Propeta Saleh
Paglalarawanˇ: Nagpadala ang Diyos ng mga Propeta sa lahat ng mga bansa sa mundo.
- Ni Aisha Stacey (© 2009 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 02 Aug 2015
- Nag-print: 2
- Tumingin: 6,408 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Sinabi ng Diyos sa Quran na ang mga Propeta at mga Sugo ay ipinadala sa bawat bansa sa mundo at lahat sila ay ipinalaganap ang parehong mensahe - upang sambahin ang Isang Diyos, nag-iisa, walang kasosyo, o anak. Ang karamihan sa mga Propeta na binanggit sa Quran at sa mga tradisyon ni Propeta Muhammad ay kinikilala, at itinuturing na mga propeta sa parehong paniniwala ng mga Hudyo at Kristiyano. Gayunpaman, si Propeta Saleh, ay isa lamang sa apat na propeta na Arabo at ang kanyang kuwento ay hindi kilala sa buong mundo.
“At katotohanang Kami ay nagpadala ng mga Tagapagbalita nang una pa sa iyo (o Muhammad); ang iba ay Aming inilahad sa iyo ang kanilang kasaysayan at ang iba ay hindi Namin inilahad sa iyo, at hindi (Namin) binigyan ng kapamahalaan ang sinumang Tagapagbalita na magdala siya ng Tanda maliban na pahintulutan ni Allah.” (Quran 40:78)
Ang Ad at Thamud ay dalawang mahuhusay na sibilisasyon na winasak ng Diyos dahil sa labis na kasamaan. Matapos ang pagkawasak ng Ad, ang Thamud ay sumunod sa kanila sa kapangyarihan at kadakilaan. Ang mga tao ay namuhay ng masaganang buhay, nagtayo ng mga malalaking gusali, pareho sa kapatagan, at inukitan ang mga burol. Sa kasamaang palad kasama sa kanilang mapagmalabis na pamumuhay ay pagdating ng pagsamba sa idolo at kasamaan. Si Propeta Saleh ay ipinadala upang bigyan ng babala ang mga tao ng Thamud, na ang Diyos ay hindi nalulugod sa kanilang pag-uugali, at magpapaulan ng pagkawasak sa kanila, kung hindi nila baguhin ang kanilang masasamang pamamaraan.
Si Saleh ay isang relihiyoso, matuwid na tao na humahawak sa isang pamunuan sa pamayanan, ngunit ang kanyang panawagan na sambahin ang Diyos lamang ay nagpagalit sa maraming tao. Ang ilan ay naiintindihan ang karunungan ng kanyang mga salita, ngunit ang karamihan sa mga tao ay hindi naniwala at sinaktan si Saleh sa parehong mga salita at kilos.
"O Saleh! Ikaw ay nasa aming piling bilang lunduan ng aming matimyas na pag-asa at ninais namin na ikaw ang mamuno sa amin, hanggang dumating ito, bago, at iyong pinagbabawalan kami na sambahin ang sinasamba ng aming mga ninuno at sambahin lamang ang iyong Diyos (Allah)! Datapuwa’t kami ay lubhang nag-aalinlangan sa bagay na kami ay iyong inaanyayahan sa monotiesmo (sa Kaisahan ni Allah).” (Quran 11:62)
Ang mga tao ng Thamud ay nagtipon sa kanilang lugar ng pagpupulong, sa mga anino ng isang malaking bundok. Hiniling nila na patunayan ni Saleh na ang Isang Diyos na binabanggit niya ay tunay na malakas at makapangyarihan. Hiniling nila sa kanya na gumawa ng isang himala - na gumawa ng isang natatangi at walang kapantay na kamelyo na lumabas mula sa kalapit na mga bundok. Nagsalita si Saleh sa kanyang mga tao na nagtatanong, kung ang kamelyo ay lumitaw sila kaya ay maniniwala na sa kanyang mensahe. Sumagot sila ng isang malakas na oo, at sama-sama ang mga tao na nagdasal kasama si Saleh para mangyari ang himala.
Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, isang napakalaking, sampung buwan na buntis na kamelyo ang lumitaw mula sa mga bato sa ilalim ng bundok. Ang ilan sa mga tao ay nauunawaan ang kadakilaan ng himalang ito ngunit ang karamihan ay patuloy na hindi naniniwala. Nakita nila ang isang dakila at kahanga-hangang tanawin ngunit nanatiling mapagmataas at matigas ang ulo.
