Pitong Karaniwang mga Tanong tungkol sa Islam (bahagi 1 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang ilan sa mga pinakakaraniwang mga katanungang itinatanong tungkol sa Islam. 1 bahagi: Ano ang Islam? Sino ang mga Muslim? Sino si Allah? Sino si Muhammad?
- Ni Daniel Masters, Isma'il Kaka and Robert Squires
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Jan 2009
- Nag-print: 3
- Tumingin: 17,874
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
1. Ano ang Islam?
Ang Islam ay ang pangalan ng relihiyon, o sa mas angkop ang 'pamamaraan ng buhay', na ipinahayag ng Diyos (Allah) at isinabuhay ng lahat ng mga Propeta at Sugo ng Diyos na Kanyang ipinadala sa sangkatauhan. Maging ang pangalan ay tumatayong natatangi sa iba pang mga relihiyon na dito ay nangangahulugang isang katayuan ng pag-iral; ito ay hindi tumutukoy sa anumang natatanging tao, tulad ng Kristiyanismo, Budismo o Zoroastrianismo; isang tribo tulad ng Hudaismo; o isang bansang tulad ng Hinduismo. Ang ugat na salitang Arabe kung saan ang Islam ay hinango ay nagpapahiwatig ng kapayapaan, kaligtasan, pagbati, pangangalaga, kawalang pamimintang, kabutihan, pagpapasakop, pagtanggap, pagsuko, at kaligtasan. Ang Islam ay partikular na nangangahulugang nasa kalagayan ng pagpapasakop sa Diyos, pagsamba sa Kanya Lamang, at magalang na pagtanggap at pagsunod sa Kanyang Kautusan. Sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ang kapayapaan, seguridad, at mabuting kagalingan na isinasaad sa literal na kahulugan nito ay natatamo. Samakatuwid, ang isang Muslim o Muslimah ay isang tao (lalaki o babae) sa katayuan ng pagpapasakop. Ang Islam ng isang tao ay humihina sa pamamagitan ng mga kasalanan, kamangmangan, at maling gawain, at nagiging walang saysay sa kabuuan sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga katambal sa Diyos o sa kawalang paniniwala sa Kanya.
2. Sino ang mga Muslim?
Ang Arabeng salitang "Muslim" ay literal na nangangahulugang "sinumang nasa katayuang Islam (pagpapasakop sa kalooban at batas ng Diyos)". Ang mensahe ng Islam ay sinadya para sa buong mundo, at ang sinumang tumanggap ng mensaheng ito ay nagiging isang Muslim. Ang ilang mga tao ay nagkakamali sa paniniwalang ang Islam ay isang relihiyon lamang para sa mga Arabo, ngunit wala nang maaaring hihigit pa mula sa katotohanan. Sa katunayan, mahigit sa 80% ng mga Muslim sa mundo ay hindi mga Arabo! Kahit na ang karamihan sa mga Arabo ay Muslim, mayroong mga Arabo na mga Kristiyano, Hudyo at ateyista. Kung ang isang tao ay titingnan lamang ang iba't ibang mga tao na nakatira sa Mundo ng Muslim - mula sa Nigeria hanggang sa Bosnia at mula sa Morocco hanggang Indonesia - madali nang makikita na ang mga Muslim ay nagmula sa lahat ng iba't ibang lahi, pangkat etniko, kultura at nasyonalidad. Ang Islam noon pa man ay isang unibersal na mensahe para sa lahat ng mga tao. Ito ay makikita sa katotohanang ang ilan sa mga unang kasamahan ng Propetang si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay hindi lamang mga Arabo, kundi pati na rin mga Persiyano, Aprikano at mga Bisantinong Romano. Ang pagiging isang Muslim ay sinusundan ng ganap na pagtanggap at masugid na pagsunod sa ipinahayag na mga turo at batas ng Diyos na Kataas-taasan. Ang isang Muslim ay isang tao na malayang tinatanggap ang batay sa kanyang mga paniniwala, pagpapahalaga at pananampalataya sa kalooban ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Sa nakaraan, kahit na hindi mo ito nakikita ng madalas ngayon, ang salitang "Mohammedans" ay madalas na ginagamit bilang isang katawagan para sa mga Muslim. Ang bansag na ito ay isang maling katawagan, at ang bunga ng alinman sa sinasadyang pagbaluktot o labis na kamangmangan. Ang isa sa mga dahilan sa maling haka-haka ay ang mga Europeo ay itinuro sa loob ng maraming siglo na ang mga Muslim ay sumasamba sa Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) sa parehong paraan na sinasamba ng mga Kristiyano si Hesus. Ito ay ganap na hindi totoo, dahil siya ay hindi itinuturing na isang Muslim kung siya ay sumasamba sa sinuman o anuman bukod sa Diyos na Kataas-taasan.
