Ang Pinaka-mainam na Pagkatao ng isang Muslim
Paglalarawanˇ: Ang pinaka-mainam na katangian ng Muslim ay naiiba at balanse at ito ay kinapapalooban ng mga turo ng Quran at Hadith. Ito ay binubuo ng maraming magkakaibang relasyon; Sa kanyang Panginoon, kanyang sarili, kanyang pamilya at ang mga taong nasa paligid niya.
- Ni islamweb.net
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 30 Oct 2013
- Nag-print: 1
- Tumingin: 6,961 (araw-araw na pamantayan: 4)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang Kanyang Pakikitungo sa Diyos
Ang isa sa pinaka natatanging katangian ng mga Muslim ay ang kanyang taimtim na pananampalataya sa Diyos at ang kanyang matibay na paniniwala na anuman ang mangyari sa sansinukob at anumang sapitin niya, ay nangyayari lamang sa pamamagitan ng kagustuhan at kapasiyahan ng Diyos. Ang Muslim ay may malapit na kaugnayan sa Diyos, palaging inaalala Siya, inilalagay ang kanyang pananalig sa Kanya at sumusunod sa Kanya.
Ang kanyang pananampalataya ay dalisay at malinaw, walang halong dungis ng kamangmangan, pamahiin o ilusyon. Ang kanyang paniniwala at pagsamba ay batay sa mga turo ng Qur'an at ng tunay na Hadith. Pakiramdam niya na siya ay patuloy na nangangailangan ng tulong at suporta ng Diyos. Wala rin siyang magagawa sa kanyang buhay kundi ang magpasakop sa kagustuhan ng Diyos, sumamba sa Kanya, magsumikap patungo sa Tamang Landas at gumawa ng mabubuting gawain. Ang ganitong uri ng pag-iisip ay gagabay sa kanya upang maging matapat at matuwid sa lahat ng kanyang mga gawain, sa parehong hayagan at pribado.
Kinikilala din ng isang Muslim ang mga palatandaan ng walang limitasyong kapangyarihan ng Diyos sa sansinukob, at sa gayon ang kanyang pananampalataya sa Diyos ay nadadagdagan. Sinabi ng Diyos:
“Katotohanan, sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, at sa pagsasalit-salitan ng gabi at araw, naririto ang ayaat (mga palatandaan, babala, aral) para sa mga taong nagtataglay ng tamang pang-unawa. Yaong mga nag-aalala sa Diyos nang nakatindig, nakaupo at nakatagilid sa kanilang pagkakahiga, at nagmumuni-muni sa pagkalikha ng mga kalangitan at ng kalupaan, (at nagsabing): "Aming Panginoon, hindi Mo po nilikha ito sa kabulaanan. Luwalhati sa Iyo. Kaya, iligtas Mo po kami sa parusa ng Apoy (ng Impiyerno).” (Quran 3:190-191)
Ang Kanyang Pakikitungo sa Kanyang Sarili; Pag-iisip, Pangangatawan at Kaluluwa
Ang isang Muslim ay nagbibigay pansin sa pisikal na pangangailangan ng kanyang katawan, pag-aalaga ng mabuti dito at pagtataguyod sa mabuting kalusugan at lakas nito. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagiging aktibo, hindi pagkain ng labis. Sa halip, siya ay kumakain ng sapat upang mapanatili ang kanyang kalusugan at enerhiya dahil alam niya na ang isang malakas na mananampalataya ay mas mahal ng Diyos kaysa sa isang mahinang mananampalataya. Ang Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan at pagpapala) ay nagsabi: “Sa katunayan ang isang malakas na mananampalataya ay higit na minamahal ng Diyos kaysa sa isang mahinang mananampalataya. At sa kanilang dalawa ay may mabuting katangian.” Ang Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat, ay nagsabi:
“...kayo ay kumain at uminom; nguni't huwag magmalabis, katotohanan, hindi minamahal ng Diyos ang mga mapagmalabis.” (Quran 7:31)
Binibigyang pansin din niya ang kanyang personal na kalinisan sapagkat ang Propeta, ay nagbigay ng malaking diin dito. Ang kanyang hitsura ay palaging maayos at malinis. Ang kanyang kalinisan sa bibig ay napakalinis din sapagkat hinikayat ng Propeta ang paggamit ng siwak (stick para sa ngipin mula sa puno ng Arak). Gayunpaman, ginagawa niya ang lahat ng ito alinsunod sa Islamikong huwaran ng pagiging katamtaman; pag-iwas sa pagmamalabis at pagpapabaya. Ang Diyos, ang Nakatataas, ay nagsabi:
“Sabihin: Sino ba ang nagbawal sa palamuti ng Diyos, na Kanyang ipinagkaloob (ipinasuot) para sa Kanyang mga alipin, at sa mga mabubuting bagay na nagmula sa Kanyang panustos? Sabihin: "Ang mga ito ay para sa mga naniniwala sa makamundong buhay, at natatangi para sa kanila sa Araw ng Pagkabuhay na Muli." Ganyan Namin ipinaliliwanag ang ayaat (mga aral, tanda) para sa mga taong nakaaalam.” (Quran 7:32)
Bilang karagdagan sa pangangalaga ng kanyang pisikal na sarili, ang isang Muslim ay nangangalaga din sa kanyang sariling pag-iisip. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pag-iwas mula sa mga droga at pampasigla. Hindi rin niya nakakalimutan ang regular na pag-ehersisyo upang mapanatili ang kanyang pisikal na kalakasan ng katawan sapagkat mayroong isang direktang ugnayan sa pagitan ng pisikal na kalusugan at kalusugan ng pag-iisip. Pinapangalagaan din niya ang kanyang pag-iisip sa pamamagitan ng paghahanap ng kapaki-pakinabang na kaalaman; sa relihiyon at sekular. Sinabi ng Diyos:
“At ikaw ay magsabing: Aking Panginoon! Dagdagan Mo po ako sa kaalaman.” (Quran 20:114)
Ang isang Muslim ay nagbibigay din ng parehong pansin sa kanyang espirituwal na pagsulong ganun din sa kanyang pisikal at intelektwal na pagsulong. Ginagawa niya ito sa isang tiyak na balanseng anyo na kung saan hindi tumutuon sa isang aspetong para sa kasiraan ng iba. Sa kadahilanang ito, Ang buhay ng isang Muslim ay umiikot sa pagsamba at pag-alala sa Diyos; limang beses sa araw-araw na pagdarasal, pag-aayuno sa buwan ng Ramadhan, atbp.
