Kaligtasan sa Islam (bahagi 1 ng 3): Ano ang Kaligtasan?
Paglalarawanˇ: Tamuhin ang kaligtasan sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 14 Nov 2021
- Nag-print: 4
- Tumingin: 7,298
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Islam ay nagtuturo sa atin na ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pagsamba sa Diyos lamang. Ang isang tao ay nararapat na maniwala sa Diyos at sundin ang Kaniyang mga ipinag-uutos. Ito ang mensaheng tulad ng itinuro ng lahat nang mga propeta kabilang na dito sina Moises at Hesus. Mayroon lamang Isa na karapat-dapat sambahin. Isang Diyos, nag-iisa lamang na walang mga kasama, mga anak na lalaki o babae. Ang kaligtasan kung sa gayun at ang walang hanggan na kaligayahan ay makakamtan sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba.
Bilang karagdagan dito ang Islam ay nagtuturo na ang mga nilalang na tao ay isinilang na walang bahid na kasalanan at likas na kumikiling sa pagsamba sa nag-iisang Diyos (nang walang kahit ano o sinong tagapamagitan). Upang mapanatili ang katayuang walang bahid ng kasalanan, ang sangkatauhan ay nararapat lamang na sundin ang kautusan ng Diyos at magpunyagi upang mamuhay ng makatarungan. Kapag ang isa ay nahulog sa isang kasalanan, ang kinakailangan lamang gawin ay ang taos-pusong pagsisisi kasunod ang paghingi ng kapatawaran sa Diyos. Kapag ang isang tao ay nagkasala, inilalayo niya ang kaniyang sarili sa habag ng Diyos, gayunpaman ang taos-pusong pagsisisi ay nagdadala sa isang tao pabalik sa Diyos.
Ang kaligtasan ay isang malakas na salita kung saan pinakakahulugan sa diksyunaryo bilang pagpapakita ng pangangalaga o pagpapalaya mula sa pagkasira, paghihirap, o kasamaan. Ayon sa Teolohiya o pag-aaral patungkol sa Diyos ito ay espirituwal na pagsagip mula sa kasalanan at mga kahihinatnan nito. Mas partikular, na sa Kristyanismo ito’y may kaugnayan sa pagtubos at sa pagbabayad-sala ni Hesus. Ang kaligtasan sa Islam ay kakaiba ang konsepto. Habang ito’y nag-aalok ng pagkaligtas mula sa mga apoy ng Impyerno, ito rin ay tumatanggi sa ilang mga pangunahing alituntunin ng Kristyanismo at malinaw na inihahayag na ang kaligtasan ay matatamo lamang sa pamamagitan ng pagpapasakop sa pinaka-mahabagin, ang Diyos.
“Yaong mga nag-aalaala kay Allah (palagian, at sa pagdarasal) nang nakatayo, nakaupo at nakatagilid sa kanilang pagkakahiga, at nagmumuni-muni sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, [at nagsasabing]: “Aming Panginoon, hindi Mo po nilikha (lahat) ito sa kabulaanan [o nang walang makabuluhang layunin]. Luwalhati sa Iyo! (Ikaw ay Napakadakila higit sa lahat ng mga itinatambal nila sa Iyo). Kaya iligtas Mo po kami sa parusa mula sa Apoy ng Impyerno.” (Quran 3:191)
Ayon sa doktrina ng Kristyanismo, ang sangkatauhan ay ipinapalagay na suwail at makasalanan. Ang doktrina ng orihinal na kasalanan ay inihahayag na ang sangkatauhan ay isinilang na may bahid ng kasalanan ni Adan kung kaya napawalay mula sa Diyos, kaya nangangailangan ng manunubos. Sa kabilang dako, ang Islam ay makatuwirang itinatanggi ang konsepto ng Kristyanismo na orihinal na kasalanan at kuro-kurong ang sangkatauhan ay isinilang na makasalanan.
