Si Hesus ba ay Diyos o isinugo ng Diyos? (bahagi 1 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang una sa dalawang bahagi na artikulo na tumatalakay sa totoong papel o ginampanan ni Hesus. Unang bahagi: Nagtatalakay sa kung tinawag ba ni Hesus ang kanyang sarili na Diyos, si Jesus ay tinutukoy bilang Panginoon at ang mga katangian ni Hesus.
- Ni onereason.org
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 18 Feb 2018
- Nag-print: 20
- Tumingin: 7,431
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Si Hesus ay isang personalidad na minamahal at iginagalang ng bilyun-bilyong tao sa buong mundo. Gayunpaman mayroong sobrang kalituhan na pumapaligid sa katayuan nitong napakalaking personalidad. Parehong mataas ang pagkilala ng mga Muslim at Kristiyano kay Hesus ngunit ang kanilang pananaw sa kanya ay magkaibang-magkaiba.
Ang mga katanungang binanggit sa artikulong ito ay naglalayong matumbok ang sentro ng mga usapin na nakapaligid kay Hesus: Si Hesus ba ay diyos? O isinugo ba siya ng Diyos? Sino nga ba ang tunay na makasaysayang si Hesus?
Ang ilan sa hindi malinaw na mga talata ng Bibliya ay maaaring gamitin ng hindi wasto upang ipakita na si Hesus daw ay banal sa ilang paraan. Ngunit kung titingnan natin ang malilinaw at mga direktang talata ng Bibliya, paulit-ulit nating makikita na si Hesus ay tinutukoy bilang isang di-pangkaraniwang tao at hindi na hihigit pa dito. Ang lumilitaw, kung isasaalang-alang natin ang mga makasaysayan at lohikal na katotohanan tungkol sa buhay ni Hesus, ay konklusibong patunay na si Hesus ay hindi lamang 'hindi maaaring maging Diyos', ngunit hindi naman talaga niya inangkin o sinabi kahit kailan.
Ang sumusunod ay limang mga hanay ng pangangatwiran na nagbibigay sa atin ng kalinawan patungkol sa paksang ito sa pamamagitan mismo ng Bibliya at sa gayo’y nagpapahintulot sa atin na tuklasin ang katotohanan tungkol kay Hesus.
1. Kailanma'y Hindi Tinawag ni Hesus ang Sarili na Diyos
Ang Bibliya (sa kabila ng pagkakabago-bago at pagkakahalo-halo sa paglipas ng panahon) ay naglalaman ng maraming mga talata kung saan tinutukoy ni Hesus ang Diyos na hiwalay sa kanyang sarili at iba sa kanya. Narito ang ilan sa mga ito:
Nang tawagin ng isang lalaki si Hesus bilang "Mabuting Guro", sumagot siya “Bakit mo sinasabing mabuti ako? Ang Diyos lang ang mabuti, wala nang iba!.'' [Marcos 10:18]
Sa isa pang pagkakataon sinabi niya: “Wala akong magagawa kung sa sarili ko lang. Humahatol nga ako, ngunit ang aking paghatol ay ayon lamang sa sinasabi ng aking Ama. Kaya makatarungan ang hatol ko dahil hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng Nagsugo sa akin." [Juan 5:30]
Tinutukoy ni Hesus ang Diyos na hiwalay sa kanyang sarili at iba sa kanya: Babalik na ako sa aking Ama na inyong Ama, at sa aking Diyos na inyong Diyos. [Juan 20:17]
Sa talatang ito pinatutunayan niya na siya ay isinugo ng Diyos: At ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala Ka ng mga tao na Ikaw lang ang tunay na Dios, at makilala rin nila ako (Hesu-Kristo) na isinugo Mo. [Juan 17: 3]
Kung si Hesus ay Diyos, sasabihin niya sa mga tao na sambahin siya, ngunit kabaligtaran ang kanyang ginawa at hindi niya sinang-ayunan ang sinumang sumasamba sa kanya: Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin [Mateo 15: 9]
Kung inaangkin ni Hesus na siya ay Diyos mayroon sanang daan-daang mga talata sa Bibliya na sana'y nabanggit ito. Ngunit walang ni kahit isang talata sa buong Bibliya kung saan sinabi ni Hesus na 'ako ay Diyos, sambahin mo ako'.
