Bakit ang mga Muslim ay Inaanyayahan ang iba sa Islam?
Paglalarawanˇ: Ang mga Muslim ay nais ibahagi ang kanilang pananaw sa buhay sa lahat ng kanilang makakatagpo. Nais nilang ang iba ay maramdaman ang kagaangang gaya ng kanilang nararamdaman at narito ang dahilan kung bakit.
- Ni Aisha Stacey (© 2014 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Mar 2018
- Nag-print: 1
- Tumingin: 3,530 (araw-araw na pamantayan: 2)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Kung natuklasan mo ang isang bagay na sobrang kamangha-mangha, naramdaman mo na parang nais mong tumalon pataas-baba sa tuwa, ano ang unang bagay na nais mong gawin? Kung pinaghihirapan mo ang sagot sa isang palaisipan at alam na ang iba ay nagsisikap rin na gawin ang parehong bagay, ano ang iyong mararamdaman, ano ang iyong magiging reaksiyon? Kung natuklasan mo ang kahulugan ng buhay o mga lihim ng sansinukob, ano ang gagawin mo sa kaalamang yaon? Kung nakahanap ka ng isang paraan ng pag-aalis ng takot at kalungkutan at palitan ito ng walang hanggang kaligayahan ano ang iyong gagawin?
Karamihan sa mga tao ay hindi maaaring pigilan ang kanilang kasabikan at maaaring nais na sabihin ito sa maraming tao hangga't maaari. Maaaring nais nilang sabihin sa lahat kung ano ang kanilang natuklasan sa pag-asang sila rin ay maging kasing sigla at kasing sabik nila. At yaon ang maikli at malalim na sagot kung bakit inaanyayahan ng mga Muslim ang iba sa Islam. Sapagkat sila ay nahikayat nang walang kaunting pag-aalinlangan na ang Islam ay ang kahulugan ng buhay, ang lihim ng sansinukob at ang susi sa walang hanggang kaligayahan na lahat ay pinagsama sa isang madaling makamit at maunawaang balutan at nais nilang ang bawat isang tao sa ibabaw ng lupa ay malaman yaon.
Ngunit may mas mahahabang sagot at ito ay may kinalaman sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, pagsunod sa mga yapak ng mga propeta, at pagkalap ng mga gantimpala sa pag-asang makamit ang walang hanggang kapayapaan at kaligayahan sa Kabilang buhay.
Ang Islam kung minsan ay tinatawag na isang nakapagpapapalit na relihiyon. Ito ay nangangahulugang isa itong relihiyong tinatangkang hikayatin ang mga tao na ang sistema ng paniniwala nito ay ang tamang sistema ng paniniwala. Ang Islam ay isang relihiyon na hindi lamang nagtataglay ng lahat ng mga sagot sa mga malalaking katanungan sa buhay ngunit kasama rin ito na walang mga paghihigpit sa kung sino ang maaaring maging isang Muslim. Ang Islam ay isang relihiyon para sa lahat ng mga lugar, sa lahat ng oras at lahat ng tao. Walang sinumang maaaring hadlangan na matutunan ang katotohanan maging anupaman ang kanilang pinagmulang relihiyon, o kung anong lahi o nasyonalidad ang kanilang kinabibilangan.
Kapag ang isang tao ay isang Muslim, siya ay ganap na kapantay ng bawat iba pang mga Muslim at hindi mahalaga kung saan sila nagmula, kung ano ang anyo nila o kung ano ang antas ng kanilang mga buhay at mga puso bago nila niyakap ang Islam. Ang katotohanan tungkol sa Diyos at ang Kanyang layunin para sa atin, ang Kanyang paglikha, ay isang bagay na dapat mapasok o malaman ng lahat. Kung kaya, sa ating nakakaalam ay pinag-utusan ng Diyos, na sabihin sa iba.
"At hayaang magkaroon mula sa inyo ng isang nag-aanyaya sa iba sa kabutihan, at nag-uutos kung ano ang tama at nagbabawal ng kasamaan: silang gumagawa nito ang yaong mga magtatagumpay." (Quran 3:104)
"Anyayahan sa Landas ng iyong Panginoon nang may karunungan at makatarungang pangangaral, at makipagtalo sa kanila sa paraang pinakamahusay. …" (Quran 16:125)
Karamihan sa mga tao ay nais ipalaganap ang kapana-panabik na balita tungkol sa Islam at kasabay na tuparin ang mga utos ng Diyos. Ang mga pantas ng Islam ay sumang-ayon na ang pag-anyaya ng iba sa landas ng Diyos ay isang obligasyong pangkomunidad, ito ay ang bawat mananampalataya ay dapat isagawa ang dakilang gawaing ito, subalit kung sa isang natatanging lugar ay mayroong sapat na bilang ng mga taong nagsasagawa nito, ang iba ay malaya mula sa obligasyong ito.