Ang ideyang makasalanan ang mga sanggol o mga kabataan ay lubos na di makatwiran para sa isang mananampalataya na nalalaman na sa Islam ay tungkol sa orihinal na kapatawaran at hindi orihinal na kasalanan. Ang sangkatauhan, ayon sa Islam ay isinilang sa estado ng kadalisayan, walang kasalanan at likas na kumikiling sa pagsamba at pagpuri sa Diyos. Subalit, ang mga nilalang na tao ay binigyan ng kalayaan at sila ay may kakayahang gumawa ng kamalian at magkasala; maaari din silang makagawa ng matinding kasamaan.
Sa tuwing ang tao ay nakagagawa ng kasalanan, siya lamang ang responsable sa kasalanang iyon. Bawat tao ay responsable sa kaniyang sariling mga gawain. Samakatuwid, walang tao na nabuhay na naging responsable sa kamaliang nagawa ni Adan at Eba. Sinabi ng Diyos sa Quran:
“At walang tagapasan ng mga kasalanan ang magpapasan sa kasalanan ng iba.” (Quran 35:18)
Si Adan at Eba ay nakagawa ng kamalian, sila’y nagsisi nang taos sa puso, at ang Diyos sa walang hanggan Niyang karunungan ay pinatawad sila. Ang sangkatauhan ay hindi itinakda upang parusahan, sa lahat ng salinlahi. Ang mgsa kasalanan ng ama ay hindi pasanin ng mga anak.
“Kaya, silang dalawa ay kumain sa bunga nito; kaya naman ang kanilang maselang bahagi ay nalantad sa kanilag dalawa; at sila ay nagsimulang magtapis mula sa mga dahon ng Paraiso [bilang saplot]. Sapagka’t sinuway ni Adan ang kaniyang Panginoon at siya ay nagkasala. Kaya siya ay naligaw. Pagkaraan, siya ay pinili ng kaniyang Panginoon at iginiwad sa kaniya ang kapatawaran at patnubay.” (Quran 20:121-122)
Higit sa lahat itinuturo sa atin ng Islam na ang Diyos ay ang lubos na Mapagpatawad, at magpapatuloy sa pagpapatawad, nang paulit-ulit. Kaparte ng pagiging tao ang makagawa ng pagkakasala. Kung minsan ang mga kasalanan ay nagagawa nang hindi sinasadya o walang halong masamang intensyon, subali’t minsan ating nababatid at sinasadya na magkasala at gumawa ng kamalian sa iba. Kaya naman bilang mga nilalang na tao, kailangan natin ang palagiang kapatawaran.
Ang buhay dito sa mundo ay puno ng mga pagsubok at pagdurusa, gayunpaman hindi pinababayaan ng Diyos ang sangkatauhan sa mga pagsubok na ito. Binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng talino na may kakayahang mamili at magdesisyon. Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng mga salitang pang patnubay. Bilang ating Tagapaglikha, nababatid Niya ang lahat ng ating kalikasan at gustong gabayan tayo sa tuwid na landas na maghahatid sa walang hanggan na kaligayahan.
Ang Quran ay ang huling rebelasyon ng Diyos at ito ay akma sa sangkatauhan; sa lahat ng tao, lahat ng lugar, lahat ng panahon. Sa buong Quran ang Diyos ay palaging sinasabi na magbalik-loob sa Kaniya sa pamamagitan ng pagsisisi at paghingi sa Kaniya ng kapatawaran. Ito ang daan tungo sa kaligtasan. Ito ang sasagip sa atin mula sa pagkawasak.
