Si Maria Luisa “Maryam” Bernabe, Dating Katoliko, mula sa Pilipinas (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang aking mga maliliit na hakbang tungo sa Allah at sa pagbabalik-Islam
- Ni Maria Luisa “Maryam” Bernabe
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 12 Nov 2013
- Nag-print: 3
- Tumingin: 5,298 (araw-araw na pamantayan: 3)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Dinala ako ng Allah dito sa Qatar para sa layuning ito, na matapos ko na ang aking paghahanap at igugol ang natitirang mga araw ng aking buhay na nagsasamba sa Kanya alinsunod sa pamamaraan ni Propeta Muhammad, mapasakanya ang habag at pagpapala ng Dakilang Tagapaglikha.
Ang mga pamamaraan ng Allah ay hindi maikukumpara sa ating pamamaraan dahil Siya ang Mas Nakakaalam. Katotohanan, sa ikot ng mga pangyayari sa buhay ko dito sa Qatar, binalikan ko at nakita kung gaano kamangha-mangha ang pagkakahabi Niya ng landas na nagdala sa akin patungo sa Kanya.
Noong 2009, ang kompanya na nagdala sa akin sa Qatar ay kumaharap sa mga problema at nag-umpisang magbawas ng tao at nagbigay ng mga opsyon para maghanap ng ibang trabaho. Kung paano ako nakarating sa kompanyang aking pinagtatrabahuhan sa kasalukuyan ay isa sa mga magagandang surpresa ng Allah na inilaan Niya para sa akin. Ang aking paglipat mula sa dati kong kumpanya tungo sa kasalukuyang pinagtatrabahuhan ay sadyang mabilis. Ang institusyon kung saan ako kasulukuyang nagtatrabaho ay isang Islamikong institusyon na pinamamahalaan ng Shari'a (mga batas at alituntuning Islamiko) at ang departamentong kinabibilangan ko ay nagbigay ng oportunidad sa akin na makarating sa pinapangarap kong trabaho - komunikasyong pang-korporasyon. Yamang ako ay babad sa paghahanda ng mga pangpahayagang kasulatan at mga sangkap sa pangangalakal, kinailangan kong makibalita patungkol sa mga pangunahing paniniwala ng isang negosyo na naka-angkla sa patnubay ng Shari'a, na syang nagdala sa akin sa mas malalim na pagbabasa patungkol sa Islam. Sa puntong iyon, natagpuan ko ang aking sarili na nasisiyahan sa aking ginagawa at nagbabasa ng kung anumang mahawakan ng aking kamay.
Sa unang bahagi ng 2010, ako ay may nakakilalang pilipinong Muslim. Kailanman ay walang anumang pag-uusap patungkol sa aming relihiyon. Alam niya kung gaano ako ka madalasalin kasama ang aking rosaryo at mga maliliit na aklat pang-novena. Sinabi niya, na sa kanyang pamilya ay mayroon ding mga Muslim at Kristiyano. Siniguro niya sa akin na hindi ako dapat makaramdam ng pagkaasiwa patungkol doon. Nakita ko sa kanya ang mga katangiang hinahanap ko. Ang kanyang pananaw patungkol sa isang relasyon ay katulad ng sa akin. Kaya, ang relihiyon ay hindi kailanman naging usapin at nirespeto naming pareho ang paniniwala ng bawat isa.
Isang beses, nagtungo ako sa Fanar (Qatar Islamic Cultural Center) kasama ang aking amo habang may pagtatanghal ng sining ng kaligrapiya para bumili ng ilang mga bagay para sa aming kompanya. Nakakuha ako ng kopya ng librong THE IDEAL MUSLIM at sinimulan itong basahin tatlong buwan matapos kong makuha ang aklat habang wala sa Qatar ang aking kasintahan ng mga panahong 'yaon. Naramdaman ko ang mga talata ng Quran na direktang nakikipag-usap sa akin. Habang binabasa ko ang mga katangian ng isang ulirang Muslimah (babaeng Muslim), aking napagtanto na ang pamamaraan ko sa pamamahala ng aking buhay ay nasa pagsunod rin pala sa katuruan ng Islam. Pagkatapos, nagkaroon ako ng kopya ng salin ng Quran sa wikang Tagalog at nakaramdam ng partikular na uri ng lubos na kapayapaan sa aking puso na nagbubunsod ng mga luha. Sinabi ko sa aking sarili, darating ang araw ay kailangan ko itong ipagpatuloy. Humingi ako ng gabay mula sa departamento ng Shari'a at mula sa aking mga kasamahan sa trabaho na may mabubuting-loob patungkol sa kung aling mga babasahin ang dapat kong piliin. Naghahanap ako sa web at babasahin lahat ng maari kong mabasa. Hanggang isang araw, tumigil ako. Huminto ako sa pagsasaliksik ng kaalaman dahil hindi ko nais ipagpatuloy ang anuman hanggang nakikita ko ang aking kasintahan na kababalik lamang mula sa Pilipinas. Kahit na hindi niya ipinasok ang usapin patungkol sa aking relihiyon, sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong pag-isipan ng mabuti kung naiimpluwensyahan lamang ba ako ng kanyang presensya sa aking buhay o kung ang pagyakap ba sa Islam ay mula sa aking sariling pagpapasya...mula sa kailaliman ng aking puso at kaluluwa.
