Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 1 ng 7): Mga Manunulat ng Bibliya

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Kung paanong ang mga manunulat ng Bibliya ay naniniwalang si Hesus ay hindi Diyos.

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 16 Oct 2011
  • Nag-print: 9
  • Tumingin: 11,660
  • Marka: Wala pa
  • Nag-marka: 0
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

Ang mga Kristiyano at mga Muslim ay parehong naniniwala kay Hesus, nagmamahal sa kanya, at nagpaparangal sa kanya. Gayunpaman, sila'y nahahati sa katanungan patungkol sa kanyang pagkabanal.

Mabuti na lamang, ang pagkakaibang ito ay maaring maresolba kung ibabase natin ang tanong sa dalawa ⁠— sa Bibliya at sa Quran, dahil, ang Bibliya at ang Quran ay parehong nangangaral na si Hesus ay hindi Diyos.

Malinaw sa lahat na itinatanggi ng Quran ang pagka-Diyos ni Hesus, kaya hindi na natin kailangan ng maraming oras sa pagpapaliwanag nito.

Sa kabilang banda, marami sa mga tao'y namali ang pag-unawa sa Biblia; pakiwari nila'y ang paniniwala kay Hesus bilang Diyos ay laganap na akala nila ito'y mula sa Bibliya. Ang artikulo na ito'y nagpapakita ng lubos na mapananaligang 'yaon ay hindi itinuturo ng Bibliya.

Malinaw na ipinapangaral sa Biblia na si Hesus ay hindi Diyos. Sa Biblia, ang Diyos ay palaging iba na nakahihigit kay Hesus.

Ang ilan ay magsasabing ang sinabi o ginawa ni Hesus habang siya ay nasa mundo ay patunay na siya ay Diyos. Ipapakita namin na ang mga disipulo ay hindi umabot sa konklusyon na si Hesus ay Diyos. At sila ay ang mga taong namuhay at lumakad kasama si Hesus at sila ang unang nakakaalam kung ano ang kanyang sinabi at ginawa. Bukod pa rito, sinabi sa atin sa Aklat ng Mga Gawa sa Bibliya na ang mga disipulo ay pinapatnubayan ng banal na espiritu daw. Kung si Hesus ay Diyos, siguradong alam nila ito. Ngunit hindi. Patuloy silang sumasamba sa Tunay na Nag-iisang Diyos na Siyang sinamba ni Abraham, ni Moises, at ni Hesus (tingnan sa Mga Gawa 3:13).

Lahat ng mga sumulat ng Bibliya ay naniniwala na ang Diyos ay hindi si Hesus. Ang ideya na si Hesus ay Diyos ay hindi naging bahagi ng Kristiyanong paniniwala hanggang sa panahong naisulat na ang Bibliya, at ilang siglo pa ang dumaan bago ito naging parte ng paniniwala ng mga Kristiyano.

Si Mateo, Marcos, at Lucas, tatlong unang manunulat ng Ebanghelyo, ay naniniwala na si Hesus ay hindi Diyos (tingnan sa Marcos 10:18 at Mateo 19:17). Sila ay naniniwala na siya ay anak ng Diyos sa diwa na taong matuwid. Marami ring iba, ang katulad na tinawag ding mga anak ng Diyos (tingnan sa Mateo 23:1-9).

Si Pablo, ay pinaniniwalaan na siya'ng may-akda ng labing-tatlo o labing-apat na mga kasulatan sa Bibliya, ay naniwala ring si Hesus ay hindi Diyos. Para kay Pablo, nilikha muna ng Diyos si Hesus, pagkatapos ay ginamit si Hesus na kinatawan kung saan nilikha ang iba pang mga nilalang (tingnan sa Colosas 1:15 at 1 Corinto 8:6). Ang parehong kaisipan ay matatagpuan sa sulat sa mga Hebreo, gayundin sa Ebanghelyo at mga kasulatan ni Juan na unang naisulat mga pitumpong taon matapos ang panahon ni Hesus. Sa lahat na mga kasulatang ito, ay gayundin, si Hesus ay nananatiling isang nilikha ng Diyos at sa gayon ay nagpapasailalim sa lahat ng kagustuhan ng Diyos magpakailanman (tingnan sa 1 Corinto 15:28).

Ngayon, dahil si Pablo, Juan, at ang may-akda ng Hebreo ay naniniwala na si Hesus ay unang nilikha ng Diyos, ang ilan sa kanilang mga isinulat ay malinaw na nagpapakita na si Hesus ay isang makapangyarihang naunang nilalang. Ito ay madalas na namamali sa pagkakaunawa na siya marahil ay isang Diyos. Ngunit ang sabihin na si Hesus ay Diyos ay pagsalungat sa kung anumang isinulat ng mga may-akdang ito. Kahit pa ang mga manunulat na ito sa bandang huli ay nagkaroon ng paniniwala na si Hesus daw ay higit sa lahat ng mga nilikha, sila din ay naniniwala na siya ay mababa kaysa sa Diyos. Sa katunayan, binanggit sa Juan na si Hesus daw ay nagsabi: “... ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.” (Juan 14:28). At ipinahayag ni Pablo na ang pinuno ng bawat kababaihan ay ang kanyang asawa, at ulo ng bawat kalalakihan ay si Kristo, at ang ulo ni Kristo ay ang Diyos (tingnan sa Corinto 11:3).

Samakatuwid, kung makasumpong ng anuman sa mga kasulatang ito at sabihin na ito ay nagtuturo na si Hesus ay Diyos ay maling paggamit at maling pagsipi sa mga sinasabi ng mga manunulat na yaon. Anumang kanilang isinulat ay dapat na intindihin sa pag-unawang kaugnay ng kanilang paniniwala na si Hesus ay nilikha ng Diyos na kanila nang malinaw na sinabi.

Kaya't makikita natin, na ilan sa mga huling manunulat ay may mataas na pagtingin kay Hesus, ngunit wala sa mga unang nagsulat ng Bibliya ang naniniwalang si Hesus ay Diyos. Ang Bibliya ay malinaw na nagtuturong mayroong tunay na nag-iisang Diyos, Siya na sinamba ni Hesus (tingnan sa Juan17:3).