3. Sino si Allah?
Kadalasan ang isang tao ay nakakarinig ng Arabeng salitang "Allah" na ginagamit sa mga talakayan tungkol sa Islam. Ang salitang "Allah" ay ang simpleng Arabeng salita para sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ang parehong salita na ginamit ng mga nagsasalita ng Arabeng mga Kristiyano at Hudyo. Sa katunayan, ang salitang Allah ay ginagamit na bago pa man ang salitang Diyos ay dumating sa pag-iral, dahil ang Ingles ay medyo bagong wika. Kung ang isang tao ay kukuha ng isang Arabeng salin ng Bibliya, siya ay makakakita ng salitang "Allah" na ginagamit kung saan ang salitang "Diyos" ay ginagamit sa tagalog. Halimbawa, ang mga nagsasalitang Arabeng Kristiyano ay nagsasabi na si Hesus ay, ayon sa kanilang paniniwala sa kanon, ang Anak ni Allah. Bilang karagdagan, ang salitang Arabe para sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na "Allah", ay medyo katulad sa salita para sa Diyos sa iba pang Semitikong mga wika. Halimbawa, ang salitang Hebreo para sa Diyos ay "Elah". Sa iba't ibang kadahilanan, ang ilang mga di-Muslim ay nag-aakalang ang mga Muslim ay sumasamba sa ibang Diyos kaysa sa Diyos nina Moises at Abraham at Hesus. Ito ay hindi ang talagang usapin, dahil ang Dalisay na Monoteismo ng Islam ay inaanyayahan ang lahat ng mga tao sa pagsamba sa Diyos ni Noe, Abraham, Moises, Hesus at lahat ng iba pang mga propeta, ang kapayapaan ay sumakanila.
4. Sino si Muhammad?
Ang huli at pangwakas na propeta na ipinadala ng Diyos sa sangkatauhan ay ang Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya. Sa edad na apatnapu, natanggap niya ang kapahayagan mula sa Diyos. Pagkatapos ay ginugol niya ang natitirang bahagi ng kanyang buhay na ipinapaliwanag, at ipinamumuhay ang mga turo ng Islam, ang relihiyon na ipinahayag ng Diyos sa kanya. Ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay ang pinakadakila sa lahat ng mga propeta sa maraming kadahilanan, ngunit una ay dahil siya ang pinili ng Diyos na maging huling propeta - na ang misyon na gabayan ang sangkatauhan ay magpapatuloy hanggang sa Huling Araw - at dahil siya ay ipinadala bilang isang awa sa buong sangkatauhan. Ang bunga ng kanyang misyon ay nagdala sa maraming tao sa dalisay na paniniwala sa Nag-iisang Diyos kaysa sa iba pang mga propeta. Mula pa sa simula ng panahon, ang Diyos ay nagpadala ng mga propeta sa mundo, ang bawat isa sa kanyang sariling natatanging bansa. Ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya), gayunpaman, ay ipinadala bilang panghuling Sugo sa buong sangkatauhan.
