Ang mga Pagkakatulad at Pagkakaiba sa pagitan ng Islam at Kristiyanismo (bahagi 1 ng 2): Magkatulad ngunit Magkaiba.
Paglalarawanˇ: Ang Islam at Kristiyanidad ay ipinalagay bilang dalawang monolitikong mga relihiyon. Ito ay isang pagpapaliwanag kung ano ang pinaniniwalaan ng Islam at Kristiyanismo tungkol sa mga Kapahayagan, mga Propeta at ng Trinidad.
- Ni Aisha Stacey (© 2017 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 20 Jan 2020
- Nag-print: 13
- Tumingin: 76,095
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ayon sa Sentro ng Pananaliksik ng Pew ay Islam ang kasalukuyang pangalawang pinakamalaking relihiyon sa mundo kasunod ng Kristiyanismo. Kung ang mga demograpikong takbo ay magpapatuloy ang Islam ay inaasahan na maabutan ang Kristiyanismo bago matapos ang ika-21 siglo. Sa kalagayan ng mundo ngayon ay nagiging madaling isipin ang dalawang dambuhalang mga entidad na naghaharap laban sa isa't isa ngunit hindi lamang ganito ang nangyayari. Maraming mga pagkakatulad sa pagitan ng Islam at Kristiyanismo. Sa katunayan, madaling isipin na mayroong mas maraming pagkakatulad kaysa sa mga pagkakaiba.
Kapwa ang Islam at Kristiyanismo ay hinihikayat ang mga tagasunod nito na manamit at kumilos nang may kababaang-loob, at kapwa naniniwala na ang pagiging mapagkawanggawa at pagpapakita ng habag ay kanais-nais na mga katangian ng isang tao. Kapwa nito binibigyang diin ang pagdarasal at pakikipag-usap sa Diyos, kapwa inaanyayahan ang mga tao na maging mabait at mapagbigay, at kapwa nagpapayo na pakitunguhan ang iba sa paraang inaasahan mong ikaw ay pakikitunguhan. Ang dalawang relihiyon ay umaasa sa mga tagasunod nito na maging matapat, lumalayo sa mga malalaking kasalanan at humihingi ng kapatawaran. At ang dalawang relihiyon ay iginagalang at minamahal si Hesus at inaasahan siyang magbabalik sa mundo bilang bahagi ng mga salaysay tungkol sa huling araw.
Ang mga kasapi ng dalawang relihiyon ay maaaring paniwalain tayo na ang mga ito ay magkaibang-magkaiba ngunit ang kasaysayan ng mga ito ay nagsimula sa ganap na parehong lugar, sa Hardin na kasama sina Adan at Eba. Sa buhay ni Propeta Abraham na ang landas ng mga ito ay nagsimulang magkaiba at tila upang magdagdag diin sa parehong pinagmulan ng mga ito ang Islam at Kristiyanismo kasama ang Hudaismo ay kilalang magkakasama bilang mga Abrahamikong pananampalataya.
Ang mga Propeta
Ayon sa Quran, si Abraham ay kilala bilang pinakamamahal na lingkod ng Diyos; dahil sa kanyang malalim na debosyon, ang Diyos ay ginawa ang marami sa kanyang mga inapo na mga Propeta sa kani-kanilang sariling mga mamamayan. Ang kasaysayan ng Propeta Abraham na siyang inutusang ialay ang kanyang anak ay kilala sa kapwa Kristiyanismo at Islam. Sa Islam, ang anak na yaon ay si Ismael[2] at sa pamamagitan ng kanyang kawin na ang Islam ay naitatag sa pamamagitan ng Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya. Sa Kristiyanismo, ang anak sa salaysay na iaalay ay si Isaak[3]. Sa pamamagitan ng kawin ni Isaak ay nagmula ang maraming mga Propeta kabilang sina Hakob, Joseph, Moises, David, Solomon at Hesus.