Sa iba pang bahagi ng artikulo na ito, ating sisiyasatin ang Bibliya nang mas malalim, at lilinawin ang mga binanggit na madalas mamali ang pagsipi bilang patunay sa pagka-Diyos ni Hesus. Ipapakita namin, sa tulong ng Diyos, na ang mga ito ay hindi nangangahulugan ng tulad sa madalas na pag-gamit sa mga ito bilang patunay.

Mahina Pinakamagaling

Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 2 ng 7): Mga Gawa ng mga Apostol

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Patunay mula sa Aklat ng Mga Gawa ng mga Apostol na si Hesus ay hindi Diyos.

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 16 Dec 2007
  • Nag-print: 8
  • Tumingin: 10,422
  • Marka: Wala pa
  • Nag-marka: 0
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

Si Hesus ay nakagawa ng maraming kamangha-manghang milagro, at walang duda na siya'y nagsabi ng maraming kahanga-hangang bagay patungkol sa kanyang sarili. Ginamit ng ilan sa mga tao ang kanyang sinabi at ginawa bilang patunay na siya ay Diyos. Ngunit ang kanyang mga orihinal na mga disipulo na namuhay at lumakad kasama niya, at silang mga nakasaksi sa kanyang mga sinabi at ginawa ay hindi kailanman umabot sa konklusyong ito.

Ang Aklat ng Mga Gawa ng mga Apostoles sa Bibliya ay nagdedetalye sa mga aktibidad ng mga disipulo sa loob ng tatlumpung taon matapos iakyat si Hesus sa langit. Sa loob ng mga panahong ito hindi nila kailanman pinatungkulan si Hesus bilang diyos. Nagpatuloy at hindi nabago ang kanilang paggamit sa titulong 'Diyos' bilang pantukoy sa Iba hindi kay Hesus.

Si Pedro ay tumindig kasama ang labing-isang disipulo at nagpahayag sa mga tao sa pagsasabing:

“Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Hesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo.” (Mga Gawa 2:22).

Ang Diyos, samakatuwid, ang Siya'ng may gawa ng mga milagro sa pamamagitan ni Hesus upang kumbinsihin ang mga tao na si Hesus ay sinusuportahan ng Diyos. Hindi inunawa ni Pedro na ang mga milagro ay patunay na si Hesus ay Diyos.

Sa katunayan, ang paraan ng pagtukoy ni Pedro sa Diyos at kay Hesus ay nagbibigay linaw na si Hesus ay hindi Diyos. Dahil ang titulong 'Diyos' ay palagi niyang inilalayo kay Hesus. Tingnan ang mga sumusunod na sanggunian bilang halimbawa:

“Ang Hesus na ito'y muling binuhay ng Diyos...” (Mga Gawa 2:32)

“Ginawa ng Diyos, itong si Hesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.” (Mga Gawa 2:36)

Sa parehong sipi, ang titulong 'Diyos' ay inilayo kay Hesus. Kaya't bakit niya ito ginawa, kung si Hesus ay Diyos?

Para kay Pedro, si Hesus ay lingkod ng Diyos. Sinabi ni Pedro:

“Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod...” (Mga Gawa 2:36).

Ang titulong 'lingkod' ay tumutukoy kay Hesus. Ito'y malinaw mula sa mga nagdaang sipi kung saan inihayag ni Pedro:

“Ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang Kaniyang lingkod na si Hesus.” (Mga Gawa 3:13).

Marapat na alam ni Pedro na sina Abraham, Isaac at Jacob ay hindi kailanman nagsalita patungkol sa Diyos na may tatlong persona. Lagi silang nagsasalita patungkol sa Diyos bilang nag-iisang Diyos. Dito, sa Mateo 12:18, si Hesus ay lingkod ng Diyos. Sinasabi sa atin ni Mateo na si Hesus ay ang siyang lingkod ng Diyos na tinutukoy sa Isaias 42:1. Kaya, ayon kay Mateo at Pedro, si Hesus ay hindi Diyos, ngunit tagapaglingkod ng Diyos. Ang Lumang Tipan ay paulit-ulit na nagsasabi na ang Diyos ay nag-iisa (e.g Isaias 45:5).

Lahat ng disipulo ni Hesus ay nasa ganitong pananaw. Sa Aklat ng Mga Gawa 4:24, sinabi sa atin na ang mga naniniwala ay nanalangin sa Diyos na nagsasabing:

“...sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, “O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon.’”

Malinaw na sila ay hindi nananalangin kay Hesus, dahil, ang sumunod nito na dalawang talata, ay tinukoy nila si Hesus bilang

“...sa iyong banal na Lingkod na si Hesus, na iyong pinahiran (Mesiyas).” (Mga Gawa 4:27).

Kung si Hesus ay Diyos, sinabi dapat ito ng malinaw ng kanyang mga disipulo. Bagkus, patuloy silang nangaral na si Hesus ay Kristo ng Diyos. Sinabi sa atin sa Aklat ng Mga Gawa:

“Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Hesus ang Kristo.” (Mga Gawa 5:42).

Ang salitang griyego na 'Kristo' ay titulo ng tao. Ito'y nangangahulugang 'pinahiran (Mesiyas)'. Kung si Hesus ay Diyos, bakit patuloy siyang pinatutungkulan ng kanyang mga disipulo ng mga titulong-pantao tulad ng 'lingkod' at 'Kristo ng Diyos', at pare-parehong ginamit ang titulong 'Diyos' para sa Kanya na Nagtaas kay Hesus? Sila ba'y natakot sa mga tao? Hindi! Buong-tapang nilang ipinangaral ang katotohanan nang hindi natatakot makulong o sa kamatayan. Nang kaharapin nila ang pagsalungat mula sa mga awtoridad, inihayag ni Pedro:

“Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao! Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Hesus...” (Mga Gawa 5:29-30).

