Ang Persyano na si Salman, Zoroastriano, Persiya (bahagi 1 ng 2): Mula sa Zoroastrianismo hanggang sa Kristiyanismo
Paglalarawanˇ: Ang isa sa pinakadakilang mga kasama, si Salman na Persyano, na dating Zoroastriano (Magian) ay nagsasalaysay ng kanyang kwento sa kanyang paghahanap para sa tunay na relihiyon ng Diyos. Unang Bahagi: Mula sa Zoroastrianismo hanggang sa Kristiyanismo.
- Ni Salman the Persian
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 15 Dec 2008
- Nag-print: 4
- Tumingin: 5,741 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang mapalad na Kasamahan ni Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), isinalaysay ni Salman al-Farisi[1] ang kanyang paglalakbay sa Islam tulad ng ganito:
“Ako ay isang Persyano mula sa mga tao ng Isfahaan[2] mula sa isang bayan na tinatawag na Jayi. Ang tatay ko ang pinuno ng bayan. Sa kanya, ako ang pinakamamahal na nilalang ng Diyos. Ang pag-ibig niya sa akin ay umabot sa puntong pinagkakatiwalaan niya ako na pangasiwaan ang apoy[3] na sinindihan niya. Hindi niya hahayaang mamatay ito.
Ang aking ama ay nagmamay-ari ng isang malaki at mayabong lupa. Isang araw, habang abala sa kanyang konstruksyon, sinabi niya sa akin na pumunta sa kanyang lupain upang tuparin ang ilang mga gawain na nais niya. Sa aking daan papunta sa kanyang lupain, nakita ko ang isang Kristiyanong simbahan. Narinig ko ang boses ng mga taong nagdarasal sa loob. Hindi ko alam kung paano namumuhay ang mga tao sa labas, dahil kinukulong ako ng aking ama sa kanyang bahay! Kaya't nang makita ko ang mga taong iyon [sa simbahan] at narinig ko ang kanilang mga tinig, pumasok ako sa loob upang tingnan ang kanilang ginagawa.”
Nang makita ko sila, nagustuhan ko ang kanilang mga dalangin at naging interesado sa kanilang relihiyon. Sinabi ko [sa aking sarili], "Pangako sa Diyos, ang relihiyon na ito ay mas mainam kaysa sa aming relihiyon."Pangako sa Diyos, hindi ko sila iniwan hanggang sa paglubog ng araw.Hindi ako bumalik sa Lupain ng aking ama.
Tinanong ko [i.e., ang mga tao sa simbahan]. “Saan nagmula ang relihiyon na ito?”
“Sinabi nila, ‘Sa Al-Shaam.’[4]
Bumalik ako sa aking ama na nag-aalala at nagpadala [ng isang tao]. Pagdating ko, sinabi niya, 'O anak! Saan ka nanggaling? Hindi ba't pinagkatiwalaan kita ng atas?”
Sabi ko, “Ama, may natagpuan akong mga tao na nagdarasal sa kanilang simbahan at nagustuhan ko ang kanilang relihiyon. Sa ngalan ng Diyos ay nanatili ako kasama nila hanggang sa paglubog ng araw.”
Sinabi ng aking ama, “Aking anak! Walang kabutihan sa relihiyon na iyon; ang relihiyon mo at ng iyong mga ninuno 'ay mas mainam.’ ”
“Hindi, sa ngalan ng Diyos, ito ay mas mainam kaysa sa ating relihiyon.”
Binantaan niya ako, iginapos ako sa aking mga paa at ikinulong ako sa kanyang tahanan. Nagpadala ako ng mensahe sa mga Kristiyano na humihiling sa kanila na ipaalam sa akin ang pagdating ng anumang karawan na Kristiyanong pangkalakalan na magmumula sa Al-Shaam.Dumating ang isang karawan sa pangangalakal at ipinagbigay-alam nila sa akin, kaya sinabi ko sa [mga Kristiyano] na ipaalam sa akin sa sandaling matapos na ng mga tao ng karawan ang kanilang negosyo at magtakdang bumalik sa kanilang bansa. Sinabihan nga [nila] ako nang matapos ng mga tao ng Al-Shaam ang kanilang negosyo at malapit na silang umalis patungo sa kanilang bansa, kaya't pinakawalan ko ang aking mga paa mula sa mga tanikala at sumama [sa karawan] hanggang sa makarating kami sa Al -Shaam.