Kahit na ang ibang mga relihiyosong pamayanan ay nag-aangking naniniwala sa Nag-iisang Diyos, sa paglipas ng panahon, may ilang mga tiwaling ideya ang pumasok sa kanilang mga paniniwala at kasanayan na humantong sa kanila papalayo mula sa dalisay na tapat na monoteismo ng mga propeta. Ang ilan ay itinuring ang kanilang mga propeta at santo bilang tagapamagitan sa Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Ang ilan pa ay naniniwala na ang kanilang mga propeta ay ang mga pagpapakita ng Diyos, o "Diyos na nagkatawang-tao" o ang "Anak ng Diyos". Ang lahat ng mga maling haka-hakang ito ay humantong sa pagsamba sa mga nilikhang bagay sa halip na sa Tagapaglikha, at nag-ambag sa idolatriyang kasanayan sa paniniwalang ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay maaaring malapitan sa pamamagitan ng mga tagapamagitan. Upang mabantayan laban sa mga maling kasinungalingang ito, ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay laging binibigyang diin na siya ay isang tao lamang na may misyon ng pangangaral at pagsunod sa mensahe ng Diyos. Tinuruan niya ang mga Muslim na tukuyin siya bilang "ang Sugo ng Diyos at ang Kanyang Alipin". Sa kanyang buong buhay at mga turo, ang Diyos ay ginawa si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) na perpektong halimbawa para sa lahat ng tao - siya ang huwarang propeta, estador, pinuno ng militar, pinuno, guro, kapit-bahay, asawa, ama at kaibigan. Hindi tulad ng ibang mga propeta at sugo, ang Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay nabuhay sa buong liwanag ng kasaysayan, at ang lahat ng kanyang mga sinabi at kinilos ay maingat na naitala at natipon. Ang mga Muslim ay hindi kailangang magkaroon lamang ng 'pananampalataya' na siya ay umiral, o na ang kanyang mga turo ay napanatili - alam nila na ito ay isang katotohanan. Pinangatawanan ito ng Diyos upang maingatan ang mensaheng ipinahayag kay Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) mula sa pagkabaluktot o mula sa pagkalimot o pagkawala. Ito ay kinakailangan sapagkat ang Diyos ay nangakong si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay magiging pangwakas na Sugo sa sangkatauhan. Ang lahat ng mga Sugo ng Diyos ay ipinangangaral ang mensahe ng Islam - ito ay ang pagpapasakop sa batas ng Diyos at ang pagsamba sa Diyos lamang - ngunit si Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) ay ang huling propeta ng Islam na nagdala ng pangwakas at buong mensahe na hindi kailanman mababago hanggang sa Huling Araw.
Pitong Karaniwang mga Tanong tungkol sa Islam (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang ilan sa mga pinakakaraniwang mga katanungang itinatanong tungkol sa Islam. 2 bahagi: Tungkol sa Islamikong mga Turo at Ang Banal na Quran.
- Ni Daniel Masters, Isma'il Kaka and Robert Squires
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 06 Jul 2008
- Nag-print: 3
- Tumingin: 10,679
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
5. Ano ang mga Turo ng Islam?
Ang pundasyon ng Islamikong paniniwala ay ang paniniwala sa ganap na Monoteismo (ang Kaisahan ng Diyos). Ito ay nangangahulugang maniwala na mayroon lamang iisang Tagapaglikha at Tagatustos ng lahat ng bagay sa Sansinukob, at walang banal o karapat-dapat sa pagsamba maliban sa Kanya. Tunay na, ang paniniwala sa Kaisahan ng Diyos ay nangangahulugang higit pa sa simpleng paniniwala na mayroong "Nag-iisang Diyos" - taliwas sa dalawa, tatlo o apat. Mayroong ilang bilang na mga relihiyon na nag-aangking naniniwala sa "Nag-iisang Diyos" at naniniwalang sa sukdulan ay may iisa lamang na Tagapaglikha at Tagapagtustos ng Sansinukob, ngunit ang tunay na monoteismo ay ang maniwala na ang Nag-iisang Tunay na Diyos ang dapat sambahin ayon sa kapahayagang Kanyang ipinadala sa Kanyang Sugo. Ang Islam ay itinatanggi rin ang paggamit ng lahat ng mga tagapamagitan sa pagitan ng Diyos at Tao, at iginigiit na ang mga tao ay lumapit sa Diyos nang tuwiran at ilaan ang lahat ng pagsamba para sa Kanya lamang. Ang mga Muslim ay naniniwala na ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay Mahabagin, Mapagmahal at Maawain.
