Ang Pamilya sa Islam (bahagi 2 ng 3): Pag-aasawa
Paglalarawanˇ: Kung paano ang pag-aasawa ay nauugnay sa pananampalataya, etika at moralidad, na may katibayan mula sa Islamikong kapahayagan.
- Ni AbdurRahman Mahdi (© 2006 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 06 May 2014
- Nag-print: 4
- Tumingin: 10,128 (araw-araw na pamantayan: 6)
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Pag-aasawa
"At kabilang sa Kanyang mga palatandaan ay Kanyang nilikha para sa inyo ang mga asawang nagmula rin sa inyong mga sarili upang inyong matagpuan sa kanila ang kapanatagan at katiwasayan. At Kanyang inilagay ang pagmamahal at habag sa pagitan ng inyong mga puso. Katotohanan, naririto ang mga palatandaan para sa mga taong nag-iisip."(Quran 30:21)
Ang pag-aasawa ay ang pinaka-sinaunang mga institusyong panlipunan ng tao. Ang pag-aasawa ay umiral sa pagkalikha ng unang lalaki at babae: sina Adan at Eba. Ang lahat ng mga Propeta mula noon ay ipinadala bilang mga halimbawa para sa kanilang mga pamayanan, at bawat Propeta, mula una hanggang sa huli, ay pinangalagaan ang institusyon ng pag-aasawa bilang pagpapahayag ng banal na pakikipag-ugnay sa kabaliktarang kasarian.[1] Kahit ngayon, itinuturing pa rin na mas tama at wasto na ipakilala ng mga mag-asawa ang isa't isa bilang: "aking misis" o "aking mister" sa halip na: "aking kasintahan" o "aking kinakasama". Sapagkat sa pamamagitan ng pag-aasawa na ang mga kalalakihan at kababaihan ay ligal na tinutupad ang kanilang mga pagnanasang katawan, ang kanilang kalikasan sa pag-ibig, pangangailangan, pakikisama, pakikipag-niig, at iba pa.
"...Sila (ang inyong mga asawa, O mga kalalakihan) ay isang saplot para sa inyo at kayo (mga kalalakihan) ay isang saplot para sa kanila..." (Quran 2:187)
Sa paglipas ng panahon, ang ilang mga grupo ay pinanghawakan ang kalabisang paniniwala tungkol sa kasalungat na kasarian at sekswalidad. Ang mga kababaihan, sa partikular, ay itinuturing na masama ng maraming mga relihiyosong kalalakihan, at sa gayon ang pakikipag-ugnayan sa kanila ay dapat na manatiling madalang. Kung kaya, ang monastisismo, kasama ang panghabambuhay na pag-iwas at selibasya, ay naimbento ng mga nagnanais ng anumang kanilang itinuturing na isang banal na kahalili sa pag-aasawa at isang buhay na higit na maka-diyos.
"Pagkaraan, Aming ipinadala para kanila, ang Aming mga Sugo, at Aming ipinadala si Hesus ang anak ni Maria, at ipinagkaloob sa kanya ang Ebanghelyo. At Aming itinanim sa mga puso niyaong mga sumunod sa kanya, ang habag at awa. Subalit ang Monastisismong kanilang iminungkahi sa kanilang mga sarili; Hindi Namin ito itinagubilin para sa kanila, malibang (ito ay kanilang kusang ginawa) upang pasiyahin ang Diyos kaugnay nito, subalit ito ay hindi nila nagawang tuparin sa paraang dapat tuparin. Gayunpaman, Aming ipinagkaloob sa mga naniwalang kabilang sa kanila ang kanilang (takdang) gantimpala, subalit karamihan sa kanila ay mga suwail na makasalanan." (Quran 57:27)
Ang tanging pamilya na nakikilala ng mga monghe (Kristiyano, Budista, o iba pa man) ay ang kanilang mga kapwa monghe sa monasteryo o templo. Sa kaso ng Kristiyanismo, hindi lamang mga kalalakihan, kundi pati na rin ang mga kababaihan, ay maaaring makamit ang mga banal na ranggo sa pamamagitan ng pagiging mga madre, o "mga ikinasal kay Kristo". Itong kakaibang sitwasyong ito ay madalas na humahantong sa isang malaking bilang ng mga panlipunang katiwalian, tulad ng pang-aabuso sa bata, homoseksuwalidad at iligal na sekswal na pakikipag-ugnayan na mismong nagaganap sa pagitan ng mga nagpakailang (sa mga kumbento) - na ang lahat ng ito ay itinuturing na tunay na mga kasalanang kriminal. Ang mga ereheng Muslim na sumunod sa di-Islamikong kasanayan ng pagpipigil at pagpapakailang, o siyang kahit papaanong inaangking kumuha ng isang higit na mas relihiyosong landas sa Diyos kaysa sa mga Propeta mismo, ay katulad din na nahulog na gaya ng mga katiwaliang ito at sa isang parehong antas ng kahihiyan.