Ang Kanyang Pakikitungo sa Mga Tao
Sa kanyang mga magulang, ang Muslim ay isang halimbawa ng taimtim na pagsunod at pagmamahal. Siya ay nakikitungo sa kanila nang may kabaitan at paggalang, walang katapusang pagmamalasakit, lubos na kagandahang-asal at malalim na pasasalamat. Kinikilala niya ang kanilang katayuan at alam ang kanyang mga tungkulin sa kanila sa pamamagitan ng kautusan ng Diyos. Sinabi ng Diyos:
“Sambahin ninyo ang Diyos at huwag kayong magtambal ng anupaman sa Kanya. At gumawa ng mabuti sa inyong mga magulang.” (Quran 4:36)
Sa kanyang asawa, ang Muslim ay nagpapakitang-halimbawa sa mabuti at mabait na pakikitungo, matalinong pangangasiwa, malalim na pag-unawa sa likas na katangian at sikolohiya ng mga kababaihan, at tamang pagtupad ng kanyang mga responsibilidad at tungkulin.
Sa kanyang mga anak, ang Muslim ay isang magulang na nauunawaan ang kanyang malaking responsibilidad sa kanila. Binibigyang pansin niya ang anumang maaaring magbigay impluwensya sa kanilang Islamikong pagsulong at bigyan sila ng wastong edukasyon. Ito ay upang maaari silang maging aktibo at nakatutulong na kabahagi ng lipunan, at pinagmumulan ng kabutihan para sa kanilang mga magulang at komunidad.
Sa kanyang mga kamag-anak, pinapanatili ng Muslim ang relasyon sa kanila at alam ang kanyang mga tungkulin sa kanila. Nauunawaan niya ang mataas na katayuan na ibinigay sa mga kamag-anak ng Islam, na siyang magpapatuloy sa kanyang pakikipag-ugnayan sa kanila, anuman ang mangyari.
Sa kanyang mga kapitbahay, ang Muslim ay nagpapakita ng mabuting pakikitungo at pagsasaalang-alang sa mga damdamin at pagiging sensitibo ng iba. Siya ay nagtitiis sa kanilang pangmamaltrato at hindi pinapansin ang mga pagkakamali ng kanyang kapitbahay habang nag-iingat na hindi magawa ng kanyang sarili ang anumang ganung pagkakamali.
Ang relasyon ng isang Muslim sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan ay ang pinakamainam at pinakadalisay na mga relasyon dahil ito ay batay sa pagmamahal para sa kapakanan ng Diyos. Siya ay mapagmahal sa kanila at hindi malupit. Siya ay tapat sa kanila at hindi sila ipagkakanulo. Siya ay totoo at hindi nanloloko sa kanila. Siya ay mapagparaya at nagpapatawad. Siya rin ay mapagbigay at humihiling para sa kanilang kaligayahan at kabutihan.
Sa kanyang panlipunang relasyon sa lahat ng tao, ang Muslim ay mabuti kung makitungo, magaling, marangal, at kakikitaan ng mga katangiang hinihikayat ng Islam. Ang ilan sa mga katangiang ito ay: hindi naiinggit sa iba, tinutupad ang kanyang mga pangako, kahinahunan, pagtitimpi, pag-iwas sa mga paninirang-puri at kahalayan, hindi nakikisali sa kung anong hindi mahalaga sa kanya, pagpipigil mula sa pakikipagtsismisan, at pag-iwas na makapagpasimula ng gulo.
Ito ang mga katangian at pag-uugaling sinisikap ng bawat Muslim na maging bahagi ng kanilang pagkatao at personalidad. Sa kadahilanang ito, ang isang lipunan na may mga residenteng may ganung mga katangian ay isa sa mga magtatamasa ng totoong kaligayahan at kapayapaan.
Magdagdag ng komento