Kulang ba sila sa banal na espirito? Hindi! Sila'y suportado ng banal na espiritu (tingnan sa Mga Gawa 2:3, 4:8 at 5:32). Ipinapangaral lamang nila kung ano ang kanilang natutunan mula kay Hesus — na si Hesus ay hindi Diyos kundi, sa halip, ay lingkod ng Diyos at Kristo.

Pinapatotohanan ng Quran na si Hesus ay ang Mesiyas (Kristo), at na siya ay lingkod ng Diyos (tingnan sa Banal na Quran 3:45 at 19:30).

Mahina Pinakamagaling

Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 3 ng 7): Si Hesus ay Hindi 'Ang Pinaka-Makapangyarihan', at Hindi 'Ang Pinaka-Nakakaalam'

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Ang Bibliya ay malinaw na nagpapakitang si Hesus ay hindi "pinaka-Makapangyarihan' sa lahat at 'pinaka-nakakaalam sa lahat'" na katangian ng Tunay na Diyos.

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 17 Dec 2007
  • Nag-print: 8
  • Tumingin: 10,825
  • Marka: Wala pa
  • Nag-marka: 0
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

The_Bible_Denies_the_Divinity_of_Jesus_(part_3_of_7)_001.jpgAng mga Kristiyano at mga Muslim ay sumasang-ayon na ang Diyos ang Pinakamakapangyarihan sa lahat at ang Pinaka-Nakakaalam. Ang mga Ebanghelyo ay nagpapakita na si Hesus ay hindi pinaka-makapangyarihan, at hindi nakakaalam sa lahat, dahil mayroon siyang mga limitasyon.

Sinasabi sa atin sa Marcos sa kanyang ebanghelyo na si Hesus ay hindi makakagawa ng anumang makapangyarihang gawa sa kaniyang pamayanan liban na lamang sa ilang bagay: “At hindi siya nakagawa doon ng anumang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.” (Marcos 6:5). Sinasabi rin sa atin sa Marcos na noong subukan ni Hesus na pagalingin ang bulag na lalaki, hindi gumaling ang lalaki sa unang subok niya, at kinailangang ulitin ni Hesus sa pangalawang beses (tingnan sa Marcos 8:22-26).

Samakatuwid, kahit tayo ay may malaking pagmamahal at pagrespeto kay Hesus, kailangan nating maunawaan na siya'y hindi ang Diyos na Pinaka-Makapangyarihan sa lahat.

Ang Ebanghelyo ni Marcos ay nagpapahayag din na si Hesus ay may limitasyon sa kanyang kaalaman. Sa Marcos 13:32, ipinaalam ni Hesus na siya mismo ay hindi nakakaalam kung kailan magaganap ang huling araw, kundi ang Ama lamang ang nakakaalam noon (tignan rin ang Mateo 24:36).

Samakatuwid, hindi maaaring si Hesus ang Diyos na Pinaka-Nakakalam sa lahat. Sasabihin ng ilan na alam ni Hesus kung kailan darating ang huling araw, ngunit pinili niyang huwag sabihin. Ngunit iyan ay higit na nagpapakumplikado lamang. Maaari namang sabihin ni Hesus na alam niya ngunit ayaw niyang sabihin. Sa halip, sinabi niya na hindi niya alam. Dapat tayong maniwala sa kanya. Si Hesus ay hindi kailanman nagsisinungaling.

Inihayag din ng Ebanghelyo ni Lucas na may limitadong kaalaman si Hesus. Sinabi ni Lucas na nadagdagan ang kaalaman ni Hesus (Lucas 2:52). Gayundin sa Mga Hebreo (Mga Hebreo 5:8) ating mababasa na natutunan ni Hesus ang pagiging masunurin. Ngunit ang kaalaman at karunungan ng Diyos ay palaging perpekto, at hindi natututo ng mga bagong bagay ang Diyos. Alam niya ang lahat ng bagay sa lahat ng oras. Kaya't kung may natutunang bago si Hesus, nagpapatunay ito na hindi niya nalalaman ang lahat bago pa yaon, at dahil diyan siya ay hindi Diyos.

Isa pang halimbawa na limitado ang kaalaman ni Hesus ay ang kwento ng puno ng igos sa mga Ebanghelyo. Sinasabi satin sa Marcos ang sumusunod: “Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya. At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos.” (Marcos 11:12-13).

Malinaw sa mga talatang ito na ang kaalaman ni Hesus ay limitado sa dalawang punto. Una, hindi niya alam na ang puno ay walang bunga hanggang sa siya ay magtungo roon. Pangalawa, hindi niya alam na hindi pa yaon ang tamang panahon ng pamumunga na may aasahang bunga ng igos sa puno.

Maari ba siyang maging Diyos kalaunan? Hindi! Dahil mayroon lamang nag-iisang Diyos, at Siya ay Diyos na mula sa walang hanggan at hanggang sa walang hanggan (tingnan sa Mga Awit 90:2).

Maaring may magsabi na si Hesus ay Diyos ngunit pinili niya ang katayuan ng pagiging isang lingkod at samakatuwid siya'y naging limitado. Buweno, mangangahulugan ito na nagbago ang Diyos. Ngunit ang Diyos ay hindi nagbabago. Gayun ang sinabi ng Diyos ayon sa Malakias 3:6.

Hindi kailanman naging Diyos si Hesus, at hindi mangyayari kailanman. Ayon sa bibliya, inihayag ng Diyos: "Walang ibang Diyos na nauna sa akin, at wala ring Diyos na susunod pa sa akin." (Isaias 43:10).

Mahina Pinakamagaling

Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 4 ng 7): Ang Kalubus-lubusang Kautusan sa Bibliya at sa Quran

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Ano ang una at pinakamalaki sa lahat ng mga kautusan na nakasaad sa Bibliya, na binigyang-diin ni Hesus.