“At sinuman ang gumawa ng kasamaan o ng kamalian sa kaniyang sarili at pagkaraan ay humingi ng kapatawaran sa Diyos, kaniyang matatagpuan si Allah na Siyang Mapagpatawad, Pinaka Maawain.” (Quran 4:110)
“At O aking mga mamamayan! Humingi kayo ng kapatawaran sa inyong Panginoon, mabalik-loob kayo sa Kaniya. Siya ay magpapadala sa inyo ng pag-ulan mula sa kalangitan at Kaniyang daragdagan ang inyong dating lakas ng ibayong lakas, kaya huwag kayong magsitalikod bilang mga mapaggawa ng kabuktutan, na di naniniwala sa Kaisahan ng Diyos.” (Quran 11:52)
“Sabihin: “O Aking mga alipin na nagmalabis [sa paggawa ng mga kasalanan] laban sa kanilang mga sarili, huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa habag ni Allah, katotohanang pinatatawad ni Allah ang lahat ng kasalanan. Katiyakan, Siya ang lagi nang Mapagpatawad, ang Pinaka Maawain.’” (Quran 39:53)
Ang Quran ay hindi lamang aklat nang gabay, ito ay aklat ng pag-asa. Sa loob nito ang pagmamahal ng Diyos, habag, at kapatawaran ay malinaw at kung magkagayun ang sangkatauhan ay pinaaalalahanan na huwag bumigay sa kawalan ng pag-asa. Anuman ang mga kasalanang magagawa ng tao kung magiging masigasig siya sa pagbabalik-loob sa Diyos, at sa paghingi ng kapatawaran, ang kaniyang kaligtasan ay naseseguro.
Inihalintulad ng Propeta Muhammad ang isang kasalanan sa isang itim na tuldok na bumabalot sa puso. Kaniyang sinabi, “Katunayan kapag ang isang mananampalataya ay nagkasala, isang itim na tuldok ang tatakip sa kaniyang puso. Kapag siya ay nagsisi, hininto ang kasalanan, at naghangad ng kapatawaran sa kasalanang iyon, ang kaniyang puso ay magiging malinis muli. Kapag siya ay nagmatigas (sa halip na magsisi), ito’y madadagdagan hanggang sa mabalot na ang kaniyang buong puso…”[1]
Ang kaligtasan sa Islam ay hindi kinakailangan dahil sa bahid ng orihinal na kasalanan. Ang kaligtasan ay kinakailangan dahil sa ang sangkatauhan ay hindi perpekto at nangangailangan nang kapatawaran at pagmamahal ng Diyos. Upang ganap na maunawaan ang konsepto ng wastong kaligtasan nararapat sa atin na maunawaan ang iba pang paksa na nakapaloob sa kaligtasan. Ito ay ang mga, pag-unawa sa kahalagahan ng tawheed, o ang Kaisahan ng Diyos, at pag-alam kung paano magsisi nang taos sa puso. Ating tatalakayin ang mga paksang ito sa susunod na dalawang artikulo.
Kaligtasan sa Islam (bahagi 2 ng 3): Sambahin at Sundin ang Diyos
Paglalarawanˇ: Monoteyismo ang daan tungo sa kaligtasan sa Islam.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,332
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sa unang bahagi ng seryeng 'Kaligtasan sa Islam', nalaman natin na ang kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng pagsamba sa Nag-Iisang Diyos. Siya lamang ang ating sinasamba at sinusunod natin ang Kanyang mga kautosan. Nalaman din natin sa Islam ay hindi kinikilala ang konsepto ng orihinal na kasalanan, bagkus ang mga Muslim ay naniniwala na ang lahat ng tao ay isinilang na walang kasalanan. Sa kasunod na artikulo ay tatalakayin natin ang konsepto ng pagbabayad-sala, iyon ay, ang mamatay si Hesus para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, at matutuklasan natin na ang konseptong ito ay lubos na tinatanggihan ng Islam. Ang Kaligtasan sa Islam ay sa pamamagitan ng tawheed, monoteyismo.
Ang Tawheed ay salitang Arabe na ang ibig sabihin ay kaisahan, at kapag pinag-uusapan natin ang tawheed na may kaugnayan sa Diyos ang ibig sabihin nito ay napagtatanto at pinagtitibay ang kaisahan ng Diyos. Ito ay paniniwala na ang Diyos ay isa, walang kapareha o katambal. Walang Diyos na karapat-dapat sambahin kundi si Allah, at ito ang pundasyon ng Islam. Sa pagpapahayag nang gayong paniniwala kasama ang paniniwala na si Muhammad ang Kanyang sugo ay ang siyang nagsasanhi sa isang tao para siya'y matawag na Muslim. Ang paniniwala sa tawheed na may katiyakan ay ang garantiya ng kaligtasan.
