Isang araw ang ating pananampalataya ay mataas at matamis, sa susunod ay bumabagsak ito at nakakaramdam tayo ng kalungkutan at pag-aalala. Ang paraan para matapos ang ating paglalakbay ay sa pagtitiwala na alam ng Diyos kung ano ang pinakamainam para sa atin. Kahit na tila may masamang mangyari, mayroong isang layunin at karunungan sa likuran nito. Minsan ang layunin ay alam lamang ng Diyos, kung minsan ito ay malinaw sa atin.
Dahil dito, kapag napagtanto natin na walang kapangyarihan o lakas maliban sa mula sa Diyos, maaari na tayong magsimulang magpahinga. Si Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) na minsan ay nagpapaalala sa isa sa kanyang mga batang kasamahan na ang Diyos ay makapangyarihan at walang mangyayari kung wala ang Kanyang pahintulot.
"Bata, itaguyod ang mga utos ng Diyos, at aalagaan ka Niya sa buhay na ito at sa susunod. Itaguyod ang mga utos ng Diyos at tutulungan ka Niya. Kapag humingi ka ng anuman, hilingin ito sa Diyos, at kung humingi ka ng tulong, humingi ng tulong sa Diyos. Alamin na kung ang mga tao ay magkakaisa upang gawan ka ng ilang kapakinabangan para sa kanila, makikinabang lamang sila kung ano ang naitala ng Diyos para sa iyo, at kung sila ay magkakaisa upang magawan ka ng kapahamakan, maaari ka nilang saktan lamang sa naitala ng Diyos para sa iyo. Ang mga panulat ay naiangat na at tuyo na ang mga pahina.”[1]
Kung aalalahanin natin ang katotohanan na ang Diyos ay may kontrol sa lahat ng mga bagay at na sa huli ay nais Niya lang na mabuhay tayo magpakailanman sa Paraiso, maaari nating simulan na iwanan ang ating kalungkutan at pag-aalala. Mahal tayo ng Diyos, at nais niya ang kung ano ang pinakamainam para sa atin. Binigyan tayo ng Diyos ng malinaw na patnubay at Siya ang Pinaka-Maawain, at ang Pinaka-Mahabagin. Kung ang mga bagay ay hindi naaayon sa ating plano, kung hindi natin nakikita ang mga pakinabang ng mga hamon na kinakaharap natin sa buhay maaari itong maging napakahirap na huwag-mawalan ng pag-asa at mabiktima sa pagkapagod at pagkabalisa. Sa puntong ito, dapat tayong matutong magtiwala sa Diyos.
“At kung si Allah ay tumulong sa inyo, walang sinuman ang makakapanaig sa inyo; at kung kayo ay Kanyang talikdan, sino pa ba kaya maliban sa Kanya ang makakatulong sa inyo? At kay Allah (lamang), hayaan ang mga sumasampalataya ay magtiwala.” (Quran 3:160)
“Ipagbadya: “Siya ang aking Panginoon! La ilaha illa Huwa (Walang ng iba pang diyos na karapat-dapat pag-ukulan ng pagsamba maliban sa Kanya)! Sa Kanya ang aking pagtitiwala at sa Kanya ang aking pagbabalik ng may pagsisisi.” (Quran 13:30)
“At katiyakang kami ay magbabata ng may pagtitiyaga sa lahat ng inyong ginawang pasakit sa amin..., hayaan ang mga may pagtitiwala na maglagay ng kanilang pagtitiwala (sa Kanya).” (Quran 14:12)
Bilang mga mananampalataya, ang ating pagtitiwala sa Diyos ay dapat palagian, sa lahat ng mga sitwasyon, mabuti, masama, madali, o mahirap. Anumang nangyayari sa mundong ito ay nangyayari sa pamamagitan ng pahintulot ng Diyos. Nagbibigay Siya ng biyaya at kayang bawiin ito. Siya ang Panginoon ng buhay at kamatayan. Tinatakda ng Diyos kung tayo ay mayaman o mahirap at kung malusog tayo o may sakit. Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa pagbibigay sa atin ng kakayahang magsikap at lumabas at kumuha ng mabuti para sa atin. Anuman ang ating mga kalagayan ay kailangan nating pasalamatan at purihin ang Diyos para rito. Kung kakailanganin, kailangan nating pagtagumpayan ang ating mga paghihirap na may pagtitiis at higit sa lahat dapat nating mahalin at magtiwala sa Diyos. Kapag nagiging madilim at mahirap ang buhay dapat nating higit na mahalin ang Diyos; kapag nilamon tayo ng kalungkutan at pag-aalala ay dapat tayong magtiwala sa Diyos nang higit pa.
Magdagdag ng komento