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 23 Dec 2007
  • Nag-print: 10
  • Tumingin: 11,367
  • Marka: 3.4 mula sa 5
  • Nag-marka: 130
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

Ang ilan ay magsasabi na ang buong diskusyong ito patungkol sa pagka-diyos ni Hesus ay hindi kinakailangan. Sinasabi nila, na ang mahalaga ay ang tanggapin si Hesus bilang personal mong tagapagligtas. Kabaliktaran nito, ang mga manunulat ng Bibliya ay nagbigay-diin na, para maligtas, kinakailangan ang pag-unawa kung sino talaga ang Diyos. Ang pagkabigo na maunawaan ito ay magiging paglabag sa una at pinakamalaki sa lahat ng kautusan na nasa Bibliya. Ang kautusang ito ay binigyang-diin ni Hesus, mapasakanya ang kapayapaan, nang may isang tagapagturo ng mga Alituntunin ni Moses na nagtanong sa kanya: "‘Sa lahat ng mga kautusan, alin ang pinakamahalaga? ’ "Ang pinakamahalaga," sagot daw ni Hesus, "ay ito: 'Pakinggan, O Israel, ang Diyos na ating Panginoon, ay Nag-iisang Diyos. Mahalin mo ang Diyos na iyong Panginoon ng iyong buong puso at iyong buong kaluluwa at ng iyong buong pag-iisip at ng iyong buong kalakasan.'" (Marcos 12:28-30).

Pansinin na binanggit ni Hesus ang unang kautusan sa aklat ng Deuteronomio 6:4-5. Pinatotohanan ni Hesus na ang kautusang ito ay hindi lamang nagpatuloy na may bisa, kundi ito rin ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan. Kung itinuturing ni Hesus ang kanyang sarili bilang Diyos, bakit hindi niya ito sinabi? Sa halip, kanyang binigyang-diin na ang Diyos ay Nag-iisa. Ito ay naunawaan ng taong nagtanong kay Hesus, at ang kasunod na sinabi ng naturang lalaki ay nagpalinaw lalo na Ang Diyos ay hindi si Hesus, dahil kanyang sinabi kay Hesus: “‘Sa katotohanan, Guro, ito ang katotohanan ang pagkakasabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba liban sa kaniya.’” (Marcos 12:32).

Ngayon, kung si Hesus ay Diyos, sasabihin niya ito sa naturang lalaki. Bagkus, hinayaan niyang tukuyin ng naturang lalaki ang Diyos bilang bukod pa kay Hesus, at nakita niya pa na matatas sa pagsagot ang lalaki: "At nang makita ni Hesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, ay sinabi niya sa kaniya, 'Hindi ka malayo sa kaharian ng Dios." (Marcos 12:34). Kung alam ni Hesus na ang Diyos ay tatlong persona, bakit hindi niya sinabi? Bakit hindi sinabi na ang Diyos ay isa sa tatlo, o tatlo sa isa? Sa halip, ipinahayag niya na ang Diyos ay Nag-iisa. Ang tunay na mga tumutulad kay Hesus ay tutularan rin siya sa kanyang pagpapahayag ng Kaisahan ng Diyos. Hindi sila magdaragdag ng salitang 'tatlo' kung hindi naman ito sinabi ni Hesus.

Ang kaligtasan ba ay nakabase sa kautusan na ito? Oo, sabi sa Bibliya! Ginawa itong malinaw ni Hesus nang mayroong isa pang lalaki na lumapit kay Hesus upang matuto mula sa kanya (tingnan sa Marcos 10:17-19). Lumuhod ang lalaki at nagsabi kay Hesus: “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang" (Marcos 10:17-18).

Sa pagsasabi nito, ginawang malinaw ni Hesus ang pagkakaiba sa pagitan niya at ng Diyos. Pagkatapos siya ay nagpatuloy sa pagsagot sa katanungan ng naturang lalaki patungkol sa kung paano makakamit ang kaligtasan. Sinabi ni Hesus sa kanya: “Datapuwa't kung ibig mong pumasok sa buhay, ingatan mo ang mga utos." (Mateo 19:17 tingnan rin sa Marcos 10:19).

Tandaan na ang pinakamahalaga sa lahat ng mga kautusan, ay ang kilalanin ang Diyos na tanging Diyos. Higit na binigyang-diin ito ni Hesus base sa Ebanghelyo na ayon kay Juan. Sa Juan 17:1, itinaas ni Hesus ang kanyang paningin sa langit at nanalangin, tumatawag sa Diyos bilang Ama. Pagkatapos ay sa ikatatlong talata, sinabi daw ni Hesus sa Diyos ang mga sumusunod: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo." (Juan 17:3).

Patunay ito na walang pagdududa na kung nagnanais ang mga tao na makamit ang buhay na walang hanggan dapat nilang alamin na Ang Nag-iisa, na Siyang pinag-aalayan ni Hesus ng kanyang panalangin, ay ang Natatanging Tunay na Diyos, at dapat nilang alamin na si Hesus ay isinugo ng Tunay ng Diyos. Ang ilan ay nagsasabing ang ama ay Diyos, ang anak ay Diyos, ang espirito santo ay Diyos. Ngunit sinabi ni Hesus na ang Ama lamang ang Natatanging Tunay na Diyos. Ang mga tunay na tagasunod ni Hesus ay susunod din sa kanya dito. Nasabi ni Hesus na ang mga tunay niyang tagasunod ay yaong mga pinanghahawakan ang kanyang mga katuruan. Sinabi niya: “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko."(Juan 8:31). Ang Kanyang katuruan ay para magpatuloy ang mga tao sa pag-iingat sa mga kautusan, higit lalo sa unang kautusan na nagbibigay-diin na ang Diyos ay Nag-iisa, at marapat na mahalin natin ang Diyos nang buong puso at ating buong kalakasan.