Ang Propeta Muhammad (pbuh) sa kanyang sariling buong buhay ay nilinaw ang kanyang damdamin sa mungkahi na ang pag-aasawa ay maaaring maging isang balakid sa pagiging malapit sa Diyos. Minsan, ang isang lalaki ay nanumpa sa Propeta na siya ay walang magiging kinalaman sa mga kababaihan, iyon ay, hindi kailanman mag-aasawa. Ang Propeta ay tumugon sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapahayag:
"Sa pamamagitan ng Diyos! Ako ang pinaka-may takot sa Diyos sa inyo! Gayunpaman ... ako ay nag-asawa! Ang sinumang tumalikod sa aking sunnah (kinasihang paraan) ay hindi mula sa akin (ay hindi isang tunay na mananampalataya)."
"Sabihin mo (sa mga tao O Muhammad): 'Kung kayo ay nagmamahal sa Diyos magkagayon ako ay inyong sundin, ang Diyos (magkagayon) ay mamahalin kayo at Kanyang patatawarin ang inyong mga kasalanan. At ang Diyos ay Laging-Nagpapatawad, ang Pinakamaawain." (Quran 3:31)
Sa katotohanan, malayo sa pagtingin na ang pag-aasawa ay masama para sa pananampalataya, ang mga Muslim ay pinanghahawakan ang pag-aasawa bilang isang mahalagang bahagi ng kanilang relihiyosong debosyon. Tulad ng nabanggit dati, ang Propeta Muhammad (pbuh) ay malinaw na sinabi na ang pag-aasawa ay kalahati ng Relihiyon (ng Islam). Sa madaling salita, marahil kalahati ng lahat ng mga Islamikong kabutihan, tulad ng katapatan, kalinisang-puri, kawanggawa, pagkamapagbigay, pagpaparaya, kabaitan, pagsusumikap, pagtitiis, pag-ibig, empatiya, pagkahabag, pag-aalaga, pag-aaral, pagtuturo, pagkamaa-asahan, katapangan, awa, pagtitimpi, kapatawaran, atbp., ay matatagpuan ang likas na pagpapahayag nito sa pamamagitan ng buhay may-asawa. Samakatuwid, sa Islam, ang kamalayan sa Diyos at mabuting pag-uugali ay siyang dapat na maging pangunahing pamantayan na hinahanap ng isa sa kanyang napupusuang katuwang sa pag-aasawa. Ang Propeta Muhammad (pbuh) ay nagsabi:
"Ang isang babae ay pinakakasalan sa (isa sa) apat na mga kadahilanan: kanyang kayamanan, kanyang katayuan, kanyang kagandahan at kanyang relihiyosong debosyon. Kaya pakasalan ang relihiyosong babae, kung hindi ikaw ay magiging lugi." (Saheeh Al-Bukhari)
Walang alinlangan, na ang karamdaman at pagkabulok ng lipunang laganap sa maraming bahagi ng di-Islamikong mundo ay makikita din ang pahiwatig sa ilang bahagi ng mundo ng mga Muslim. Gayunpaman, ang kahalayan, pakikiapid, at pangangalunya ay pangkalahatan pa ring kinokondena sa buong Islamikong mga lipunan at hindi pa inaalis bilang isang kriminalidad at maging isa na lamang "pagbibiro", o "paglalaro sa larangang ito" o iba pang mga ganitong walang saysay na paghahangad. Katotohanan, ang mga Muslim ay tinuturing at kinikilala pa rin ang malaking kapahamakang dulot na kaakibat sa mga pagsasama bago ang kasal at ugnayang labas sa basbas ng kasal na mayroon sa mga pamayanan. Sa katunayan ang Quran ay nilinaw na ang simpleng pagpaparatang nang walang pakundangan ay nagdadala ng napakalubhang mga kahihinatnan sa buhay na ito at sa susunod.