Ang isang karaniwang maling haka-haka ay ang pag-angkin na ang Diyos ay hindi mapapatawad ang Kanyang mga nilalang nang tuwiran. Sa pamamagitan ng labis na pagbibigay-diin sa pasanin at parusa ng kasalanan, pati na rin ang pag-aangking ang Diyos ay hindi kayang patawarin ang mga tao nang tuwiran, ang mga tao ay madalas na nawawalan ng pag-asa sa Awa ng Diyos. Kapag kanilang napatunayang hindi sila makalapit sa Diyos nang tuwiran, bumabaling sila sa mga maling diyos para sa tulong, tulad sa mga bayani, mga pilitikong pinuno, mga tagapagligtas, mga santo, at mga anghel. Madalas nating nakikitang ang mga taong sumasamba, nagdarasal, o humihingi ng pamamagitan mula sa mga huwad na diyos na ito, ay hindi itinuturing ang mga ito na 'diyos'. Kanilang inaangkin ang paniniwala sa Nag-iisang Kataas-taasang Diyos, ngunit inaangkin nilang nananalangin sila at sumasamba sa iba maliban sa Diyos upang mapalapit lamang sa Kanya. Sa Islam, mayroong isang malinaw na pagkakaiba sa pagitan ng Tagapaglikha at ng nilikha. Walang kalabuan o misteryo sa mga usapin ng pagka-diyos: ang anumang bagay na nilikha ay hindi nararapat na sambahin; tanging si Allah, ang Tagapaglikha, ay ang karapat-dapat sambahin. Ang ilang mga relihiyon ay maling pinaniniwalaang ang Diyos ay naging bahagi ng Kanyang nilikha, at ito ang nag-akay sa mga tao upang maniwala na maaari silang sumamba sa isang nilikha upang maabot ang kanilang Tagapaglikha.
Ang mga Muslim ay naniniwala na kahit na ang Diyos ay Natatangi at Kataas-taasan ng higit sa inaakalang pagkaka-unawa, Siya ay tiyak na walang mga katambal, kasama, kapantay, katunggali o supling. Ayon sa paniniwala ng Muslim, si Allah "ay hindi nanganak, o Siya ay ipinanganak" - alinman sa literal, alegorikal, metaporikal, pisikal o metapisikal. Siya ay Ganap na Natatangi at Walang Hanggan. Siya ang nangangasiwa ng lahat ng bagay at ganap na may kakayahang ipagkaloob ang Kanyang walang hanggang Awa at Pagpapatawad sa sinumang Kanyang piliin. Ito ang dahilan kung bakit si Allah ay tinatawag ding Makapangyarihan sa lahat at Pinakamaawain. Si Allah ay nilikha ang Sansinukob para sa tao, kung kaya nais ang pinakamainam para sa lahat ng tao. Ang mga Muslim ay tinatanaw ang lahat ng bagay sa Sansinukob bilang tanda ng Paglikha at Kabutihan ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Gayundin, ang paniniwala sa Kaisahan ni Allah ay hindi lamang isang metapisikong konsepto. Ito ay isang dinamikong paniniwala na nakakaapekto sa pananaw ng isa hinggil sa sangkatauhan, lipunan at lahat ng aspeto ng praktikong buhay. Bilang isang lohikal na kaakibat sa Islamikong paniniwala sa Kaisahan ni Allah, ay ang paniniwala nito sa pagkakaisa ng tao at sangkatauhan.
6. Ano ang Quran?
Ang Quran ay ang pangwakas na kapahayagan ni Allah sa buong sangkatauhan, na sinalita ni Allah na Siyang Kataas-taasan at ipinahayag sa pamamagitan ng Arkanghel na si Gabriel sa Arabe kay Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya), sa tunog, salita at kahulugan. Ang Quran, (kung minsan ay maling binabaybay na Koran), pagkatapos ay naipasa sa mga kasamahan ng Propeta, at kanila itong masigasig na isinaulo ng ganap at maingat na sinunod sa nakasulat nitong anyo. Ang Banal na Quran ay patuloy na binibigkas ng mga kasamahan ng Propeta at ng kanilang mga kahalili hanggang sa kasalukuyan. Sa madaling salita, ang Quran ay ang ipinahayag na aklat na Banal kasulatan mula kay Allah para sa buong sangkatauhan para sa kanilang gabay at kaligtasan.