“Sabihin mo (O Muhammad): Siya si Allah (Diyos), (ang Natatangi) Nag-iisa. Si Allah, ang Walang Hanggan (Saligan). Hindi Siya nagka-anak, ni hindi Siya ipinanganak; at walang makahahalintulad sa Kanya.” (Quran 112)
“Katotohanan! Ako si Allah! Walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Akin, kaya't Ako'y sambahin...” (Quran 20:14)
“Siya ang Tagapagsimula ng mga kalangitan at kalupaan. Paano Siya nagkaroon ng mga anak gayong Siya ay walang asawa? Kaniyang nilikha ang lahat ng bagay at Siya ang Maalam sa lahat ng bagay. Iyan si Allah, ang inyong Panginoon! La ilaha illa Huwa (walang ibang karapat-dapat sambahin maliban sa Kanya), ang Tagapaglikha ng lahat nang bagay. Kaya sambahin Siya (nang Nag-iisa), Siya ang Tagapangasiwa, Namamalakad sa lahat ng bagay, Tagapag-Alaga, sa lahat ng bagay. Walang mga paningin ang makasasaklaw sa Kaniya, ngunit Kaniyang nasasaklawan ang lahat ng paningin. Siya ang Pinaka Dalubhasa at Pinaka Mabait, ang Lubos na Nakababatid sa lahat ng bagay.” (Quran 6:101-103)
Ang mga Muslim ay sumasamba sa Diyos nang walang anumang tagapamagitan, wala Siyang mga kasosyo, kasamahan, anak na lalaki, anak na babae, o mga katulong. Ang pagsamba ay nakatuon lamang sa Diyos, sapagkat Siya lamang ang Nag-iisang karapat-dapat na pag-alayan ng pagsamba. Wala nang mas makahihigit pa sa Diyos.
Ang paniniwala ng Kristiyano na si Jesus ang anak ng Diyos o siya mismo ang Diyos ay tuwirang sumasalungat sa tawheed. Ang konsepto ng Trinidad, Ama, Anak, at Banal na Espiritu ay matatag ding tinanggihan ng Islam. Ang ideya ng pagtutubos ng kasalanan ni Hesus (o ang pagligtas sa ating mga kaluluwa) sa pamamagitan ng pagkamatay (sa krus) ay isang konsepto ng ganap na kahangalan sa paniniwala ng Islam.
“O Angkan ng Kasulatan, huwag kayong gumawa ng kalabisan sa inyong relihiyon o magsabi ng anumang tungkol kay Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, anak ni Maria, ay isang sugo ni Allah at Kanyang Salita na Kanyang iginawad kay Maria at isang kaluluwa na nilikha sa pag-uutos mula sa Kanya. Kaya maniwala kayo kay Allah at sa Kanyang mga Sugo. Huwag kayong magsabing: "Tatlo!" Magtigil kayo! Ito ay higit na makabubuti para sa inyo. Katotohanan si Allah ay tanging isang Diyos, Luwalhati sa Kanya Siya ay Kataas-taasan sadyang malayo sa pagkakaroon ng anak na lalaki. Sa Kanya ang pagmamay-ari ng anumang nasa mga kalangitan at anumang nasa kalupaan. At si Allah ay Sapat na bilang Tagapangasiwa para sa lahat ng mga pangyayari.” (Quran 4:171)
Ang ideya na si Hesus ay namatay sa krus ay ang sentro sa paniniwala ng mga Kristiyano. Kinakatawan nito ang paniniwala na si Hesus ay namatay para sa mga kasalanan ng sangkatauhan. Sa madaling salita ang mga kasalanan ng isang tao ay 'tinubos' na ni Hesus, at ang isa ay malaya ng gumawa ng anumang kanyang naisin, sapagkat sa huli nama'y magtatamo siya ng kaligtasan sa pamamagitan ng paniniwala kay Hesus. Ito ay ganap na tinatanggihan ng Islam.