Ang isa sa anim na mga haligi ng pananampalatayang Islam ay nangangailangan na ang isang Muslim ay maniwala sa lahat ng mga Propeta. Ang pagtanggi sa isa ay ang pagtanggi sa kanilang lahat. Ang mga Muslim ay naniniwala na ang Diyos ay nagpadala ng maraming Propeta, isa sa bawat bansa. Ang ilan na kilala natin sa pangalan at ang iba ay hindi. Ang Propeta Muhammad (pbuh) ay tanyag na kanyang sinabing ang lahat ng mga Propeta ay magkakapatid sa isa't isa.[4] Kung kaya matatagpuan mong ang lahat ng mga Propeta na binanggit sa Bibliya ay iginagalang at kinikilala ng Islam. Marami sa kanila ang binanggit sa pangalan sa Quran na may detalyadong mga kasaysayan ng buhay. Ang Islam ay itinuturing ang lahat ng Propeta nang may paggalang at tinatanggihan ang mga kasaysayan sa Bibliya na nanlilibak at naninira sa ilan sa mga Propeta.
Ang Kristiyanismo ay kinikilala na ang Propeta Muhammad (pbuh) ay umiral ngunit hindi napagkalooban ng Pagkapropeta. Sa buong Kristiyanong kasaysayan siya ay tinawag na isang sinungaling at isang baliw; may ilang mga tao pa ngang iniugnay siya sa diyablo. Sa kabilang dako, ang Islam ay itinuturing ang Propeta Muhammad (pbuh) na naging isang awa mula sa Diyos para sa sangkatauhan. Sa pagkakaalam ni Hesus ang mga Kristiyano at ang mga Muslim ay maraming magkakatulad na mga paniniwala. Parehong naniniwala na ang kanyang ina na si Maria ay isang birhen nang siya ay manganak sa kanya. Ang dalawang relihiyon ay naniniwala na si Hesus ay ang Mesiyas na ipinadala sa mga mamamayan ng Israel at kapwa naniniwala na siya ay nagpamalas ng mga himala. Ang Islam gayunpaman ay sinasabi na ang ganitong mga himala ay naipamalas sa pamamagitan ng kalooban at pahintulot ng Diyos. Ang Islam ay tinatawag ang Propeta Hesus na alipin at sugo ng Diyos at siya ay itinuturing sa dakilang paggalang bilang isang tao sa mahabang kawin ng mga Propeta at Sugo na lahat ay nag-aanyaya sa mga tao na sambahin ang Nag-iisang Diyos. Ang Islam ay ganap na tinatanggihan ang paniniwalang si Hesus ay Diyos o bahagi ng Trinidad.
Ang Trinidad
Ang Trinidad ay ang diwa ng paniniwala ng Kristiyanismo na nagsasabing mayroong Nag-iisang Diyos na may tatlong mga persona, ang Ama, ang Anak at ang Banal na Espiritu. Ang Diyos ay may isang anak na tinawag na Hesus na Diyos din at sa pamamagitan ni Hesus na ang isang tao ay mararating ang Ama. Ang Banal na Espiritu, na Diyos din, ay ang banal na lakas, ang misteryosong lakas na may kinalaman sa pananampalataya. Ang Trinidad minsan ay inilalarawan bilang mga pakpak ng isang kalapati o mga dila ng apoy. Itong isang kontrobersyal na doktrina na naganap bilang isang pagtatangka na mapagkaisa ang turo ng Bibliya at ang sinaunang simbahan ng Kristiyano. Ang mga pagtatalo tungkol sa kalikasan ni Hesus ang nag-akay sa emperador ng Roma na si Constantino na pagtipunin ang Konseho ng Nicaea noong CE 325. At ang doktrina ng Trinidad ang nagdulot ng pagkahati sa pagitan ng silangan at kanlurang mga simbahan. Maging sa kasalukuyan maraming tao ang hindi magawang maintindihan o maipaliwanag ang doktrinang kanilang ipinapahayag.
Ang paniniwala sa kanilang mga sarili na mga monoteistiko ay bagay na pangkaraniwan sa kapwa Islam at Kristiyanismo. Ang monoteismo ay isang salitang nagmula sa mga salitang Griyegong 'monos' na nangangahulugang lamang at 'theos' na nangangahulugang Diyos. Ito ay ginagamit upang tukuyin ang isang Kataas-taasang Umiiral na siyang makapangyarihan sa lahat, ang Tagapaglikha at Tagatustos ng sansinukob, ang Siyang may kinalaman sa buhay at kamatayan. Ang mga Muslim gayunpaman ay naniniwala na nagsasanay sila ng dalisay na monoteismo na hindi nabantuan ng mga konsepto tulad ng Trinidad. Ang diwa ng paniniwala ng Islam ay walang Diyos na karapat-dapat sambahin kundi ang Diyos; ito ay isang payak na konsepto kung saan ang pagsamba ay nakatuon sa Diyos na Nag-iisa.