2. Si Hesus bilang Anak at Panginoon?
Minsan tinutukoy si Hesus bilang 'Panginoon' sa Bibliya at sa ibang mga pagkakataon ay bilang 'Anak ng Diyos'. Ang Diyos ay tinawag na 'Ama', kaya kung pagsama-samahin ang mga pangalang ito ay masasabi na si Hesus ay anak ng Diyos. Ngunit kung titingnan natin ang bawat isa sa mga titulo na ito base sa kaugnay na kahulugan nito ay malalaman natin na ang mga ito ay sumisimbolo lamang at hindi dapat unawain sa literal na paraan.
Ang mga salitang 'Anak ng Diyos' ay isang terminolohiya na ginagamit sa sinaunang Hebreo na pantukoy sa isang matuwid na tao. Tinawag ng Diyos ang Israel na 'anak' Niya: Sinabi ng DIYOS na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki. [Exodo 4:22]. Gayundin, si David ay tinawag na 'Anak ng Diyos': Sinabi ng DIYOS sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito.' ikaw ay aking ipinanganak.' [Awit 2:7]. Sa katunayan ang sinumang matuwid ay tinutukoy bilang 'anak' ng Diyos: Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. [Roma 8:14].
Sa parehong paraan, kapag ang salitang 'Ama' ay ginagamit na pantukoy sa Diyos ay hindi ito dapat unawaing literal. Sa halip ito ay paraan ng pagsasabing ang Diyos ang Tagapaglikha, Tagapagtaguyod, Tagapangalaga, atbp. Maraming mga talata upang ating maunawaan ang simbolikong pakahulugan ng salitang 'Ama', halimbawa: Iisa ang Diyos natin at siya ang Ama nating lahat. [Mga Taga-Efeso 4: 6].
Minsan tinawag ng mga disipulo si Hesus na 'Panginoon'. Ang 'Panginoon' ay isang terminolohiya na ginagamit para sa Diyos at para din sa mga taong pinapahalagahan. Maraming mga halimbawa na ang salitang 'Panginoon' ay ginagamit para sa mga tao sa Bibliya: At sila'y nagsilapit sa katiwala ng bahay ni Jose, at kinausap nila sa pintuan ng bahay: At sinabi nila, Oh panginoon ko, tunay na kami ay bumaba ng una na bumili ng pagkain. [Genesis 43: 19-20]. Gayundin, sa ibang mga bahagi ng Bibliya, tinawag din ng mga disipulo si Hesus na 'lingkod' ng Diyos: Ang Diyos ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Hesus. [Mga Gawa 3:13]. Malinaw na ipinapakita na kapag ang 'Panginoon' ay ginagamit bilang pantukoy kay Hesus, ito ay isang titulo ng paggalang at hindi ng pagka-diyos.
3. Ang Katangian ni Hesus
Ang katangian ni Hesus ay lubos na naiiba sa katangian ng Diyos. Maraming mga bahagi sa Bibliya na nagbibigay-diin sa pagkakaibang ito sa katangian:
Ang Diyos ay Lubos na Nakakaalam sa Lahat ngunit si Hesus sa kanyang sariling pag-amin ay hindi nakakaalam sa lahat. Makikita ito sa sumusunod na talata nang sinabi ni Hesus na “Nguni't tungkol sa araw at oras na yaon walang makakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, tanging ang Ama lamang.” [Mateo 24:36]
Walang pangangailangan ang Diyos at hindi niya kailangan ng pagtulog, pagkain o tubig. Ngunit si Hesus ay kumain, uminom, natulog at nangailangan sa Diyos: Isinugo ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa Kanya. [Juan 6:57]. Isa pang tanda ng pangangailangan ni Hesus sa Diyos ay nang siya ay nanalangin sa Diyos: At lumakad siya (Hesus) sa dako pa roon, at siya'y nagpatirapa, at nanalangin [Mateo 26:39]. Ipinapakita dito na si Hesus mismo ay humingi ng tulong sa Diyos. Ang Diyos, bilang isa na sumasagot ng mga panalangin ay hindi kailangang manalangin sa sinuman. Gayundin, sinabi ni Hesus: Pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin. [Juan 14:28].