Hindi na kailangan ng Diyos, o maging ng isa sa Propeta ng Diyos na isakripisyo ang kanyang sarili para sa mga kasalanan ng sangkatauhan upang makamit ang kapatawaran. Lahat ng pananaw na ito ay itinatanggi sa Islam. Ang pundasyon ng Islam ay nakasalalay sa kaalaman nang may katiyakan na walang karapat-dapat sambahin malibansa Diyos lamang. Ang Pagpapatawad ay ipinadarama mula sa isang tunay na Diyos; Kaya, kapag humingi ng tawad ang isang tao, kailangang bumaling siya sa Diyos ng may buong pagpapakumbaba kasama nang tunay na pagsisisi at paghingi ng kapatawaran, nangangako na hindi na uulitin ang kasalanan. Sa gayon lamang tayo mapapatawad ng Diyos na Maykapal.
Itinuturo ng Islam na hindi pumarito si Hesus upang magtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan; sa halip, ang layunin niya ay muling pagtibayin ang mensahe ng mga Propetang nauna sa kanya.
“.. Walang karapat-dapat sambahin maliban sa Diyos, ang Natatangi at Nag-iisang Diyos Lamang…” (Quran 3:62)
Ang paniniwala ng Islam patungkol sa pagpako kay Hesus sa krus at kamatayan ay nilinaw. Hindi siya namatay upang magtubos ng mga kasalanan ng sangkatauhan. May planong ipako sa krus si Hesus ngunit hindi ito nagtagumpay; hindi siya namatay kundi iniakyat sa Langit. Sa mga huling araw bago ang pagdating ng Araw ng Paghuhukom, si Hesus ay babalik sa mundong ito at ipagpapatuloy ang pagpapalaganap ng paniniwala sa Kaisahan ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Quran na sa Araw ng Paghuhukom ay itatanggi ni Hesus ang mga taong pilit na sumasamba sa kanya, o na siya ay kasama ng Diyos (Trinidad).
“At (inyong alalahanin) kapag si Allah ay magsasabi (sa Araw ng Pagkabuhay muli): "O Hesus, anak ni Maria, ikaw ba ay nagsabi sa tao: 'ituring niyo ako at ang aking ina bilang dalawang diyos bukod kay Allah?" Siya (si Hesus) ay magsasabi: "Luwalhati sa Iyo. Hindi marapat para sa akin ang magsabi ng anumang wala akong karapatan (na sabihin). Kung ito man ay aking nasabi, katiyakang ito ay Iyong mababatid. Batid Mo ang anumang nasa aking kalooban, samantalang hindi ko nababatid ang anumang nasa Iyong Kalooban. Katotohanan, Ikaw ang Maalam sa mga di-nakikitang [bagay o pangyayari]. Wala akong sinabi sa kanila maliban sa kung ano lamang ang Iyong ipinag-utos sa akin [na sabihin]: "Inyong sambahin si Allah, ang aking Panginoon. at ako ay naging saksi sa kanila habang ako ay nananatili sa kanila ngunit nang ako ay Iyong bawiin, [tanging] Ikaw ang Tagapagmasid sa kanila at [tanging] Ikaw ang Saksi sa lahat ng bagay." (Quran 5:116-117)
Sinasabi sa atin ng Diyos sa Quran na mayroon lamang isang kasalanan na walang kapatawaran, at iyon ay para sa isang tao na kapag ito ay namatay na may ini-uugnay sa Diyos at hindi nagbalik-loob mula rito bago siya bawian ng buhay.
“Katotohanan, si Allah ay hindi nagpapatawad [sa isang nagkasala] ng pagtatambal sa Kanya. Ngunit Kanyang pinatatawad ang anumang kasalanang mababa kaysa riyan sa sinumang Kanyang nais. At sinuman ang magtambal ng iba kay Allah, katiyakan, siya ay nakapaglubid ng isang napakalaking kasalanan.” (Quran 4:48)
Sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad, sumakaniya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ipinaalam sa atin na sinabi ng Diyos,"Ako ay ang Makapag-iisa, hindi Ko na kinakailangang magkaroon pa ng katambal. Kaya kung sinuman ang gumagawa ng isang gawain para sa kapakanan ng ibang tao at para sa Akin ang gawaing iyon ay Aking inayawan dahil sa siya'y nagtambal sa Akin".[1]
Gayunpaman, maging ang kasalanang pag-uugnay ng katambal ng Diyos ay mapapatawad kung talagang tunay na magbalik-loob ang tao sa Diyos, ng tapat at lubos na nagsisisi.