Ang mga Kapahayagan
Ang mga Muslim ay nakuha ang kanilang pag-unawa sa kalikasan ng Diyos mula sa Quran at ang mapananaligang tradisyon ng Propeta Muhammad (pbuh). Sa Quran ay ipinaliliwanag na ang lahat ng mga banal na aklat ng Kristiyanismo, ang Lumang Tipan, kabilang ang aklat ng Mga Awit, at ang Bagong Tipan na naglalaman ng mga Ebanghelyo ni Hesus ay ipinahayag ng Diyos. Samakatuwid, ang mga Muslim ay naniniwala sa Bibliya kapag ito ay hindi naiiba (orihinal na kopya) sa Quran. Ang mga Muslim ay naniniwala lamang kung ano ang pinatutunayan sa Quran at mga tradisyon ng Propeta Muhammad (pbuh) sapagkat ang Islam ay sinasabi na ang karamihan sa orihinal na teksto ng parehong Luma at Bagong mga testamento ay nawala na, binago, binaluktot o nakalimutan.
Ang mga Muslim ay naniniwala sa Quran na huling ipinahayag na teksto at ang ganap na mga salita ng Diyos na ibinaba sa Propeta Muhammad (pbuh) sa pamamagitan ng Anghel Gabriel. Ang Kristiyanismo gayunpaman ay naniniwala na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos at isinulat ng maraming iba't-ibang mga may-akda.
Mga talababa:
[1] http://www.pewresearch.org/fact-tank/2017/02/27/muslims-and-islam-key-findings-in-the-u-s-and-around-the-world/
[2] Quran 37:101 - 103
[3] Genesis 22
[4] Saheeh Al-Bukhari
Ang mga Pagkakatulad at Pagkakaiba sa pagitan ng Islam at Kristiyanismo (bahagi 2 ng 2): Magkatulad ngunit Magkaibang-magkaiba.
Paglalarawanˇ: Ang Islam at Kristiyanismo ay may labis na magka-ibang mga bagay na sinasabi tungkol sa orihinal na kasalanan, kaligtasan at mga huling araw ni Hesus.
- Ni Aisha Stacey (© 2017 IslamReligion.com)
- Nailathala noong 24 Aug 2020
- Huling binago noong 22 May 2017
- Nag-print: 6
- Tumingin: 17,771
- Nag-marka: 0
- Nag-email: 0
- Nag-komento: 0
Ang mga Muslim at Kristiyano ay may maraming pagkakatulad; mula sa kanilang mga pananaw sa kabaitan at habag hanggang sa kanilang mga salaysay ng mga huling araw ni Hesus na may malaking gagampanan sa panahong yaon. Malayo sa pagkakakulong sa labanan ng mga sibilisasyon, kahit ang isang maliit na sukat ng kaalaman ay nagsisiwalat ng mga kamangha-manghang pagkakatulad. Gayunpaman, ang mga bagay ng doktrina at paniniwala ay maaaring minsan nakagugulat na magkaiba. Sa kabila nito, may karaniwang dahilan at ilang panimulang mga punto para sa pag-uusap at talakayan.
Orihinal na Kasalanan
Ang kasaysayan nina Adan at Eba ay umiiral sa kapwa Kristiyanidad at Islam. Sa panlabas ang mga kasaysayan ay tila magkapareho. Si Adan ay ang unang tao, si Eba ay nilikha mula sa kanyang tadyang, at sila ay namuhay nang payapa sa Paraiso. Si Satanas ay kasama nila sa Paraiso; kanya silang iniligaw o tinukso sa pagkain ng bunga mula sa ipinagbabawal na puno. Ngunit bukod sa payak na mga paglalarawan, ang mga kasaysayan ay nagkakaiba ng labis. Ang Quran at ang mapananaligang tradisyon ng Propeta Muhammad, nawa'y ang awa at mga pagpapala ng Diyos ay sumakanya, ay nagsabi sa atin na si Satanas ay hindi lumapit kina Adan at Eba sa anyo ng isang ahas, ni hindi niya sila dinaya upang kumain sa ipinagbabawal na bunga. Si Satanas ay iniligaw at nilinlang sila, at sila ay nakagawa ng isang malaking pagkakamali sa pagpapasya. Hindi ito kasalanan ni Eba lamang kundi sina Adan at Eba ay magkabahagi sa pagpasan ng pagkakamali nang magkapantay.