Minamahal natin si Hesus, ngunit hindi natin siya marapat na mahalin nang higit sa pagmamahal natin sa Diyos. Sa kasalukuyan, marami ang nagmamahal kay Hesus nang higit pa sa kanilang pagmamahal sa Tagapaglikha. Ito ay sa kadahilanang ang paningin nila patungkol sa Diyos ay mapaghiganting-persona na nagnanais ng nararapat na kaparusahan sa kanila, at ang pananaw nila kay Hesus ay ang tagapagligtas na nagsagip sa kanila mula sa galit ng Diyos. Ngunit ang Diyos lamang ang Natatanging Tagapagligtas. Ayon sa Isaias 43:11, ang Diyos ay nagsabi: “Ako, ako ang PANGINOON, at liban sa akin ay walang tagapagligtas.” Gayundin na ang Diyos ay nagsabi ayon sa Isaias 45:21-22: “Hindi ba Ako, na Panginoon? At walang Diyos liban sa akin, isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas; walang iba liban sa Akin. Kayo'y bumaling sa Akin, at kayo'y maliligtas, lahat ng dulo ng lupa! Sapagkat Ako'y Diyos, at walang iba liban sa Akin.”

Pinatototohanan ng Quran ang unang kautusan at ipinapahayag ito sa buong sangkatauhan (tingnan sa Quran 2:163). At ipinapahayag ng Diyos na ang mga tunay na mananampalataya ay nagmamahal sa Kanya nang higit pa sa sinuman at anuman (Quran 2:165).

Mahina Pinakamagaling

Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 5 ng 7): Si Pablo ay Naniniwalang si Hesus ay Hindi Diyos

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Maraming tao ang gumagamit sa mga kasulatan ni Pablo bilang patunay na si Hesus ay Diyos. Ngunit hindi ito patas kay Pablo, dahil si Pablo ay malinaw na naniniwalang si Hesus ay hindi Diyos.

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 24 Dec 2007
  • Nag-print: 8
  • Tumingin: 10,570
  • Marka: Wala pa
  • Nag-marka: 0
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

Sa kanyang unang sulat kay Timoteo, sinulat ni Pablo: ”Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Kristo Hesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan...” (1 Timoteo 5:21).

Mula rito ay malinaw na ang titulong Diyos ay hindi para kay Kristo-Hesus, kundi sa iba. Sa mga sumusunod na kabanata, muli niyang pinakita ang kaibahan sa pagitan ng Diyos at ni Hesus nang sabihin niya: ”Sa harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Kristo Hesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato...” (1 Timoteo 6:13).

At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita patungkol sa ikalawang pagbabalik ni Hesus: "Sa pagpapakita ng ating Panginoong Hesu-Kristo; na ipahahayag ng Diyos sa takdang panahon..." (1 Timoteo 6:14-15).

Muli, ang titulong 'Diyos' ay sinasadyang ilayo mula kay Hesus. Nagkataon na, marami sa mga tao ang nag-aakala na nang si Hesus ay tinawag sa Bibliya bilang 'Panginoon', ito ay nangangahulugan na 'Diyos'. Ngunit sa Bibliya, ang titulong ito ay nangangahulugang amo o guro, at ito ay maaring gamiting pantukoy sa mga tao (tingnan sa 1 Pedro 3:6).

Magkagayunpaman, ang mas mahalaga dito, ay ang bigyang-pansin ang sinabi ni Pablo patungkol sa Diyos sa mga sumusunod na pahayag, na malinaw na nagpapakitang si Hesus ay hindi Diyos: "Ang Diyos na mapagpala at tanging Makapangyarihan, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa liwanag na di-malapitan! Walang taong nakakita o makakakita sa kanya. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan." (1 Timoteo 6:15-16).

Sinabi ni Pablo na ang Diyos lamang ang walang kamatayan. Ang walang kamatayan ay nangangahulugan na hindi Siya namamatay. Suriin sa alinmang diksyonaryo. Ngayon, sinumang naniniwala na si Hesus ay namatay ay hindi maaaring naniniwala din na si Hesus ay Diyos. Ang ganitong uri ng paniniwala ay sumasalungat sa sinabi ni Pablo dito. Karagdagan pa dito, ang sabihin na ang Diyos ay namatay ay isang kalapastanganan sa Diyos. Sino ang mamamahala sa mundo kung ang Diyos ay namatay? Naniniwala si Pablo na ang Diyos ay hindi namamatay.

Sinabi rin ni Pablo sa pahayag na yaon na ang Diyos ay nananahan sa liwanag na 'di-malapitan — na wala pang sinuman ang nakakita sa Diyos o makakakita sa Kanya. Alam ni Pablo na marami sa libo-libong mga tao ang nakakita kay Hesus. Ngunit sinabi ni Pablo na wala pang sinuman ang nakakita sa Diyos, dahil sigurado si Pablo na si Hesus ay hindi Diyos. Ito ang dahilan kung bakit nagpatuloy si Pablo sa pangangaral na si Hesus ay hindi Diyos, ngunit siya ang Kristo (tignan sa Mga Gawa 9:22 at 18:5).

Noong siya ay nasa Athenas, si Pablo ay nagsalita patungkol sa Diyos bilang “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao...“ (Mga Gawa 17:24). Pagkatapos ay kanyang tinukoy si Hesus bilang “...lalaking kanyang itinalaga“ (Mga Gawa 17:31).

Malinaw, para kay Pablo, si Hesus ay hindi Diyos, at magugulat siyang makita na ang kanyang mga kasulatan ay ginagamit sa pagpapatunay sa isang bagay na kabaliktaran ng kanyang pinaniniwalaan. Si Pablo ay tumestigo pa sa husgado at nagsabi: “Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno ...“ (Mga Gawa 24:14).

Sinabi rin niya na si Hesus ay ang lingkod ng naturang Diyos, mababasa natin sa Aklat ng Mga Gawa: “Niluwalhati ng Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod na si Hesus...“ (Mga Gawa 3:13).

Para kay Pablo, ang Ama lamang ang Diyos. Sinabi ni Pablo na mayroong “isang Diyos at Ama ng lahat...“ (Efeso 4:6). Sinabing muli ni Pablo: “may isang Diyos, ang Ama...at may isang Panginoon, si Hesu-Kristo“ (1 Corinto 8:6).