“At katiyakan, Ako ay Ganap na Mapagpatawad sa sinumang nagbalik-loob, at siya ay naniniwala (sa Aking Kaisahan, at walang katambal sa pagsamba sa Akin) at gumagawa ng mga mabubuting gawa, at pagkatapos ay nananatiling palagian sa paggawa ng mga ito (hanggang sa kanyang kamatayan).” (Quran 20:82)
“Sabihin mo sa mga di-naniniwala, na kung sila ay magsitigil (mula sa hindi paniniwala), ang anumang nangyari noon ay patatawarin para sa kanila.” (Quran 8:38)
Bawat tao ay maaaring magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagsamba sa Isang Diyos. Ang pananatiling may kaugnayan sa Diyos at pagsisisi mula sa mga pagkakamali at kasalanan ang daan tungo sa kaligtasan. Sa kasunod na artikulo, pag-uusapan natin ang mga kundisyon ng pagbabalik-loob.
Kaligtasan sa Islam (bahagi 3 ng 3): Ang Pagbabalik-loob
Paglalarawanˇ: Ang Pagbaballik-loob ay tanda ng daan tungo sa kaligtasan.
- Ni Aisha Stacey (© 2010 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 10 Nov 2013
- Nag-print: 4
- Tumingin: 6,525
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang daan tungo sa kaligtasan ay sa pamamagitan ng tiyak na paniniwala na mayroon lamang Nag-iisang Diyos at Siya ay Laging Mapagpatawad at Maawain. Ang Islam ay nagsasaad nang walang-pasubali na wala talagang konsepto ng orihinal na kasalanan at ang Diyos ay hindi nangangailangan ng pagsasakripisyo ng dugo upang patawarin ang sangkatauhan para sa kanilang mga kasalanan at mga paglabag.
“Sabihin: "O Aking mga alipin na nagmalabis laban sa kanilang mga sarili (sa paggawa ng mga kasalanan)! Huwag kayong mawalan ng Pag-asa mula sa Habag ng Diyos, katotohanan, pinatatawad ng Diyos ang lahat ng kasalanan. Katiyakan, Siya ang Laging Nagpapatawad, ang Pinaka Maawain.” (Quran 39:53)
Ang paggawa ng pagkakamali, ang pagkukulang sa ating pagsunod sa Diyos, pagkalimot, at paggawa ng mga kasalanan ay bahagi ng di-perpektong katangian ng sangkatauhan. Walang tao na malaya sa kasalanan, kahit gaano man kabuti ang makita sa atin sa panlabas sapagkat ang bawat tao ay nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos. Ang Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay nababatid ito nang kausapin niya ang kanyang mga kasamahan.
“Sa pamamagitan ng Nag-Iisa na Siyang may hawak sa aking kaluluwa, kung hindi kayo makagawa ng kasalanan ay aalisin kayo ng Diyos at magdadala ng mga taong makakagawa ng kasalanan kaya manalangin kayo para sa kapatawaran.”[1]
“Bawat angkan ni Adan ay nagkakasala at ang pinakamabuti sa mga nagkakasala ay yaong mga nagbabalik-loob.”[2]
Lahat tayo ay madaling matukso, lahat tayo ay nagkakasala, at lahat tayo ay nangangailangan ng kapatawaran. Tayo ay may likas na pangangailangan na mapalapit sa Diyos at ang Diyos sa Kanyang walang hanggang karunungan ay Kanyang ginawa na ang landas ng kapatawaran ay maging madali. Naranasan mismo ng Propeta Muhammad ang sobrang kagalakan na nagmumula sa pakiramdam na "totoo" sa kaniyang Panginoon. Kanyang sinabi, “Sumpa man, hinahangad ko ang kapatawaran ng Diyos at bumabaling ako sa Kanya sa pagsisisi nang mahigit pitumpung beses bawat araw.”[3]
Ang Diyos, na Taga-Paglikha ay sukdulang batid ang sangkatauhan, alam Niya ang ating mga kahinaan at pagkukulang, at kaya Niya inutos ang pagbabalik-loob para sa atin at hinayaan ang pintuan tungo sa pagbabalik-loob na bukas hanggang sa sumikat ang araw mula sa kanluran (kalapit sa Araw ng Paghuhukom).