“ At Aming ipinadala ang babaeng kamelyo kay Thamud bilang isang maliwanag na Tanda, Ngunit ginawan nila ito ng mali” (Quran 17:59)
Ang komentarista ng Quran at iskolar ng Islam na si Ibn Kathir ay ipinaalam sa atin na mayroong maraming ulat tungkol sa kamelyo at ang kanyang mahimalang kalikasan. Sinasabing ang kamelyo ay lumitaw mula sa isang biyak na bato, at binanggit ng ilang mga tao na ang kamelyo ay napakalaki na kaya nitong inumin ang lahat ng tubig sa mga balon ng bayan sa isang araw. Sinabi ng ibang mga tao na ang kamelyo ay maaaring makagawa ng sapat na gatas araw-araw upang painumin ang buong populasyon. Ang kamelyo ay nakatira sa mga tao ng Thamud at nakalulungkot, ang mga hindi naniniwala na nanggugulo kay Saleh ay binaling ang kanilang galit at sama ng loob sa kamelyo.
Bagaman maraming tao ang naniniwala sa Diyos, nakinig kay Propeta Saleh, at nauunawaan ang himala ng kamelyo, maraming iba pa ang matigas na tumanggi na makinig. Nagsimulang magreklamo ang mga tao na ang kamelyo ay umiinom ng sobrang tubig, o tinatakot nito ang iba pang mga hayop. Nagsimulang matakot si Propeta Saleh para sa kamelyo. Binalaan niya ang kanyang mga tao ng isang malaking parusa na mangyayari sa kanila kung saktan nila ang kamelyo.
“Aking pamayanan! Itong babaeng kamelyo ni Allah ay isang Tanda para sa inyo, at inyong hayaan siya na nanginginain sa kalupaan ni Allah at siya ay huwag ninyong saktan, kung hindi, baka ang isang napipintong kaparusahan ay sumunggab sa inyo.” (Quran 11:64)
Hinikayat ng isang pangkat ng mga kalalakihan ang kanilang mga kababayang babae, nagplano upang patayin ang kamelyo at kinuha ang unang pagkakataon na tirahin siya ng isang pana at saksakin siya ng isang espada. Ang kamelyo ay natumba sa lupa at namatay. Ang mga salarin ay nagpalakpakan at bumati sa bawat isa at ang mga hindi naniniwala ay nagtawanan at kinutya si Saleh. Nagbabala si Propeta Saleh sa mga tao na ang isang malaking parusa ay darating sa kanila sa loob ng tatlong araw, ngunit patuloy siyang umaasa na makikita nila ang pagkakamali ng kanilang mga ginawa at humingi ng kapatawaran sa Diyos. Sinabi ni Propeta Saleh. "O aking pamayanan! Katotohanang aking ipinarating sa inyo ang mensahe ng aking Panginoon at kayo ay binigyan ko ng isang mabuting payo datapuwa’t hindi ninyo naiibigan ang mabubuting tagapayo.” (Quran 7:79) Gayunman, ang mga tao ng Thamud ay nagbiro sa mga salita ni Saleh at nagbalak na puksain siya at ang kanyang pamilya tulad ng ginawang pagpatay nila sa kamelyo.
“At mayroon sa lungsod siyam na lalaki (mula sa mga anak ng kanilang mga pinuno) na gumagawa ng kabuktutan sa kalupaan at aayaw magbago. Sila ay nagsabi: “Magsumpaan tayo sa isa’t isa sa pamamagitan ng Diyos na tayo ay gagawa ng isang lihim na pagsalakay sa gabi sa kanya at sa kanyang kasambahay, at pagkatapos ay titiyakin natin na masabi sa kanyang pinakamalapit na kamag-anak (ito): 'Hindi namin nasaksihan ang pagkawasak ng kanyang kasambahay, at katotohanang kami ay nagsasabi ng katotohanan!’” (Quran 27: 48, 49)
Iniligtas ng Diyos si Propeta Saleh at lahat ng kanyang mga tagasunod; nag-impake sila ng kaunting mga gamit, at may mabibigat na puso, lumipat sa ibang lugar. Matapos ang tatlong araw, naganap ang babala ni Propeta Saleh. Ang langit ay napuno ng kidlat at kulog at ang lupa ay marahas na nanginginig. Winasak ng Diyos ang lungsod ng Thamud at ang kanyang mga tao ay namatay sa isang parusa ng takot at kawalan ng paniniwala.
Sinabi ni Ibn Kathir na ang mga tao ni Saleh ay namatay, bawat isa, nang sabay-sabay. Ang kanilang pagmamataas at kawalan ng paniniwala ay hindi nagligtas sa kanila, ni ang kanilang mga idolo o diyus-diyosan. Ang kanilang malalaki at labis-labis na mga gusali ay hindi nagbigay proteksyon sa kanila. Ang Diyos ay patuloy na nagpapadala ng malinaw na patnubay sa sangkatauhan ngunit ang mga hindi naniniwala ay nagpapatuloy sa kanilang pagmamataas at pagtanggi. Ang Diyos ay ang pinaka-Maawain at pinaka Mapagpatawad: Mahilig siyang magpatawad. Gayunpaman, ang mga babala ng Diyos ay hindi dapat balewalain. Ang parusa ng Diyos, tulad ng naranasan ng mga tao sa Thamud, ay maaaring maging mabilis at malubha.
Magdagdag ng komento