Ang sulat ni Pablo sa mga taga-Filipos (Felipos 2:6-11) ay madalas gamitin bilang patunay na si Hesus daw ay Diyos. Ngunit ang mismong sipi ay nagpapakita na si Hesus ay hindi Diyos. Ang sipi na ito ay dapat na umayon sa nakasaad sa Isaias 45:22-24 kung saan sinabi ng Diyos na luluhod ang bawat tuhod, susumpa ang bawat dila na ang pagiging makatuwiran at kalakasan ay nasa Diyos lamang. Batid ni Pablo ang sipi na ito, dahil sa kanyang sinabi sa Roma 14:11. Sa kaalamang ito, inihayag ni Pablo: “Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama.“ (Efeso 3:14)

Ang sulat sa mga Hebreo (Hebreo 1:6) ay nagsasabi na ang mga anghel ng Diyos ay dapat sumamba sa anak. Ngunit ang sipi na ito ay nagdedepende sa Deuteronomio 32:43, sa Septuagint na bersyon ng Lumang Tipan. Ang pariralang ito ay hindi na matatagpuan sa Lumang Tipan na ginagamit ng mga Kristiyano sa panahon ngayon, at ang Septuagint na bersyon ay hindi na itinuturing na may bisa ng mga Kristiyano. Gayunpaman, maging ang Septuagint na bersyon, ay hindi nagsasaad na sumamba sa anak. Isinasaad nito na hayaan ang mga anghel ng Diyos na sumamba sa Diyos. Iginigiit ng Bibliya na ang Diyos lamang ang sasambahin: "Nang ang DIYOS ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga panginoon, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila; kundi matakot kayo sa Diyos, na Siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa Kanya, at sa Kanya kayo maghahandog. Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na Kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Huwag kayong matakot sa ibang mga panginoon, at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na Aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga panginoon, kundi matakot kayo sa Diyos na inyong Panginoon at Kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ng inyong mga kaaway.” (2 Mga Hari 17:35-39).

Si Hesus, mapasakanya ang kapayapaan, ay naniniwala rito, dahil kanya rin itong binigyang-diin ayon sa Lucas 4:8. At si Hesus din ay nagpatirapa sa lupa at sumamba sa Diyos (Tingnan sa Mateo 26:39). Alam ni Pablo na si Hesus ay sumamba sa Diyos (tingnan sa Hebreo 5:7). Ipinangaral ni Pablo na si Hesus ay mananatiling tapat na lingkod ng Diyos habang-buhay (tignan sa 1 Corinto 15:28).

Mahina Pinakamagaling

Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 6 ng 7): Patunay mula sa Ebanghelyo ni Juan

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Isang malinaw na patunay mula sa Ebanghelyo ayon kay Juan na si Hesus ay hindi Diyos.

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 31 Dec 2007
  • Nag-print: 8
  • Tumingin: 10,045
  • Marka: 3.4 mula sa 5
  • Nag-marka: 130
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

Ang Ebanghelyo ni Juan, ang ika-apat na ebanghelyo, ay nakumpleto sa anyo nito sa humigit-kumulang pitumpong taon matapos maiakyat si Hesus sa langit. Ang Ebanghelyong ito, sa huli nitong anyo ay nagsasabi ng isa pang karagdagang bagay patungkol kay Hesus na hindi alam sa mga naunang tatlong ebanghelyo — na si Hesus daw ay ang Salita ng Diyos. Ibig ipakahulugan ni Juan na si Hesus ay kasangkapan ng Diyos na idinaan sa kanya ng Diyos nang nilikha Niya ang lahat. Ito ay madalas mamali ng pag-unawa na nangangahulugang si Hesus daw ay ang Diyos mismo. Ngunit sinasabi ni Juan, katulad ng nasabi na rin ni Pablo, na si Hesus daw ang unang nilikha ng Diyos. Sa aklat ng Apocalipsis, matatagpuan na si Hesus ay: "Ang pasimula ng mga nilalang ng Diyos" (Apocalipsis 3:14, tingnan rin sa 1 Corinto 8:6 at Colosas 1:15).

Sinuman na nagsasabi na ang Salita ng Diyos ay isang taong iba sa Diyos ay marapat ding tumanggap na ang Salita ay nilikha, dahil ang Salita sa Bibliya ay nagsasabing: "Noong una pa, nilikha na ako ng PANGINOON bago niya likhain ang lahat" (Mga Kawikaan 8:22).

Ang Ebanghelyong ito, ganun pa man, ay malinaw na nangangaral na si Hesus ay hindi Diyos. Kung hindi nito ipinagpatuloy ang katuruang ito, magiging taliwas ito sa iba pang tatlong mga Ebanghelyo at gayundin sa mga kasulatan ni Pablo kung saan malinaw na pinagtibay na si Hesus ay hindi Diyos. Matatagpuan natin dito na si Hesus ay hindi kapantay ng Ama, dahil ayon dito si Hesus ay nagsabi: ’’...sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.’’ (Juan 14:28).

Kinalimutan ito ng mga tao at sinasabi nila na si Hesus ay kapantay ng Ama. Sino ang ating dapat na paniwalaan — si Hesus ba o ang mga tao? Ang mga Muslim at mga Kristiyano ay sumasang-ayon na ang Diyos ay umiiral sa Kanyang sarili (na hindi nagdedepende kaninuman o sa anuman). Ito ay nangangahulugan na hindi Niya kinuha kaninuman ang Kanyang pag-iral . Ngunit sa Juan ay sinasabi sa atin na ang pag-iral ni Hesus ay ipinangyari ng Ama. Sinabi ni Hesus ayon sa ebanghelyo: ’’...at ako'y nabubuhay dahil sa Ama...’’ (Juan 6:57).