Ang gawaing ito ay tinatawag na da'wah at ang taong nagsasagawa nito ay tinatawag na da'ee. Gayunpaman, mali na ipalagay na tanging ang mga dalubhasang tao lamang ang maaaring magsagawa ng da'wah. Siyempre, ang pangangaral sa isang malaking umpukan ng mga tao ay mangangailangan ng pagsasanay, ngunit ang katotohanan ay ang lahat ng nagsasabuhay na mga Muslim ay gumagawa ng ilang uri ng da'wah araw-araw. Ang kanilang paraan ng pamumuhay at pakikitungo sa iba ay ang madalas na pinakamahusay na uri ng da'wah. Ang Islam ay isang pamamaraan ng pamumuhay at kapag nakikita ng mga tao ang kasiyahan, kahinhinan at katarungang nakakabit sa pang-araw-araw na pamumuhay ng isang Muslim - na dapat lamang, at, ito ay magiging, talagang nakakapang-akit. Ang pagiging isang mabuting halimbawa ay isang madaling paraan upang anyayahan ang mga tao sa Islam. Ang isang relihiyon ng awa at kapatawaran kung saan ang mga tao ay kumikilos nang gaya nito araw-araw ay kaakit-akit, sa mga taong ang kanilang mga buhay ay hindi gaanong grounded.
Mula sa mga kadahilanan na ang mga tao ay nais anyayahan ang iba tungo sa paraan ng Islam ay nais nilang sundin ang mga yapak ng mga propeta ng Diyos. Ang kanilang misyon ay upang anyayahan ang mga tao mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tinatangka nilang hanguin ang mga tao mula sa kawalang paniniwala sa paniniwala sa Kaisahan ng Diyos. Ang Propeta Muhammad (pbuh), ang pinakahuli sa isang mahabang kawin ng mga propeta ay ipinadala sa sangkatauhan ng Diyos upang sabihin sa kanila, bukod sa iba pang mga bagay, ang tungkol sa napakaraming gantimpala sa Kabilang Buhay para sa mga maniniwala sa Nag-iisang Diyos at sasambahin Siya nang wasto.
"Hindi ka Namin isinugo (O Muhammad) maliban para sa buong sangkatauhan bilang isang tagapaghatid ng magandang balita at tagapagbabala, ngunit karamihan sa tao ay hindi nakaaalam nito." (Quran 34:28)
"O Propeta, katotohanan, ikaw ay Aming ipinadala bilang saksi, at isang tagapaghatid ng magandang balita, at isang tagapagbabala. At bilang isang nag-aanyaya sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang kapahintulutan, at isang nagliliwanag na lampara. At magbigay ng magandang balita sa mga naniniwala na para sa kanila ay isang dakilang biyaya mula sa Diyos." (Quran 33:45-47)
Ang isa pang kadahilanan upang isagawa ang da'wah ay isa itong mapagkukunan ng walang hanggang kabutihan at gantimpala. Kapag ang isang tao ay yumakap sa Islam dahil sa impluwensya ng ibang taong nag-anyaya sa Islam ay tatanggap siya ng mga gantimpala sa tuwing sumasamba ang taong yaon sa Diyos. Sinabi ng Propeta Muhammad (pbuh), "Sinuman ang nag-anyaya sa patnubay ay magkakaroon ng gantimpala na katulad ng mga sumunod dito, nang walang gantimpalang alinman sa kanila ay mababawas."[1] Kanya ring sinabi, "Kung ang Diyos ay gabayan ang isang tao sa pamamagitan mo, ito ay magiging mas mainam para sa iyo kaysa sa pagkakaroon ng mga pulang kamelyo."[2] Sa panahon ng Propeta Muhammad (pbuh), ang mga kamelyo ay napakahalaga at ang mga pulang uri ay ang pinakamahalaga sa lahat.
Ang mga Muslim ay naniniwala na ang tanging paraan upang maging matagumpay sa buhay na ito at sa kabila ay sa pamamagitan ng pamumuhay sa relihiyong Islam. Sila ay naniniwala na ang lahat ng mga malalaking katanungan sa buhay, ang nagpapanatili sa iyong gising sa gabi at ang nagdudulot sa iyong managinip ng gising tungkol sa isang walang hanggang kaliwanagan, ay masasagot ng Islam. Ang katapatan ay isang mahalagang konsepto sa Islam; silang mga mapanlinlang na nalalaman ang kanilang mga gantimpala ay mababawasan nang mabilis. Silang mga naniniwalang matapat na nagnanais ipalaganap ang mabuting balita ng Islam ay maaaring makita ang kanilang mga gantimpala na dumadami kahit na ang kanilang mga pagsisikap ay hindi matagumpay. Ang mga Muslim ay matapat na hinahangad sa bawat tao sa mundong ito na makilala at mahalin ang Diyos sa paraang alam nila para mahalin ang Diyos. At ito ang dahilan kung bakit inaanyayahan ng mga Muslim ang iba sa Islam.
Mga talababa:
Magdagdag ng komento