Walang pangyayari sa Quranikong kasaysayan na sinabi sa ating si Eba ang mas mahina sa dalawa o siya ang may pananagutan sa pagkatukso ni Adan. Kanilang ginawa ang pagpapasya ng magkasama, at sa paglaon ay kanilang napagtanto ang kanilang malubhang pagkakamali, nakaramdam ng pagsisisi at nagmakaawa sa kapatawaran ng Diyos. Ang Diyos ay pinatawad silang dalawa. Dahil dito, makikita natin na ang Islam ay walang konsepto sa tinatawag na orihinal na kasalanan. Ang mga inapo ni Adan ay hindi parurusahan dahil sa mga ginawa ng kanilang ninuno. Ang Diyos ay nagsabi sa Quran na walang sinumang mananagot sa mga pagpapasya ng ibang tao. "... walang magdadala ng pasanin ang magdadala sa pasanin ng iba..." (Quran 35:18) Ang Islam ay walang konsepto na ang isang tao ay maipapanganak na makasalanan. Sa halip, ang mga tao ay ipinapanganak sa isang kalagayan ng kadalisayan at likas na nakakiling na sumamba sa Diyos. Ang kanilang mga talaan ay malinis; walang anuman para sa kanila ang patatawarin o dapat pagsisisihan.
Sa kabilang banda, ang Kristiyanong doktrina ng orihinal na kasalanan ay nagtuturo na ang sangkatauhan ay ipapanganak na nababahiran na ng mga kasalanan nina Adan at Eba. Si Hesus, ay kanilang sinasabi, na ipinanganak at namatay nga upang mabayaran ang mga kasalanan ng tao. Kung ikaw ay naniniwala na ang kamatayan ni Hesus ang tumubos ng iyong mga kasalanan, kung gayon ang pintuan sa kaligtasan ay bukas para sa iyo. Ang Islam ay tinatanggihan ito nang lubusan. Ang Islam ay nagtuturo na ang Propeta Hesus ay ipinadala sa mga Israelita upang pagtibayin ang mensahe ng lahat ng mga Propetang nauna sa kanya; na ang Diyos ay Nag-iisa, na walang mga katambal, kasama, o supling, samakatuwid, walang karapat-dapat sa pagsamba maliban sa Kanya.
Kaligtasan
Sapagkat ang Islam ay naniniwala na ang bawat tao ay ipinanganak na malaya sa kasalanan, upang manatili sa ganitong kalagayan ang isang tao ay kailangan lamang sundin ang mga utos ng Diyos, at subukang mamuhay ng isang matuwid na pamumuhay. Kapag ang isang tao ay mahulog sa kasalanan ngunit pagkatapos ay nakaramdam ng pagsisisi, sila ay dapat humiling ng kapatawaran sa Diyos. Ang kapatawaran ay dapat na hilingin nang tuwiran mula sa Diyos; walang mga tagapamagitan. Ang Quran at ang Propeta Muhammad (pbuh) ay nagsabi sa atin na ang kapatawaran ng Diyos ay madaling nakakamit. Sa mga mapananaligang tradisyon ay matatagpuan nating ang Propeta Muhammad (pbuh) ay nagsabi, "Ang Diyos ay inilalahad ang Kanyang kamay sa gabi upang tanggapin ang pagsisisi ng isang nagkasala sa araw, at Kanyang inilalahad ang Kanyang kamay sa araw upang tanggapin ang pagsisisi ng isang nagkasala sa gabi, (at yaon ay magpapatuloy) hanggang ang araw ay sumikat mula sa kanluran."[1]
Ipagbadya, 'O Aking mga alipin na nagmalabis laban sa kanilang mga sarili (sa paggawa ng masamang gawa at kasalanan)! Huwag kayong mawalan ng pag-asa mula sa Awa ng Diyos, tunay na ang Diyos ay pinatatawad ang lahat ng mga kasalanan. Katiyakan, Siya ang Laging Nagpapatawad, ang Pinakamaawain.' (Quran 39:53)
Ang taimtim na pagsisisi ay tinitiyak ang kapatawaran, at ang kaligtasan ay makakamit sa pamamagitan ng pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Ang tao ay makakatagpo lamang ng totoong kasapatan at seguridad kapag siya ay magkakaroon ng pag-asa sa awa at kapatawaran ng Diyos habang natatakot sa mga kahihinatnan na magmumula sa hindi Niya pagkalugod sa kanya. Sa Islam ang pananatiling may kaugnayan sa Diyos ang susi sa kaligtasan, at ang Quran ay nagsasabi sa atin na ang taimtim na paniniwala na sinamahan ng mabubuting mga gawa at pag-uugali ang magdadala sa buhay na walang hanggan sa Paraiso.