Sinasabi sa atin ni Juan na si Hesus ay hindi makagagawa ng anuman sa ganang kanya lamang nang kanyang sinipi na si Hesus ay nagsabing: “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili...“ (Juan 5:30). Ito ay umaayon sa ating natutunan patungkol kay Hesus mula sa iba pang mga Ebanghelyo. Sa Marcos, halimbawa, ating napag-alaman na si Hesus ay nakagawa ng mga milagro sa pamamagitan ng kapangyarihan na wala sa kanyang kontrol. Ito'y higit na malinaw mula sa kwento kung saan ang isang babae ay gumaling sa kanyang hindi maampat na pagdudurugo. Lumapit ang naturang babae sa kanyang likuran at hinawakan ang kanyang balabal, at siya ay dagliang gumaling. Ngunit si Hesus ay walang ideya kung sino ang humawak sa kanya. Inilarawan ni Marcos ang mga kilos ni Hesus na: ’’Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Hesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?” (Marcos 5:30). Walang maibigay na tiyak na kasagutan ang kanyang mga disipulo, kaya't sinabi sa atin sa Marcos: "Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.’’ (Marcos 5:32). Nagpapakita ito na ang kapangyarihan na nakapagpagaling sa naturang babae ay wala sa kontrol ni Hesus. Nabatid niya na ang kapangyarihan ay lumabas mula sa kanya, ngunit hindi niya nababatid kung saan ito napunta. May iba pang maalam na Siyang kinailangang gumabay sa kapangyarihang yaon tungo sa naturang babae na nangangailangan ng lunas. Ang Diyos ang maalam na yaon.

Ito ay walang duda, kung gayon, na sa Aklat ng Mga Gawa ng mga apostol mababasa natin na ang Diyos ang gumawa ng mga milagro sa pamamagitan ni Hesus (Mga Gawa 2:22).

Gumawa ang Diyos ng mga hindi ordinaryong mga milagro sa pamamagitan din ng ibang mga tao, ngunit hindi ito nangangahulugan na sila na ay Diyos (tingnan sa Mga Gawa 19:11). Bakit, kung gayon, si Hesus ay itinuring na Diyos? Kahit noong binuhay ni Hesus mula sa pagkamatay ang kanyang kaibigan na si Lazaro, kinailangan niya pa ring hingin sa Diyos na ipangyari iyon. Ang kapatid na babae ni Lazaro na si Martha ay alam ang patungkol dito, dahil kanyang sinabi kay Hesus: ”...kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.” (Juan 11:22).

Batid ni Martha na si Hesus ay hindi Diyos, at si Juan na siyang nag-ulat nito ng may pagsang-ayon ay nakababatid rin nito. Si Hesus ay mayroong Diyos, kaya noong siya ay iaakyat na sa langit, siya ay nagsabi: ‘‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’’ (Juan 20:17).

Nakasisiguro si Juan na wala pang sinuman ang nakakita sa Diyos, kahit pa alam niyang marami sa mga tao ang nakakita kay Hesus (tingnan sa Juan 1:18 at 1 Juan 4:12). Katunayan, si Hesus mismo ang nagsabi sa mga tao, na kailanma'y hindi pa nila nakita ang Ama, o narinig ang tinig ng Ama (Juan 5:37). Pansinin na kung si Hesus ay ang Ama, ang kanyang mga binitiwang salita dito ay magiging isang kasinungalingan. Sino ang nag-iisang Diyos ayon sa Ebanghelyo ni Juan? Ang Ama lamang.

Si Hesus ay tumestigo dito noong kanyang inihayag na ang Diyos ng mga Hudyo ay ang Ama (Juan 8:54). Pinatotohanan din ni Hesus na ang Ama lamang ang Tunay na Nag-iisang Diyos (tingnan sa Juan 17:1-3). At sinabi ni Hesus sa mga taong sa kanya'y umaaway: ‘‘Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos...’’ (Juan 8:40). Ayon kay Juan, samakatuwid, si Hesus ay hindi Diyos, at walang isinulat si Juan na maaring gamitin bilang patunay na si Hesus ay Diyos — liban na lamang kung nagnanais na sumalungat kay Juan.

Mahina Pinakamagaling

Itinatanggi ng Bibliya ang Pagka-Diyos ni Hesus (bahagi 7 ng 7): Ang Diyos at si Hesus ay Dalawa na Hiwalay sa Isa't isa

Marka:
Sukat ng Font:
A- A A+

Paglalarawanˇ: Marami sa mga tao'y gumagamit ng mga partikular na mga talata ng Bibliya bilang patunay na si Hesus ay Diyos. Gayun paman, lahat ng mga talatang ito, kung uunawain base sa nilalaman, ay nagpapatunay sa kabaligtaran!

  • Ni Shabir Ally
  • Nailathala noong 24 Aug 2020
  • Huling binago noong 19 Feb 2008
  • Nag-print: 8
  • Tumingin: 10,136
  • Marka: Wala pa
  • Nag-marka: 0
  • Nag-email: 0
  • Nag-komento: 0
Mahina Pinakamagaling

Bilang halimbawa, sa aklat ng Mateo 9:2, sinabi raw ni Hesus sa isang partikular na lalaki, “Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.” Dahil dito, ang ilan ay nagsasabing si Hesus ay Diyos dahil daw ang Diyos lamang ang maaring magpatawad ng mga kasalanan. Gayunpaman, kung ikaw ay handang magbasa ng ilan pang mga talata, matutuklasan mo na ang mga tao “...ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao.“ (Mateo 9:8) Ito ay nagpapakita na nababatid ng mga tao, at sumasang-ayon si Mateo, na hindi lamang si Hesus ang nakatanggap ng ganoong uri ng awtoridad mula sa Diyos.

Binigyang diin mismo ni Hesus na hindi siya nagsasalita sa kanyang sariling awtoridad (Juan 14:10) at wala siyang ginawa sa kanyang sariling awtoridad, ngunit sinasabi lamang niya kung ano ang itinuro sa kanya ng Ama (Juan 8:28). Ang ginawa ni Hesus dito ay ang mga sumusunod. Inihayag ni Hesus sa naturang lalaki ang kaalamang natanggap niya mula sa Diyos na pinatawad na ng Diyos ang lalaki.

Pansinin na hindi sinabi ni Hesus na: “Pinatatawad ko na ang iyong mga kasalanan” sa halip, “pinatatawad na ang iyong mga kasalanan” na nagpapahiwatig, tulad ng sa kanyang mga tagapakinig na Hudyo, na pinatawad na ng Diyos ang naturang lalaki. Si Hesus, sa gayon, ay walang kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan, at sa pangyayari ring yaon tinawag niya ang kanyang sarili bilang “ang anak ng tao” (Mateo 9:6).