Ngayon ang Quran ay kabisado pa rin at itinuro ng milyun-milyong tao. Ang wika ng Quran, na Arabe, ay isang buhay na wika pa rin sa milyun-milyong tao. Hindi tulad ng mga banal na kasulatan ng ilang iba pang mga relihiyon, ang Quran ay binabasa pa rin sa orihinal na wika ng maraming milyun-milyong mga tao. Ang Quran ay isang buhay na himala sa wikang Arabe, at kilala itong hindi mapapantayan sa estilo, anyo at epektong espirituwal, pati na rin ang natatanging kaalaman na nilalaman nito. Ang Quran ay ipinahayag sa isang serye ng mga kapahayagan sa Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya) sa loob ng mahigit na 23 taon. Kabaligtaran sa maraming iba pang mga relihiyosong aklat, ang Quran ay palaging pinaniniwalaang ganap na Salita ni Allah. Ang Quran ay binabasa nang lantaran sa harap ng kapwa Muslim at mga di-Muslim na komunidad sa panahon ng Propeta Muhammad (nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya), at pagkatapos nito. Ang buong Quran ay ganap ding isinulat sa panahon ng Propeta, at maraming mga kasamahan ng Propeta ang nakasaulo sa buong Quran na salita-bawat-salita (verbatim) kung papaano ito ay ipinahayag. Ang Quran ay palaging nasa kamay ng mga karaniwang mananampalataya: ito ay palaging isinasaisip na salita ng Diyos; at, dahil sa malawakang paglaganap ng pagsasaulo, ito ay ganap na napanatili. Walang anumang bahagi nito na binantuan o iniutos ng anumang relihiyosong konseho. Ang mga turo ng Quran ay binubuo ng isang pangkalahatang kasulatan ukol sa lahat ng sangkatauhan at hindi sa anumang partikular na tribo o 'piling tao'. Ang mensahe na dinadala nito ay hindi bago kundi ang parehong mensahe ng lahat ng mga propeta: 'pagpapasakop kay Allah ang Nag-iisang Diyos at pagsamba sa Kanya lamang at pagsunod sa mga Sugo ni Allah para sa tagumpay sa buhay na ito at kaligtasan sa kabilang buhay'. Kung kaya, ang kapahayagan ni Allah sa Quran ay nakatuon sa pagtuturo sa mga tao ng kahalagahan ng paniniwala sa Kaisahan ni Allah, at paglalaan ng kanilang buhay sa paligid ng patnubay na Kanyang ipinadala, na ipinakilala sa Islamikong Batas. Ang Quran ay naglalaman ng mga kwento ng mga naunang propeta, tulad nina Noe, Abraham, Moises at Hesus, ang kapayapaan ay mapasa kanilang lahat, pati na rin ang mga utos at pagbabawal mula sa Diyos. Sa ating makabagong mga panahon, kung saan napakaraming tao ang nadadala ng pag-aalinlangan, sa espirituwal na kawalang pag-asa at panlipunan at pampulitikang pagkakaiba-iba, ang Quranikong mga pagtuturo ay nag-aalok ng mga kalutasan sa kawalang-saysay ng ating mga buhay at ang kaguluhan na sumasakal sa mundo ngayon.
7. Paano Tinatanaw ng mga Muslim ang Kalikasan ng Tao, ang Layunin ng Buhay at ang Kabilang Buhay?
Sa Banal na Quran, si Allah ay itinuro sa mga tao na sila ay nilikha upang luwalhatiin at sambahin Siya, at ang batayan ng lahat ng tunay na pagsamba ay ang kamalayan sa Diyos. Ang lahat ng nilikha ni Allah ay sumasamba sa kanya ng likas at tanging ang mga tao lamang ang may malayang kalooban na sambahin si Allah na kanilang Tagapaglikha o tanggihan Siya. Ito ay isang dakilang pagsubok, ngunit isa ding dakilang karangalan. Dahil ang mga turo ng Islam ay sumasaklaw sa lahat ng mga aspeto ng buhay at etika, ang kamalayan sa Diyos ay hinihikayat sa lahat ng mga gawain ng tao. Ang Islam ay nililinaw na ang lahat ng mga gawa ng tao ay mga gawang pagsamba kung ang mga ito ay ginagawa lamang para sa Diyos at alinsunod sa Kanyang Banal na Kasulatan at Batas. Kung kaya, ang pagsamba sa Islam ay hindi limitado sa mga relihiyosong ritwal, at sa kadahilanang ito ay mas dapat na makilala bilang 'pamamaraan ng buhay' kaysa sa isang relihiyon. Ang mga turo ng Islam ay nagsisilbi bilang isang awa at isang pagpapagaling para sa kaluluwa ng tao, at ang mga katangian tulad ng pagpapakumbaba, katapatan, pagtitiis at kawanggawa ay mariing hinihikayat. Bilang karagdagan, ang Islam ay kinokondena ang pagmamataas at pagiging matuwid sa sarili, yamang ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang tanging hukom ng katuwiran ng tao.