Gayunpaman sa Kristiyanismo, ang kaligtasan ay isa pang bagay sa kabuuan. Ito ay ang kamatayan ni Hesu-Kristo na nagdulot sa kaligtasan. Partikular sa teolohikong Romano Katoliko, ang pagkamatay ng walang-salang si Hesus, ang ganap na sakripisyo ng dugo, ang nagbunga sa kaligtasan. Ang kanyang kamatayan ang nag-alis ng mga kasalanan ng lahat ng tao na tumatanggap kay Hesus bilang anak ng Diyos at maniwala sa kanyang muling pagkabuhay. Ang ilan sa Kristiyanong mga denominasyon ay nagdagdag na ang mabubuting gawa at ang pagbubuo ng mabuting moral na mga katangian ay tumutulong sa kaligtasan ng isang tao. Ang iba ay mangangailangan pa sa isang tao na binyagan..
Ang Pagpapako sa Krus at Pagbabalik ni Hesus
Habang ang Islam at Kristiyanismo ay sumasang-ayon na ang pagpapako sa krus ay talagang nangyari nga, hindi naman sila nagkakapareho ng opinyon kung si Hesus nga ang siya mismong ipinako sa krus at namatay. Ang ideyang si Hesus ay namatay sa krus ay sentro ng Kristiyanong paniniwala, ngunit tinatanggihan ito ng Islam. Ang Islamikong paniniwala tungkol sa pagpapako sa krus at kamatayan ni Hesus ay malinaw. Ang Islam ay itinuturo sa atin na si Hesus ay hindi namatay upang magbayad para sa mga kasalanan ng tao. May balakin na ipako siya sa krus, ngunit hindi ito nagtagumpay. Ang Diyos sa Kanyang walang hanggang awa ay niligtas si Hesus mula sa kahihiyang ito sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang kahawig sa ibang tao at ipinasaitaas siyang buhay, katawan at kaluluwa, sa kalangitan. Ang Quran ay tahimik tungkol sa ganap na mga detalye nang kung sino talaga ang taong ito, ngunit ating nalalaman at pinaniniwalaan nang may katiyakan na ito ay hindi ang Propeta Hesus.
Ang Kristiyanismo at Islam ay sumasang-ayon din na si Hesus ay babalik sa mundo. Sa Islam ay ipinaliwanag na sa mga araw bago ang Araw ng Paghuhukom, si Hesus ay babalik sa mundong ito at tuturuan ang iba na maniwala sa Kaisahan ng Diyos. Siya ay magiging isang makatarungang tagapamahala, wawasakin ang mga krus, papaslangin ang antikristo, pagkatapos ang lahat ng mga Angkan ng Kasulatan (mga Hudyo at Kristiyano) ay papasok sa Islam.
Sa Kristiyanismo ang pagbabalik ni Hesus ay madalas na tinutukoy bilang Pangalawang Pagdating. Maraming mga pagkakaiba-iba sa pagitan ng Kristiyanong mga denominasyon, gayunpaman, ang karamihan ay nagtuturo na si Hesus ay babalik upang humatol sa pagitan ng mga buhay at patay, (pamamahalaan ang pangwakas na paghatol) at itatatag ang Kaharian ng Diyos. Marami ang naniniwala na siya ay maghahari sa mundo sa loob ng libong mga taon, ang ilan ay nagsasabi na ang paghahari ni Hesus ay magsisimula matapos niyang talunin ang antikristo.
Magdagdag ng komento