Ang talata sa Juan 10:30 ay madalas na ginagamit bilang patunay na si Hesus ay Diyos dahil si Hesus daw ay nagsabi: “ako at ang aking Ama ay iisa.” Ngunit kung babasahin mo ang sumunod na anim na mga talata, makikita mong ipinapaliwanag ni Hesus na ang mga taong umuusig sa kanya ay mali sa pag-aakala na siya raw ay nag-aangking Diyos. Ang malinaw na nais ipakahulugan ni Hesus dito ay siya ay kaisa ng Ama sa layunin. Ipinanalangin rin ni Hesus na ang kanyang mga disipulo ay maging isa katulad na si Hesus at ang Ama ay magka-isa. Malinaw na hindi niya ipinagdarasal na lahat ng kanyang mga disipulo ay pag-isahin na maging isang indibidwal (tingnan sa Juan 17:11 at 22). At nang iniulat ni Lucas na ang mga disipulo ay magka-isa na lahat, hindi ibig ipakahulugan ni Lucas na sila ay naging isang indibidwal na tao, ngunit sila ay mayroong iisang hangarin kahit sila ay magkakahiwalay na tao (tingnan sa Mga Gawa 4:32). Sa usapin ng kakanyahan, si Hesus at ang Ama ay dalawa, dahil sinabi ni Hesus na sila ay dalawang mga testigo (Juan 8:14-18). Kinakailangan na sila ay dalawa, yamang ang isa ay nakahihigit kaysa sa isa (tingnan sa Juan 14:28). Noong si Hesus ay nanalangin upang maligtas mula sa pagkakapako sa krus, siya'y nagsabi: “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito; gayunma'yhindi ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42).

Nagpapakita ito na sila ay mayroong magkahiwalay na kagustuhan, kahit pa isinubmita ni Hesus ang kanyang kagustuhan sa kagustuhan ng Ama. Ang dalawang kagustuhan ay nangangahulugang dalawa na magkahiwalay sa isa't isa.

Bukod pa rito, si Hesus ay naiulat na nagsabi raw: “Diyos ko, Diyos ko, bakit Mo ako pinabayaan? (Mateo 27:46). Kung ang isa sa kanila ay tumalikod sa isa pa, kung gayon, sila ay dalawa na magkahiwalay na umiiral.

Muli, naiulat na sinabi raw ni Hesus: “Ama, sa Iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” (Lucas 23:46). Kung ang espiritu ng isa ay maaaring mailagay sa mga kamay ng isa pa, dapat sila'y dalawa na magkahiwalay sa isa't isa.

Sa lahat ng mga pagkakataong ito, malinaw na si Hesus ay mas mababa sa Ama. Nang si Hesus ay nagpatirapa at nanalangin, malinaw na siya ay hindi nagdarasal sa kanyang sarili (tignan sa Lucas 22:41). Siya ay nananalangin sa kanyang kinikilalang Diyos.

Sa buong Bagong Tipan, ang Ama lamang ang tinukoy na Diyos. Sa katunayan, ang mga titulong 'Ama' at 'Diyos' ay ginamit bilang pantawag sa Nag-iisang Siya, hindi tatlo, at hindi kailanman kay Hesus. Ito rin ay malinaw sa katunayan na pinalitan sa Mateo ang titulong 'Ama' kapalit ng titulong 'Diyos' sa dalawang bahagi sa kanyang ebanghelyo (ipagkumpara ang Mateo 10:29 sa Lucas 12:6; at Mateo 12:50 sa Marcos 3:35). Kung tama si Mateo sa ginawa niyang 'yon, samakatuwid, ang Ama lamang ay ang Diyos.

Si Hesus ba ay ang Ama? Hindi! Dahil sinabi ni Hesus: “At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong ama, Siya na nasa langit.” (Mateo 23:9). Kaya hindi si Hesus ang Ama, dahil si Hesus ay nasa kalupaan noong ito'y kanyang sinabi.

Ang Quran ay naglalayon na dalhin ang mga tao pabalik sa tunay na paniniwala na ipinangaral ni Hesus, at ng kanyang mga tunay na tagasunod na nagpatuloy sa kanyang katuruan. Ang katuruang ito ay nagbigay-diin sa nagpapatuloy na pagtalima sa unang kautusan na ang Diyos ay Nag-iisa. Sa Quran, itinagubilin ng Diyos sa mga Muslim na paanyayahan ang mga mangbabasa ng Bibliya pabalik sa tunay na paniniwala. Sinabi ng Diyos sa Quran:

"Ipagbadya: O Angkan ng Kasulatan [mga Hudyo at Kristyano]: Halina kayo sa isang salitang makatwiran sa pagitan namin at ninyo, na wala tayong sasambahin na iba maliban sa Allah, at huwag tayong magtambal ng anupaman sa Kanya, at huwag nating ituring ang ilan sa atin bilang mga panginoon bukod sa Allah...” (Salin ng kahulugan ng Quran 3:64)

Mahina Pinakamagaling

Mga bahagi ng mga artikulo na ito

Magdagdag ng komento

  • (Hindi nakikita sa publiko)

  • Ang iyong komento ay susuriin at dapat malathala sa loob ng 24 oras.

    Ang patlang na may markang asterisk (*) ay kailangan.

Pinakamaraming Tumingin

Araw-araw
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
Kabuuan
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)

Pinili ng Editor

(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)

Listahan ng Contento

Simula ng iyong huling pagbisita
Ang listahang ito ay kasalukuyang walang laman.
Lahat sa pamamagitan ng petsa
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)

Pinaka Sikat

Pinakamataas ang marka
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
Pinakamaraming nag-email
Pinakamaraming nag-print
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
Pinakamaraming nag-komento
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)
(Magbasa pa...)

Ang iyong mga paborito

Your favorites list is empty. You may add articles to this list using the article tools.

Ang iyong History

Ang listahan ng iyong mga paborito ay walang laman. Maari kang magdagdag ng mga artikulo sa listahang ito gamit ang article tools.

Minimize chat