Malinaw sa Bibliya na ang Diyos ay hindi nakikita at hindi isang tao: 'Hindi mo maaaring makita ang Aking mukha; sapagkat hindi Ako maaaring makita ng tao at siya'y mabubuhay'. [Exodo 33:20], Ang Diyos ay hindi tao [Bilang 23:19]. Si Hesus, sa kabilang banda, ay isang tao na nakita ng libu-libong mga tao, kaya hindi siya maaaring maging Diyos. Bukod dito, nilinaw ng Bibliya na ang Diyos ay labis na dakila upang mapaloob sa Kanyang nilikha: Subalit paanong posibleng manirahan sa lupa ang Diyos kasama ang mga tao? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan Ninyo [2 Cronica 6:18]. Ayon sa talatang ito si Hesus ay hindi maaaring maging Diyos na naninirahan sa mundo.
Tinawag din ng Bibliya si Hesus na isang Propeta [Mateo 21: 10-11], kaya paanong mangyayari na si Hesus ay Diyos at kaalinsabay ay Propeta ng Diyos? Hindi iyan magiging makabuluhan.
Bilang karagdagan dito, ipinapaalam ng Bibliya sa atin na ang Diyos ay hindi nagbabago: Sapagka't Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. [Malakias 3: 6:]. Subalit si Hesus ay dumaan sa maraming mga pagbabago sa kanyang buhay tulad ng edad, taas, timbang atbp.
Ang mga ito ay ilan lamang sa mga patunay na matatagpuan sa loob ng Bibliya, na nagbibigay linaw na ang katangian ni Hesus ay naiiba sa Diyos. Ang ilan sa mga tao ay maaaring mag-angkin na si Hesus ay may kalikasan ng pagiging tao at pagiging diyos. Ito ay isang pagpapahayag na kailanma'y hindi ginawa ni Hesus, at malinaw na nasa pagsalungat sa Bibliya na nagpapanatili na ang Diyos ay may mga natatanging Kanyang katangian.
Si Hesus ba ay Diyos o isinugo ng Diyos? (bahagi 2 ng 2)
Paglalarawanˇ: Ang pangalawa sa dalawang bahagi na artikulo na tumatalakay sa totoong papel ni Hesus. Bahagi 2: Tinatalakay ang mensahe ni Hesus, paniniwala ng mga sinaunang Kristiyano at pananaw ng Islam kay Hesus.
- Ni onereason.org
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 12 Aug 2018
- Nag-print: 3
- Tumingin: 5,892
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
4. Ang Mensahe ni Hesus
Ang mga Propeta sa Lumang Tipan tulad nina Abraham, Noah at Jonas ay hindi kailanman nangaral na ang Diyos ay bahagi ng Trinidad, at hindi naniwala na si Hesus ay kanilang tagapagligtas. Ang kanilang mensahe ay simple: may nag-iisang Diyos at Siya lamang ang karapat-dapat sa iyong pagsamba. Hindi makatuwiran na nagpadala ang Diyos ng mga Propeta sa libu-libong taon na may parehong mahalagang mensahe, at pagkatapos ng lahat ay biglaang sasabihin Niya na Siya pala ay isa sa Trinidad at dapat kang manalig kay Hesus upang maligtas.
Ang katotohanan ay ipinangaral ni Hesus ang parehong mensahe na ipinangaral ng mga Propeta sa Lumang Tipan. Mayroong talata sa Bibliya na talagang nagbigay-diin sa kanyang pangunahing mensahe. Isang tao ang lumapit kay Hesus at nagtanong "Ano ang pangunahing utos sa lahat?" Sumagot si Hesus, "Ang pangunahing utos ay ito: ‘Makinig ka, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon. '' [Marcos 12:28 -29]. Kaya ang pinakadakilang utos, ang pinakamahalagang paniniwala ayon kay Hesus ay 'ang Diyos ay iisa'. Kung si Hesus ay Diyos ay sasabihin niya sana na 'Ako ang Diyos, sambahin mo ako', ngunit hindi niya sinabi. Inulit lamang niya ang talata mula sa Lumang Tipan na nagpapatunay na ang Diyos ay Iisa.