"At yaong mga nagparatang sa mga malilinis na babae at hindi makapagpakita ng apat na saksi (upang patunayan ang kanilang paratang), ay hagupitin sila ng walumpung haplit, at huwag ninyong tanggapin mula sa kanila ang pagsaksi kahit kailan. Sapagkat sila ay tunay na mga suwail." (Quran 24:4)
"Katotohanan, yaong mga nagparatang sa mga malilinis, walang kasalanan, walang kamalayan, mananampalatayang mga babae: sila ay isinumpa sa mundong ito at sa kabilang buhay. At sa kanila ay isang malaking parusa." (Quran 24:23)
Samantala, habang ang mga babaeng walang asawa marahil ang nagdurusa ng higit sa mga kahihinatnan ng mga mahalay na pakikipagrelasyon, ang ilan sa mga mas radikal na tinig ng kilusang pangkababaihan ay nanawagan para sa pag-aalis ng institusyon ng kasal. Si Sheila Cronin ng kilusang, NOW, na nagsalita mula sa makitid na pananaw ng isang nagmalabis na peminista na ang lipunan ay tumatakbo mula sa kabiguan ng tradisyunal na kasal sa kanluran upang magbigay sa kababaihan ng seguridad, pangangalaga mula sa mga sakit na nakukuha sa sekswal na pakikipagtalik, at maraming iba pang mga problema at pang-aabuso, na nagpalagay: "Yamang ang kasal ay nagiging daan sa pang-aalipin sa mga kababaihan, malinaw na ang kilusan ng kababaihan ay dapat na tumutok sa pagsalakay sa institusyong ito. Ang kalayaan para sa mga kababaihan ay hindi maaaring makamit kung hindi maalis ang kasal.
Ang pag-aasawa sa Islam, gayunpaman, o sa halip, ang pag-aasawa ayon sa Islam, ay nasa at ito mismo ang isang sasakyan o daan para makuha ang kalayaan ng mga kababaihan. Walang mas dakilang halimbawa ng perpektong Islamikong pag-aasawa na umiiral kaysa yaong sa Propeta Muhammad (pbuh), na nagsabi sa kanyang mga tagasunod: “Ang pinakamainam sa inyo ay silang pinakamabuti ang pakikitungo sa kanilang mga kababaihan. At ako ang pinakamabuti sa mga tao sa aking mga kababaihan.”[2]Ang pinakamamahal na asawa ng Propeta, na si A'isha, ay nagpatunay sa kalayaan na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang asawa nang sinabi niya:
"Palagi siyang nakikisama sa mga gawaing bahay at kung minsan ay tinatahi ang kanyang mga damit, inaayos ang kanyang sapatos at nagwawalis ng sahig. Kanyang ginagatasan, tinatalian, at pinapakain ang kanyang mga hayop at gumagawa ng mga gawaing bahay." (Saheeh Al-Bukhari)
"Katiyakan sa Sugo ng Diyos ay mayroon kayong isang mahusay na halimbawa para sundin para sa sinumang umaasa sa Diyos at sa Huling Araw, at umaalala sa Diyos nang higit." (Quran 33:21)
Mga talababa:
[1] Kahit nag-asawa o hindi yaong mga Propeta mismo: Si Hesus, halimbawa, ay pumaitaas sa kalangitan bilang isang walang asawa. Gayunpaman, naniniwala ang mga Muslim na babalik siya sa lupa bago ang Katapusan ng Panahon sa pangalawang pagdating kung saan siya maghahari ng kataas-taasan, isang asawa at ama na tulad ng ibang pamilyadong tao. Kaya, ang kamakailan lamang na kontrobersya tungkol sa De Vinci Code na kathang-isip na nag-asawa si Hesus at nagkaroon ng mga anak ay hindi kasinungalingan sa katotohanang nagmumungkahi ito na ang isang Mesiyas ay maaaring maging isang pamilyadong tao, na napaaga nga lang.
[2] Isinalaysay sa Al-Tirmidhi.
Magdagdag ng komento