“At magbalik-loob kayo [sa pagsisisi] at sumunod ng may tapat na Pananampalataya sa inyong Panginoon at tumalima kayo sa Kanya, bago dumating ang parusa sa inyo, [sapagkat] pagkaraan [niyan] kayo ay hindi na matutulungan.” (Quran 39:54)
“O kayong mga naniniwala! Magbalik-loob kayo sa Diyos nang may tapat na pagsisisi! Maaaring pawiin ng inyong Panginoon mula sa inyo ang inyong mga masasamang gawa, at kayo ay Kanyang papapasukin sa mga hardin na sa ilalim nito ay may mga batis na umaagos (Paraiso)…”(Quran 66:8)
“At kayong lahat ay humingi sa Diyos ng kapatawaran para patawarin kayong lahat, O kayong mga naniniwala, upang sakali kayo ay magsipagtagumpay.” (Quran 24:31)
Ang pagbabalik-loob ay kasing dali ng pagbaling sa Diyos at paghingi ng Kanyang awa at kapatawaran. Sa pinakamadilim na oras o pinakamahabang gabi, hinihintay ng Diyos ang lahat ng humiling sa Kanya, at magbalik-loob sa Kanya.
“Ang Diyos ay iniaabot ang Kanyang kamay sa gabi upang tanggapin ang pagbabalik-loob ng taong nagkasala sa umaga, at Kanyang iniaabot ang Kanyang kamay sa araw upang tanggapin ang pagbabalik-loob ng taong nagkasala sa gabi, (at magpapatuloy ito) hanggang sa pagsikat ng araw mula sa kanluran.”[4]
Walang mga pagkakasalang napakaliit o kasalanang napakalaki na hindi magiging maawain ang Diyos sa taong nanambitan sa Kanya. Ang Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, ay nagkuwento tungkol sa isang lalaki na ang mga kasalanan ay tila napakalaki para sa kanya upang magkaroon ng pag-asa sa awa, ngunit ang Diyos ay Pinaka Marunong at Palaging Nagpapatawad. Maging ang mga tao na ang buhay ay walang kasing-gulo at puno ng kadiliman dahil sa kasalanan, ay makakasumpong ng kapanatagan.