Ang ilan sa mga tao ay nagsasabing si Hesus daw ay namatay para sa mga kasalanan ng mundo. Ngunit isaalang-alang ang sumusunod na pahayag ni Hesus: At ito ang kahulugan ng buhay na walang hanggan: ang makilala Ka ng mga tao na Ikaw lang ang tunay na Diyos, at makilala rin nila ako na isinugo Mo. Pinarangalan Kita rito sa lupa sa pamamagitan ng pagtupad ko sa mga ipinagawa Mo sa akin. [Juan 17: 3-4]. Sinabi ito ni Hesus bago pa siya mahuli at dalhin upang ipako sa krus. Malinaw sa talatang ito na si Hesus ay hindi namatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan, Dahil natapos niya na ang gawain na iniatas sa kanya ng Diyos bago ang pagkuha sa kanya upang ipako sa krus.
Sinabi rin ni Hesus na "ang kaligtasan ay mula sa mga Hudyo" [Juan 4:22]. Kaya ayon dito hindi natin kailangang maniwala sa Trinidad o na si Hesus ay namatay para sa ating mga kasalanan upang makamit ang kaligtasan dahil ang mga paniniwalang ito ay wala sa mga Hudyo.
5. Ang mga Sinaunang Kristiyano
Sa kasaysayan, marami ang mga sekta sa unang bahagi ng Kristiyanismo na may iba't ibang mga paniniwala patungkol kay Hesus[1]. Ang ilan ay naniniwala na si Hesus ay Diyos, ang iba naman ay naniniwala na si Hesus ay hindi Diyos ngunit may bahagyang pagka-banal, at ang iba pa ay naniniwala na siya ay isang tao at hindi na hihigit pa. Ang Trinidad na Kristiyanismo na may paniniwalang ang Diyos, si Hesus at ang Espiritu ay isa sa tatlong persona ay kalaunan siya'ng naging dominante na sekta ng Kristiyanismo, noong pormal itong idineklara bilang relihiyon ng estado ng Imperyo ng Roma noong ika-4 na Siglo. Ang mga Kristiyano na tumangging si Hesus ay Diyos ay inusig ng mga awtoridad ng Roma[2]. At mula rito sa puntong ito ay patuloy na lumaganap ang paniniwalang Trinidad sa mga Kakristiyanuhan. Mayroon ding iba't ibang mga kilusan sa unang bahagi ng Kristiyanismo na tumututol sa Trinidad, kabilang sa mga kilala sa mga ito ay ang Adoptionism at Arianism.
Si Dr Jerald Dirks na isang dalubhasa patungkol sa unang bahagi ng Kristiyanismo ay nagsabi hinggil sa paksang ito: Sa unang bahagi ng Kristiyanismo ay lubos ang kaguluhan sa usapin ng likas na katangian ni Hesus. Ang nasa iba't ibang mga katayuan ng mga Adoptionist sa unang bahagi ng Kristiyanismo ay marami at kung minsan ay nangingibabaw. Maaari pa ring isipin ng isang tao na ang Arian at Nestorian ang maaring pinakamalaking pinagmulan ng Kristiyanismo ngayon, kung hindi dahil sa katotohanan na ang dalawang sangay na ito ng Kristiyanismo, na lumaganap sa gitnang silangan at sa Hilagang Africa ay may katuruang katulad sa Islam hinggil sa likas na katangian ni Hesus kaya natural silang pumailalim sa Islam sa pagsimula ng ikapitong siglo."[3]
Dahil maraming sekta sa unang bahagi ng Kristiyanismo, na bawat isa ay may iba't ibang paniniwala patungkol kay Hesus at may kani-kanilang sariling mga bersyon ng Bibliya, alin nga ba sa mga ito ang masasabi nating sumusunod sa tunay na mga katuruan ni Hesus?
Hindi makatuwiran na ang Diyos ay nagpadala ng hindi mabilang na mga Propeta na tulad nina Noah, Abraham at Moises upang sabihin sa mga tao na maniwala sa iisang Diyos, at pagkatapos ay biglang nagpadala ng isang lubos na naiibang mensahe ng Trinidad na sumasalungat sa katuruan ng mga nauna Niyang Propeta. Malinaw na ang sekta ng Kristiyanismo na naniniwalang si Hesus ay isang taong propeta at hindi na hihigit pa, ay sumusunod sa totoong mga turo ni Hesus. Ito ay dahil ang kanilang pagkilala sa Diyos ay pareho sa itinuro ng mga Propeta sa Lumang Tipan.