Ang Islamikong pananaw sa kalikasan ng tao ay makatotohanan at maayos na balanse din na ang mga tao ay hindi pinaniniwalaang likas na makasalanan, ngunit tinatanaw bilang pantay na may kakayahan (gumawa) ng parehong mabuti at masama; ito ay nasa kanilang pagpili. Ang Islam ay nagtuturo na ang pananampalataya at pagkilos ay magkasama. Ang Diyos ay pinagkalooban ang mga tao ng malayang kalooban, at ang sukatan ng pananampalataya ng isang tao ay ang kanilang mga gawa at kilos. Gayunpaman, dahil ang mga tao ay nilikha din na likas na mahina at karaniwang nahuhulog sa kasalanan, nangangailangan ang mga ito ng patuloy na paghahanap ng patnubay at pagsisisi, na, sa sarili nito, ay isang anyo din ng pagsamba na minamahal ni Allah. Ang kalikasan ng tao na nilikha ng Diyos sa Kanyang Kamahalan at Karunungan, ay hindi likas na ‘tiwali’ o nangangailangan ng pagsasa-ayos. Ang daan ng pagsisisi ay palaging bukas sa lahat. Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nalalamang ang mga tao ay makagagawa ng mga pagkakamali, kaya ang tunay na pagsubok ay kung sila ay babaling at magsisisi para sa kanilang mga kasalanan at susubukang iwasan ito, o kung mas nais nila ang isang buhay na walang pag-iingat at makasalanan, habang lubos na nalalaman na hindi ito nakalulugod sa Diyos. Ang totoong balanse ng isang Islamikong buhay ay itinatatag sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang malaking takot sa nararapat na parusa ni Allah sa mga krimen at kasalanan, pati na rin ang isang matapat na paniniwala na si Allah, sa Kanyang walang hanggan na Awa, ay nasisiyahan sa pagbibigay ng Kanyang gantimpala para sa ating mabubuting mga gawa at sa taos-pusong pagsamba sa kanya. Ang buhay na walang takot kay Allah ay humahantong sa kasalanan at pagsuway, habang ang paniniwala na tayo ay nagkasala nang labis na ang Diyos marahil ay hindi tayo patatawarin ay hahantong naman sa kawalan ng pag-asa. Para sa kaliwanagan ng katotohanang ito, Sa Islam ay itinuturo na ang pagkaligaw sa kawalang pag-asa sa awa ng kanilang Panginoon, at ang ubod ng kasamaang mga kriminal na walang takot kay Allah na kanilang Tagapaglikha at Hukom. Ang Banal na Quran gaya ng ipinahayag sa Propeta Muhammad, ang kapayapaan ay sumakanya, ay naglalaman din ng isang dakilang bahagi ng ng mga aralin tungkol sa buhay sa kabilang buhay at Araw ng Paghuhukom. Ang mga Muslim ay naniniwala na ang lahat ng tao ay sukdulang hahatulan ni Allah, ang Ganap na Makapangyarihang Hari at Hukom, para sa kanilang mga paniniwala at kilos sa kanilang makamundong buhay. Sa paghatol sa mga tao, si Allah ang Kataas-taasan ay kapwa magiging Ganap na Makatarungan, sa pamamagitan ng pagpaparusa lamang sa tunay na nagkasala at mapaghimagsik na hindi nagsisising mga kriminal, at Ganap na Maawain para sa mga tao na Siya, sa Kanyang karunungan, ay humahatol sa karapat-dapat ng awa. Walang sinuman ang hahatulan para sa kung ano ang lampas sa kanilang kakayahan ginawa), o para sa hindi talaga nila ginawa. Sapat nang sabihin na sa Islam ay itinuturo na ang buhay ay isang pagsubok na hinubog ni Allah, ang Tagapaglikha, Makapangyarihan sa lahat at Pinakamadunong; na ang lahat ng tao ay mananagot sa harap ni Allah para sa kanilang ginawa sa kanilang mga buhay. Ang isang matapat na paniniwala sa kabilang buhay ay ang susi sa paghantong sa maayos na balanse at moral na buhay. Maliban na lamang, kung ang buhay ay tinatanaw bilang isang pagtatapos mismo (walang kabilang buhay), na nagdudulot sa mga tao na maging mas makasarili, materyalista at imoral sa pamamagitan ng kanilang bulag na paghahanap ng kasiyahan kahit na sa kapinsalaan ng pangangatuwiran at etika.
Magdagdag ng komento