Islamikong mga Pinagkukunan: Quran at Sunnah (bahagi 1 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang relihiyong Islam ay batay sa Quran (ang Salita ng Diyos) at sa Sunnah (mga turo at katangian ng Propeta Muhammad [sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala]). 1 bahagi: Quran: Ang Pangunahing Pinagkukunan ng Islam.
- Ni islaam.net
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 23 Jun 2014
- Nag-print: 3
- Tumingin: 6,211 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang sukdulang pagpapakita ng biyaya ng Diyos para sa tao, ang sukdulang karunungan, at ang sukdulang kagandahan ng pamamahayag: sa madaling salita, ang salita ng Diyos. Ganito inilarawan ng pantas na Aleman na si Muhammad Asad ang Quran. Kung may isang tatanungin sa sinumang Muslim na ilarawan ito, malamang na ilalahad niya ang katulad na mga salita. Ang Quran, para sa Muslim, ay hindi mapapabulaanan, hindi mapapantayang Salita ng Diyos. Inihayag ito ng Diyos na Makapangyarihan para sa lahat, sa pamamagitan ng kapamaraanan ng Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya. Ang Propeta mismo ay walang ginampanan sa pag-akda sa Quran, siya ay isang Sugo lamang, na inuulit ang idinidikta ng Banal na Tagapaglikha:
“Siya (Muhammad) ay hindi nagsasalita mula sa kanyang sariling pagnanasa (tungkol sa relihiyon). Ito ay walang iba kundi isang inspirasyon lamang na ibinaba sa kanya.” (Quran 53:3-4)
Ang Quran ay ipinahayag sa Arabe, kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala), sa loob ng dalawampu't tatlong taon. Ito ay binuo sa isang istilong kakaiba, na hindi ito maaaring maituring alinman sa mga tula o prosa, ngunit paanuman ay paghahalo ng dalawa. Ang Quran ay walang kapantay; hindi ito maaaring gayahin o kopyahin, at ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay hinamon ang sangkatauhan na maglabas ng ganitong pagsisikap kung sa kanyang palagay ay makakaya niya:
“O sila ba ay nagsasabing kinatha niya (Muhammad) lamang ito? Sabihin: Magdala kung gayon, ng isang kabanata na katulad nito, at inyong tawagin (sa inyo ay tutulong) ang sinumang maaari, bukod sa Diyos, kung tunay nga na kayo ay makatotohanan.” (Quran 10:38)
Ang wika ng Quran ay tunay na kahanga-hanga, ang pagbigkas nitong nakakaantig, tulad ng sinabi ng isang di-Muslim na pantas, "ito ay tulad ng indayog ng tibok ng aking puso". Dahil sa natatanging estilo ng wika, ang Quran ay hindi lamang lubos na nababasa, kundi madali rin baga itong tandaan. Ang huli nitong aspeto ay gumanap ng mahalagang papel hindi lamang sa pag-iingat ng Quran, kundi sa espirituwal na buhay din ng mga Muslim. Ang Diyos mismo ang nagpahayag,
“At katiyakan, Aming ginawang madali ang Quran na maunawaan at matandaan; magkagayon ay mayroon bang sinumang makatatanggap ng babala?" (Quran 54:17)
Ang isa sa pinakamahalagang katangian ng Quran ay nananatili ito ngayon, na tanging banal na aklat na hindi nabago; nanatili itong malaya mula sa anumang uri ng mga pagdaragdag. Nabanggit ni Sir William Muir, "Marahil sa mundo ay walang ibang aklat na nanatili ng (labing-apat) na siglo na may napakawagas na teksto." Ang Quran ay isinulat habang nasa pag-iral at sa ilalim ng pangangasiwa ng Propeta, na siya mismo ay hindi nakapag-aral. Sa gayon ang pagiging tunay nito ay walang bahid, at ang pangangalaga nito ay nakikita bilang katuparan sa pangako ng Diyos:
“Katotohanan, Kami ang nagpahayag ng Mensahe at katotohanan, Kami ang magiging Tagapagbantay nito laban sa anumang katiwalian..” (Quran 15:9)
Ang Quran ay isang aklat na nagbibigay sa tao ng espirituwal at intelektuwal na pangangalaga na kanyang inaasam. Kabilang sa mga pangunahing tema nito ay kinabibilangan ng kaisahan ng Diyos, ang layunin ng pag-iral ng tao, pananampalataya at kamalayan sa Diyos, ang Kabilang-buhay at ang kabuluhan nito. Ang Quran ay nagbibigay din ng mabigat na diin sa kadahilanan at pang-unawa. Sa mga sulok na ito ng pang-unawa ng tao, ang Quran ay lampas pa sa pagiging kasiya-siya sa katalinuhan ng tao; ito ay nagdudulot sa isang taong magnilay-nilay. Hindi tulad ng ibang mga banal na kasulatan, mayroong mga Quranikong hamon at propesiya. Ito ay punong-puno din ng mga katotohanan na kamakailan lamang natuklasan; Ang isa sa mga pinaka kapana-panabik na larangan sa mga nagdaang taon ay ang pagkakatuklas ng makabuluhang bilang ng siyentipikong impormasyon sa Quran, kasama na ang kaganapan ng Big Bang, embriyolohikal na datos, at iba pang impormasyon tungkol sa astronomiya biyolohiya, atbp., wala ni isang pahayag na hindi napatunayan ng mga makabagong tuklas. Sa madaling sabi, ang Quran ay nagbibigay katuparan sa puso, kaluluwa, at sa isip. Marahil ang pinakamahusay na paglalarawan ng Quran ay ang ibinigay ni Ali, ang pinsan ng Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) nang ipinaliwanag niya ito bilang,
“Ang Aklat ng Diyos. Nakapaloob dito ang talaan ng kung ano ang nauna sa iyo, ang paghuhukom kung ano ang nasa pagitan ninyo, at ang mga propesiya tungkol sa anumang darating pagkatapos mo. Ito ay mapagpasya, hindi isang bagay para sa pagbibiro. Ang sinumang mapang-api at bumale-wala sa Quran ay wawasakin ng Diyos. Ang sinumang humanap ng patnubay mula sa iba kaysa dito ay maliligaw. Ang Quran ay ang hindi mapapatid na bigkis ng ugnayan sa Diyos; ito ay ang paalalang puno ng karunungan at ang tuwid na landas. Ang Quran ay hindi magagawang maliin ng mga dila; ni maililihis sa mga pagbugso ng damdamin. Hindi ito kailanman magiging nakababagot mula sa paulit-ulit na pag-aaral; ang mga pantas ay palaging nagnanais ng higit pa rito. Ang mga kababalaghan ng Quran ay walang katapusan. Ang sinumang magsasalita mula dito ay magsasalita ng katotohanan, ang sinumang mamahala mula dito ay magiging makatarungan, at sinumang humawak ng mahigpit dito ay magagabayan sa tuwid na landas." (Al-Tirmidhi)
Magdagdag ng komento