“Mayroon sa mga tao na naunang dumating sa inyo na isang lalaking pumaslang ng siyamnapu't siyam na tao. Pagkatapos ay nagtanong siya tungkol sa isang taong pinaka-maalam sa mundo, at siya ay itinuro sa isang ermitanyo, kaya pumunta siya sa kanya at sinabi na pumaslang siya ng siyamnapu't siyam na tao, at nagtanong kung maaari pa ba siyang mapatawad. Sinabi sa kanya ng ermitanyo, 'Hindi,' kaya't pinaslang niya ito, sa gayon ito'y nakumpleto sa isang daan. Pagkatapos ay nagtanong siya tungkol sa may pinaka maalam na tao sa mundo at siya'y itinuro sa isang pantas. Sinabi niya sa kanya na pinaslang niya ang isang daang tao, at nagtanong kung maaari pa ba siyang mapatawad. Sinabi ng pantas, 'Oo, ano paba ang posibleng humarang sa pagitan mo at ng pagbabalik-loob? Magtungo ka sa gayong bayan, sapagka't doon ay may mga taong sumasamba sa Diyos. Humayo ka at sumamba kasama nila, at huwag kang bumalik sa sarili mong bayan, sapagka't iyon ay isang masamang lugar." Kaya naman ang lalaki ay nag-umpisang maglakbay, subali't nang siya'y nangangalahati na patungo doon (sa kanyang pupuntahan), ay dumating sa kanya ang anghel ng kamatayan, at nagsimulang magtalo ang mga anghel ng awa at ang mga anghel ng poot sa kanya. Sinabi ng mga anghel ng awa: 'Siya ay nagbabalik-loob at naghahanap sa Diyos.' Sinabi ng mga anghel ng poot: 'Wala siyang ginawang anumang mabuting bagay.' Isang anghel na nasa anyo ng tao ang lumapit sa kanila, at hiniling nila na pagpasiyahan niya ang bagay na iyon. Kanyang sinabi, 'Sukatin niyo ang distansya sa pagitan ng dalawang lupain (ang kanyang bayan at ang bayan na kanyang patutunguhan), at alinman sa dalawa na siya ay pinakamalapit ay doon siya mapapabilang. 'Kaya't sinukat nila ang distansya, at natuklasan na siya ay malapit sa bayan kung saan siya ay patungo, kaya't dinala siya ng mga anghel ng awa.” [5]
Sa isa pang bersyon mula sa mga tradisyon ng Propeta Muhammad, sumakanya nawa ang habag at mga pagpapala ng Diyos, sinasabi roon, na ang lalaki ay mas malapit sa matuwid na bayan ng isang dangkal, kaya't isinama siya sa mga tao nito.[6]
Ang pagbabalik-loob ay mahalaga sa isang tao upang maging daan sa mapayapang buhay. Ang gantimpala ng pagbabalik-loob ay maayos na pamumuhay na malapit sa Diyos at puno ng kapanatagan at kapayapaan ng isipan. Gayunman, may tatlong kundisyon sa pagbabalik-loob. Ang mga ito ay, talikuran ang kasalanan, pagsisihan habambuhay ang nagawang kasalanan at huwag nang bumalik sa kasalanan. Kung ang tatlong kundisyong ito ay natupad nang taos-puso, samakatwid ang Diyos ay magpapatawad. Kung ang kasalanan ay may kinalaman sa karapatan ng ibang tao kung gayon ay may ikaapat na kundisyon. Iyon ay dapat ibalik, kung posibleng maibalik, ang mga karapatang kinuha.
Ang habag at pagpapatawad ng Diyos ay sumasaklaw sa lahat na Siya ay magpapatuloy sa pagpapatawad. Kung ang isang tao ay tapat, patatawarin siya ng Diyos kahit na sa sandaling ang kamatayan ay umabot na sa lalamunan.
Ang kilalang iskolar na si Ibn Kathir ay nagsabi, "Katiyakan, kapag ang pag-asa sa nabubuhay ay pakaunti na ang Anghel ng Kamatayan ay dumarating upang kunin ang kaluluwa. Kapag ang kaluluwa ay umabot na sa lalamunan, at ito ay unti-unting hinila, sa puntong iyon ay wala ng tatanggaping pagbabalik-loob.'[7]
Ang tunay na pagbabalik-loob ay tanda ng daan tungo sa kaligtasan. Ang Kaligtasan ay natatamo sa pamamagitan ng taos-pusong pagsamba sa Diyos. Walang Diyos kundi Siya, ang Pinaka Makapangyarihan, ang Pinaka Mahabagin, ang Lubos na Mapagpatawad.[8]
Mga talababa:
[1] Saheeh Muslim
[2] At Tirmidhi
[3] Saheeh Al-Bukhari
[4] Saheeh Muslim
[5] Saheeh Al-Bukhari, Saheeh Muslim
[6] Saheeh Muslim
[7] Tafsir Ibn Kathir, Chapter 4, verse 18.
[8] Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagpapatawad ng Diyos mangyaring tingnan ang mga artikulong pinamagatang "Pagtanggap ng Islam" bahagi 1 at 2.(http://www.islamreligion.com/articles/3727/viewall/)
Magdagdag ng komento