Sa panahong iyon na tumigil ako sa pagpapatuloy ng dagdag na pag-aaral, ako ay may pinagdaraanan ding problema. Patuloy na nagpatong-patong ang mga problema at ako ay nalilito kung paano isasagawa ang pagdarasal. Dapat ba akong magdasal gamit ang rosaryo at mga debosyon o dapat ko bang isagawa ang salah (espesyal na pagdarasal na ginagawa ng mga Muslim) na wala akong ideya kung paano gagawin? Sa ilang buwan, ako ay tila nakalutang sa pagkalito, hanggang isang gabi, ako ay gumising at nakipag-usap sa Diyos at nagsabing - "Diyos ko, ako ay naguguluhan. Hindi ko na alam kung paano ako magdarasal. Basahin mo ang puso ko. Isinusuko ko ang sarili ko sayo! ". Matapos noon, ako ay nakaramdam ng tunay na kapayapaan.
Nagsimula ang pangangalaga ng Diyos. Ang aking kasintahan ay umuwi sa Pilipinas ng mas maaga kaysa sa napagplanuhan. Ibinigay sa akin ng Diyos ang oras na kinakailangan ko para mas maunawaan pa ang Islam.
Hindi ko inaasahan na ang araw kung kailan may malaking tsunami na tumama sa Japan ang magiging araw na isasagawa ko ang aking Shahadah (mga salita ng panunumpang binabanggit bilang pagsisimula na maging Muslim). Naramdaman ko na lamang na sobrang tahimik ang aking puso. Nagpunta ako sa Fanar na may paninindigang dumalo sa mga pag-aaral ng mga pangunahing kaalaman sa Islam. Ang hakbang na ito ay nabuo nang nagawa ko ng sagutin ang mga huling katanungan ko para sa aking sarili. Una, kung ako at ang aking kasintahan ay magkakatuluyan sa huli, mapaninindigan ko ba ang pagiging isang Muslim? Kapag ako ay namatay, paano aasikasuhin ng aking pamilya ang aking mga labi? At pagkatapos, nakita ko sa aking isipan ang mga katrabaho kong babaeng Muslim at nakaramdam ng tunay na pag-unawa mula sa kanila. At sinabi ko sa aking sarili, marahil ay may mawawalang tao, ngunit mas marami ang darating. Pangalawa, bakit ang mga lalaking Muslim ay pinahintulutang makapag-asawa hanggang sa apat? Hindi ba nila alam na masakit para sa isang babae na mayroong isang babae na gusto kaysa sa kanya? Ang katanungang ito ay nanatiling walang kasagutan sa loob ng ilang buwan hanggang sa dumating ang araw na hinahanda ko ang aking sarili sa pagpunta sa Fanar. Sa katunayan, ang katanungang ito ay palaging pumipigil sa akin na tanggapin ng buo ang mga nabasa ko patungkol sa Islam at umaasa ako na masagot ito kapag nabigyan ako ng pagkakataon na sumailalim sa mga pag-aaral sa Fanar. Sa wakas, nang umagang inihahanda ko ang aking sarili patungo sa Fanar, tinanong kong muli ang aking sarili ng ilang mga katanungan - ang pakiramdam ba ng selos at pagka-inggit ang syang pipigil sa akin mula sa Allah? Ang isang makamundong bagay ba ang pipigil sa akin sa pagkilala sa Allah? Hindi ko na sinagot ang aking sarili. Sa halip, nagmadali ako sa paghahanda ng aking sarili para umalis. Ang aksyon na yon mismo ang naging kasagutan.
Sa pagdating ko sa Fanar, nagkaroon ako ng pagkakataon na magkaroon ng pribadong pag-uusap kasama ang dalawa sa kanilang mga tagapagturo - si Sister Zarah at si Sister Maryam. Ang hinahangad ng aking puso ay nag-umpisang mailahad. Sinabi ni Sister Maryam na tila naman ako'y handa na. Nang ako'y kanyang tinanong kung nais ko na bang gawin ang shahadah, sinagot ko lamang ito sa pagsasabing - MERON BANG TAO NA MAKAKATULONG SA AKIN NA MAGAWA ITO? Muli, ang pakiramdam ng katiyakan - hindi lamang ito basta OO o HINDI, ito ay patungkol sa 'mayroon bang maaring tumulong sa akin na maisagawa ito'.
Matapos kong banggitin ang Shahadah, nagsimulang bumalong ang mga luha. Noong yakapin ako ni Sister Maryam at sabihing ako'y isa nang muslim, ako'y umiiyak na nagpasalamat sa kanya. Tinanggap ng aking pamilya ang aking pagiging Muslimah at nagpapasalamat ako sa Allah dahil doon. Kahit pa nanatili sila bilang mga debotong Katoliko, ang kanilang pagtanggap, suporta at pagmamahal ang nagpatuloy sa akin. Sa aking kasintahan naman, siya ay nagulat sa pagkakatanggap ng text message mula sa akin ilang minuto matapos ang aking pagyakap sa Islam. Hindi niya inaasahang makatanggap ng ganoong balita mula sa akin.
Ang aking pagyakap patungo sa Islam ay bunsod ng naganap na malaking tsunami. Itinuturing ko ito bilang simbolo ng paghugas at paglinis sa akin ng Allah mula sa aking mga kasalanan. Ano kaya ang nangyari sa akin kung hindi ako sumuko sa Kanya? Nasaan kaya ako?
Magdagdag ng komento