Si Hesus sa Islam
Ang paniniwala ng Islam patungkol kay Hesus ay malinaw na nagpapaliwanag sa atin kung sino ang tunay na Hesus. Si Hesus sa Islam ay isang pambihirang indibidwal, pinili ng Diyos bilang isang Propeta at ipinadala sa mga Hudyo. Hindi niya kailanman ipinangaral na siya mismo ay Diyos o kaya'y aktwal na anak ng Diyos. Siya ay mahimalang ipinanganak nang walang ama, at nakagawa siya ng maraming kamangha-manghang mga himala tulad ng pagpapagaling sa bulag at ng ketongin at pagpapabangon ng patay – lahat ay sa kapahintulutan ng Diyos. Naniniwala ang mga Muslim na si Hesus ay babalik bago ang pagdating ng araw ng paghuhukom upang magdala ng katarungan at kapayapaan sa mundo. Ang paniniwala ng Islam patungkol kay Hesus ay katulad sa paniniwala ng ilan sa mga sinaunang Kristiyano. Nakasaad sa Quran, Ang Dakilang Tagapaglikha ay nagpahayag sa mga Kristiyano patungkol kay Hesus sa sumusunod na paraan:
O kayong mga tao sa Kasulatan! Huwag kayong magmalabis sa inyong relihiyon. Huwag kayong magsabi ng tungkol sa Allah maliban sa katotohanan. Ang Mesiyas na si Hesus, ang anak ni Maria, ay hindi hihigit pa kaysa pagiging Sugo ng Allah, at siya ay nilikha Niya sa pamamagitan ng Salita na Kanyang iginawad kay Maria, at kaluluwa na Kanyang nilikha. Kaya’t maniwala sa Allah at sa Kanyang mga Sugo. Huwag ninyo sabihing 'Tatlo'!” Magsitigil kayo – iyan ang mainam sa inyo. Sapagkat ang Allah ay Nag-iisang Diyos, ang Kaluwalhatian ay sa Kanya, Siya ay lubos na Dakila, hindi Niya kinakailangan ang anak. Kanya ang lahat ng nasa mga kalangitan at kalupaan. At ang Allah ay Sapat na upang maging Tagapamahala ng lahat at Lubos na Mapananaligan. [Ito ay salin ng kahulugan ng Qur'an: 4: 171]
Ang Islam ay hindi naiibang relihiyon. Ito ay ang parehong mensahe na ipinangaral nina Moises, Hesus at Abraham. Ang Islam ay literal na nangangahulugang 'pagsubmita sa Diyos' at nagtuturo sa atin na magkaroon ng direktang kaugnayan sa Diyos. Ipinapaalala nito sa atin na dahil nilikha tayo ng Diyos, walang dapat sambahin maliban sa Diyos lamang. Itinuturo din nito na ang Diyos ay walang katulad, hindi katulad ng isang tao o tulad ng anumang maiisip natin. Ang pagkilala sa Diyos ay naipahayag sa maikling pangungusap sa Quran, na ang salin ng kahulugan ay:
"Ipagbadya, Siya si Allâh ang Nag-iisa, Ang Allâh ang ‘As-Samad’ ( – ang Ganap na Kinakailangan ng lahat, at Siya'y walang kinakailangan). Kailanma'y hindi Siya nagsilang o nagkaroon ng anak, at kailanma'y hindi Siya isinilang o ipinanganak. At walang kung anuman na sa Kanya ay maihahalintulad. (Salin ng Kahulugan ng Quran. 112: 1-4).[4]
Ang maging isang Muslim ay hindi pagtalikod kay Hesus. Sa halip, ito ay pagbalik sa mga orihinal na mga katuruan ni Hesus at pagsunod sa kanya.
Mga talababa:
[1] John Evans, History of All Christian Sects and Denominations, ISBN: 0559228791
[2] C.N. Kolitsas, The Life and Times of Constantine the Great, ISBN: 1419660411
[3] Sinipi mula sa 'Islamic Trajectories in Early Christian' ni Dr Jerald Dirks
[4] Ang Diyos ay hindi lalaki o babae, ang salitang ‘Him o Siya' kapag ginagamit na pantukoy sa Diyos ay hindi nagpapahiwatig ng kasarian.
Magdagdag ng komento