Pagdating ko nagtanong ako, “Sino ang pinakamahusay sa mga tao ng relihiyon na ito [inyo]?”
Sinabi nila, "Ang obispo. [Siya ay nasa simbahan.”
Pumunta ako sa kanya at sinabi, “Gusto ko ang relihiyong ito, at nais kong makasama at paglilingkuran ka sa iyong simbahan, upang matuto ako mula sa iyo at manalangin kasama mo.”
Sinabi niya, “Maaari kang pumasok at manatili kasama ko,” kaya sumama ako sa kanya.
Pagkaraan ng ilang panahon, may natuklasan si Salman na isang bagay sa obispo. Siya ay isang masamang tao na nag-utos at nag-udyok sa kanyang mga tao na magbayad ng kawanggawa, upang itago lamang ito para sa kanyang sarili. Hindi niya ito ibinigay sa mga mahihirap. Nakaipon siya ng pitong garapon ng ginto at pilak! Nagpatuloy si Salman:
Kinamuhian ko siya dahil sa kanyang mga ginagawa.
Namatay siya [ang obispo]. Nagtipon ang mga Kristiyano upang ilibing siya. Ipinagbigay-alam ko sa kanila na siya ay isang masamang tao na nag-utos at nag-udyok sa mga tao na bigyan siya ng kanilang kawanggawa lamang upang itago ito para sa kanyang sarili, at hindi niya binigyan ng alinman ang mga mahihirap. Sinabi nila, "Paano mo ito nalaman?"
Sumagot ako, "Maipapakita ko sa inyo ang kanyang kayamanan."
Sinabi nila, "Ipakita mo sa amin!"
Ipinakita ko sa kanila ang lugar [kung saan pinanatili niya ito] at nakuha muli nila itong pitong garapon nang pinagsama-samang ginto at pilak. Nang makita nila ito ay sinabi nila, "Sa ngalan ng Diyos ay hindi namin siya ililibing." Kaya ipinako nila siya at binato.[5]
Pinalitan nila ang kanilang obispo. Wala akong nakitang tao [mula sa kanila] na nanalangin ng mas mahusay kaysa sa kanya [ang bagong obispo]; o ni isang tao na malayo sa mundong ito at mas pinahahalagahan ang Kabilang Buhay, o ni isang tao na higit na nakatuon sa pagtatrabaho sa araw at gabi. Mas minahal ko siya kaysa sa sinumang minahal ko dati.
Nanatili ako sa kanyang tabi ng ilang oras bago siya namatay. Nang lumapit ang kanyang kamatayan sinabi ko sa kanya, “O [si kuwan], nanatili ako kasama mo at minahal kita ng higit sa anumang minahal ko dati. Ngayon ang Itinakda ng Diyos [i.e., kamatayan] ay dumating, kaya't sino ang inirerekumenda mo para sa akin [na panatilihin], at ano ang iuutos mo sa akin?”
Sinabi ng obispo “Sa ngalan ng Diyos! Ang mga tao ay nasa pagkaligaw; pinalitan nila at binago [ang relihiyon] na ipinarating sa kanila. Hindi ko alam ang sinuman na nananatili pa rin sa relihiyon na nasa akin maliban sa isang tao sa al-Musil,[6] kaya samahan mo siya [at binigay niya sa akin ang kanyang pangalan].”
Nang mamatay ang lalaki, lumipat si Salman sa al-Musil at kinatagpo ang taong inirerekomenda sa kanya…
Sinabi ko sa kanya, “[Si ganito si ganyan na tao] sa oras ng kanyang pagkamatay ay inirerekomenda sa akin na sumali sa iyo. Sinabi niya sa akin na ikaw ay nasa parehong [relihiyon] tulad niya.” Nanatili ako kasama niya at natagpuan siyang pinakamahusay na tao na humahawak sa bagay na [relihiyon] ng kanyang kasama.
Di nagtagal namatay siya. Nang dumating ang kamatayan sa kanya, hiniling ni Salman sa kanya [tulad ng ginawa niya sa nakalipas sa kanyang unang kasama] na magrekomenda ng ibang tao na nasa parehong relihiyon.
Sabi ng lalaki, “Sa ngalan ng Diyos! Wala akong kilala kahit sino sa parehong bagay [relihiyon] sa atin maliban sa isang tao sa Naseebeen[7] at ang kanyang pangalan ay [ganito at ganyan), kaya't sumama at sumali ka sa kanya.”
Pagkamatay niya, naglakbay ako patungo sa tao sa Naseebeen.” Natagpuan ni Salman ang lalaki at nanatili siya nang matagal. Ang parehong mga insidente ay nangyari. Dumating ang Kamatayan at bago siya namatay, lumapit si Salman sa lalaki at humingi ng payo tungkol sa kung kanino at saan pupunta. Inirerekomenda ng lalaki na sumama si Salman sa ibang lalaki sa Amuria[8] na nasa parehong relihiyon.
Lumipat si Salman sa Amuria matapos mamatay ang kanyang kasama. Natagpuan niya ang kanyang bagong sanggunian at sumali sa kanyang relihiyon. Si Salman ay [sa oras na iyon] nagtrabaho at, “kumita ng ilang mga baka at isang tupa.”
Ang kamatayan ay dumating sa taong taga-Amuria. Inulit ni Salman ang kanyang mga kahilingan, ngunit [sa oras na ito] ang sagot ay naiiba.
Sabi ng lalaki, “O anak! Hindi ko alam ang sinumang nasa parehong [relihiyon] katulad natin. Gayunpaman, ang isang Propeta ay lilitaw sa iyong kapanahunan, at ang Propeta na ito ay nasa parehong relihiyon ni Abraham.”
Inilarawan ng lalaki ang Propeta na ito, na sinasabi, “Ipapadala siya kasama ang parehong relihiyon ni Abraham. Darating siya mula sa lupain ng Arabya at lilipat sa isang lugar na matatagpuan sa pagitan ng dalawang lupain na puno ng mga itim na bato [na parang sinunog ng apoy]. May mga palma na mga pananim sa gitna ng dalawang lupain na ito. Maaari siyang makilala sa ilang mga palatandaan. Siya ay tatanggap at kakain mula sa [pagkain] na ibinigay bilang isang regalo, ngunit hindi kakain mula sa kawanggawa. Ang tatak ng Pagka-propeta ay nasa pagitan ng kanyang mga balikat. Kung maaari kang lumipat sa lupaing iyon, gawin mo.”
Mga talababa:
[1] Kinokolekta ni Al-Haithami ang salaysay na ito sa Majma 'Al-Zawa'.
[2] Isfahaan: Isang Rehiyon sa hilagang-kanluran ng Iran.
[3] Ang kanyang ama ay isang Magean na sumasamba sa apoy.
[4] Al-Shaam: Saklaw nito ang mga lugar na kilala ngayon bilang Lebanon, Syria, Palestine, at Jordan.
[5] Ang isang mahalagang punto na dapat tandaan dito ay hindi tumalikod si Salman sa inaakala niyang katotohanan sa oras na iyon dahil sa mga kilos ng isang tao. Hindi niya sinabi, “Tingnan ang mga Kristiyanong ito! Ang pinakamainam sa kanila ay napakasama!” Sa halip, naunawaan niya na kailangan niyang hatulan ang relihiyon sa pamamagitan ng mga paniniwala nito, at hindi sa mga sumusunod dito.
[6] Al-Musil: Isang pangunahing lungsod sa hilagang-kanluran ng Iraq.
[7] Naseebeen: Isang lungsod sa daan sa pagitan ng Al-Musil at Al-Shaam.
[8] Amuria: Isang bayan na bahagi ng Silangang Rehiyon ng Imperyong Romano.
Magdagdag ng komento